CIVIL SOCIETY
Noong ikalawang
hati ng dekada ochenta, pagkatapos ng unang Edsa Revolution, at sa buong dekada
noventa hanggang sa unang mga taon ng ikatlong milenyo, nauso ang
terminolohiyang “civil society”, na
tumutukoy sa bahagi ng pribadong sektor na direktang naglilingkod sa kabutihang
panlahat (common good), bilang
ikatlong sektor sa nauso ring “tripartite
partnership projects”, kasama ng pamahalaan (government sector) at ng mga mangangalakal (business sector).
Noong hindi pa
uso ang “civil society” sa usapang panlipunan, public sector at private
sector lamang ang madalas na marinig, tumutukoy lamang sa pamahalaan,
bilang direktang namamahala sa pagtungo ng sambayanan sa kabutihang panlahat; at
sa sektor ng mga mangangalakal, private
business, na direktang nakatuon sa paglikha ng kayamanan, tubo o kita, ng
pribadong mangangalakal, at sa ganoong paraan nakatutulong sa pag-unlad ng
sambayanan. Ngunit sa pagpipino at
paglago ng kamalayang panlipunan, hindi nga naman maaaring hindi makitang may
bahagi rin ang private sector na hindi tubo o kita ang pinagtutuunan kundi
direktang kabutihang panlahat din; at ang mga ito nga ang nakasanayan nang
tawaging “civil society”.
Mula sa civitas, katagang Latin, ibig sabihin, “lungsod” o pamayanan, city sa Ingles, ang una at talagang
kahulugan ng “civil society” ay “sambayanang may pamahalaan”—katumbas ng political community, mula naman sa polis, “lungsod” din sa wikang Griyego—upang
itangi o ibukod sa “pamumuhay sa iláng”, paninirahan sa gubat, nang walang
pamahalaan kundi ng ama ng pamilya o pinuno ng tribo; pagiging nasa labas ng lungsod,
nasa labas ng “sibilisasyon”.
Ganunpaman, gamitin natin ang “civil society” sa kasalukuyang kahulugan
bilang bahagi ng pribadong sektor na, bagamat pribado at sa labas ng sektor ng
pamahalaan, ay direktang nakatuon din sa kabutihang-panlahat; may causa o adhikaing panlipunan, hindi
pansariling tubo o kita; cause-oriented,
sa Ingles. At sa ganitong pakahulugan,
kapag pinag-uusapan ang civil society, agad na papasok sa kaisipan ang mga non-government organizations o mga NGO.
Malaki ang
kontribusyon ng mga NGO sa pag-unlad ng sambayanan; hindi lamang sa pagtaas ng
antas ng kamalayan at antas ng usapan, kundi pati rin sa mga kongkretong
proyekto o pisikal na epekto. Isang
halimbawa nito ang epekto ng mga NGO sa larangan ng pangangalaga sa kalikasan.
Mahirap nga
namang isiping kumita mula sa pangangalaga ng kalikasan. Hindi ito serbisyong kailangan ng indibidwal
na consumer, walang bibili; hindi maaaring iasa sa business sector.
Sa katunayan, sa
higit na maraming pagkakataon, ang kita ay nasa pagbenta at paggamit ng
likas-yaman (pangingisda, pagtotroso, pagsasaka, pagmimina), kaya nga, sa
tradisyunal na sistema, pamahalaan lamang ang maaaring asahang mangalaga sa kalikasan—laban
sa labis o maling paggamit nito. Sa
kabilang dako, hindi rin maitatangging sa maraming pagkakataon, hindi kayang
lubos na magampanan ng pamahalaan ang pangangalaga sa kalikasan, lalo na sa mga
bansang “mura pa” sa karanasan at kulang pa sa katatagan ng mga institusyon at ng
sistema ng batas. Bukod dito, sa laki ng
maaaring tubuin o kitain ng business sector mula sa pag-angkin at pagbenta ng
likas-yaman, hindi nga naman malayong makayanang “bilhin” ang pagluluwag ng mga
kawani ng pamahalaan sa kanilang pagbabantay.
Dahil dito, hindi kataka-takang magkaroon ng malaking papel ang mga NGO sa
pagbantay sa kalikasan. Masasabi rin ito
tungkol sa maraming isyung pang-kabutihang-panlahat: paggalang sa mga karapatang pantao (human rights), pagsugpo sa krimen at
katiwalian sa pamahalaan, atbp.
Sa kabila nito, mapapansin
ding tila nawawala sa uso ang civil society at mga NGO. Bumabalik na naman tayo sa “public and private partnerships” (PPP)—ang
tinutukoy ay government sector at business sector na lamang—hindi na
“tripartite”, dahil hindi na kasali sa usapan ang mga NGO. Bunsod din ito, marahil, ng pag-abuso ng
marami sa konsepto ng civil society at sa taguri bilang NGO. Isa sa pinakamalaking halimbawa nito ang mga
NGO na pinuntahan ng bilyun-bilyong piso mula sa maraming mambabatas na
nasasangkot sa pork barrel scam.
Lumalabas na itinatag lamang ang mga ito upang tumanggap ng pondo mula
sa pork barrel ng mga mambabatas—para sa kung anu-anong proyektong hanggang
papeles lamang—at upang paghati-hatian lamang ng mga mambabatas at ng mga
personalidad na nasa likod ng NGO na iyon.
Dahil anyong pang-kabutihang-panlahat, legal na maaaring paglaanan ng
pondo ng pamahalaan; at dahil hindi ahensyang bahagi ng pamahalaan, hindi
karaniwang napapailalim sa masusing pagsisiyasat ang pagkilos at paggamit ng
pondo. Bukod dito, sa bahagi ng tunay ng
mga NGO, hindi rin nila maiwasang makulayan ng ideolohiya o pansariling interes
ng mga indibidwal o grupong nagpapakilos sa kanila, sa pagbigay ng pondo o sa
mismong pagpapatakbo ng institusyon. Sa
madaling salita, sa pagkilatis sa karakter ng isang NGO, kailangang kilatisin
din ang tunay na layunin ng mga puwersang nagpapakilos dito, kung naayon ba o
hindi sa kabutihang panlahat.
Hanggang
dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment