Saturday, March 15, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 21

PAGLILIMOS (ALMSGIVING)

Nalalapit na naman ang panahon ng “Kwaresma”, katagang mula sa Español, Lent sa Ingles, may kinalaman sa katagang quadragies, Latin para sa “apatnapu”—panahon sa kalendaryo ng sambayanang Kristiyano para gunitain ang apatnapung araw na ipinag-ayuno ng Panginoong Hesus sa ilang bago Siya lumantad sa publiko upang ipahayag ang Kanyang kaharian.  May kinalaman din ito sa apatnapung taong paglalakbay ng mga Hudyo sa ilang, mula sa paglaya nila sa Ehipto hanggang sa pagpasok nila sa lupang pinangako.

Nagsisimula ang apatnapung araw ng Kwaresma sa Miyerkoles ng Abo, Ash Wednesday (March 5 ngayong taong 2014) at nagtatapos sa Huling Hapunan ni Hesus kasama ng Kanyang mga alagad sa gabi ng Huwebes Santo.  Maaari ring sabihing nagtatapos ang panahon ng Kwaresma sa Araw ng Linggo ng Muling Pagkabuhay, Easter Sunday, na pinaka-dakilang pagdiriwang sa buong taon, sapagkat maituturing ding isang mahabang araw ang Easter Triduum, ang tatlong araw na nagsisimula sa Huling Hapunan ng Huwebes Santo, at dumadaloy nang walang patid sa pagdakip, paglilitis, pagpapahagupit at pagpapako sa Krus, hanggang sa pagkamatay sa Biyernes Santo, at sa muling pagkabuhay ni Hesus.  Alalaumbaga, ang panahon ng Kwaresma ay apatnapung araw na paghahanda sa Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Nababanggit natin ito sa konteksto ng pagmumuni-muni tungkol sa pulitika sapagkat, sa praktikal na aspeto nito sa buhay-Kristiyano, ang Kwaresma ay panahon ng pagpapaigting ng panalangin, pag-aayuno (fasting sa Ingles, pagpapakasakit o pagsasanay sa pagtakwil sa sarili), at paglilimos (almsgiving sa Ingles, pagkakawanggawa, pagsasanay sa mabubuting gawa).  Ito ang buod ng pagsasabuhay ng panahon ng Kwaresma:  panalangin, pag-aayuno, at paglilimos; at maiuugnay sa kasalukuyang kultura sa pulitika sapagkat tila isa sa kapansin-pansing ginagawa ng maraming pulitiko—at inaasahan din ng publiko—ang paglilimos, pamimigay ng pera sa sinumang humihingi, pagiging matulungin at “madaling lapitan”.

May nakilala akong magaling na pulitiko mula sa isang lalawigan sa Luzon:  tatlong terminong naging gobernador, tatlong termino ring congressman pagkatapos niyon, at ngayon ay retirado na; at isa sa hindi ko malimutang naibahagi niya sa akin ang aral na, sabi niya, “Kapag namimigay ng pera ang kalaban mo sa halalan, at hindi ka namimigay, talo ka.”  Ganundin ang punto sa pagkakakilala sa maraming bantog at walang talong pulitiko:  “Kung siya ay lapitan sa oras ng iyong kagipitan, hindi ka uuwi ng luhaan”.

Hindi nga naman masama ang mamigay; sa katunayan, mabuti ito, kaya nga sa buhay-Kristiyano, walang-tigil dapat ang paglilimos, ang paggawa ng mabuti sa kapwa—gawaing sadyang pinatitindi pa sa panahon ng Kwaresma—sapagkat ito rin ang sukatan ng ating pag-ibig na batayan ng kaligayahang walang-hanggan.  Ganunpaman, hindi ito mabuting batayan sa pagpili ng ihahalal na pulitiko sapagkat, sa kahulihulihan, ang pinatutunguhan ng paglilingkod sa pamahalaan ay kabutihang panlahat—common good—hindi talaga upang tugunan ang pangangailangan ng pribadong indibidwal.  At dahil hindi dapat maging batayan ang pamimigay ng pulitiko sa halalan, ipinagbabawal ng batas nang may karampatang parusa ang pamimigay ng pera sa panahon ng eleksyon.

Hindi nga naman dapat pagkamalang pareho lamang ang pamimigay ng trapo at ang Kristiyanong paglilimos.  At isa sa pinakamalaking pagkakaiba ng dalawang ito ang pagiging bulgar—alam ng lahat—ng pamimigay ng pulitikong trapo; at ang pagiging palihim ng Kristiyanong paglilimos. 

Ito ang sinabi ng Panginoon: “Ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa....Kaya kung ikaw naman ang magbigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.” (Mt 6:1-4)

Masasabi rin nating palihim dapat ang paglilimos sapagkat may paghamak, may kabawasan sa karangalan ng tao, ang pagtanggap ng limos mula sa kapwa.  Sa Noli Me Tangere ni Rizal, ang tauhang si Don Tiburcio ay inilalarawang “isang taong may dangal kaya’t nahihirinan siya sa pakikikain” sapagkat “mapait ang pagkaing nagmula sa limos,” the bread of charity is bitter, kung palagian na ito.  Sa tamang kalakaran, dapat na natutugunan ng bawat isa ang kanyang pangangailangan mula sa sariling paggawa, kaya nga sinabi ni San Pablo, “Kung may ayaw gumawa, huwag siyang kumain” (2 Thes 3:10).  Kapag naging kalakaran, tulad ng sa ating tradisyunal na pulitika, ang pamamalimos ay kontra-insentibo sa nagsisikap na maghanapbuhay nang marangal; at insentibo rin sa pulitiko upang gumawa ng salaping pampamigay sa hindi malinis na paraan.

Harinawa’y maisabuhay nating lahat ang tunay na diwa ng Kristiyanong paglilimos sa Kwaresmang ito at sa lahat ng panahon.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.

O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment