PISTA AT PALARO
Tuwing
ika-labing-apat ng Pebrero, ipinagdiriwang ng marami, sa buong mundo, ang
“pista” o “araw” ng mga puso, Valentine’s Day.
Hindi masyadong malinaw kung saan nagmula ang kostumbreng ito, ngunit
tiyak na maraming mag-asawa o magkasintahang na-oobligang mag-date, kumain o
magliwaliw sa labas ng tahanan, magbigayan ng kung-anuanong bagay na
nagpapahiwatig ng romantikong pag-ibig: bulaklak, chocolate, alahas, atbp. Hindi naman masama ito kung naaayon din sa
kakayahang gumastos ng mga nagdiriwang, at kung talaga namang kinatutuwaan nila
ito; huwag lang sanang napipilitan dahil sa matinding propaganda at patalastas
ng mga mangangalakal na lalong kumikita sa pagkakataong ito, at huwag din sanang
gumagastos nang lampas sa tunay na kakayahan o kinikita.
Hindi
lamang Valentine’s Day, kundi lahat ng mga “pista”—pang-relihiyon man o hindi,
tulad ng Mother’s Day at Father’s Day—ay may posibilidad na maging pahirap na
hindi nararapat sa karaniwang mamamayan at sa kanyang pamilya.
Kung
pag-uusapan ang mga pistang pang-relihiyon, talagang may kabuluhan ito. Paggunita sa buhay ng isang banal na tao o
santo, o kaya ay sa kung anong doktrina o turo ng pananampalataya. Halimbawa nito ang Dakilang Kapistahan ng
Immaculada Concepcion tuwing December 8, na paggunita sa pagkakalihi kay Maria sa
sinapupunan ng kanyang ina nang walang bahid ng kasalanan: Dahil siya ang magiging Ina ng Diyos, ang
Banal na Birheng Maria ay ligtas sa bahid ng kasalanang-mana mula sa simula ng
kanyang pag-iral. Ganundin ang Pista ni
San Agustin tuwing August 28, paggunita sa buhay ng santo upang tularan,
kapulutan ng aral tungo sa ating pagpapakabanal, pagdulog sa kanyang tulong na mga
panalangin, at pagpapasalamat sa Diyos.
Lehitimo
rin nga naman ang umiba sa pangkaraniwang gayak at pagkain sa ganitong mga
pagkakataon—magbihis nang maganda at maghanda ng masasarap na pagkain;
magdiwang na kasalo ng mga kaibigang panauhin—huwag nga lang sanang maging
pahirap sa mga napipilitan lang o pabigat na pasanin sa may maliit na kinikita
o sa kulang ang kakayahang gumastos. Ito
ang binabatikos ni Rizal sa Noli Me
Tangere, mahigit isandaang taon na ang nakalilipas: hindi ang pista mismo, kundi ang hindi na
makatuwirang paraan ng pagdiwang nito.
Totoo
rin ito pati sa mga pagdiriwang na sekular, lalo na sa mga pagdiriwang na
kinasasangkutan ng pamahalaan: Hindi
lamang mga mamamayan ang napapagastos nang higit sa kakayahan, kundi pati pondo
ng gobyerno, nasasalaula o nasasayang.
Taun-taon,
halos ng lahat ng barangay at bayan, may ipinagdiriwang na foundation day,
alalaumbaga’y sekular na kapistahan, bukod sa kapistahan ng santong pintakasi ng
parokya o kapilya. Dito, higit na
malaking bahagi ng gugulin sa kasayahan ang pinapasan ng pamahalaang
lokal. Sa maraming pagkakataon, hindi
ito isang araw lamang na pagdiriwang kundi umaabot ng isang linggo o dalawang
linggo pa kung minsan: gabi-gabing programa’t palabas, tugtugan at sayawan, sa
plaza; iba’t-ibang palaro; beauty pageant ng mga dalagita, mga nanay, at mga
lola; walang tigil na pakain ng mga bisita, artista, at musikerong inupahan upang
magbigay ng aliw sa sambayanan...
Sa
kontekstong ito, hindi nalalayo sa pista ang palaro. Nababanggit natin ito sapagkat ngayong taon,
February 15 ang pagbubukas ng taunang palarong pangrehiyon ng Regional Athletic
Association ng MIMAROPA, sa lalawigan ng Marinduque. Ilang milyung piso rin ang gastos ng Department
of Education sa Palawan sa pagdala ng delegasyon sa MIMAROPARAA. Kahit na ipagpalagay na walang katiwalian at
mapunta ang pera sa tunay na mga gastusin, malaking halaga pa rin ito para sa
totoong “laro” lamang.
At
hindi lamang yan. Kung tutuusin, walang
tigil ang palaro ng DepEd: bukod sa
intramurals ng bawat paaralan, mayroon pang City Meet o Provincial Meet bago
umabot sa baitang na pang-rehiyon. Kung
ilalapat ito sa mahigit dalawandaang mga lungsod at lalawigan sa buong bansa,
ilang bilyong piso rin ang nagugugol sa mga palarong ito taun-taon. At hindi lamang sa kaperahan ang epekto kundi
pati rin sa pag-aaral ng mga atleta: halos buong taon, absent sa mga klase
dahil nagsasanay o nasa palaro; at pati karaniwang mag-aaral sa mga paaaralang
ginagamit na tirahan ng mga delegasyon tuwing may palaro, walang pasok sapagkat
walang pagdarausan ng klase. Panahon na
marahil na pag-usapan ang pagpapatigil (o pagpapatuloy) sa ganitong kalakaran.
Ang
“pista at palaro” ay masasabing katumbas ng “panem et circenses” ng wikang Latin; sa literal na pakahulugan,
“tinapay at palaro”, “bread and circuses”
sa Ingles. Ang ekspresyon ay nagmula sa
makatang si Juvenal (circa 100 A.D.),
at ang pinatutungkulan ay ang mababaw na kaligayahan ng madla, na hindi na
naghahanap ng tunay na kabutihan at kahusayan mula sa pamahalaan, kundi
naghihintay na lamang ng pista at palaro, bread and circuses, panem et
circenses.
Hanggang
dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment