Saturday, February 8, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 18

KARANGALAN NG TAO BILANG TAO

Noong nakaraan, napagtuunan natin ng pansin ang kabanalan ng buhay-pamilya, na nagmumula sa kabanalan ng buhay ng tao.  Sa higit na sekular na pagsasawika, “karangalan ng tao bilang tao”—human dignity—ang terminolohiya sa kabanalan ng buhay ng tao. 

Isa sa pinakamahalaga at pinakapundamental na prinsipyo ng pamumuhay sa lipunan ang paggalang sa karangalan ng bawat tao bilang tao.  Sa usapin ng pulitika, mabuti ring pagmunimunihan ito, sapagkat ang pulitika ay isang natatanging pantaong larangan.  Walang pulitika sa bahagi ng mga hayop.  Ipinagpapalagay lamang na sila ay parang mga tao sa mga pantasyang tulad ng pelikulang-guhit na Lion King ng Walt Disney Productions.  Ang nobela ring Animal Farm ni George Orwell ay isang alegoryang sa katunayan ay tungkol din sa tao, hindi talaga tungkol sa mga hayop na mga “tauhan” sa kuwento. 

Tao talaga ang gumagalaw sa larangan ng pulitika; at sa kahuli-hulihan, sa tao rin umiinog ang lahat ng usaping pampulitika.  Bagamat ibang konteksto ang pinagmulan, nababagay din sa puntong nais nating tukuyin ang isa sa pinakasikat na pariralang nagmula kay Abraham Lincoln, bahagi ng kanyang Gettysburg Addres: “pamahalaan mula sa tao, isinasagawa ng tao, at para sa tao,” government of the people, by the people, for the people.  Sa lengguwahe naman ng Vatican II o Ikalawang Konsehong Batikano, “the beginning, the subject, and the goal of all social institutions is and must be the human person”.  Tao ang simula, ang kamalayang nasa sentro, at siya ring dapat na pinatutunguhan ng lahat ng institusyong panlipunan (Gaudium et Spes, No. 25).

Ang karangalang ito ng tao bilang tao ang batayan ng Bill of Rights sa ating Saligang Batas.  Masasabing may Bill of Rights dahil may likas na mga karapatan ang tao, at hindi ito maaaring tapakan o sagasaan kahit pa ng Estado.  Sa madaling salita, ang Bill of Rights ay mga limitasyon sa kapangyarihan ng Estado, pagkilala sa hindi maaaring yurakang karangalan ng tao bilang tao.

Sa ating panahon, isa sa mga pagkukulang sa pagkilala o pagpapahalaga sa karangalang pantao ang pagpapababȃ sa tao upang ipantay sa mga punongkahoy o mga hayop; o kaya, ang bigyan ng higit na pagpapahalaga ang mga punongkahoy at hayop kaysa tao.  May mga batas pa nga tayong tila nagbibigay ng “human rights” sa mga hayop, at nagpapataw ng parusa sa mga taong hindi kumikilala sa mga karapatang ito na dapat ay pan-tao lamang ngunit iginagawad sa mga hayop.

Hindi rin basta masisisi ang mga taong may ganitong pananaw sapagkat, kung kakayahan lamang natin ang aasahan, mahirap ikatuwirang tao—at hindi ibang nilalang o buhay-ilang—ang tugatog ng paglikha.   Hindi natin talaga kayang patunayan—nang walang puwang para sa pagduda—na tao lamang ang may pag-iisip at kalayaang pumili.  Malay nga naman natin kung ano ang pinag-uusapan ng ating mga alagang aso kapag sila ay nagkakatipon-tipon.  At, sa kabilang dako, alam nating may mga aspeto ang taong katulad ng hayop:  madalas tayong napapasunod sa udyok o hilig ng katawan kahit labag sa utos ng budhi.  Ganunpaman, kamalian pa ring ipantay o ipailalim ang tao sa hayop o punongkahoy:  wala rin namang dahilan para sabihing higit na magaling ang mga nilalang na ito kaysa tao.  Walang kabuluhang pagpapahirap sa sarili, ngunit nangyayari, tulad ng penomenong pinagmulan ng kasabihang “white elephant”:  mga alagang hindi maaaring katayin o itapon dahil pinaniniwalaang sagrado, ngunit napakagastos alagaan.

Malaki ang tulong ng ating pananampalataya sa paglilinaw sa karangalang pantao.  Malinaw sa pananampalatayang Kristiyanong nilikha ng Diyos ang tao upang pamahalaan ang buong daigdig. 

Nakasulat sa Bibliya:  “Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan...Sinabi niya, ‘Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito,’” “Be fertile and multiply; fill the earth and subdue it” (Gen 1:27-28).  Ito rin ang paksa ng Salmo Bilang 8:  “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan; o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?  Nilikha mo siyang mababa sa iyo nang kaunti, pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.  Ginawa mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha, sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala.”  Higit pa riyan, ang Diyos ay nagkatawang-tao:  ang Panginoong Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao.

Pinakapundamental sa mga karapatang pantao ang karapatang mabuhay, right to life, sapagkat walang ibang karapatan pang maaaring pag-usapan kapag walang buhay; kaya nga, dapat tayong mabagabag na tila dumarami ang mga nangyayaring pagpaslang sa tao habang nasa sinapupunan; at hindi lang nangyayari kundi isinusulong sa ilang mga sulok ng daigdig na parang karapatan na ng isang ina ang ipalaglag ang buhay na nasa sinapupunan.  Pag-usapan natin sa susunod ang abortion sa kontekstong ito.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment