Sunday, May 18, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 25

WALANG PERSONALAN

“Walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak”.  Ito ang isa sa pinakamalakas na umalingawngaw na linya mula sa Inaugural Speech ni Pangulong Erap Estrada noong June 30, 1998.  Katulad din ng “walang wang-wang” ni Pangulong Noynoy Aquino noong 2010, tumagos at tumalab sa kalooban ng marami sapagkat tumama sa isang malaking bahagi ng karanasan sa ating tradisyunal na pulitika. 

“Walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak”.  Bagamat naiiba nang kaunti ang konteksto ng talumpati ni Pangulong Erap, masasabi pa ring tumutugon ang linyang ito sa isa sa maituturing na sakit ng pulitikang trapo: ang “personalismo”, o ang labis na pamamayani ng indibidwal na pagkatao sa pagkilos ng pamahalaan.  Parang sinabi na rin ni Pangulong Erap na “Trabaho lang, walang personalan”.

Kapag pinag-uusapan nga naman ang pagkilos ng pamahalaan, alam din ng lahat na batas, hindi personalidad ng kung sino, ang dapat na maging batayan.  Ours is a government of laws, not of men.  Hindi mahalaga kung sino ang kaharap kundi ano ang nararapat, ano ang makatarungan ayon sa batas.  Ito rin ang dahilan kung bakit ang pandaigdig na sagisag ng katarungan ay babaeng nakapiring.  Hindi siya maaaring tumingin sa pagkatao ng indibidwal na kaharap.

Alam din ng lahat na walang-personalan dapat ang pagkilos ng pamahalaan; ganunpaman, sa maraming pagkakataon, namamayani pa rin ang personalismo:  naibibigay o naipagkakait ang biyaya o parusa depende sa kung sino ang nakaupo sa puwesto at sa kung sino ang kaharap; lumalabas na parang sa indibidwal na pagkatao ng pulitiko nagmumula at sa indibidwal na pagkatao ng kaharap nakapatungkol ang pagkilos ng pamahalaan.  Sa katunayan, maliban sa paminsan-minsang political decisions, hindi ang indibidwal na pagkatao ng pulitiko ang pinagmumulan o ang kumikilos kundi ang pamahalaan sa kanyang kabuuan bilang institusyon.  Walang matatawag na kaibigan, kumpare, o kamag-anak ang pamahalaan. 

Sakit nga ng tradisyunal na pulitika ang personalismo sapagkat hindi nararapat sa ating sistema ng batas.  At namamayani nga ang personalismo sapagkat, sa maraming pagkakataon—at sa pananaw din ng marami—kailangang maging malapit sa indibidwal na pulitiko—bilang kamag-anak, kumpare, o kaibigan—upang makatamasa ng biyaya mula sa pamahalaan; at sa pagbaligtad ng punto de vista, ang indibidwal na pulitiko ang pinagmumulan ng biyaya at ito ay dapat tanawing personal na utang na loob ng mamamayang nabiyayaan.

Sa karaniwan o pang-araw-araw na pagkilos ng pamahalaan, halos hindi nasasangkot at hindi dapat masangkot ang indibidwal na pagkatao ng pulitiko.  Hindi siya ang pumipili ng kontratistang magsasagawa ng proyekto:  may proseso ng pagpili ayon sa batas, sa pamamagitan ng competitive bidding.  Malamang ay hindi rin siya ang nag-disenyo ng silid-paaralan, lalo na kung ihahalimbawa natin ang isang konggresman na ang kwalipikasyon lamang sa Saligang Batas ay pagiging natural-born citizen, hindi bababa sa dalawampu’t-limang taong gulang, at marunong bumasa at sumulat (Sec. 6, Art. VI). 

Hindi nga indibidwal na pagkatao ng pulitiko ang pinagmumulan o ang kumikilos kundi ang pamahalaan sa kanyang kabuuan bilang institusyon.  Dahil dito, ang kabaligtaran ng personalismo, na dapat na maging kalakaran o pinatutunguhan ng ating kulturang pampulitika, ay matatawag na “institusyonalisasyon”, ibig sabihin, pagpapalakas at pagpapatatag sa pamahalaan bilang institusyon, sa halip na nagiging parang pinalawak lamang na personalidad ng pulitiko.

Hindi malinaw ang etimolohiya ng katagang Ingles na institution; ganunpaman, masasabi natin marahil na may kaugnayan ito sa ens, katagang Latin, na ibig sabihin, “bagay na umiiral,” entity sa wikang Ingles.  Sa madaling salita, ang isang “institusyon” ay kalipunang may sariling katalagahan, may pag-iral na maibubukod o maitatangi sa mga personalidad na bumubuo nito.  Maaari rin sanang tawaging separate personality kung hindi natin kailangang iwasan ang katagang “personalidad” upang hindi magkalituhan; sapagkat sa kontekstong ito, “personalismo” ang sakit na kalaban ng “institusyonalisasyon”.

Hindi naman masama ang “personalan”; sa katunayan, napakahalaga nito sa maraming larangan ng buhay ng tao:  sa ating pakikitungo sa mga kapamilya, pakikipagkaibigan, at higit sa lahat, sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.  Ganunpaman, hindi ito nararapat sa pagkilos ng pamahalaan. 

Hindi kailangan ang maging kaibigan, kumpare, o kamag-anak ng pulitikong namumuno upang matamasa ang nararapat mula sa pamahalaan.  Kung ito ang naging mensahe sa Inaugural Address ni Pangulong Erap noong 1998, tila ang hindi pagkakasakatuparan nito ang isa sa mga naging dahilan ng pagkakapababa sa kanya mula sa pagka-Pangulo noong Edsa Dos sa pagsimula ng taong 2001.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment