Wednesday, June 11, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 26

BURUKRASYA AT PROPESYONALISMO

Sa pagpapanibago ng ating kultura sa pulitika, isa marahil sa mga pagwawastong dapat mangyari ang pagkilala sa pagkakaiba-iba ng mga gawain sa pamahalaan.  At bukod sa pagkakaiba ng gawain ng mga pulitiko—iba ang gawain ng mga mambabatas at iba rin ang gawain ng isang punong ehekutibo—may higit na malaki pang pagkakaiba ang gawain ng mga nasa “burukrasya” kung ihahambing sa gawain ng mga pulitiko.  Kung ang hanay ng mga pulitiko ay para sa mga “political decisions”, ang burukrasya ay para naman sa mga “regular” na gawa ng pamahalaan, na madalas ay may pagka-teknikal.

Mainam na pag-usapan ang pagkakaibang ito sapagkat tila may kalituhang namamayani sa maraming pagkakataon.  Kung minsan, inaako ng pulitiko ang dapat na nakasalalay sa burukrasya; at madalas, dahil dito, nai-aasa ng madla sa pulitiko—nagiging “political”—ang mga serbisyong regular na dapat magmula sa burukrasya at hindi sana kailangang dumaan sa pulitiko.  Bakit nga naman kailangang humabol-habol, lumuhod, at magmakaawa sa harapan ng pulitiko kung ang pangangailangan ay dapat na regular na tinutugunan ng DSWD o ng mga ospital ng pamahalaan?  Paano naman ang mamamayang maituturing na “kalaban” sa pulitika o nasa kontra-partido ng pulitikong nanunungkulan?  Ito nga sana ang uri ng mga gawaing nakasalalay sa burukrasya.

Ang bureacracy, katagang Ingles, ay mula sa bureau ng wikang Pranses, ibig sabihin, “mesang sulatan,” desk sa Ingles, at sa katagang kratos ng wikang Griyego, ibig sabihin, “kapangyarihan” o “pamamahala”.  Sa madaling salita, ang “burukrasya” ay ang “pamamahala ng mga mesang sulatan”, larawan ng mga regular o permanenteng kawaning nakaupo sa kani-kanyang desk, na may kasanayan sa kanyang natatanging gawain.  Masasabi rin nating “propesyonal” ang mga ito dahil sa mataas na antas ng kasanayan o edukasyong hinahanap bilang kwalipikasyon, at dahil din sa pagiging regular o permanente ng kanilang pagkakatalaga sa tungkulin.

Isa sa mga nagpalaganap ng pag-uusap tungkol sa burukrasya ang naging tanyag na sociologist na Aleman na si Max Weber (nabuhay noong 1864 hanggang 1920).  Bukod sa pagiging mga permanenteng kawaning may mataas na mga kasanayan (ito ang buod ng konsepto ng pagiging propesyonal), ang pagiging organisado sa loob ng istrukturang may mga baitang ng kapangyarihan (hierarchical) ay isa rin sa mga katangian ng burukrasyang itinuturing ni Weber na tanda ng pag-unlad ng sistema ng pamahalaan, bunsod ng paglawak ng mga nasasakupan at pagsalimuot ng mga lipunan.

Sa kabilang dako, hindi maaaring hindi banggitin ang ilang pinakamahalagang puna laban sa burukrasya o sa labis na paglakas ng burukrasya—bureaucratization—sa pamahalaan.  Una rito ang pagiging hindi-halal ng mga napapabilang dito (at dahil dito, hindi sensitibo sa kalooban ng madla); at ikalawa ang malamang na posibilidad na mauwi sa pagiging mistulang makina, hindi na makataong pagkilos, ng pamahalaan, na maaaring pagmulan ng hindi makatarungang resulta. 

Hindi nga naman maaaring maging halal ang mga kawaning napapabilang sa burukrasya sapagkat kailangang sila ay permanente sa katungkulan kung hahanapan ng mataas na antas ng kasanayan o edukasyon.  Ipinagpapalagay dito na ang isang taong may mataas na pinag-aralan ay naghahanap ng permanenteng pagkakatalaga sa katungkulan, na kung hindi niya makukuha sa loob ng pamahalaan ay malamang na makukuha niya sa labas.  At hindi maaaring hanapan ng mataas na pinag-aralan ang mga halal na opisyal dahil malamang na walang kandidatong papasa.  Kung mataas na pinag-aralan ang hinahanap, dapat permanente ang pagkakatalaga.  Kung “madaling palitan” ang kailangan, hindi maaaring hanapan ng mataas na pinag-aralan.  Nakakatulong lang, ngunit hindi talaga kailangan, kung may teknikal ding kaalaman ang pulitiko.

Sa kabilang dako, hindi rin katanggap-tanggap na ang pagkilos ng pamahalaan, sa kanyang kabuuan, ay maging mistulang pagkilos ng isang makina.  Kailangang maging sensitibo ang pamahalaan sa kalooban ng nakararaming mga mamamayan.  Dahil dito, kailangan ang mga pulitiko.  Ipinagpapalagay na sensitibo ang mga pulitiko sa kalooban ng madla dahil maaari silang palitan sa kasunod na halalan.  Hindi rin nawawala ang maya’t-mayang mga pagpapasyang hindi nakabatay sa teknikal na kaalaman (ni sa legalidad, ni sa moralidad), kundi sa kursunada lamang ng nagpapasya:  ang tinutukoy na “political decisions”.

May wastong pagkakatimbang sa pagtatalaban ng pagkilos ng mga pulitiko at ng hanay ng burukrasya sa pamahalaan; mahirap nga lamang hanapin ang puntong ito.  Sa katunayan, walang katapusan ang pagsasa-tono o fine-tuning na kinakailangan, nakasalalay din sa madla at sa mismong mga pulitiko at kawani ng burukrasya.  Dapat itong magsimula sa pagkilala ng pagkakaiba-iba ng mga gawain kung magiging pasulong, at hindi paurong, ang pagbabago sa ating kulturang pampulitika. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

1 comment:

  1. This is good reading material for the Max Weber topic in my Soc Sci 2 class. Hehe.

    ReplyDelete