Sunday, June 22, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 27

SA PAGITAN NG PULITIKO AT NG BURUKRASYA

Iba-iba ang mga gawain sa pamahalaan.  Magkakaiba ang gawain ng mga pulitiko, ayon sa pulitikal na tungkuling hinahawakan; iba pa rin ang gawain ng mga pulitiko sa gawain ng hanay ng mga propesyonal na permanenteng kawaning masasabing bumubuo ng burukrasya; ngunit sa huli, ang resultang gawa ay pagkilos ng pamahalaan sa kanyang kabuuan bilang institusyon.  Hindi maaaring angkinin ng iisang tao ang papuri, kung naging mabuti ang resulta; at hindi rin maaaring ibunton sa kung sinong indibidwal ang lahat ng sisi, kung hindi mabuti.  Ganunpaman, hindi rin maiaalis na maghanap ang sambayanan ng “personalidad” na pagpapanagutin sa ganoong pagkakataon, sapagkat ang pananagutan—responsibility o liability—ay maaari lamang magmula sa malayang pagpili, at ang pagpili ay isang personal na akto.

Ang ganitong pananagutan ng kawani ng pamahalaan, kasali ang mga pulitiko, ay maaaring pumasok sa isa sa tatlong uri, o sa anumang kumbinasyon ng mga ito, sa ating sistema ng batas:  una, pananagutang kriminal, kapag may paglabag sa batas na nagpapataw ng parusa (madalas may pagkulong); pangalawa, pananagutang sibil, tumutukoy sa pagbalik o pagbayad ng salapi o ari-arian; at, pangatlo, pananagutang administratibo, kapag may paglabag sa moralidad o pagsuway sa utos ng nakatataas na maykapangyarihan (may krimen man o wala), na maaaring patawan ng parusa mula sa simpleng pagsabon (reprimand), pagsuspindi sa loob ng kung anong itakdang panahon, hanggang sa pinakamataas na parusang pagtanggal mula sa tungkulin (dismissal). 

Lahat ng tauhan ng pamahalaan, pulitiko man o permanenteng kawani ng burukrasya, ay maaaring pagpanagutin sa anumang personal na aktong maaaring paksain ng usaping kriminal, sibil o administratibo.  Ganunpaman, sa pagkilos ng pamahalaan bilang institusyon, may mga pagkakataong walang personal na akto ninuman ang maaaring maging batayan ng pananagutang kriminal, sibil o administratibo. 

Halimbawa nito, marahil, ang trahedya ng hostage crisis sa Luneta noong Agosto 23, taong 2010, na kinamatayan ng walong turistang taga-Hong Kong, at ng mismong dating pulis na nang-hostage sa kanila.  Ganundin, sa pananaw ng ilan, ang naantalang pagtugon at mabagal na pagpapanumbalik ng kaayusan sa Tacloban pagkatapos ng super-typhoon Yolanda noong Nobyembre ng 2013.  Isali na rin natin dito ang pagbagsak ng ekonomiya, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at iba pang maaaring mangyaring malamang na hindi maaaring isisi sa personal na akto ng sinumang indibidwal sa pamahalaan.

Sa ganitong mga pagkakataon, at kung maghahanap ng masisisi ang sambayanan, walang ibang maaaring pagpanagutin kundi ang pulitiko o mga pulitikong nanunungkulan, at ito ay sa pamamagitan lamang ng hindi pagboto sa kanila sa kasunod na halalan.  Makatarungan din ito, lalo na kung mangyari sa partidong nasa kapangyarihan, sapagkat sa kahulihulihan, sa sistema ng ating demokrasya, kursunada rin lang ang batayan ng pagboto ng manghahalal.  Sa madaling salita, ang pagboto sa kung sinong kandidato ay isa ring “political decision”, sa bahagi ng indibidwal na mamamayan.

Isang pagpapapino sa kaisipang ito ang pagkakaroon ng kadre ng mga propesyonal na kawaning, bagamat may mataas na pinag-aralan at kasanayan sa kani-kanyang gawain, ay hindi rin permanenteng bahagi ng burukrasya kundi nanunungkulan lamang na kasabay ng pulitikong nagtalaga sa kanila, o habang may tiwala ng pulitikong iyon.  Kasama sa hanay na ito ang mga cabinet secretaries, sa pamahalaang nasyonal, at mga co-terminous na puno ng tanggapan sa mga pamahalaang lokal; halimbawa, ang administrator at ang legal officer ng pamahalaang panlalawigan. 

Dahil hinahanapan ng mataas na kahusayan, kailangang kilatisin din at sang-ayunan ng mga pulitikong nasa sangay ng lehislatura ang pagtalaga sa cabinet secretaries ng Punong Ehekutibo.  Ngunit dahil sila ay mistulang pagpapalawak lamang—extension—ng personalidad ng pulitikong nagtalaga sa kanila, hindi sila permanente sa katungkulan. 

Wala mang alam sa pagsasaka ang isang Pangulo, maaari naman siyang umasa sa kanyang itinalagang Kalihim sa Department of Agriculture.  Maaari ngang sisihin ang isang Pangulo kapag bumagsak ang suplay ng pagkain sa bansa, hindi dahil sa kawalan niya ng kaalaman sa agrikultura, kundi sa pagpili ng kanyang Kalihim.

Mahirap maghanap ng mga ekspertong papayag na maglingkod sa pamahalaan sa ganitong mala-pulitikal na mga katungkulan, sa isang maliit na hanay na nasa pagitan ng pulitiko at ng burukrasya; mga dalubhasa sa kani-kanyang propesyon, ngunit walang seguridad sa panunungkulan.  Hindi sila tatagal nang higit sa tatlo, o anim na taong termino, ng pulitikong lokal o nasyunal, na nagtalaga sa kanila.  Ito ay realidad na dapat isaalang-alang sa pag-unawa at pagkilatis sa pagkilos ng pamahalaan.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment