Saturday, July 5, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 28

CIVIL SOCIETY

Noong ikalawang hati ng dekada ochenta, pagkatapos ng unang Edsa Revolution, at sa buong dekada noventa hanggang sa unang mga taon ng ikatlong milenyo, nauso ang terminolohiyang “civil society”, na tumutukoy sa bahagi ng pribadong sektor na direktang naglilingkod sa kabutihang panlahat (common good), bilang ikatlong sektor sa nauso ring “tripartite partnership projects”, kasama ng pamahalaan (government sector) at ng mga mangangalakal (business sector). 

Noong hindi pa uso ang “civil society” sa usapang panlipunan, public sector at private sector lamang ang madalas na marinig, tumutukoy lamang sa pamahalaan, bilang direktang namamahala sa pagtungo ng sambayanan sa kabutihang panlahat; at sa sektor ng mga mangangalakal, private business, na direktang nakatuon sa paglikha ng kayamanan, tubo o kita, ng pribadong mangangalakal, at sa ganoong paraan nakatutulong sa pag-unlad ng sambayanan.  Ngunit sa pagpipino at paglago ng kamalayang panlipunan, hindi nga naman maaaring hindi makitang may bahagi rin ang private sector na hindi tubo o kita ang pinagtutuunan kundi direktang kabutihang panlahat din; at ang mga ito nga ang nakasanayan nang tawaging “civil society”.

Mula sa civitas, katagang Latin, ibig sabihin, “lungsod” o pamayanan, city sa Ingles, ang una at talagang kahulugan ng “civil society” ay “sambayanang may pamahalaan”—katumbas ng political community, mula naman sa polis, “lungsod” din sa wikang Griyego—upang itangi o ibukod sa “pamumuhay sa iláng”, paninirahan sa gubat, nang walang pamahalaan kundi ng ama ng pamilya o pinuno ng tribo; pagiging nasa labas ng lungsod, nasa labas ng “sibilisasyon”.  Ganunpaman, gamitin natin ang “civil society” sa kasalukuyang kahulugan bilang bahagi ng pribadong sektor na, bagamat pribado at sa labas ng sektor ng pamahalaan, ay direktang nakatuon din sa kabutihang-panlahat; may causa o adhikaing panlipunan, hindi pansariling tubo o kita; cause-oriented, sa Ingles.  At sa ganitong pakahulugan, kapag pinag-uusapan ang civil society, agad na papasok sa kaisipan ang mga non-government organizations o mga NGO.

Malaki ang kontribusyon ng mga NGO sa pag-unlad ng sambayanan; hindi lamang sa pagtaas ng antas ng kamalayan at antas ng usapan, kundi pati rin sa mga kongkretong proyekto o pisikal na epekto.  Isang halimbawa nito ang epekto ng mga NGO sa larangan ng pangangalaga sa kalikasan.

Mahirap nga namang isiping kumita mula sa pangangalaga ng kalikasan.  Hindi ito serbisyong kailangan ng indibidwal na consumer, walang bibili; hindi maaaring iasa sa business sector. 

Sa katunayan, sa higit na maraming pagkakataon, ang kita ay nasa pagbenta at paggamit ng likas-yaman (pangingisda, pagtotroso, pagsasaka, pagmimina), kaya nga, sa tradisyunal na sistema, pamahalaan lamang ang maaaring asahang mangalaga sa kalikasan—laban sa labis o maling paggamit nito.  Sa kabilang dako, hindi rin maitatangging sa maraming pagkakataon, hindi kayang lubos na magampanan ng pamahalaan ang pangangalaga sa kalikasan, lalo na sa mga bansang “mura pa” sa karanasan at kulang pa sa katatagan ng mga institusyon at ng sistema ng batas.  Bukod dito, sa laki ng maaaring tubuin o kitain ng business sector mula sa pag-angkin at pagbenta ng likas-yaman, hindi nga naman malayong makayanang “bilhin” ang pagluluwag ng mga kawani ng pamahalaan sa kanilang pagbabantay.  Dahil dito, hindi kataka-takang magkaroon ng malaking papel ang mga NGO sa pagbantay sa kalikasan.  Masasabi rin ito tungkol sa maraming isyung pang-kabutihang-panlahat:  paggalang sa mga karapatang pantao (human rights), pagsugpo sa krimen at katiwalian sa pamahalaan, atbp.

Sa kabila nito, mapapansin ding tila nawawala sa uso ang civil society at mga NGO.  Bumabalik na naman tayo sa “public and private partnerships” (PPP)—ang tinutukoy ay government sector at business sector na lamang—hindi na “tripartite”, dahil hindi na kasali sa usapan ang mga NGO.  Bunsod din ito, marahil, ng pag-abuso ng marami sa konsepto ng civil society at sa taguri bilang NGO.  Isa sa pinakamalaking halimbawa nito ang mga NGO na pinuntahan ng bilyun-bilyong piso mula sa maraming mambabatas na nasasangkot sa pork barrel scam.  Lumalabas na itinatag lamang ang mga ito upang tumanggap ng pondo mula sa pork barrel ng mga mambabatas—para sa kung anu-anong proyektong hanggang papeles lamang—at upang paghati-hatian lamang ng mga mambabatas at ng mga personalidad na nasa likod ng NGO na iyon.  Dahil anyong pang-kabutihang-panlahat, legal na maaaring paglaanan ng pondo ng pamahalaan; at dahil hindi ahensyang bahagi ng pamahalaan, hindi karaniwang napapailalim sa masusing pagsisiyasat ang pagkilos at paggamit ng pondo.  Bukod dito, sa bahagi ng tunay ng mga NGO, hindi rin nila maiwasang makulayan ng ideolohiya o pansariling interes ng mga indibidwal o grupong nagpapakilos sa kanila, sa pagbigay ng pondo o sa mismong pagpapatakbo ng institusyon.  Sa madaling salita, sa pagkilatis sa karakter ng isang NGO, kailangang kilatisin din ang tunay na layunin ng mga puwersang nagpapakilos dito, kung naayon ba o hindi sa kabutihang panlahat.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Sunday, June 22, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 27

SA PAGITAN NG PULITIKO AT NG BURUKRASYA

Iba-iba ang mga gawain sa pamahalaan.  Magkakaiba ang gawain ng mga pulitiko, ayon sa pulitikal na tungkuling hinahawakan; iba pa rin ang gawain ng mga pulitiko sa gawain ng hanay ng mga propesyonal na permanenteng kawaning masasabing bumubuo ng burukrasya; ngunit sa huli, ang resultang gawa ay pagkilos ng pamahalaan sa kanyang kabuuan bilang institusyon.  Hindi maaaring angkinin ng iisang tao ang papuri, kung naging mabuti ang resulta; at hindi rin maaaring ibunton sa kung sinong indibidwal ang lahat ng sisi, kung hindi mabuti.  Ganunpaman, hindi rin maiaalis na maghanap ang sambayanan ng “personalidad” na pagpapanagutin sa ganoong pagkakataon, sapagkat ang pananagutan—responsibility o liability—ay maaari lamang magmula sa malayang pagpili, at ang pagpili ay isang personal na akto.

Ang ganitong pananagutan ng kawani ng pamahalaan, kasali ang mga pulitiko, ay maaaring pumasok sa isa sa tatlong uri, o sa anumang kumbinasyon ng mga ito, sa ating sistema ng batas:  una, pananagutang kriminal, kapag may paglabag sa batas na nagpapataw ng parusa (madalas may pagkulong); pangalawa, pananagutang sibil, tumutukoy sa pagbalik o pagbayad ng salapi o ari-arian; at, pangatlo, pananagutang administratibo, kapag may paglabag sa moralidad o pagsuway sa utos ng nakatataas na maykapangyarihan (may krimen man o wala), na maaaring patawan ng parusa mula sa simpleng pagsabon (reprimand), pagsuspindi sa loob ng kung anong itakdang panahon, hanggang sa pinakamataas na parusang pagtanggal mula sa tungkulin (dismissal). 

Lahat ng tauhan ng pamahalaan, pulitiko man o permanenteng kawani ng burukrasya, ay maaaring pagpanagutin sa anumang personal na aktong maaaring paksain ng usaping kriminal, sibil o administratibo.  Ganunpaman, sa pagkilos ng pamahalaan bilang institusyon, may mga pagkakataong walang personal na akto ninuman ang maaaring maging batayan ng pananagutang kriminal, sibil o administratibo. 

Halimbawa nito, marahil, ang trahedya ng hostage crisis sa Luneta noong Agosto 23, taong 2010, na kinamatayan ng walong turistang taga-Hong Kong, at ng mismong dating pulis na nang-hostage sa kanila.  Ganundin, sa pananaw ng ilan, ang naantalang pagtugon at mabagal na pagpapanumbalik ng kaayusan sa Tacloban pagkatapos ng super-typhoon Yolanda noong Nobyembre ng 2013.  Isali na rin natin dito ang pagbagsak ng ekonomiya, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at iba pang maaaring mangyaring malamang na hindi maaaring isisi sa personal na akto ng sinumang indibidwal sa pamahalaan.

Sa ganitong mga pagkakataon, at kung maghahanap ng masisisi ang sambayanan, walang ibang maaaring pagpanagutin kundi ang pulitiko o mga pulitikong nanunungkulan, at ito ay sa pamamagitan lamang ng hindi pagboto sa kanila sa kasunod na halalan.  Makatarungan din ito, lalo na kung mangyari sa partidong nasa kapangyarihan, sapagkat sa kahulihulihan, sa sistema ng ating demokrasya, kursunada rin lang ang batayan ng pagboto ng manghahalal.  Sa madaling salita, ang pagboto sa kung sinong kandidato ay isa ring “political decision”, sa bahagi ng indibidwal na mamamayan.

Isang pagpapapino sa kaisipang ito ang pagkakaroon ng kadre ng mga propesyonal na kawaning, bagamat may mataas na pinag-aralan at kasanayan sa kani-kanyang gawain, ay hindi rin permanenteng bahagi ng burukrasya kundi nanunungkulan lamang na kasabay ng pulitikong nagtalaga sa kanila, o habang may tiwala ng pulitikong iyon.  Kasama sa hanay na ito ang mga cabinet secretaries, sa pamahalaang nasyonal, at mga co-terminous na puno ng tanggapan sa mga pamahalaang lokal; halimbawa, ang administrator at ang legal officer ng pamahalaang panlalawigan. 

Dahil hinahanapan ng mataas na kahusayan, kailangang kilatisin din at sang-ayunan ng mga pulitikong nasa sangay ng lehislatura ang pagtalaga sa cabinet secretaries ng Punong Ehekutibo.  Ngunit dahil sila ay mistulang pagpapalawak lamang—extension—ng personalidad ng pulitikong nagtalaga sa kanila, hindi sila permanente sa katungkulan. 

Wala mang alam sa pagsasaka ang isang Pangulo, maaari naman siyang umasa sa kanyang itinalagang Kalihim sa Department of Agriculture.  Maaari ngang sisihin ang isang Pangulo kapag bumagsak ang suplay ng pagkain sa bansa, hindi dahil sa kawalan niya ng kaalaman sa agrikultura, kundi sa pagpili ng kanyang Kalihim.

Mahirap maghanap ng mga ekspertong papayag na maglingkod sa pamahalaan sa ganitong mala-pulitikal na mga katungkulan, sa isang maliit na hanay na nasa pagitan ng pulitiko at ng burukrasya; mga dalubhasa sa kani-kanyang propesyon, ngunit walang seguridad sa panunungkulan.  Hindi sila tatagal nang higit sa tatlo, o anim na taong termino, ng pulitikong lokal o nasyunal, na nagtalaga sa kanila.  Ito ay realidad na dapat isaalang-alang sa pag-unawa at pagkilatis sa pagkilos ng pamahalaan.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, June 11, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 26

BURUKRASYA AT PROPESYONALISMO

Sa pagpapanibago ng ating kultura sa pulitika, isa marahil sa mga pagwawastong dapat mangyari ang pagkilala sa pagkakaiba-iba ng mga gawain sa pamahalaan.  At bukod sa pagkakaiba ng gawain ng mga pulitiko—iba ang gawain ng mga mambabatas at iba rin ang gawain ng isang punong ehekutibo—may higit na malaki pang pagkakaiba ang gawain ng mga nasa “burukrasya” kung ihahambing sa gawain ng mga pulitiko.  Kung ang hanay ng mga pulitiko ay para sa mga “political decisions”, ang burukrasya ay para naman sa mga “regular” na gawa ng pamahalaan, na madalas ay may pagka-teknikal.

Mainam na pag-usapan ang pagkakaibang ito sapagkat tila may kalituhang namamayani sa maraming pagkakataon.  Kung minsan, inaako ng pulitiko ang dapat na nakasalalay sa burukrasya; at madalas, dahil dito, nai-aasa ng madla sa pulitiko—nagiging “political”—ang mga serbisyong regular na dapat magmula sa burukrasya at hindi sana kailangang dumaan sa pulitiko.  Bakit nga naman kailangang humabol-habol, lumuhod, at magmakaawa sa harapan ng pulitiko kung ang pangangailangan ay dapat na regular na tinutugunan ng DSWD o ng mga ospital ng pamahalaan?  Paano naman ang mamamayang maituturing na “kalaban” sa pulitika o nasa kontra-partido ng pulitikong nanunungkulan?  Ito nga sana ang uri ng mga gawaing nakasalalay sa burukrasya.

Ang bureacracy, katagang Ingles, ay mula sa bureau ng wikang Pranses, ibig sabihin, “mesang sulatan,” desk sa Ingles, at sa katagang kratos ng wikang Griyego, ibig sabihin, “kapangyarihan” o “pamamahala”.  Sa madaling salita, ang “burukrasya” ay ang “pamamahala ng mga mesang sulatan”, larawan ng mga regular o permanenteng kawaning nakaupo sa kani-kanyang desk, na may kasanayan sa kanyang natatanging gawain.  Masasabi rin nating “propesyonal” ang mga ito dahil sa mataas na antas ng kasanayan o edukasyong hinahanap bilang kwalipikasyon, at dahil din sa pagiging regular o permanente ng kanilang pagkakatalaga sa tungkulin.

Isa sa mga nagpalaganap ng pag-uusap tungkol sa burukrasya ang naging tanyag na sociologist na Aleman na si Max Weber (nabuhay noong 1864 hanggang 1920).  Bukod sa pagiging mga permanenteng kawaning may mataas na mga kasanayan (ito ang buod ng konsepto ng pagiging propesyonal), ang pagiging organisado sa loob ng istrukturang may mga baitang ng kapangyarihan (hierarchical) ay isa rin sa mga katangian ng burukrasyang itinuturing ni Weber na tanda ng pag-unlad ng sistema ng pamahalaan, bunsod ng paglawak ng mga nasasakupan at pagsalimuot ng mga lipunan.

Sa kabilang dako, hindi maaaring hindi banggitin ang ilang pinakamahalagang puna laban sa burukrasya o sa labis na paglakas ng burukrasya—bureaucratization—sa pamahalaan.  Una rito ang pagiging hindi-halal ng mga napapabilang dito (at dahil dito, hindi sensitibo sa kalooban ng madla); at ikalawa ang malamang na posibilidad na mauwi sa pagiging mistulang makina, hindi na makataong pagkilos, ng pamahalaan, na maaaring pagmulan ng hindi makatarungang resulta. 

Hindi nga naman maaaring maging halal ang mga kawaning napapabilang sa burukrasya sapagkat kailangang sila ay permanente sa katungkulan kung hahanapan ng mataas na antas ng kasanayan o edukasyon.  Ipinagpapalagay dito na ang isang taong may mataas na pinag-aralan ay naghahanap ng permanenteng pagkakatalaga sa katungkulan, na kung hindi niya makukuha sa loob ng pamahalaan ay malamang na makukuha niya sa labas.  At hindi maaaring hanapan ng mataas na pinag-aralan ang mga halal na opisyal dahil malamang na walang kandidatong papasa.  Kung mataas na pinag-aralan ang hinahanap, dapat permanente ang pagkakatalaga.  Kung “madaling palitan” ang kailangan, hindi maaaring hanapan ng mataas na pinag-aralan.  Nakakatulong lang, ngunit hindi talaga kailangan, kung may teknikal ding kaalaman ang pulitiko.

Sa kabilang dako, hindi rin katanggap-tanggap na ang pagkilos ng pamahalaan, sa kanyang kabuuan, ay maging mistulang pagkilos ng isang makina.  Kailangang maging sensitibo ang pamahalaan sa kalooban ng nakararaming mga mamamayan.  Dahil dito, kailangan ang mga pulitiko.  Ipinagpapalagay na sensitibo ang mga pulitiko sa kalooban ng madla dahil maaari silang palitan sa kasunod na halalan.  Hindi rin nawawala ang maya’t-mayang mga pagpapasyang hindi nakabatay sa teknikal na kaalaman (ni sa legalidad, ni sa moralidad), kundi sa kursunada lamang ng nagpapasya:  ang tinutukoy na “political decisions”.

May wastong pagkakatimbang sa pagtatalaban ng pagkilos ng mga pulitiko at ng hanay ng burukrasya sa pamahalaan; mahirap nga lamang hanapin ang puntong ito.  Sa katunayan, walang katapusan ang pagsasa-tono o fine-tuning na kinakailangan, nakasalalay din sa madla at sa mismong mga pulitiko at kawani ng burukrasya.  Dapat itong magsimula sa pagkilala ng pagkakaiba-iba ng mga gawain kung magiging pasulong, at hindi paurong, ang pagbabago sa ating kulturang pampulitika. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Sunday, May 18, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 25

WALANG PERSONALAN

“Walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak”.  Ito ang isa sa pinakamalakas na umalingawngaw na linya mula sa Inaugural Speech ni Pangulong Erap Estrada noong June 30, 1998.  Katulad din ng “walang wang-wang” ni Pangulong Noynoy Aquino noong 2010, tumagos at tumalab sa kalooban ng marami sapagkat tumama sa isang malaking bahagi ng karanasan sa ating tradisyunal na pulitika. 

“Walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak”.  Bagamat naiiba nang kaunti ang konteksto ng talumpati ni Pangulong Erap, masasabi pa ring tumutugon ang linyang ito sa isa sa maituturing na sakit ng pulitikang trapo: ang “personalismo”, o ang labis na pamamayani ng indibidwal na pagkatao sa pagkilos ng pamahalaan.  Parang sinabi na rin ni Pangulong Erap na “Trabaho lang, walang personalan”.

Kapag pinag-uusapan nga naman ang pagkilos ng pamahalaan, alam din ng lahat na batas, hindi personalidad ng kung sino, ang dapat na maging batayan.  Ours is a government of laws, not of men.  Hindi mahalaga kung sino ang kaharap kundi ano ang nararapat, ano ang makatarungan ayon sa batas.  Ito rin ang dahilan kung bakit ang pandaigdig na sagisag ng katarungan ay babaeng nakapiring.  Hindi siya maaaring tumingin sa pagkatao ng indibidwal na kaharap.

Alam din ng lahat na walang-personalan dapat ang pagkilos ng pamahalaan; ganunpaman, sa maraming pagkakataon, namamayani pa rin ang personalismo:  naibibigay o naipagkakait ang biyaya o parusa depende sa kung sino ang nakaupo sa puwesto at sa kung sino ang kaharap; lumalabas na parang sa indibidwal na pagkatao ng pulitiko nagmumula at sa indibidwal na pagkatao ng kaharap nakapatungkol ang pagkilos ng pamahalaan.  Sa katunayan, maliban sa paminsan-minsang political decisions, hindi ang indibidwal na pagkatao ng pulitiko ang pinagmumulan o ang kumikilos kundi ang pamahalaan sa kanyang kabuuan bilang institusyon.  Walang matatawag na kaibigan, kumpare, o kamag-anak ang pamahalaan. 

Sakit nga ng tradisyunal na pulitika ang personalismo sapagkat hindi nararapat sa ating sistema ng batas.  At namamayani nga ang personalismo sapagkat, sa maraming pagkakataon—at sa pananaw din ng marami—kailangang maging malapit sa indibidwal na pulitiko—bilang kamag-anak, kumpare, o kaibigan—upang makatamasa ng biyaya mula sa pamahalaan; at sa pagbaligtad ng punto de vista, ang indibidwal na pulitiko ang pinagmumulan ng biyaya at ito ay dapat tanawing personal na utang na loob ng mamamayang nabiyayaan.

Sa karaniwan o pang-araw-araw na pagkilos ng pamahalaan, halos hindi nasasangkot at hindi dapat masangkot ang indibidwal na pagkatao ng pulitiko.  Hindi siya ang pumipili ng kontratistang magsasagawa ng proyekto:  may proseso ng pagpili ayon sa batas, sa pamamagitan ng competitive bidding.  Malamang ay hindi rin siya ang nag-disenyo ng silid-paaralan, lalo na kung ihahalimbawa natin ang isang konggresman na ang kwalipikasyon lamang sa Saligang Batas ay pagiging natural-born citizen, hindi bababa sa dalawampu’t-limang taong gulang, at marunong bumasa at sumulat (Sec. 6, Art. VI). 

Hindi nga indibidwal na pagkatao ng pulitiko ang pinagmumulan o ang kumikilos kundi ang pamahalaan sa kanyang kabuuan bilang institusyon.  Dahil dito, ang kabaligtaran ng personalismo, na dapat na maging kalakaran o pinatutunguhan ng ating kulturang pampulitika, ay matatawag na “institusyonalisasyon”, ibig sabihin, pagpapalakas at pagpapatatag sa pamahalaan bilang institusyon, sa halip na nagiging parang pinalawak lamang na personalidad ng pulitiko.

Hindi malinaw ang etimolohiya ng katagang Ingles na institution; ganunpaman, masasabi natin marahil na may kaugnayan ito sa ens, katagang Latin, na ibig sabihin, “bagay na umiiral,” entity sa wikang Ingles.  Sa madaling salita, ang isang “institusyon” ay kalipunang may sariling katalagahan, may pag-iral na maibubukod o maitatangi sa mga personalidad na bumubuo nito.  Maaari rin sanang tawaging separate personality kung hindi natin kailangang iwasan ang katagang “personalidad” upang hindi magkalituhan; sapagkat sa kontekstong ito, “personalismo” ang sakit na kalaban ng “institusyonalisasyon”.

Hindi naman masama ang “personalan”; sa katunayan, napakahalaga nito sa maraming larangan ng buhay ng tao:  sa ating pakikitungo sa mga kapamilya, pakikipagkaibigan, at higit sa lahat, sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.  Ganunpaman, hindi ito nararapat sa pagkilos ng pamahalaan. 

Hindi kailangan ang maging kaibigan, kumpare, o kamag-anak ng pulitikong namumuno upang matamasa ang nararapat mula sa pamahalaan.  Kung ito ang naging mensahe sa Inaugural Address ni Pangulong Erap noong 1998, tila ang hindi pagkakasakatuparan nito ang isa sa mga naging dahilan ng pagkakapababa sa kanya mula sa pagka-Pangulo noong Edsa Dos sa pagsimula ng taong 2001.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, May 3, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 24

PAG-IBIG SA KATOTOHANAN, PAG-IBIG SA BAYAN

Tuwing Mahal na Araw, Semana Santa sa Español, Holy Week sa Ingles,  dalawang beses na binabasa sa liturhiya ang Pasyon, o ang pagpapakasakit hanggang kamatayan sa Krus ng ating Panginoong Hesus:  una, sa araw ng Linggo ng mga Palaspas, Palm Sunday (tinatawag din itong Passion Sunday), mula sa ebanghelyo ni Mateo, Marcos o Lucas (naghahalinhan ang tatlong ito sa bawat taon); at, ikalawa, sa araw ng Biyernes Santo, mula naman sa ebanghelyo ni San Juan.  Laging mula sa ebanghelyo ni San Juan tuwing Biyernes Santo.  Sa  ebanghelyo ni San Juan matatagpuan ang pinakakilalang linyang nagmula sa bibig ni Poncio Pilato: “Ano ang katotohanan?” (Jn 18:38), What is truth?; at sa Latin, <Quid est veritas?>.

Hindi binigyan ni Pilato ng pagkakataon si Hesus—ang Karunungan ng Diyos—na sagutin ang tanong.  Si Pilato ay agad na lumabas at humarap sa mga Hudyo; halatang walang totoong pagnanasang marinig ang sagot.  Ganunpaman, masasabi nating katotohanan ang katalagahan ng isang bagay (sa kahulihulihan, kung ano talaga iyon sa mata ng Diyos).  Katotohanan din ang tawag sa pagkakatugma ng ating nalalaman at ng katalagahan ng isang bagay; ganundin ang pagkakatugma ng ating nalalaman o nasasaloob at ng ating sinasabi.

Mahalaga ang pagsabi ng totoo, hindi lamang ang pagiging tapat sa sarili kundi ganundin sa ating pakikipagkapwa, sa buhay-lipunan.  Likas nga namang “katotohanan” ang obheto o pinatutunguhan ng ating mga pag-iisip. 

Ang pag-iisip ng tao ay likas na nakatakda sa pag-unawa ng totoo; hindi ng kung-anuanong kasinungalingan o kabalbalan.  Kaya nga masasabing kautusan ng Batas Kalikasang Moral ang huwag nating pagsinungalingan ang ating kapwa—nasa Ikawalong Utos din ito ng Dekalogo, Thou shalt not bear false witness against thy neighbor—dahil likas na karapatan ng bawat tao ang hindi mapaglakuan ng kasinungalingan.

Mabuti rin marahil na sabihing ang tungkuling maging totoo, magsabi ng totoo sa kapwa, ay nakabatay sa karapatan niyang malaman ang katotohanan.  Ibig sabihin nito, may mga pagkakataong hindi dapat isiwalat ang katotohanan:  maaaring dahil napakamura pa ng isip ng mga makikinig, kaya nga tinututulan ng marami ang pagsasabatas sa RH Law ng  sex education sa mga batang mag-aaral; maaari ring dahil sa malamang na hindi mabuting kahihinatnan, halimbawa ay ang pagbulgar sa kinaroroonan ng isang personalidad na posibleng tambangan at paslangin ng kanyang mga kalaban. 

Halimbawa rin ng pagkakataong may tungkulin tayong huwag ipahayag o isiwalat ang katotohanan ang maaaring maging pagkasira ng puri ng ibang tao nang walang mabigat na kabutihang idudulot.  Ganundin ang mga pagkakataong napasa-atin ang kaalaman dahil sa pangako at tiwalang itatago nating lihim iyon:  Ito ang kalalagayan ng mga Confessor o Padreng nagpakumpisal, at mga abogado, sa mga kasalanan at lihim ng kanilang penitente o kliyente.  Ganunpaman, sa pangkalahatan, kailangan nating maging tapat sa ating kapwa—magkaroon ng birtud, mabuting ugali o kasanayang magsabi ng totoo, honesty o truthfulness sa Ingles.  Hindi maligaya ang buhay ng isang taong kilalang sinungaling.

Sa kanyang huling liham-ensiklikal bilang Santo Papa, inilabas noong taong 2009 at gumugunita sa Populorum Progressio ni Papa Pablo Ikaanim, pinag-usapan ni Papa Benedicto Ikalabing-anim ang pag-ibig na naaayon sa katotohanan, pag-ibig na isinasagawa sa katotohanan.  “Pag-ibig sa Katotohanan”: Ito ang eksaktong kahulugan ng pamagat ng ensiklikal na Caritas in Veritate, wikang Latin, at ang katumbas sa Ingles ay “Love done in truth”.  Maituturing na social encyclical din ang Caritas in Veritate, nagbibigay ng aral tungkol sa buhay-lipunan.

Sa pambungad ng liham-ensiklikal, sinasabi kaagad, “Charity...needs to be understood, confirmed, and practised in the light of truth; ang pag-ibig ay kailangang maunawaan, mapatatag, at maisagawa sa liwanag ng katotohanan (CV, No. 2).  Kung ang pag-ibig sa bayan—social justice o solidarity—ay paglayon sa kabutihang panlahat, dapat nga namang linawin muna kung ano ang tunay na common good.

Mabuti ring namnamin ang sinabi mismo ng Panginoong Hesus: “Katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Jn 8:32), the truth shall set you free; at sa wikang Latin, Veritas liberavit vos.  At siyempre, sinabi rin ni Hesus:  “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” (Jn 14:6), I am the way, the truth and the life; at sa Latin, Ego sum via, et veritas, et vita

Si Kristo ang kaganapan ng Totoo sapagkat Siya ay totoong Diyos; Tunay na Diyos at tunay na Tao.  Sa persona ni Kristo nakabalot ang lahat ng katotohanang kailangan nating malaman upang makamit ang tunay na kaligayahan, dito sa daigdig at sa buhay na walang-hanggan.

Hanggang dito na lamang po pansamantala, hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, April 12, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 23

JURISDICTION

Ang jurisdiction ay katagang Ingles na nagmula sa dalawang katagang Latin:  juris-, ibig sabihin, “ng batas”; at dicere, ibig sabihin, “magsabi”.  Sa madaling salita, sa kanyang malawak na kahulugan, ang “jurisdiction” ay tumutukoy sa kapangyarihang “magsabi ng batas”: mag-utos, magpatupad, o maghusga nang may bisa o epekto ng batas.  Bagamat madalas na naririnig ang katagang “jurisdiction” sa mga usaping pang-hukuman, ito ay isang konseptong may malaking halaga sa pangkalahatang sistema ng batas, sa pangkalahatang pagkilos ng pamahalaan.  At isa sa pinaka-unang dapat sabihin tungkol sa jurisdiction ang prinsipyong “sa batas nagmumula ang jurisdiction,” jurisdiction is conferred by law.

Isang interesanteng halimbawa ng pag-gana ng prinsipyong ito ang pagtalaga sa kinatawan ng mga katutubo sa ating Sangguniang Panlalawigan.

Noong una pa man, sa pagpasa ng Republic Act No. 8371, kilala bilang IPRA Law o Indigenous Peoples Rights Act, noong 1997, nakasaad na kaagad sa batas na ang mga katutubo ay magkaroon ng kinatawan sa mga sanggunian ng mga lokal na pamahalaan.    Indigenous Peoples “shall be given mandatory representation in policymaking bodies and other local legislative councils.” (Sec. 16, RA 8371).  Ngunit nagsimula lamang  itong maisakatuparan sa pailan-ilang lugar matapos na maglabas ang National Commission on Indigenous Peoples o NCIP ng Administrative Order, nooong taong 2009, na naglalahad ng mga alituntunin o guidelines sa pagtalaga ng IP Mandatory Representative sa mga sanggunian ng mga pamahalaang lokal.  Bagamat binibigyang halaga dito ang mga kaugalian ng nasasangkot na tribo, ang kahulihulihang batayan at katibayan ng pagkakahirang ng isang IP Mandatory Representive ay ang Certificate of Affirmation mula sa Regional Director ng NCIP. 

NCIP ang ahensyang may jurisdiction sa paghirang ng IP Mandatory Representative, at ayon pa rin sa pagkakaunawa ng Department of the Interior and Local Government o DILG, wala itong kinakailangan o hinihintay na pagsang-ayon mula sa sangguniang nasasangkot.  Dahil dito, at dahil mayroon siyang kaukulang Certificate of Affirmation mula sa NCIP Regional Director, naupo bilang IP Mandatory Representative sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang Kgg. Noel Dengen Jagmis.  Ito ay sa kabila ng ilang isyu tungkol sa kanyang kwalipikasyon at proseso ng pagpili, at sa hindi pagkaka-konsulta sa lahat ng tribo ng katutubo sa buong lalawigan.  Ayon din sa DILG, ang ganitong mga isyu ay nararapat na paksain ng paglilitis—justiciable questions—maaaring sa harapan ng NCIP mismo, bilang administratibong hukuman, o sa regular na mga korte.  Ngunit malinaw na walang walang jurisdiction ang Sangguniang Panlalawigan na husgahan ang anumang kaganapan sa likod ng Certificate of Affirmation na nagmula sa NCIP Regional Director.  Kahit na alam o magkataong totoo ang agam-agam na may anomalya sa pagpalabas ng Certificate of Affirmation, wala ring kapangyarihan ang Sangguniang Panlalawigang pawalan ito ng bisa.

Iba ang usapan kung may direktang paglabag sa Batas Kalikasang Moral.  Ngunit dahil wala namang may likas na karapatang maging IP Mandatory Representive, sapagkat ito ay karapatang likha lamang ng IPRA Law at ng NCIP, tama lamang na masunod ang Certificate of Affirmation; at NCIP lamang o, sa ibayo niyon, ang mga regular na hukuman, ang maaaring magpawalang-bisa dito.

Isa pang halimbawa ng kawalan ng jurisdiction ang pagpasa ng isang Sangguniang Barangay ng ordinansang nagbabawal sa pagpapatayo ng anumang coal-fired power plant sa barangay na iyon.  Wala ito sa mga kapangyarihang ibinibigay ng batas, na tanging pinagmumulan ng kapangyarihan ng pamahalaang lokal; hindi ito likas o nagmula sa Batas Kalikasang Moral, sapagkat ang pamahalaang lokal ay nilikha lamang ng konggreso.  At ang isang sangguniang lokal ay walang kapangyarihang gumawa nang labag sa utos ng higit na mataas na awtoridad.  Anumang ordinansa ang maipasa ng lokal ay walang bisa kung salungat sa direksyong itinakda ng higit na makapangyarihang kapulungan.

Oo nga, “demokrasya” ang pilosopiya ng ating sistema ng pamahalaan—paghahari ng nakararami—ngunit ito ay may kinapapaloobang istruktura at mga proseso:  “democracy under the rule of law” ang ginagamit na termino sa Pambungad o Preamble ng ating Saligang Batas.  Kailangan ng istruktura at prosesong nakatakda para sa “kaayusan”, sapagkat kaayusan—right order—ang unang sangkap ng katarungan.  Walang pag-uusapang katarungan kung walang nakatakdang wastong pagkakaayos o pagkakasunud-sunod ang mga bagay-bagay.

Sa biglang tingin, maaaring isiping teknikalidad lamang, parang “palusot” lamang, ang paggamit ng jurisdiction sa anumang usapin.  Ngunit kung susuriin nang malalim, malaking bagay ang konsepto ng jurisdiction sa ating sistema ng batas, at sa sistema na rin ng pamahalaan.  Jurisdiction ang pinakapundamental na batayan ng pagsuri sa pagkilos ng anumang ahensya o opisyal ng pamahalaan.  Kapag walang jurisdiction, hindi tama at walang bisa ang akto ng ahensyang iyon.

Hanggang dito na lamang po pansamantala, hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, March 29, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 22

PALAWAN PROGRESS

Noong March 26, 1967 (ika-apatnapu’t pitong anibersaryo ngayong buwan ng Marso 2014), inilabas ni Papa Pablo Ikaanim ang kanyang liham-ensiklikal na pinamagatang Populorum Progressio, “Kaunlaran ng mga Tao,” the development of peoples, sa Ingles.  Nagmula sa dokumentong ito ang naging bukang-bibig ng isang henerasyon ng maraming pulitiko at lider ng mga bansa:  Development, the new name for peace, “kaunlaran ang bagong pangalan ng kapayapaan” (PP, No. 76). 

Ganito ang pambungad ng Populorum Progressio: 

The progressive development of peoples is an object of deep interest and concern to the Church.  This is particularly true in the case of those peoples who are trying to escape the ravages of hunger, poverty, endemic disease and ignorance; of those who are seeking a larger share in the benefits of civilization and a more active improvement of their human qualities; of those who are consciously striving for fuller growth.” 

At ito ang panawagan ng liham-ensiklikal:  “We earnestly urge all men to pool their ideas and their activities for man’s complete development and the development of all mankind” (PP, No. 5).  Malinaw ding ang tinutukoy na tunay na kaunlaran—authentic development—ay ang kaunlaran ng lahat ng tao at ng buong pagkatao ng bawat isa, “development of each man and of the whole man” (PP, No. 15).  Binibigyang diin din dito na ang daigdig, ang sanlibutang nilikha, ay para sa tao:  “In the very first pages of Scripture we read these words: ‘Fill the earth and subdue it’ (Gen 1:28).  This teaches us that the whole of creation is for man; that he has been charged to give it meaning by his intelligent activity, to complete and perfect it by his own efforts and to his own advantage.” (PP, No. 22)

Dahil sa angking halaga ng kaisipan ng “kaunlaran”, hindi naman talaga nawala o maaaring mawala ang paksang ito sa anumang talakayang panlipunan, kahit na magbago nang kaunti ng anyo o ng mga kataga o konseptong ginagamit o binibigyan ng higit na diin.  Halimbawa ang pariralang “sustainable development,” na naunang narinig ng maraming Palawenyo sa paglikha sa Palawan Council for Sustainable Development, sa pamamagitan ng Republic Act 7611, kilala bilang Strategic Environmental Plan for Palawan o SEP Law. 

Tila lalong nauso sa pandaigdig na gamit ang “sustainable development” pagkatapos ng unang Earth Summit na idinaos ng United Nations Conference on Environment and Development (UNCED) sa Rio de Janeiro noong 1992.

Malinaw din ang kahulugan nito sa batas:  “’Sustainable development’ means the improvement in the quality of life of the present and future generations through the complementation of development and environmental protection activities” (Sec. 3 [2], RA 7611).  Ganunpaman, sapagkat nagbabago rin nga naman ang wika, pagpasok ng Bagong Milenyo, nasapawan ng “poverty reduction” ang sustainable development.  Pakikibaka laban sa kahirapan ang nabigyang diing aspeto ng kaunlaran, kaya rin marahil angkop na angkop ang linyang pang-kampanya ni Pangulong Noynoy Aquino noong 2010 (“Kung walang korap, walang mahirap”).

Sa ngayon, mula sa lumipas na ilang taon (mula sa simula ng panunungkulan ni Pangulong Noynoy Aquino), “inclusive growth naman ang tila usong kawikaang pantukoy sa “kaunlaran”.  Bunsod ito marahil ng karanasang paglago sa Gross Domestic Product o GDP Growth Rate ng ating bansa, at sa kabila niyan ay ang marami o padami pa ring naituturing na maralita. 

Marami ang hindi nakakasali, marami ang hindi nabibiyaan sa paglago ng ekonomiya, at dapat silang maisali kung matatawag na tunay na kaunlaran ang paglagong ito.  Kasabay din ito ng pagkamulat sa larawan ng karalitaan, sa konteksto ng globalisasyon, bilang pagiging nasa labas o nasa paligid lamang, marginalized sa Ingles, hindi kasali sa kalakalan, “exclusion from networks of productivity and exchange”.  Sa katunayan, ito rin ang ibig sabihin ng taguring “frontier” o “Last Frontier” sa Palawan sa matagal na panahon: nasa dulo ng kabihasnan, nasa kagubatan, sa labas ng pamayanan.  

Ang New Management ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pangunguna ni Governor Jose Chaves Alvarez, ay nakatutok sa kaunlaran; at upang hindi na magkalituhan pa sa mga termino, sa halip na sustainable development, poverty reduction, o inclusive growth, tawagin na lamang natin itong “Palawan Progress”.

Sa paggunita natin sa Populorum Progressio, mabuti ring alalahaning si Papa Pablo Ikaanim ang kauna-unahang Santo Papang nakadalaw sa ating bansa, nangyari noong taong 1970.  Isa rin sa mga bagong paring inordenahan ni Papa Pablo Ikaanim noong pagdalaw niyang iyon si Father Jesus de los Reyes na tubong Cuyo, Palawan, at ngayon ay kilala ng marami bilang “Monsignor Jess”.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat. (13.III.2014)


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, March 15, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 21

PAGLILIMOS (ALMSGIVING)

Nalalapit na naman ang panahon ng “Kwaresma”, katagang mula sa Español, Lent sa Ingles, may kinalaman sa katagang quadragies, Latin para sa “apatnapu”—panahon sa kalendaryo ng sambayanang Kristiyano para gunitain ang apatnapung araw na ipinag-ayuno ng Panginoong Hesus sa ilang bago Siya lumantad sa publiko upang ipahayag ang Kanyang kaharian.  May kinalaman din ito sa apatnapung taong paglalakbay ng mga Hudyo sa ilang, mula sa paglaya nila sa Ehipto hanggang sa pagpasok nila sa lupang pinangako.

Nagsisimula ang apatnapung araw ng Kwaresma sa Miyerkoles ng Abo, Ash Wednesday (March 5 ngayong taong 2014) at nagtatapos sa Huling Hapunan ni Hesus kasama ng Kanyang mga alagad sa gabi ng Huwebes Santo.  Maaari ring sabihing nagtatapos ang panahon ng Kwaresma sa Araw ng Linggo ng Muling Pagkabuhay, Easter Sunday, na pinaka-dakilang pagdiriwang sa buong taon, sapagkat maituturing ding isang mahabang araw ang Easter Triduum, ang tatlong araw na nagsisimula sa Huling Hapunan ng Huwebes Santo, at dumadaloy nang walang patid sa pagdakip, paglilitis, pagpapahagupit at pagpapako sa Krus, hanggang sa pagkamatay sa Biyernes Santo, at sa muling pagkabuhay ni Hesus.  Alalaumbaga, ang panahon ng Kwaresma ay apatnapung araw na paghahanda sa Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Nababanggit natin ito sa konteksto ng pagmumuni-muni tungkol sa pulitika sapagkat, sa praktikal na aspeto nito sa buhay-Kristiyano, ang Kwaresma ay panahon ng pagpapaigting ng panalangin, pag-aayuno (fasting sa Ingles, pagpapakasakit o pagsasanay sa pagtakwil sa sarili), at paglilimos (almsgiving sa Ingles, pagkakawanggawa, pagsasanay sa mabubuting gawa).  Ito ang buod ng pagsasabuhay ng panahon ng Kwaresma:  panalangin, pag-aayuno, at paglilimos; at maiuugnay sa kasalukuyang kultura sa pulitika sapagkat tila isa sa kapansin-pansing ginagawa ng maraming pulitiko—at inaasahan din ng publiko—ang paglilimos, pamimigay ng pera sa sinumang humihingi, pagiging matulungin at “madaling lapitan”.

May nakilala akong magaling na pulitiko mula sa isang lalawigan sa Luzon:  tatlong terminong naging gobernador, tatlong termino ring congressman pagkatapos niyon, at ngayon ay retirado na; at isa sa hindi ko malimutang naibahagi niya sa akin ang aral na, sabi niya, “Kapag namimigay ng pera ang kalaban mo sa halalan, at hindi ka namimigay, talo ka.”  Ganundin ang punto sa pagkakakilala sa maraming bantog at walang talong pulitiko:  “Kung siya ay lapitan sa oras ng iyong kagipitan, hindi ka uuwi ng luhaan”.

Hindi nga naman masama ang mamigay; sa katunayan, mabuti ito, kaya nga sa buhay-Kristiyano, walang-tigil dapat ang paglilimos, ang paggawa ng mabuti sa kapwa—gawaing sadyang pinatitindi pa sa panahon ng Kwaresma—sapagkat ito rin ang sukatan ng ating pag-ibig na batayan ng kaligayahang walang-hanggan.  Ganunpaman, hindi ito mabuting batayan sa pagpili ng ihahalal na pulitiko sapagkat, sa kahulihulihan, ang pinatutunguhan ng paglilingkod sa pamahalaan ay kabutihang panlahat—common good—hindi talaga upang tugunan ang pangangailangan ng pribadong indibidwal.  At dahil hindi dapat maging batayan ang pamimigay ng pulitiko sa halalan, ipinagbabawal ng batas nang may karampatang parusa ang pamimigay ng pera sa panahon ng eleksyon.

Hindi nga naman dapat pagkamalang pareho lamang ang pamimigay ng trapo at ang Kristiyanong paglilimos.  At isa sa pinakamalaking pagkakaiba ng dalawang ito ang pagiging bulgar—alam ng lahat—ng pamimigay ng pulitikong trapo; at ang pagiging palihim ng Kristiyanong paglilimos. 

Ito ang sinabi ng Panginoon: “Ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa....Kaya kung ikaw naman ang magbigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.” (Mt 6:1-4)

Masasabi rin nating palihim dapat ang paglilimos sapagkat may paghamak, may kabawasan sa karangalan ng tao, ang pagtanggap ng limos mula sa kapwa.  Sa Noli Me Tangere ni Rizal, ang tauhang si Don Tiburcio ay inilalarawang “isang taong may dangal kaya’t nahihirinan siya sa pakikikain” sapagkat “mapait ang pagkaing nagmula sa limos,” the bread of charity is bitter, kung palagian na ito.  Sa tamang kalakaran, dapat na natutugunan ng bawat isa ang kanyang pangangailangan mula sa sariling paggawa, kaya nga sinabi ni San Pablo, “Kung may ayaw gumawa, huwag siyang kumain” (2 Thes 3:10).  Kapag naging kalakaran, tulad ng sa ating tradisyunal na pulitika, ang pamamalimos ay kontra-insentibo sa nagsisikap na maghanapbuhay nang marangal; at insentibo rin sa pulitiko upang gumawa ng salaping pampamigay sa hindi malinis na paraan.

Harinawa’y maisabuhay nating lahat ang tunay na diwa ng Kristiyanong paglilimos sa Kwaresmang ito at sa lahat ng panahon.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.

O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, March 1, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 20

PISTA AT PALARO

Tuwing ika-labing-apat ng Pebrero, ipinagdiriwang ng marami, sa buong mundo, ang “pista” o “araw” ng mga puso, Valentine’s Day.  Hindi masyadong malinaw kung saan nagmula ang kostumbreng ito, ngunit tiyak na maraming mag-asawa o magkasintahang na-oobligang mag-date, kumain o magliwaliw sa labas ng tahanan, magbigayan ng kung-anuanong bagay na nagpapahiwatig ng romantikong pag-ibig: bulaklak, chocolate, alahas, atbp.  Hindi naman masama ito kung naaayon din sa kakayahang gumastos ng mga nagdiriwang, at kung talaga namang kinatutuwaan nila ito; huwag lang sanang napipilitan dahil sa matinding propaganda at patalastas ng mga mangangalakal na lalong kumikita sa pagkakataong ito, at huwag din sanang gumagastos nang lampas sa tunay na kakayahan o kinikita. 

Hindi lamang Valentine’s Day, kundi lahat ng mga “pista”—pang-relihiyon man o hindi, tulad ng Mother’s Day at Father’s Day—ay may posibilidad na maging pahirap na hindi nararapat sa karaniwang mamamayan at sa kanyang pamilya.

Kung pag-uusapan ang mga pistang pang-relihiyon, talagang may kabuluhan ito.  Paggunita sa buhay ng isang banal na tao o santo, o kaya ay sa kung anong doktrina o turo ng pananampalataya.  Halimbawa nito ang Dakilang Kapistahan ng Immaculada Concepcion tuwing December 8, na paggunita sa pagkakalihi kay Maria sa sinapupunan ng kanyang ina nang walang bahid ng kasalanan:  Dahil siya ang magiging Ina ng Diyos, ang Banal na Birheng Maria ay ligtas sa bahid ng kasalanang-mana mula sa simula ng kanyang pag-iral.  Ganundin ang Pista ni San Agustin tuwing August 28, paggunita sa buhay ng santo upang tularan, kapulutan ng aral tungo sa ating pagpapakabanal, pagdulog sa kanyang tulong na mga panalangin, at pagpapasalamat sa Diyos. 

Lehitimo rin nga naman ang umiba sa pangkaraniwang gayak at pagkain sa ganitong mga pagkakataon—magbihis nang maganda at maghanda ng masasarap na pagkain; magdiwang na kasalo ng mga kaibigang panauhin—huwag nga lang sanang maging pahirap sa mga napipilitan lang o pabigat na pasanin sa may maliit na kinikita o sa kulang ang kakayahang gumastos.  Ito ang binabatikos ni Rizal sa Noli Me Tangere, mahigit isandaang taon na ang nakalilipas:  hindi ang pista mismo, kundi ang hindi na makatuwirang paraan ng pagdiwang nito.

Totoo rin ito pati sa mga pagdiriwang na sekular, lalo na sa mga pagdiriwang na kinasasangkutan ng pamahalaan:  Hindi lamang mga mamamayan ang napapagastos nang higit sa kakayahan, kundi pati pondo ng gobyerno, nasasalaula o nasasayang.

Taun-taon, halos ng lahat ng barangay at bayan, may ipinagdiriwang na foundation day, alalaumbaga’y sekular na kapistahan, bukod sa kapistahan ng santong pintakasi ng parokya o kapilya.  Dito, higit na malaking bahagi ng gugulin sa kasayahan ang pinapasan ng pamahalaang lokal.  Sa maraming pagkakataon, hindi ito isang araw lamang na pagdiriwang kundi umaabot ng isang linggo o dalawang linggo pa kung minsan: gabi-gabing programa’t palabas, tugtugan at sayawan, sa plaza; iba’t-ibang palaro; beauty pageant ng mga dalagita, mga nanay, at mga lola; walang tigil na pakain ng mga bisita, artista, at musikerong inupahan upang magbigay ng aliw sa sambayanan...

Sa kontekstong ito, hindi nalalayo sa pista ang palaro.  Nababanggit natin ito sapagkat ngayong taon, February 15 ang pagbubukas ng taunang palarong pangrehiyon ng Regional Athletic Association ng MIMAROPA, sa lalawigan ng Marinduque.  Ilang milyung piso rin ang gastos ng Department of Education sa Palawan sa pagdala ng delegasyon sa MIMAROPARAA.  Kahit na ipagpalagay na walang katiwalian at mapunta ang pera sa tunay na mga gastusin, malaking halaga pa rin ito para sa totoong “laro” lamang. 

At hindi lamang yan.  Kung tutuusin, walang tigil ang palaro ng DepEd:  bukod sa intramurals ng bawat paaralan, mayroon pang City Meet o Provincial Meet bago umabot sa baitang na pang-rehiyon.  Kung ilalapat ito sa mahigit dalawandaang mga lungsod at lalawigan sa buong bansa, ilang bilyong piso rin ang nagugugol sa mga palarong ito taun-taon.  At hindi lamang sa kaperahan ang epekto kundi pati rin sa pag-aaral ng mga atleta: halos buong taon, absent sa mga klase dahil nagsasanay o nasa palaro; at pati karaniwang mag-aaral sa mga paaaralang ginagamit na tirahan ng mga delegasyon tuwing may palaro, walang pasok sapagkat walang pagdarausan ng klase.  Panahon na marahil na pag-usapan ang pagpapatigil (o pagpapatuloy) sa ganitong kalakaran.

Ang “pista at palaro” ay masasabing katumbas ng “panem et circenses” ng wikang Latin; sa literal na pakahulugan, “tinapay at palaro”, “bread and circuses” sa Ingles.  Ang ekspresyon ay nagmula sa makatang si Juvenal (circa 100 A.D.), at ang pinatutungkulan ay ang mababaw na kaligayahan ng madla, na hindi na naghahanap ng tunay na kabutihan at kahusayan mula sa pamahalaan, kundi naghihintay na lamang ng pista at palaro, bread and circuses, panem et circenses.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.

O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, February 15, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 19

ROE VERSUS WADE

Noong ika-22 ng Enero, taong 1973 (ika-41 anibersaryo na ang kalilipas na January 22), inilabas ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang kanilang desisyon sa kasong Roe vs. Wade na, sa kauna-unahang pagkakataon, nagbigay ng karapatan sa batas na sadyaing ipalaglag o ipapaslang ang sanggol na nasa sinapupunan ng isang ina.  Naging legal, puwede na sa batas, ang abortion

Ang Roe vs. Wade ay pinaikling pamagat ng kaso, “Jane Roe versus District Attorney Henry Wade (ng Estado ng Texas)”.  Ang “Jane Roe” ay pambabaeng katumbas ng “John Doe”, “alias” na ginagamit upang ipalit sa pangalan ng taong nasasangkot sa kaso, kung hindi alam ang totoong pangalan o, tulad dito, kung kailangang itago ang totoong pangalan upang bigyan ng kaukulang proteksyon ang nasasangkot.  Ngunit dahil naisapubliko na rin ang totoong pangalan ng Jane Roe na ito, banggitin na rin natin ang totoong pangalan niyang “Norma McCorvey”.

Ang buod ng usapin ay pawalan ng bisa ang batas ng Estado ng Texas na nagbabawal at nagpapataw ng parusa sa abortion, sapagkat noong mga panahong iyon, buntis si Norma McCorvey at nag-iisip na ipalaglag ang laman ng kanyang sinapupunan.  At sa desisyon ng Korte Suprema ng Estados Unidos, napagpasyahan ngang pawalan ng bisa ang mga batas na nagbabawal sa abortion, sa dahilang ang mga ito raw ay lumalabag sa “right to privacy” ng babaeng nasasangkot—karapatang protektado sa ilalim ng Bill of Rights ng Saligang Batas ng Estados Unidos.  Mula noon, sa kabila ng ilan pang usaping umabot sa U.S. Supreme Court, sa kabila ng mainit na debate sa pagitan ng dalawang kampong natagurian nang “Pro-Life”, kontra sa abortion, at “Pro-Choice” o pabor sa abortion, hindi pa rin nababaligtad ang buod ng desisyon sa Roe vs. Wade.

Kung tutuusin, hindi dapat mahirap makitang higit na mataas na halaga ang karapatang mabuhay—right to life—ng sanggol, kung ihahambing sa “right to privacy” ng inang nais itigil ang kanyang pagdadalantao.  Oo nga, karapatang pantao rin ang hayaang magsarili at gawin ang kagustuhan sa kanyang pag-iisa, bastat walang kapwang masasagasaan, at dapat itong igalang ng Estado, hindi maaaring panghimasukan ng batas.  Ganunpaman, kapag abortion ang pinag-uusapan, malinaw din naman sa ating mga Pinoy na ang sanggol sa sinapupunan, gaano man kaliit pa, ay buhay ng tao, sapagkat life begins at conceptionfertilization, ang pag-iisa ng semilya ng ama at ovum ng ina—at ito ay hayagang nakasaad sa ikalawang pangungusap ng Section 12, Article II ng ating Saligang Batas:  “(The State) shall equally protect the life of the mother and the life of the unborn from conception”.

Sa desisyon ng U.S. Supreme Court sa kasong Roe vs. Wade, hayagan ding iniwasan ng mga mahistradong pagpasyahan kung kailan talaga nagsisimula ang buhay ng tao: tila sinasasabing hindi talaga mapapatunayan kung saang punto nagiging tao ang kalipunan ng mga cells at tissue na nasa loob ng katawan ng isang ina, bagamat sa kalaunan ay maaaring mauwi ito sa pagiging sanggol na iluluwal.  Sa ganitong pagdadahilan—bagamat hindi naman lahat sumang-ayon, mayroon ding dissenting opinion sa mga mahistrado—napagpasyahan ng mayorya na pamayanihin ang right-to-privacy upang ibasura ang mga batas na nagbabawal at nagpapataw ng parusa sa abortion.

Sa ating bansa, ipinagbabawal pa rin at pinarurusahan hanggang ngayon ang abortion bilang salang-kriminal, sa ilalim ng Article 256 hanggang Article 258 ng ating Revised Penal Code.  Salamat sa isinasaad ng Section 12, Article II, ng ating Saligang Batas, hindi maaaring pawalan ng bisa ang pagbawal sa abortion sapagkat malinaw sa ating sistema kung kailan nagsisimula ang buhay ng tao. 

Hindi naman maaaring pagtalunan pa na, sa pagtatagpo at pag-iisa ng semilya ng lalaki at ovum ng babae, mayroon nang bagong buhay:  lumalago sa panahon, mayroon na ring sariling DNA, at hindi masasabing bahagi lamang ng katawan ng ina o ama sapagkat kinasangkutan nilang dalawa.  Sinasabi lamang ng mga nagsusulong ng abortion na hindi ito masasabing “buhay ng tao”.  Kailangan pa nga naman ng microscope para makita, paano sasabihing may karapatang mabuhay labag man sa kalooban ng babaeng may-katawang nagdadala nito?

Mahirap nga marahil sa pisikal na agham na patunayang may karapatang mabuhay ang zygote na ito.  Ganunpaman, malinaw sa pananampalatayang Kristiyanong may mga karapatan na ito bilang tao—karapatang hindi nakasalalay sa kamay lamang ng ina o mga magulang, ni ng Estado—at lahat, ang buong sambayanan, ay may tungkuling ipaglaban ang karapatang iyon (CCC, 2270-2275). 

Kung makalusot mang hindi maparusahan sa ilalim ng batas ng tao ang abortion, ito ay isang napakalaking kasamaan sa Batas Kalikasang Moral dahil, bukod sa pagkitil ng buhay ng tao, ang biktima sa abortion ay tiyak na inosente at tiyak na walang kalaban-laban.  At madalas, pinangungunahan pa ito o kinasasangkutan ng mismong inang may pinakapangunahing tungkuling mahalin at arugain ang sanggol na iyon. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.

O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, February 8, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 18

KARANGALAN NG TAO BILANG TAO

Noong nakaraan, napagtuunan natin ng pansin ang kabanalan ng buhay-pamilya, na nagmumula sa kabanalan ng buhay ng tao.  Sa higit na sekular na pagsasawika, “karangalan ng tao bilang tao”—human dignity—ang terminolohiya sa kabanalan ng buhay ng tao. 

Isa sa pinakamahalaga at pinakapundamental na prinsipyo ng pamumuhay sa lipunan ang paggalang sa karangalan ng bawat tao bilang tao.  Sa usapin ng pulitika, mabuti ring pagmunimunihan ito, sapagkat ang pulitika ay isang natatanging pantaong larangan.  Walang pulitika sa bahagi ng mga hayop.  Ipinagpapalagay lamang na sila ay parang mga tao sa mga pantasyang tulad ng pelikulang-guhit na Lion King ng Walt Disney Productions.  Ang nobela ring Animal Farm ni George Orwell ay isang alegoryang sa katunayan ay tungkol din sa tao, hindi talaga tungkol sa mga hayop na mga “tauhan” sa kuwento. 

Tao talaga ang gumagalaw sa larangan ng pulitika; at sa kahuli-hulihan, sa tao rin umiinog ang lahat ng usaping pampulitika.  Bagamat ibang konteksto ang pinagmulan, nababagay din sa puntong nais nating tukuyin ang isa sa pinakasikat na pariralang nagmula kay Abraham Lincoln, bahagi ng kanyang Gettysburg Addres: “pamahalaan mula sa tao, isinasagawa ng tao, at para sa tao,” government of the people, by the people, for the people.  Sa lengguwahe naman ng Vatican II o Ikalawang Konsehong Batikano, “the beginning, the subject, and the goal of all social institutions is and must be the human person”.  Tao ang simula, ang kamalayang nasa sentro, at siya ring dapat na pinatutunguhan ng lahat ng institusyong panlipunan (Gaudium et Spes, No. 25).

Ang karangalang ito ng tao bilang tao ang batayan ng Bill of Rights sa ating Saligang Batas.  Masasabing may Bill of Rights dahil may likas na mga karapatan ang tao, at hindi ito maaaring tapakan o sagasaan kahit pa ng Estado.  Sa madaling salita, ang Bill of Rights ay mga limitasyon sa kapangyarihan ng Estado, pagkilala sa hindi maaaring yurakang karangalan ng tao bilang tao.

Sa ating panahon, isa sa mga pagkukulang sa pagkilala o pagpapahalaga sa karangalang pantao ang pagpapababȃ sa tao upang ipantay sa mga punongkahoy o mga hayop; o kaya, ang bigyan ng higit na pagpapahalaga ang mga punongkahoy at hayop kaysa tao.  May mga batas pa nga tayong tila nagbibigay ng “human rights” sa mga hayop, at nagpapataw ng parusa sa mga taong hindi kumikilala sa mga karapatang ito na dapat ay pan-tao lamang ngunit iginagawad sa mga hayop.

Hindi rin basta masisisi ang mga taong may ganitong pananaw sapagkat, kung kakayahan lamang natin ang aasahan, mahirap ikatuwirang tao—at hindi ibang nilalang o buhay-ilang—ang tugatog ng paglikha.   Hindi natin talaga kayang patunayan—nang walang puwang para sa pagduda—na tao lamang ang may pag-iisip at kalayaang pumili.  Malay nga naman natin kung ano ang pinag-uusapan ng ating mga alagang aso kapag sila ay nagkakatipon-tipon.  At, sa kabilang dako, alam nating may mga aspeto ang taong katulad ng hayop:  madalas tayong napapasunod sa udyok o hilig ng katawan kahit labag sa utos ng budhi.  Ganunpaman, kamalian pa ring ipantay o ipailalim ang tao sa hayop o punongkahoy:  wala rin namang dahilan para sabihing higit na magaling ang mga nilalang na ito kaysa tao.  Walang kabuluhang pagpapahirap sa sarili, ngunit nangyayari, tulad ng penomenong pinagmulan ng kasabihang “white elephant”:  mga alagang hindi maaaring katayin o itapon dahil pinaniniwalaang sagrado, ngunit napakagastos alagaan.

Malaki ang tulong ng ating pananampalataya sa paglilinaw sa karangalang pantao.  Malinaw sa pananampalatayang Kristiyanong nilikha ng Diyos ang tao upang pamahalaan ang buong daigdig. 

Nakasulat sa Bibliya:  “Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan...Sinabi niya, ‘Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito,’” “Be fertile and multiply; fill the earth and subdue it” (Gen 1:27-28).  Ito rin ang paksa ng Salmo Bilang 8:  “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan; o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?  Nilikha mo siyang mababa sa iyo nang kaunti, pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.  Ginawa mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha, sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala.”  Higit pa riyan, ang Diyos ay nagkatawang-tao:  ang Panginoong Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao.

Pinakapundamental sa mga karapatang pantao ang karapatang mabuhay, right to life, sapagkat walang ibang karapatan pang maaaring pag-usapan kapag walang buhay; kaya nga, dapat tayong mabagabag na tila dumarami ang mga nangyayaring pagpaslang sa tao habang nasa sinapupunan; at hindi lang nangyayari kundi isinusulong sa ilang mga sulok ng daigdig na parang karapatan na ng isang ina ang ipalaglag ang buhay na nasa sinapupunan.  Pag-usapan natin sa susunod ang abortion sa kontekstong ito.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, January 25, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 17

KABANALAN NG BUHAY-PAMILYA 2

Noong nakaraan, nabanggit natin ang pagkilala ng Saligang Batas sa kabanalan ng pamilya bilang pundamental na sangkap na bumubuo lipunan.  “The state recognizes the sanctitiy of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution” (Sec. 12, Art. II).  Ang ibig sabihin ng sanctity ay “kabanalan”:  pagkakatakda sa Diyos o pagiging kaisa ng Diyos, mula sa katagang sanctus sa wikang Latin, santo sa Español. 

Malinaw dito na kumikilala pala sa Diyos ang Saligang Batas.  Hindi maaaring sabihing hindi kasali ang Diyos sa usapang pampulitika, kahit magkahiwalay ang Simbahan at ang Estado.  Ngunit mabuting pagtuunan ng pansin ang “kabanalan ng buhay-pamilya” na tinutukoy ng Section 12, Article II. 

Bukod sa pagiging basic cell o materyal na sanhi na direktang bumubuo sa lipunan o sambayanan, pamilya ang kanlungan ng buhay ng tao.  Ibig sabihin, dikit na dikit o napakalapit ng kaugnayan ng buhay-pamilya sa buhay ng tao; at dahil banal ang buhay ng tao, masasabing banal din ang buhay-pamilya.

Sa teolohiya, dagdag na liwanag sa kabanalan ng buhay-pamilya ang pagiging larawan nito ng wagas na pag-ibig—ng Diyos sa Kanyang Sambayanan, sa pag-iibigan ng mag-asawang nasa sentro ng pamilya—at ang pagiging tao ng Diyos sa loob ng pamilya nina Hesus, Maria, at Jose.  Alalaongbaga’y “idinikit” ng Diyos sa Kanyang Sarili ang buhay-pamilya; isa ito sa pinaka-unang mga realidad na pantaong pinabanal ng pagsasakatawang-Tao ng Salita ng Diyos.  Hindi nga katakatakang sa sentro ng pagdiriwang ng Pasko ng Kapanganakan ng Panginoon, ipinagdiriwang din sa liturhiya ng Araw ng Linggo kasunod ng December 25 ang Kapistahan ng Banal na Pamilya.

Kung mananatili naman tayo sa larangan ng katuwirang pantao (huwag na muna sa larangan ng teolohiya), ang kabanalan ng buhay-pamilya ay nakabatay sa kabanalan ng buhay ng tao.  Dahil dito, mabuti ring balikan ang paksang ito:  Paano nga ba masasabing banal ang buhay ng tao?

Lahat ng bagay, masasabi ring may kabanalan, kahit man lamang dahil sa “nagmula” sa Diyos sa kahulihulihang pagsusuri.  Ngunit iba ang kabanalan ng buhay ng tao sa buhay ng hayop o halaman sapagkat ang buhay ng tao ay direktang nagmula sa Diyos, samantalang ang buhay ng hayop at halaman ay nagmula lamang sa Diyos sa pamamagitan ng unang specimen nito na direktang nilikha ng Diyos.  Ang mga kasunod na specimen ay produkto na ng biological na proseso.

Sa bahagi ng tao, bagamat ang pagkakaroon ng buhay ay kinasasangkutan ng biological na proseso—ang pagsasama ng similya at ovum mula sa ama at ina—ang espiritwal na diwa ng tao ay walang maaaring pagmulan kundi ang direktang akto ng paglikha ng kapangyarihan ng Diyos.  Kaya ang “episyenteng sanhi” ng pag-iral ng bawat tao ay ang kapangyarihan ng Diyos, sa pakikipag-tulungan ng mga magulang ng taong iyon.  Ngunit hindi lamang sa simula ng pag-iral ng buhay ng tao kundi pati rin sa huling dapat kahantungan nito:  Ang kaganapan ng tao ay nasa pagiging kaisa ng Diyos sa walang hanggan—ang kaganapan ng Totoo at Mabuti—na Siyang nakatakdang pinatutunguhan ng ating pag-iisip at kalayaang pumili.

Banal ang buhay ng tao sapagkat direktang nagmula sa Diyos, at sa kanyang huling dapat kahantungan, nakatakda patungo sa Diyos.  Ang tao ay para sa Diyos; lahat ng iba pang nilikha sa daigdig ay para sa tao.  At banal din ang buhay-pamilya dahil sa napakalapit na pagkakadikit nito sa buhay ng tao.  At dahil banal o ibinukod para sa Diyos, hindi maaaring paglaruan, hindi maaaring palitan ng depinisyon, at hindi rin maaaring pawalang-halaga.

Sa pilosopiyang panlipunan, kakulangan ng karampatang pagpapahalaga sa buhay-pamilya ang pamamayani ng mga pilosopiya o ideolohiyang nagsasabing ang indibidwal na tao (sa halip na pamilya) ang dapat na unang pinaglilingkuran ng buhay-lipunan.  “Indibidwalismo” ang tawag sa ganoong pananaw, na nagsasabi ring “kalayaan ng indibidwal”—liberty—ang pinakamataas na halaga sa buhay-lipunan.  Sa larangan ng pulitika, ang tawag dito ay “liberalismo”; sa larangan ng ekonomiya, “laissez-faire capitalism”.  Sa kabilang dulo, mali rin ang mga pilosopiyang nagsasabing lipunan mismo (sa halip na indibidwal o pamilya) ang dapat na unang pinaglilingkiuran ng buhay-lipunan.  “Kolektibismo” ang tawag sa ganoong pananaw, na nagsasabi ring “pagkakapantay-pantay”—equality—ang pinakamataas na halaga sa buhay-lipunan.  Sa larangan ng pulitika, ang tawag dito ay “totalitaryanismo”; sa larangan ng ekonomiya, “sosyalismo”. 

Sa katunayan, hindi ang indibidwal at hindi rin ang lipunan mismo ang unang dapat paglingkuran ng buhay-lipunan kundi ang pamilya; hindi rin kalayaan ng indibidwal o pagkakapantay-pantay ng lahat ang pinakamataas na halaga sa buhay-lipunan kundi “katarungan”.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.