PAG-IBIG SA
KATOTOHANAN, PAG-IBIG SA BAYAN
Tuwing
Mahal na Araw, Semana Santa sa
Español, Holy Week sa Ingles, dalawang beses na binabasa sa liturhiya ang Pasyon,
o ang pagpapakasakit hanggang kamatayan sa Krus ng ating Panginoong Hesus: una, sa araw ng Linggo ng mga Palaspas, Palm Sunday (tinatawag din itong Passion Sunday), mula sa ebanghelyo ni
Mateo, Marcos o Lucas (naghahalinhan ang tatlong ito sa bawat taon); at,
ikalawa, sa araw ng Biyernes Santo, mula naman sa ebanghelyo ni San Juan. Laging mula sa ebanghelyo ni San Juan tuwing
Biyernes Santo. Sa ebanghelyo ni San Juan matatagpuan ang
pinakakilalang linyang nagmula sa bibig ni Poncio Pilato: “Ano ang
katotohanan?” (Jn 18:38), What is truth?;
at sa Latin, <Quid est veritas?>.
Hindi
binigyan ni Pilato ng pagkakataon si Hesus—ang Karunungan ng Diyos—na sagutin
ang tanong. Si Pilato ay agad na lumabas
at humarap sa mga Hudyo; halatang walang totoong pagnanasang marinig ang
sagot. Ganunpaman, masasabi nating
katotohanan ang katalagahan ng isang bagay (sa kahulihulihan, kung ano talaga
iyon sa mata ng Diyos). Katotohanan din
ang tawag sa pagkakatugma ng ating nalalaman at ng katalagahan ng isang bagay;
ganundin ang pagkakatugma ng ating nalalaman o nasasaloob at ng ating sinasabi.
Mahalaga
ang pagsabi ng totoo, hindi lamang ang pagiging tapat sa sarili kundi ganundin
sa ating pakikipagkapwa, sa buhay-lipunan.
Likas nga namang “katotohanan” ang obheto o pinatutunguhan ng ating mga pag-iisip.
Ang
pag-iisip ng tao ay likas na nakatakda sa pag-unawa ng totoo; hindi ng
kung-anuanong kasinungalingan o kabalbalan.
Kaya nga masasabing kautusan ng Batas Kalikasang Moral ang huwag nating
pagsinungalingan ang ating kapwa—nasa Ikawalong Utos din ito ng Dekalogo, Thou shalt not bear false witness against
thy neighbor—dahil likas na karapatan ng bawat tao ang hindi mapaglakuan ng
kasinungalingan.
Mabuti
rin marahil na sabihing ang tungkuling maging totoo, magsabi ng totoo sa kapwa,
ay nakabatay sa karapatan niyang malaman ang katotohanan. Ibig sabihin nito, may mga pagkakataong hindi
dapat isiwalat ang katotohanan: maaaring
dahil napakamura pa ng isip ng mga makikinig, kaya nga tinututulan ng marami
ang pagsasabatas sa RH Law ng sex
education sa mga batang mag-aaral; maaari ring dahil sa malamang na hindi
mabuting kahihinatnan, halimbawa ay ang pagbulgar sa kinaroroonan ng isang personalidad
na posibleng tambangan at paslangin ng kanyang mga kalaban.
Halimbawa
rin ng pagkakataong may tungkulin tayong huwag ipahayag o isiwalat ang
katotohanan ang maaaring maging pagkasira ng puri ng ibang tao nang walang
mabigat na kabutihang idudulot. Ganundin
ang mga pagkakataong napasa-atin ang kaalaman dahil sa pangako at tiwalang
itatago nating lihim iyon: Ito ang
kalalagayan ng mga Confessor o Padreng
nagpakumpisal, at mga abogado, sa mga kasalanan at lihim ng kanilang penitente
o kliyente. Ganunpaman, sa
pangkalahatan, kailangan nating maging tapat sa ating kapwa—magkaroon ng birtud,
mabuting ugali o kasanayang magsabi ng totoo, honesty o truthfulness sa
Ingles. Hindi maligaya ang buhay ng
isang taong kilalang sinungaling.
Sa
kanyang huling liham-ensiklikal bilang Santo Papa, inilabas noong taong 2009 at
gumugunita sa Populorum Progressio ni
Papa Pablo Ikaanim, pinag-usapan ni Papa Benedicto Ikalabing-anim ang pag-ibig na
naaayon sa katotohanan, pag-ibig na isinasagawa sa katotohanan. “Pag-ibig sa Katotohanan”: Ito ang eksaktong
kahulugan ng pamagat ng ensiklikal na Caritas
in Veritate, wikang Latin, at ang katumbas sa Ingles ay “Love done in truth”. Maituturing na social encyclical din ang Caritas in Veritate, nagbibigay ng aral
tungkol sa buhay-lipunan.
Sa
pambungad ng liham-ensiklikal, sinasabi kaagad, “Charity...needs to be understood, confirmed, and practised in the light
of truth; ang pag-ibig ay kailangang maunawaan, mapatatag, at maisagawa sa
liwanag ng katotohanan (CV, No. 2). Kung
ang pag-ibig sa bayan—social justice
o solidarity—ay paglayon sa
kabutihang panlahat, dapat nga namang linawin muna kung ano ang tunay na common good.
Mabuti
ring namnamin ang sinabi mismo ng Panginoong Hesus: “Katotohanan ang
magpapalaya sa inyo” (Jn 8:32), the truth
shall set you free; at sa wikang Latin, Veritas
liberavit vos. At siyempre, sinabi
rin ni Hesus: “Ako ang daan, ang
katotohanan, at ang buhay” (Jn 14:6), I
am the way, the truth and the life; at sa Latin, Ego sum via, et veritas, et vita.
Si
Kristo ang kaganapan ng Totoo sapagkat Siya ay totoong Diyos; Tunay na Diyos at
tunay na Tao. Sa persona ni Kristo
nakabalot ang lahat ng katotohanang kailangan nating malaman upang makamit ang tunay
na kaligayahan, dito sa daigdig at sa buhay na walang-hanggan.
Hanggang
dito na lamang po pansamantala, hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment