Saturday, December 21, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 15

RH LAW REVISITED 2

Sa cover story ng Time Magazine na lumabas noong nakaraang ilang araw (December 2, 2013), tampok ang naging masamang resulta ng one-child policy na umiral at umiiral pa rin sa China:  kulang na ang kanilang populasyon at nakikinitang lubhang mahirap nang kumbinsihing magparami ng mga anak ang kanilang mga mamamayan, matapos ang ilang dekadang pagpigil sa pag-aanak.  Ngunit hindi lamang China.  Ang Singapore din (at marami pang bansa lalo na sa Europa) ay nagsisisi sa pagpapalaganap ng contraceptive sex dahil nararanasan nila ang walang humpay at nakakatakot na pagliit ng kanilang mga populasyon, aging ang waning population, ang tinatawag na demographic winter.  Mainam ngang suriin pa natin ang aspetong ito ng immoralidad ng contraceptive sex, at ng RH Law na nagtutulak nito.

Ang kakayahang sekswal ng tao ay likas na nakatakda sa pag-aanak—kaya nga “reproductive system”  ang tawag sa kalipunan ng mga bahagi ng katawan na nasasangkot sa sex—at may maling paggamit, may pag-abuso, may kamaliang moral kapag ginamit natin ang kakayahang ito nang may pagtanggi sa kanyang likas na dapat kahantungan.   Ito ang dahilan kung bakit masama, immoral, ang contraceptive sex:  ginagamit ang kakayahang sekswal habang sadyang tinatanggihan ang likas na dapat nitong kahantungan, pinipigilan ang posibilidad na magbunga ito.  Makikita rin dito:  bagamat immoral ang contraceptive sex, hindi masama ang mga kaparaanang tinatawag na natural family planning methods sapagkat sa mga natural na kaparaanang ito, hindi ginagamit ang kakayahanag sekswal sa mga araw na maaaring magbunga ito.  Walang pag-abuso sa kakayahang sekswal; walang pagpigil sa likas na daloy ng mga pangyayari.

Sa isang banda, maihahalintulad ang kakayahang sekswal ng tao sa kakayahang kumain.  Ang likas na nakatakdang layunin ng kakayahang kumain ay ang nutrisyon at kalusugan ng ating katawan; at may pag-abuso, may kamaliang moral kapag ang akto ng pagkain ay kumontra dito.  Halimbawa nito ang labis-labis na pagkain ng litson, na nakatuon lamang sa sa sarap na nadarama ng ating panlasa:  katakawan ang tawag dito. 

Dapat nating isaalang-alang:  ang sarap na nararanasan sa pagkain, ganun din sa paggamit ng kakayahang sekswal ng tao, ay paraan lamang o insentibo; instrumento ng kalikasan upang tulungan tayong tupdin o isagawa ang kinakailangang gawin—pagkain at pakikipagtalik—tungo sa mga likas na dapat kahantungan ng mga gawaing iyon:  kalusugan ng indibidwal, sa bahagi ng pagkain; at pagbunga ng anak (pagpapalago o pagpapalusog sa sambayanan) sa bahagi ng sex.

Ganunpaman, magkaiba pa rin ang sex at pagkain:  Sabi nga ni San Josemaria Escriva, “For, unlike food, which is necessary for the individual, procreation is necessary only for the species, and individuals can dispense with it.” (The Way, No. 28)  Ang pagkain, kailangan para sa patuloy na pag-iral ng indibidwal; ang sex, kailangan para sa patuloy na pag-iral ng sambayanan, hindi talaga kailangan ng indibidwal.  Maaaring mabuhay nang masaya ang indibidwal kahit hindi gamitin ang kakayahang sekswal; at patunay dito ang buhay ng mga santong selibato.

Ang pagkain nga naman ay direktang nakatakda sa kabutihan ng indibidwal; ang sex, sa kabutihan ng pamilya at ng sambayanan, sa pagpapatatag ng lahi.  Ito rin ang dahilan kung bakit higit na madaling makita ng indibidwal ang kasamaan ng katakawan sa pagkain, ng walang prenong hilig sa pagkain at inumin, kaysa kasamaan ng contraceptive sex.  Ang hindi kanais-nais na resulta ng maling paggamit sa kakayahang sekswal, bagamat may pinsala sa pamilya at sambayanan, ay hindi agad ramdam ng indibidwal; di tulad ng katakawan sa pagkain o kalasingan sa inumin: masakit sa ulo at nakapanghihina ng katawan.  Bukod sa pagkakaibang ito ng sex at pagkain, higit na matindi rin ang sarap ng sex kaysa sarap na nararanasan natin sa pagkain.  Ang higit na matinding sarap mula sa sex ay “gantimpala” ng indibidwal sa paglingkod sa sambayanan. 

Karamihan sa atin, kakain pa rin, kahit sa marahan lang na udyok ng pagkahilig—kahit hindi masarap ang pagkain—dahil alam nating kailangang kumuha ng sustansya mula sa pagkain upang mabuhay.  Sa kabilang dako, malamang na bihira ang mag-aasawa at mag-aanak kung wala ang matinding sarap na kalakip ng sex.  Kaya nga, kapag iisiping ayos lang ang contraceptive sex—kapag tinanggal ang pag-aanak o procreative purpose na likas na hantungan ng sex—hindi mapipigilan ang pababang pagbulusok ng bilang ng mga mamamayan.  Masasabi nga na kung ang katakawan sa pagkain ay nauuwi sa kamatayan ng indibidwal (dahil sa hypertension, diabetes, at iba pa), ang katakawan sa sex—paggamit nito para lamang sa sarap, na may pagtanggi sa likas na layuning magbunga—ay nauuwi sa kamatayan ng pamilya at ng sambayanan. 

Marami pa ang masasabi tungkol sa pagiging labag sa Batas Kalikasang Moral ng RH Law.  Ipagpaliban na muna natin ang pagtalakay sa mga ito.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, December 14, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 14

RH LAW REVISITED

Isang halimbawa ng “political decision” na lumalabag sa Batas Kalikasang Moral at sa batas ng sambayanan ang RA 10354, The Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, tawagin na lang nating “RH Law”.  Dahil lumalabag sa batas ng sambayanan, ito ang paksa ng ilang petisyon sa Korte Suprema na hinahangad na mapawalang-bisa ang nasabing batas.  At dahil may kasong nakabinbin, minabuti ng hukumang ipatigil muna ang pagpapatupad.  Ngunit hayaan na muna natin ang aspeto ng legalidad sa hukuman at pagtuunan ng pansin ang paglabag sa moralidad.

Ang buod ng RH Law ay ang pag-obliga sa pamahalaan at mga health workers na gumugol ng salaping nagmula sa buwis ng mga mamamayan upang mamigay ng mga kontraseptiba o itulak ang “contraceptive sex”, o pagtatalik na sekswal na ginagamitan ng artipisyal na mga pamamaraan o gamot na pumipigil o pumuputol sa pagbubuntis o pag-aanak.  Ito ay labag sa batas-kalikasang-moral; ibig sabihin, salungat sa kabutihan ng tao bilang tao.

Immoral ang contraceptive sex sapagkat ang kakayahang mag-sex ng tao ay likas na nakatakda sa dalawang hantungan: una, sa pag-iisa, union, sa pag-iibigan ng mag-asawa; at, ikalawa, sa pagkakaroon ng bunga, sa pagkakaroon ng supling, procreation. Kaya ang tama at mabuting paggamit sa kakayahang mag-sex ay dapat na bukas o umaayon at hindi kontra sa dalawang layuning ito: may pag-ibig at tinatanggap ang posibleng maging supling; bukas sa pagkakaroon ng bunga, sa pag-aanak.  Okey ang paggamit ng kakayahang mag-sex kung, una, may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik; at, ikalawa, bukas ang kanilang kalooban sa pagkakaroon ng supling; o sa pinakamababang sukatan nito, wala silang ginawa para pigilan ito.  Kailangan laging naroon ang dalawang kondisyong ito, hindi pwedeng paghiwalayin.

Ang sinasabi ng pumapabor sa contraceptive sex, okay ang sex kung may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik.  Makatao na raw ito, hindi na immoral, kapag may pag-iibigan, kahit na sadyaing pigilan nila ang pagbunga nito. 

Mali ang pananaw na ito. Hindi maaaring sabihing isa lamang ang likas na hantungan ng kakayahang mag-sex ng tao, na ito ay okay na bastat may pag-ibig. Hindi maaaring bale-walain o isa-isantabi ang pagkakatakda nito sa pagkakaroon ng bunga.  Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang hantungang ito ng pag-aasawa.  At sa katunayan, ito ang turo ni Papa Pablo VI sa kanyang Liham Encyclical na pinamagatang Humanae Vitae, “Buhay ng Tao”, na inilabas noong taong 1968.

Nakakatulong nga ang pananampalataya sa pagkilala natin sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral.  Hindi nga naman maaring sabihin okay ang sex kung bukas lamang sa pag-aanak ang magkatalik.  Kapag walang pag-ibig, rape ang tawag sa sex, isang malinaw na kamaliang moral.  Sa kabilang dako, kung sasabihin namang ang likas na layunin ng sex ay natutupad na sa pag-iibigan lamang ng magkatalik, magiging okay na pala ang sex sa pagitan ng magkasing-kasarian, homosexuality, gayong isinusumpa ito sa Banal na Kasulatan.  At kaya nga alam nating immoral ang homosexual intercourse ay dahil hindi ito maaaring tumupad sa layunin ng pag-aanak.  Isa pa, kung sasabihing hindi kailangang maging bukas sa pag-aanak ang sex, mawawalan na rin ng saysay ang institusyon ng kasal.  Kaya nga laging kasunod ng paglaganap ng contraceptive sex ang pagkasira ng institusyon ng kasal, ng pamilya.  Nauuso ang diborsyo.  At nililinaw din ng pananampalataya ang immoralidad ng diborsyo.  Mismong ang Panginoong Hesukristo ang nagsabi, “Huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos” (Mt 19:6).

Mabuting pagmunimunihan ang dahilan kung bakit may institusyon ng kasal ang halos lahat ng lipunan.  Maging ang mga sinaunang tribo, kahit papaano, may seremonyang pagdaraanan ang nag-iibigang nais magsama at magtalik.  Sa harapan ng tribo sila nangangako at nagpapatali sa isa’t-isa nang pangmatagalan.  Ito ay dahil nga likas na nakatakda ang pag-aasawa sa pag-aanak.  Ang buhay ng tao, na bunga ng pagtatalik, ay maselan at mahina sa simula at kailangan ng matagal na pag-aaruga; kailangan ng pagtutulungan ng ama at ina sa matagal na panahon bago maging handa ang kanilang supling na mamuhay nang sarili.  Dahil dito, kailangang itali, obligahin, sa tungkuling ito ang mag-asawa sa harap ng tribo.  Ang tribo ay may karapatang tiyakin ang kapakanan ng mga sumusunod na salinlahi; kung hindi ay mauubos o malilipol ang tribo.

Kung ang sex ay hindi likas na nakatakda sa pag-aanak, walang dahilan para talian ang dalawang taong gustong makipag-sex sa isa’t-isa.  Walang dahilan ang institusyon ng kasal.  Okay lang ang live-in, okay na rin ang diborsyo.  Ngunit alam nating mali ito.  Immoral ang contraceptive sex sapagkat ito ay pag-abuso, maling paggamit, sa kakayahang sekswal ng tao; paggamit na may pagtanggi sa likas na nakatakdang layunin ng sex; kontra sa tunay na kalikasan ng tao bilang tao.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, December 4, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 13

POLITICAL DECISIONS 2

Noong nakaraan, nasabi nating political decisions ang tawag sa mga pagpapasyang nakasalalay sa kursunada ng pulitikong nanunungkulan bilang tinig ng sambayanan, mga pagpiling hindi nasasangkot ang isyu ng moralidad o ng legalidad.  Maitatanong natin, marahil, saan naman pumapasok ang mga batayang pang-teknolohiya o siyentipiko?

Unang-una, hindi absoluto ang kaalamang mula sa pisikal na mga agham.  Sa maraming pagkakataon, hindi rin nagkakasundo ang mga tinaguriang dalubhasa.  May kanser ba ang pasyente o nilagnat lang sa pagod?  Natural din lamang ito sapagkat, sa kahulihulihan, ang batayan ng kaalamang siyentipiko ay mula sa pisikal na realidad na napapasa-atin sa pamamagitan ng ating mga pisikal na pandama.  At alam nating lahat na madali ring magkamali ang ating mga pandama—may hindi nakita, nagkulang o lumabis sa pagbilang—at madali ring sadyaing linlangin o paglakuan ng ilusyon o kasinungalingan, ng salamangkero at ng propagandista, ng bayarang survey o mamamahayag. 

Bukod dito, hindi rin maikakailang madalas na nakukulayan ng nilalaman ng ating kalooban ang pananaw natin sa pisikal na bagay na kinakaharap.  May subhetibong paghusga maging sa inaakalang obhetibong kaalamang siyentipiko.  Mainit sa isa, malamig naman sa iba ang 20 degrees Celsius na setting ng airconditioner.  Ang ibig nating sabihin, hindi malinaw na batayan ang agham o natural sciences.  Lalo na ang tinatawag na social sciences tulad ng economics at sociology.  Higit na may katiyakan ang sukatan ng moralidad, lalo na sa mga nagkakaisa sa pananampalataya; ganundin ang mga kautusan ng batas.

Sa kabilang dako, hindi naman natin masasabing ipailalim na lamang sa political decisions ang mga datos ng natural sciences.  Sa katunayan, marami ring kaalamang mula sa agham na hindi pinagdududahan ninuman at walang debate.  Ganunpaman, sa mga pagkakataong iyon, maaaring sabihing pumapasok na sa larangan ng moralidad ang pagpasyang isaalang-alang ang datos ng agham o hindi.  May paglabag sa moralidad kung hindi isaalang-alang ang malinaw na wastong datos ng agham.  Madalas din, naisasabatas pa ang pagtalima rito: bawal ang shabu dahil nakasisira ng pag-iisip at nakamamatay.

Ang buod ng tungkulin ng pulitikong nanunungkulan ay magsagawa ng political decisions.  Sa bahagi ng ehekutibo, magbigay ng direksyon sa pamahalaan at burukrasya.  Sa kalakhang bahagi, nasasalamin ang direksyong ito sa pagkatha ng budget at pagtalaga ng mga taong gagawa at mangangasiwa. 

Madalas na hindi nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga ang kapangyarihang magtalaga ng mga tauhan—the power to appoint, to hire and fire—at kalakip nitong kapangyarihang disiplinahin ang naitalagang kawani.  Huwag lamang lumabag sa mga kautusan ng batas at sa moralidad, ito ay lehitimong political decision, nakasalalay sa kursunada ng pulitikong magpapasya, at anuman ang maging pasya, walang totoong makatuwirang maisusumbat ang sinuman.

Sa bahagi naman ng lehislatibo, sapat na na pag-usapan, linangin, at sang-ayunan o hindi-sang-ayunan ang direksyong mula sa ehekutibo.  Hindi talaga kailangan, bagamat political decisions din, ang pagpasa o hindi pagpasa ng bagong mga panukalang batas; at ang pag-rebisa, pagbura o pag-amyenda sa mga batas na nariyan na.  Political branches ang tawag sa ehekutibo at lehislatibo sapagkat tungkulin ng mga sangay na ito ang magsagawa ng political decisions.  Hindi kasali ang hudikatura, sapagkat ebidensya at batas lamang ang batayan ng mga pagpapasya ng huling sangay na ito.

Lumalabas, sa ating pagmumuni-muni, na kung ang isang pagpasya ay lehitimong political decision—hindi lumalabag sa batas o sa moralidad—anuman ang pasya ay ayos lang.  Walang dahilan para umiyak o magalit ang mamamayang hindi sumasang-ayon.  Ang remedyo ay political din:  huwag iboto ang pulitikong iyon sa halalan.

Ganunpaman, may mga pagkakataong lumalabag na sa moralidad o sa batas ang inaakalang political decision.  Halimbawa nito ang Reproductive Health Law.  Dahil lumalabag sa Saligang Batas, ang remedyo ay pagdulog sa hukuman, kaya ngayon ay may utos ang Korte Suprema na pansamantalang hindi ipatupad ang RH Law, habang nakabinbin ang kaso.  Ngunit paano kung ang inaakalang political decision ay lumalabag sa moralidad bagamat hindi lumalabag sa batas?  Ang remedyo ay nasa halalan din; ngunit ang kaibahan ay may karapatang magalit ang sambayanan.  At kung lubhang napakalaki ng paglabag sa moralidad, maaaring mauwi sa himagsikan.

Sa pagtaas ng antas ng pampulitikang kamalayan, sa katiwasayan ng sambayanan, mahalagang makilatis at mabigyan ng karampatang pagtrato ang lehitimong political decisions ng ating mga halal na opisyal, at nang hindi mapagkamalang ihalo sa mga isyu ng moralidad o legalidad.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, November 16, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 12

POLITICAL DECISIONS

Isa sa mahalaga ngunit madalas nakakalimutan sa mga usaping panlipunan ang konsepto ng political decisions, mga pagpapasyang sa kahulihulihan ay nakasalalay sa kagustuhan lamang ng sambayanan, sa kursunada, kung hindi man ng nakararami ay kursunada ng pinagmumulan ng kapangyarihan sa sambayanan.  Ibig sabihin, mga pagpiling hindi nasasangkot ang isyu ng moralidad o legalidad.  Anuman ang maging pasya, hindi lalabag sa Batas Kalikasang Moral o sa batas ng sambayanan, sa sistema ng batas.

Oo nga, ours is a government of laws, not of men; ngunit hindi kakayaning lahat ng galaw o pagkilos ng pamahalaan ay saklawin ng batas.  Ganundin, malawak pa rin ang larangan ng pagpili ng tao bilang tao sa harap ng Batas Kalikasang Moral: sa nakararaming pagkakataon, alinman ang piliin sa mga alternatibo ay walang matatawag na immoral.  Hindi kasalanan ang kumain ng meryenda; hindi rin kasalanan ang hindi pag-meryenda.  At sa usaping panlipunan at ng pamahalaan, halimbawa ng pagpapasyang nakasalalay lamang sa kagustuhan ng maykapangyarihang mamili ang kapangyarihang maghalal ng mga pinuno sa pamahalaan.  Ganundin ang pagtalaga ng tao sa katungkulan—power to appoint—na isa sa pinakamahalagang kapangyarihan ng isang Chief Executive.  Basta’t nasa taong itinalaga ang mga kwalipikasyong hinahanap ng batas at nasunod ang nakatakdang proseso, walang masasabing masama sa pagpili ng sinuman sa ilang mga kandidatong nakasalang.

Sa kahulihulihan, masasabing kailangan ang mga halal na pinuno sa pamahalaan upang may magsagawa ng mga political decisions bilang kinatawan ng madlang manghahalal sa ating sistema ng batas.  Dahil nga naman hindi matatawag na tama o mali ang pagpapasya sa batayan ng moralidad o ng batas, ang tanging sukatan ay paghusga ng nakararami sa halalan. 

Hindi rin naman maaaring iatas sa mga permanenteng kawani ng pamahalaan ang ganitong mga pagpapasya, sapagkat wala nang paraan upang papanagutin sila kung hindi kursunada ng madla ang naging pasya ng permanenteng kawani.  Maaari lamang silang paalisin sa panunungkulan kung immoral o labag sa batas ang kanilang gawa, dahil sila ay permanenteng kawani ng pamahalaan.  Kailangang ilagay sa kamay ng pulitikong nanunungkulan—halal na opisyal—ang mga pulitikal na pagpapasya.

Hindi rin naman araw-araw ay may political decisions na kailangang gawin sa pamahalaan.  Marami na ring aspeto ng operasyon ng pamahalaan ay nasaklaw na ng batas. 

Bagamat ang pagsasabatas ng anumang kautusan ay political decision, kapag naisabatas na ay wala nang puwang sa pagpili; kailangan nang sundin ang ipinag-uutos ng batas na iyon.  Hindi na political decision kundi obligasyon—legal duty—ang pinag-uusapan.  Pagbayad ng sahod sa mga empleyado ng pamahalaan, paghakot ng basura, pag-asikaso sa mga pasyente ng ospital ng pamahalaan, pagtugis ng mga pulis sa mga salarin, at iba pa:  ito ay mga gawaing hindi nangangailangan ng direkta o palagiang pakikialam ng pulitikong pinuno; dapat ay magawa, gustuhin man o hindi ng pulitikong pinuno, sapagkat ipinag-uutos ng batas na may karampatang parusa sa hindi pagtupad ng kawaning nasasangkot o naatasan ng mga tungkuling ito.

Kapansin-pansin, kung tutuusin, na habang napakataas ng mga kwalipikasyong hinahanap sa mga permanenteng kawani ng pamahalaan—kailangan ng diploma at kailangang pumasa sa mga examination ng Civil Service Commission—halos walang hinahanap na galing sa bahagi ng pulitikong pinuno.  Wastong gulang, nasyonalidad, paninirahan sa lokalidad, at kaalamang magbasa at sumulat: ito lamang ang hinahanap sa pulitikong pinuno; sapagkat sa huli, ang pinakamahalagang kwalipikasyon ay ang pag-halal sa kanya ng nakararaming mamamayang manghahalal.  Ibig sabihin, ipinagkakatiwala sa kanya ang pagsagawa ng political decisions.

Sa sistema ng ating demokrasya, ang madlang manghahalal ang maykapangyarihan sa lahat—sovereign—at siyang pinagmumulan ng kapangyarihan ng Estado.  Tama si Pangulong Noynoy Aquino nang sabihin niyang “Kayo ang Boss ko” sa kanyang Inaugural Speech.  Ganunpaman, hindi ito nangangahulugang dapat masunod ang kagustuhan ng kahit sino lang na Juana de la Cruz, o kahit umabot pa sila ng kung ilang libo.  Sapagkat ang paggamit ng kapangyarihan ng madla ay nasa paghalal ng pulitikong pinuno; at kung nahalal na ay siya nang kumakatawan sa madla.  Maaari lamang palitan sa susunod na halalan o sa pamamagitan din ng mekanismong nakatakda sa ilalim ng batas. 

May katotohanan din sa kasabihang, vox populi, vox Dei, “ang tinig ng madla ay tinig ng Diyos,” ngunit ang pinakamataas na paglalahad ng tinig ng madla ay ang ating Saligang Batas, at kasunod nito, ang “mga batas at kautusang pinaiiral ng mga sadyang itinalagang maykapangyarihan sa ilalim ng batas”.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Tuesday, November 12, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 11

PULITIKA AT PANANAMPALATAYA

Noong nakaraan, napag-usapan natin ang mga “birtud” na pantao, human virtues, na kailangan sa ating pagpapakabanal; at nabanggit ding lahat ng mga birtud ay maaaring ihanay sa ilalim ng apat na cardinal virtues: una, ang birtud ng tamang paghusga, prudence sa Ingles; ikalawa, “katarungan”, justice; ikatlo, “katatagan”, fortitude; at ikaapat, pagtitimpi, temperance.

Nasabi rin nating imposible sa tao ang maging banal, imposibleng makamit ang kaganapan bilang tao, kung kakayahan lamang natin ang aasahan.  Kailangan ang kapangyarihan ng Diyos at ang biyayang ayunan natin ito ng ating kalayaang pantao.  Dito pumapasok ang mga birtud na umiibayo sa ating kalikasan—supernatural virtues—at ang pinakamahalaga sa mga ito ay tinatawag na “teolohikal”, sapagkat direktang tumutukoy sa Diyos. 

May tatlong birtud na teolohikal:  una, “pananampalataya”, faith sa Ingles, ang ugaling umayon sa lahat ng ipinahayag ng Diyos; ikalawa, “pag-asa”, hope, ang ugaling manalig, umasa, magtiwala sa Diyos hinggil sa ating kaligayahang walang-hanggan; at ikatlo, “pag-ibig”, charity, pag-ibig sa Diyos higit sa anupaman, at pag-ibig sa kapwa gaya ng sarili alang-alang sa pag-ibig sa Diyos. 

Hindi tayo magiging “ganap” kung wala tayo nitong tatlong birtud na teolohikal; at dahil umiibayo sa ating kalikasan bilang tao, nagkakaroon lamang tayo nito dahil din sa biyaya ng Diyos, unang-una sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag o Baptism sa bahagi ng pananampalatayang Kristiyano. 

Ganunpaman, malaki pa rin ang kinalaman ng ating kalayaang pantao sa pagtanggap, pagpapanatili at pagpapayabong sa mga birtud na ito sa ating indibidwal na pagkatao:  maaari nating tanggihan, maaari ring iwaksi matapos na matanggap.  Sa kabilang dako, maaari rin nating payabungin o patindihin ang  pagkakatalab ng mga birtud na ito sa ating kalooban sa pamamagitan ng madalas na pag-ulit sa mga akto o gawang nasasangkot sa birtud na tinutukoy; halimbawa, sa madalas na pagsimba o sa sadyang niloob na pag-alay natin sa Diyos ng ating karaniwang mga gawain sa araw-araw, at nang maisalin ang mga pagkilos na ito upang maging patuloy na panalangin, sa walang patid na malayang pakikipag-ugnayan o pakikiisa sa Diyos.

Hindi tayo darating sa huling dapat kahantungan kung wala tayo nitong tatlong teolohikal na birtud sa pagtatapos ng ating panahon sa daigdig, sa pagtawid natin sa walang-hanggan, sa punto ng ating tiyak na darating na kamatayan. 

Walang kabuluhan ang anumang tagumpay sa daigdig—kahit sa pinakamataas pang katungkulan sa pulitika—kung hindi tayo hahantong sa kaligayahang walang hanggan, sapagkat ang alternatibo ay pagdurusang walang hanggan.  Maikli ang buhay ng tao sa daigdig—mahaba na ang walumpung taon—lalo na kung ihahambing sa walang hanggan; kahit limampung libong taon, kahit limampung bilyong taon, maikli kung ihahambing sa walang hanggan o eternidad. 

Sa konteksto ng pulitika, hindi sulit na ipagpalit ang kaligayahang walang hanggan sa anim na taong panunungkulan bilang Pangulo ng Pilipinos o kahit diktadurya sa loob ng dalawampung taon.  Sabi nga ni San Josemaria Escriva, ang pagka-Kristiyano ay hindi parang sombrerong isinasabit at iniiwan sa pintuan pagpasok natin sa ating opisina (cf. The Way, No. 353).  Ito ang pinakamahalagang aspeto ng ating pagkatao na dapat ay dala natin sa lahat ng pagkakataon, lalo na’t dahil hindi natin alam kung kailan tayo aabutan ng kamatayan.

Oo nga, sinasabi ng ating Saligang Batas na hindi maaaring baliin ang pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado:  The separation of Church and State shall be inviolable (Sec. 6, Art. II, 1987 Constitution).  At ito ay binibigyang laman sa Section 5 ng Bill of Rights: No law shall be made respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof.  The free exercise and enjoyment of religious profession and worship, without discrimination or preference, shall forever be allowed.  No religious test shall be required for the exercise of civil or political rights (Sec. 5, Art. III).  Ang ibig sabihin lamang nito ay pagpapagitna, neutrality, ng Estado, sa harap ng ibat’t-ibang pananampalataya.  Ang Estado mismo ay hindi maaaring kumiling o kumontra sa anumang relihiyon bilang relihiyon; ngunit hindi inaalis at hindi maaaring alisin sa indibidwal na mamamayan—kasama ang indibidwal na kawani o pinuno ng pamahalaan—ang karapatan at tungkuling mamuhay ayon sa kanyang pananampalataya.

Ganunpaman, paminsan-minsan, maaari pa ring magbanggaan ang kautusan o direksyon ng Estado at ng simbahan.  Kailangan nating pumili, at maaaring nakataya pa rito hindi lamang ang katungkulan kundi pati ang buhay.  Mabuti ring alalahanin ang sinabi ni Thomas More bago siya pugutan ng ulo:  “Utusan ako ng Hari ngunit utusan ng Diyos muna,”.I am the King’s good servant, but God’s first.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, November 2, 2013

REMARKS FROM THE CHAIR

Statement of Vice-Governor Victorino Dennis M. Socrates 
before the Sangguniang Panlalawigan  in special session 
on 31 October 2013



Honorable Board Members, distinguished guests, friends in the gallery, ladies and gentlemen, good morning.

The vote this morning leading to the passage of this Resolution (favorably endorsing the 15-megawatt coal-fired power plant in Aborlan) is a political decision.  By unanimous vote of the Members present, this august body has decided in favor of development.

The question of endorsing the proposed coal-fired power plant in Aborlan is not complicated.  It does not, in itself, present any ethical dillemma.  This will not involve any violation of the moral law. 

Nor is there any real issue concerning the impact of the proposed project to the health and safety of the residents of the locality, or the environment, which are matters addressed to the further technical evaluation of personnel of the various government regulatory agencies involved, including our own Palawan Council for Sustainable Development.  Indeed, around 60% of the power supply in Luzon comes from coal-fired power plants, which are allowed precisely because they pass the standards set by our national scientific-technical regulatory agencies.

The only issue before us, therefore, is whether or not we want development.

The proposed project responds to an urgent need for electrical power supply in Palawan not only to meet the existing demand (our present supply is unstable and hardly meets demand because of antiquated generating equipment), but even more important, to electrify—to connect to the global economy—the thousands of households in mainland Palawan alone that are still in the Dark Ages; and not only that: to allow as well investments to come in.

But like all political decisions, our choice will not be pleasing to everyone.  There is opposition based on the ideology of conservation; and there is opposition based on a sentimental attachment to the status quo, to keep things as they are, and to maintain the rural or even deep-forest ambience of the town.  We respect their positions. 

But on the part of the political leadership of the provincial government, under the leadership of our beloved Governor Jose Ch. Alvarez, the overwhelming mandate from the electorate—manifested in an avalanche of votes giving him an unprecedented majority in the May 2013 elections—has been precisely for change—Pagbabago—which seeks to raise the 80% of Palaweños who are at present living below the poverty line to at least the level of the middle class; and, hopefully, to fly Palawan from third world to first in nine years.  This will not happen without rapidly increasing the supply of electricity by at least three times within such period, to power the industrial estates, five-star resorts and hotels, massive housing, transportation, and port requirements, hospital and other service facilities, and yes, call centers, as well as others we may not yet be capable of visualizing.

While there are other possible sources of energy, there is no other serious proponent in view apart from the coal-fired power plant seeking our endorsement to take the further steps towards its eventual operation.  Nor do we see any cogent reason to deny the endorsement sought. 

Furthermore, our beloved Governor has obtained an undertaking from the proponent, incorporated as a condition attached to our endorsement, to shift from coal to bio-mass fuel, and to design its equipment to allow such shift, in the event that the latter should become less expensive than the former—which is most likely to happen—and which will provide livelihood for thousands of families in Aborlan who could then be growers of the bamboo that can be used as substitute for coal.

In our system of democracy, the elected representatives are the voice of the people.  The proposed project has been endorsed by the Sangguniang Barangay of Barangay San Juan, Aborlan, and by the Sangguniang Bayan of Aborlan, having jurisdiction over the territory in which the proposed project will be undertaken and operated. 

The least that we in this august body can do in response to the crisis of our time is not to be obstacles to the hopes of our people to be finally and fully connected to the global network of production and exchange of goods and services; to become participants, no longer excluded, no longer marginalized; in short, to be liberated from poverty.

Maraming salamat po sa inyong suporta at pag-unawa.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, October 19, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 10

ANG MGA BIRTUD

May kaibigang nakapagkuwento sa akin minsan, noong dekada noventa, na sila raw ay nagpagawa ng survey—pagsukat sa pulso ng bayan—upang alamin ang katangiang hinahanap ng mamamayan sa ihahalal nilang pulitiko.  Ang naging resulta yata ay pitumpung porsyento—lubhang nakararami—ang nagsabing “Matulungin” o “Madaling Lapitan”.    Nababanggit natin ito sapagkat ang pagiging matulungin ay isang birtud—virtue sa Ingles—mabuting ugali.  Mabuti ring pagtuunan pa ng pansin ang konsepto ng birtud:  mula sa katagang Latin, virtus, ibig sabihin, “lakas”; at may kinalaman din sa vir, mula rin sa Latin, at ang ibig sabihin, “tao”.  At sa kasalukuyang paggamit ng katagang “birtud”, ang tinutukoy natin ay mga ugali o kasanayang gawin ang mabuti sa lahat ng pagkakataon.  Sa wikang Ingles, stable inclinations or habitual dispositions to do what is good in every situation.

Mahalaga ang mga birtud sa pamumuhay na moral—sa ating pagsisikap na magpakatao, na patuloy na lumago sa pagiging mabuting tao, tungo sa pagiging “ganap”. 

Kung ang tao nga naman ay hahantong sa kanyang huling dapat kahantungan—sa pagiging kaisa ng Diyos sa kaligayahang walang-hanggan—ang ating pagkatao ay dapat tumupad sa tunay na kalikasan ng tao bilang tao, sa ating kalikasang ayon sa pagkakadisenyo ng ating Lumikha, at hindi sa ating sugatang kalikasang nagmula sa maling paggamit ng kalayaan.  Sa madaling salita, dapat tayong magpakabuti, magpakabanal, at ito ay nakikita sa ating pagkilos ayon sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral at ng matuwid na konsyensiya, sa ating pamumuhay na moral.  Ang Panginoong Hesu Kristo mismo ang nagsabi:  “Dapat kayong maging ganap, tulad din ng inyong Amang nasa langit,” You must therefore be perfect, just as your Father in heaven is perfect. (Mt 5:48)

Ngunit hindi pa-isa-isang gawa o pagkilos ang talagang sinusukat sa pagtungo sa ating kaganapan kundi ang ating pagkatao mismo:  ang pagkakalaan ng tao sa palagiang paggawa ng mabuti o masama.  “Birtud” ang pagkakalaan sa palagiang paggawa ng mabuti; “bisyo” naman, vice sa Ingles, ang pagkakalaan sa palagiang paggawa ng masama, kabaligtaran ng birtud.

Isa pang dahilan kung bakit mahalaga ang birtud ang bunga nitong pagpapadali sa paggawa ng mabuting tinutukoy ng birtud na nasasangkot.  Dahil naging ugali na, hindi na mahirap ang pagkilos na nararapat ayon sa ugaling iyon.  Madali nang gawin ang mabuti dahil nakasanayan na. 

Ganunpaman, hindi rin masasabing bumabȃ ang halaga ng pagkilos na iyon dahil sa naging madali, sapagkat hindi naman nakasalalay sa hirap na naranasan ang halaga ng gawa ng tao kundi sa tindi ng pagkakasangkot ng kalayaan, voluntariness—sa antas ng pag-ibig na kalakip ng pagkilos na iyon.  At dahil nagkakaroon tayo ng birtud sa marami at madalas na pag-ulit sa mabuting gawa upang maging ugali ito, masasabing higit na malaya, higit na may pag-ibig ang pagkilos na bunga ng birtud, kahit na hindi na pinaghihirapan ang bawat pagkilos.

Sa pagtungo sa ating kaganapan bilang tao, kailangang pagsikapang makamit ang lahat ng birtud.  Hindi masasabing papalapit sa kabanalan ang isang taong “matulungin”, kung siya naman ay may bisyo ng pagiging lasenggero.  Sa kahuli-hulihan, kailangan nating makamit ang lahat ng birtud, at maiwaksi mula sa ating pagkatao ang lahat ng bisyo.  Ito ang kaganapan ng tao bilang tao.

Lahat ng gawa, akto o pagkilos na mabuti, ay dapat maging birtud; ngunit dahil halos walang katapusan ang listahang mangyayari, at upang mapag-usapan at lalong maunawaan ng pag-iisip ng tao, natuklasang mabuting pagsama-samahin sa apat na magkakahiwalay na hanay ang mga birtud, mga hanay na kilala natin mula sa klasikal na pilosopiya sa pangalan ng apat na malawak na birtud, na binabanggit din sa Bibliya (Wis 8:7): una, ang birtud ng tamang paghusga, prudence sa wikang Ingles; ikalawa, ang birtud ng katarungan, justice; ikatlo, katatagan, fortitude; at ikaapat, pagtitimpi, temperance.  Tinatawag ding Cardinal Virtues ang apat na ito—mula sa cardos, Latin para sa “bisagra”—sapagkat maaaring isabit dito, na parang bisagra, ang bawat iba pang birtud.  Prudence ang birtud ng pagiging tama sa lahat ng pagpapasya, may kinalaman sa wastong pag-iisip.  “Katarungan” ang pagbigay ng nararapat sa bawat isa at sa lahat.  “Katatagan” ang birtud ng paggawa ng nararapat sa kabila ng kahirapang nasasangkot.  Temperance ang pag-kontrol sa mga hilig ng ating pangangatawan.

Kung mahalaga ang birtud para sa lahat, lalo pang dapat hanapan nito ang ating mga pinuno sa pamahalaan, sapagkat higit na marami ang apektado, higit na malaki ang epekto ng kanilang mga gawa sa kabutihang panlahat.

Bilang pangwakas, kailangan din nating sabihing imposible sa tao ang maging banal, kung kakayahan lamang natin ang aasahan.  Kailangan ang kapangyarihan ng Diyos at ang biyayang ayunan natin ito ng ating kalayaang pantao. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, October 12, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 9

PAGLAGOM SA BATAS KALIKASANG MORAL

Nabanggit natin noong nakaraan:  Ang moralidad—ang pagiging mabuti o masama ng pagkilos ng tao bilang tao—ay may obhetibong batayan sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral, at may subhetibong batayan din sa konsyensiya o budhi ng taong gumagawa.  Mabuti ring pagtuunan pa ng pansin ang mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral.

Batas Kalikasang Moral ang kalipunan ng mga kautusang mula sa ating Lumikha, kalakip ng ating tunay na kalikasan bilang tao.  Ang tinutukoy nito ay wastong pagkilos ayon sa pagkakadisenyo sa tao bilang nilalang ng Diyos.  Dapat sana ay nakikita natin ang mga kautusang ito sa pamamagitan ng ating pag-iisip—ng ating kakayahang unawain ang katotohanan o mangatuwiran—ngunit dahil sa pagiging sugatan ng ating kalikasan bilang tao, dahil sa ating kahinaan, madalas ay mahirap nating makita.  Ngunit hindi ito nangangahulugang walang pag-asang magpakabuti ang tao, sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya, natutulungan tayong makita ang mali at tama.  Sa pananampalatayang Kristiyano, masasabing ang Sampung Utos ng Diyos sa Banal na Kasulatan ay isang paglalahad, isang paglagom, sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral.

Ang unang tatlong utos ay tungkol sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang Lumikha:  Una, “Huwag kayong sumamba sa mga diyos-diyosan”; ikalawa, “Igalang ninyo ang pangalan ng Panginoong Diyos”; at ikatlo, “Panatalihing banal ang araw ng Panginoon”.  Ang sumusunod na pitong utos ay tungkol naman sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kapwa: Ang ikaapat, “Ipagdangal ang inyong ama at ina”; ikalima, “Huwag kayong pumatay”; ikaanim, “Huwag kayong makikipagtalik sa hindi ninyo asawa”; ikapito, “Huwag kayong magnakaw”; ikawalo, “Huwag kayong magsinungaling laban sa kapwa”; ikasiyam, “Huwag ninyong pagnasahan ang asawa ng inyong kapwa”; at ikasampu, “Huwag ninyong pagnasahan ang ari-arian ng inyong kapwa”. (Ex 20:1-17)

Kapansin-pansing karamihan sa Sampung Utos ay nakasaad sa negatibo, pagbabawal; bagamat sa katunayan ay mga positibong kautusang sambahin ang tunay na Diyos, igalang ang buhay ng tao, gamitin sa tama ang kakayahang sexual, at iba pa.  Kaya naman nakasaad sa negatibo ay dahil naroon sa hindi pagkilos ang pinakamababang antas—ang minimum—ng pag-tupad sa kautusang tinutukoy.  Hindi nga naman maaasahang sa lahat ng pagkakataon ay makatulong tayong mapabuti ang buhay ng kapwa, ngunit maaaring asahan at ipag-utos na huwag na lamang siyang pahirapan.  Sa kadalasan ay wala man tayong magawa upang tulungang yumaman ang kapwa, ngunit maaari namang asahan at ipag-utos na huwag na lamang nating pagnakawan.

Ang pamumuhay na moral—pagtupad sa Batas Kalikasang Moral at sa matuwid na konsyensiya—ay pagpapaka-tao.  Ito ang “daang matuwid”; pagkilos na naaayon sa disenyo ng Lumikha at kailangang tahakin kung nais nating marating ang huling dapat kahantungan, ang kabanalan, ang pagiging kaisa ng Diyos sa Kanyang kaligayahang walang hanggan.  At habang ang tao ay namumuhay sa daigdig, habang sumasa-panahon, kailangang pagsikapan; kailangang pagtiyagaang makasanayan ang pagkilos na nararapat, kailangang lumago sa “birtud”—virtue sa wikang Ingles—o gawing ugali ang pagkilos ng tama sapagkat ito ang nagbibigay ng tatak o karakter sa ating pagkatao bilang masama o mabuti.  Wala nga namang kabuluhan ang pagiging tapat ni Juan sa katotohanan sa isang pagkakataon kung magsisinungaling naman siya sa siyam na iba pang pagkakataon.  At sa kabilang dako, ang taong may ugaling maging tapat sa katotohanan ay matatawag na ganoon kahit siya ay natutulog, sapagkat ipinahihiwatig ng ugali na sa lahat ng pagkakataon ay ganoon ang kanyang magiging pagkilos.

Ang bawat pagkilos na masama—imoral na gawa—ay pagtalikod sa ating Lumikha.  Ito rin ang buod ng kasalanan:  pagtalikod sa Lumikha upang kumiling sa nilikha; sa wikang Ingles, “a turning away from God and turning towards creatures”.  Kung ang buhay natin sa daigdig ay paglalakbay patungo sa Diyos, ang kasalanan ay pagpapaliko mula sa tamang daan, paglayo, mula sa dapat nating kahantungan.  Ito rin ang batayan ng kasabihang, the end does not justify the means; ang isang mabuting hangarin ay hindi nagpapabuti sa mali o masamang gawa; sapagkat kung masama o imoral ang isang gawa, may pagtalikod agad sa Diyos na hindi maaaring mapantayan ng anupamang mabuting hangarin.

Nilikha tayong malaya upang malaya nating gustuhin o piliing makaisa ang Diyos.  Walang pag-ibig kung walang kalayaan.  Kalayaan: ito ang kakayahan nating ituon ang sarili sa huling dapat kahantungan.  Ngunit hindi ito absoluto:  kailangang makisama sa obhetibong realidad; at isa pa, bawat pagpili natin ay mayroon ding pagkakatali.  Ngunit wala rin namang kabuluhan ang kalayaan kung hindi mauuwi sa pagpili at pagkakatali:  commitment.  At kalakip ng ating kalayaan ang pananagutan, responsibility:  bawat pagpili ay maaaring magdulot ng kaligayahan o kapighatian sa atin, at wala rin tayong ibang dapat sisihin.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, October 5, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 8

BATAS AT MORALIDAD

Sa klasikal na pilosopiya, ang sistema ng batas ng Estado ay masasabing pakikibahagi o partisipasyon ng sambayanan-bilang-sambayanan sa Batas Kalikasang Moral, natural moral law sa wikang Ingles.  Ibig sabihin, higit na mataas ang Batas Kalikasang Moral kaysa batas ng Estado; at kung tutuusin, hindi dapat sundin ang kautusan ng batas ng Estado—dapat ay labanan pa nga—kapag ito ay lumalabag sa Batas Kalikasang Moral.  Isang halimbawa sa kasaysayan ang mga batas ng Nazi Germany na nag-uutos na lipulin ang mga Hudyo.  Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at matalo ang mga puwersa ni Hitler, pinagpanagot at pinarusahan ang kanyang mga opisyal na nasangkot sa pagsagawa sa nangyaring bahagyang paglipol sa mga Hudyo, sa kabila ng katotohanang tinutupad lamang nila ang kanilang tungkulin sa ilalim ng batas ng Estado, sapagkat malinaw na labag sa Batas Kalikasang Moral ang ginawang maramihang pagpaslang o genocide sa mga Hudyo.

Ang mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral ang nagsisilbing obhetibong batayan ng moralidad—ng pagiging mabuti o masama—ng mga gawa o pagkilos ng tao bilang tao.  “Obhetibo”, objective sa Ingles, sapagkat nasa labas ng ating pagkatao; may sariling katalagahan; mula sa dalawang katagang Latin, ob-, “sa harap”, at –jectum, “itinapon”.  “Itinapon sa harapan,” nasa labas ng ating pagkatao, hindi nakasalalay sa kalooban.

Batas Kalikasang Moral ang kalipunan ng mga kautusang mula sa ating Lumikha, kalakip ng ating tunay na kalikasan bilang tao; dapat sana ay nakikita natin sa pamamagitan ng ating pag-iisip—ng ating kakayahang unawain ang katotohanan o mangatuwiran—ngunit dahil sa pagiging sugatan ng ating kalikasan bilang tao, dahil sa ating kahinaan, madalas ay mahirap nating makita.

Halimbawa ng mga obhetibong kautusang ito ang “Huwag magnakaw”: igalang ang karapatan ng kapwang magkaroon ng sariling ari-arian. Ito ay obhetibo—nasa labas natin—sapagkat hindi man natin alam, sang-ayon man tayo o hindi, masama ang magnakaw.  Hindi naaayon at lumalabag sa tunay na kalikasan ng tao bilang tao, sapagkat likas na karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng sariling ari-arian.  Makatuwiran ito sapagkat bahagi ng ating tunay na kalikasan bilang tao ang pagiging malaya, ang pagkakaroon ng kalayaang ituon ang sarili sa huling dapat kahantungan.  Sa kalayaang ito nakabatay ang karangalan ng tao bilang tao.  At upang mapangalagaan ang kalayaang ito, kailangang kilalanin din ang karapatang magkaroon ng sariling ari-arian, right to private property sa Ingles.  Hindi maaaring maging malaya ang tao kung iaasa niya sa awa o pagiging bukas-palad ng kapwa o ng pamahalaan ang kanyang mga pansariling pangangailangan.

Kung babalikan natin ang kultura ng katiwalian sa pamahalaan, masasabi nating masama ang “kickback” (tawagin man itong “s.o.p.” o “komisyon”)—isang uri ng pagnanakaw, paglapastangan sa pera ng kaban ng bayan—sapagkat “kabutihang panlahat” ang dapat maging motibo ng mga naglilingkod sa pamahalaan, hindi ang kikitaing kickback.  Makatuwirang hindi dapat payagan ang sistema ng kickback sapagkat, sa higit na karamihan ng pagkakataon, tiyak na matatabunan ng motibo ng kickback ang motibo ng kabutihang panlahat sa pagkilos ng mga pinuno at kawani ng pamahalaan. 

Ngunit hindi lamang Batas Kalikasang Moral ang batayan ng moralidad.  Mayroon ding subhetibong batayan ang pagiging mabuti o masama ng ating mga gawa bilang tao.  Ito ang ating “budhi”—konsyensiya, conscience sa wikang Ingles—ang mismong paghusga ng ating pag-iisip tungkol sa ating gawa sa kongkretong kalalagayan.  Ang konsiyensya ng bawat isa ang subhetibong batayan ng moralidad; subhetibo, subjective sa wikang Ingles, sapagkat nakasalalay sa kalooban; mula sa dalawang katagang Latin, sub-, at –jectum, “itinapon sa ilalim”.

Kailangang laging sundin ang ating konsiyensya sapagkat, kung hindi, mahahati ang ating pagkatao.  May pagkawasak ang tao kapag ang kanyang gawa ay labag sa paghusga ng kanyang budhi.  Nawawalan tayo ng “integridad” o “pagkabuo”.  Karugtong nito, may tungkulin din tayong hubugin ang ating konsyensiya.

Hindi nga naman tayo maaaring maging kasisi-sisi kung hindi natin alam na masama ang ating gawa. Walang kasalanan ang mga musmos na walang-isip at ang mga maysakit sa utak. Ganunpaman, may obligasyon ang taong hubugin ang konsiyensiya upang alamin ang tama at mali dahil, kapag labag sa Batas Kalikasang Moral ang kanyang gawa, masasaktan pa rin siya sa obhetibong pagiging mali nito. Hindi nga kasisi-sisi ang isang walang-isip sa pag-inom niya ng lason, sapagkat hindi niya alam na lason, ngunit malalason pa rin siya, mamamatay pa rin.

Upang masabing “mabuti” ang ating mga gawa, dapat ay naaayon ito sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral; at naayon din sa matuwid na konsiyensya ng taong gumagawa; pasado sa obhetibo at sa subhetibong batayan ng moralidad.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Sunday, September 29, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 7

DUE PROCESS

Nabanggit na natin sa pitak na ito na ang Saligang Batas ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi:  una, ang bahaging patungkol sa istruktura ng pamahalaan, na maaaring unawain sa pinakamahalagang prinsipyo nito, ang separation of powers; at ikalawa, ang Bill of Rights, na naglalaman ng mga protektadong karapatan ng mamamayan, bilang mga limitasyon sa kapangyarihan ng Estado.

Ang buod ng Bill of Rights ay nakapaloob sa konsepto ng Due Process na nakasaad sa Section 1, Article III, ng ating Saligang Batas: 

No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.

Ang Due Process ay sinasabing may aspetong “substantibo”, substantive, sa wikang Ingles; hindi lamang ito procedural o “pamproseso”. 

Ang substantibong aspeto ng Due Process ay maaaring ibaba sa pinakapayak na kahulugan nito at unawain bilang “pagka-makatuwiran”, reasonableness, sa wikang Ingles.  Sa kabilang dako, ang procedural na aspeto nito ay maaaring ibaba sa konsepto ng “pagka-parehas” o pagiging “patas ng laban”:  fair play, sa wikang Ingles. 

Dahil sa garantiya ng Due Process sa Saligang Batas, masasabing lahat ng kilos ng Estado—lahat ng mga kautusan at kaganapan sa ating sistema ng pamahalaan—ay maaaring hanapan ng pagka-makatuwiran at pagkaka-parehas, reasonableness and fair play; at kung wala nito o kulang dito, maaaring pawalan ng bisa sapagkat lumalabag sa Saligang Batas.

Napapanahon marahil na paksain ito, ngayong mainit at umiinit pa ang usapin ng pork barrel scam na sinasabing pinamumunuan ng isang Janet Lim-Napoles. 

Dapat ngang kondenahin ang pagkakawaldas sa katiwalian ng bilyun-bilyong piso mula sa kaban ng bayan, at parusahan ang mga dapat managot; ngunit kailangang dumaan sa Due Process upang mapatunayan kung ano ang talagang nangyari, kung sino ang dapat managot, at kung hanggang saan ang kanilang pananagutan.  Due Process din ang usapin ng kakailanganing antas ng patunay—degree of proof sa wikang Ingles—ang bigat ng ebidensya at tibay ng katiyakan.

Kung pananagutan o liability ang pag-uusapan, may tatlong malawak na uri nito:

Ang una ay “administratibo”.  Tumutukoy ito sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan at sa karapatan nilang magpatuloy sa kanilang panunungkulan.  Ang parusa ay maaaring pagsita lamang (reprimand) o pag-suspinde (nang ilang araw o nang ilang buwan) at pinakamatindi na ang pagkakatanggal (dismissal o removal).  Ang kinakailangang antas ng patunay sa mga kasong administratibo ay substantial evidence: basta’t mayroon lamang mapanghawakan ang naghuhukom na makakukumbinse sa isip at maaaring pagbatayan ng paghuhusga. 

Ang ikalawang uri ng pananagutan ay “sibil”; kadalasan, tumutukoy lamang sa mga ari-arian; at sa konteksto ng pork barrel scam, sa pagbabalik ng pera sa kaban ng bayan.  Ang kinakailangang antas ng patunay sa mga kasong sibil ay preponderance of evidence:  ang panig na may higit na patunay ang mananaig. 

Ang ikatlong uri ng pananagutan ay “kriminal”; tumutukoy sa paglabag sa kautusang may karampatang parusa sa batas, madalas ay pagkakulong (nang maikli o mahabang panahon, sang-ayon sa nilabag na kautusan).  Ang antas ng patunay na kinakailangan ay proof beyond reasonable doubt, patunay na walang iniiwanang dahilan para pagdudahan.  Isa sa pinakamahalagang bahagi ng Due Process ang pagpapalagay na ang isang nasasakdal sa usaping kriminal ay walang sala—presumption of innocence—hangga’t hindi napapatunayang may-sala.

Nababanggit natin ang lahat ng ito upang ilagay sa konteksto ng sistema ng batas ang pagpapanagot sa mga nasasangkot sa pork barrel scam.  Hindi madali.  May kasalimuotan ang ating sistema.  Ngunit hindi rin tumpak ang kasabihang, “Justice delayed is justice denied”.  Masarap nga lang pakinggan at hindi rin katakatakang nagmula sa isang pulitiko, si William Gladstone, na ilang ulit naging Prime Minister ng Inglaterra noong ika-labingsiyam na dantaon.

Ang totoo, Justice is justice; at hindi ito nakasalalay sa pagiging maaga o atrasado, dahil ang pagiging maaga o atrasado ay napaka-subhetibong panukat, nakabatay lamang sa kalooban ng taong nagmamasid, sa pagiging pasensyoso o mainipin ng sumusukat.  Hindi dapat piliting madaliin o sadyaing bagalan ang proseso; hayaang umusad ayon sa nararapat na daloy nito.  Ang mahalaga ay matupad ang batas sa titik at diwa nito.  Ito rin lamang ang maaari nating panghawakang batayan ng katarungan mula sa punto de vista ng sambayanan bilang sambayanan.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, September 18, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 6

KICKBACK, S.O.P., KOMISYON, TONGPATS

Isa sa mga kailangang linawin, kung talagang tatalikuran na natin ang kultura ng katiwalian sa pamahalaan, ang isyu ng “kickback”, madalas tinatawag ding “S.O.P.”, o “komisyon”, o tongpats.  Ano nga ba ito, at bakit masasabing “mali” o “masama” kung ito ang kalakaran?

Kung tutuusin, ang nabukong pork barrel scam na kinasasangkutan ng pamilyang Napoles ay tungkol din sa kickback, masyado nga lamang na sinagad ang “kita” ng sindikato, madalas wala nang natitira para sa proyekto, at lubhang napakalaki ng halagang nababanggit.  Marahil, kung hindi umabot sa ganoong antas, tuloy-tuloy pa rin ang kalakaran.  At kahit nga nagkaganon, hindi pa rin mabubulgar kung hindi sila ipinagkanulo ng mga kasamahan din nila, ang “whistleblowers” na pinangungunahan ni Benhur Luy na pinsan ni Janet Lim-Napoles.

Kaya naman “kickback” ang tawag sa perang napupunta sa pulitikong nanunungkulan ay dahil mistulang “sinisipa” ito “pabalik” sa pulitiko.  Perang mula sa kaban ng bayan, lalabas sa pamamagitan ni konggresman para sa programa o proyektong pampubliko, daraan sa kung aling ahensya ng pamahalaan at isasakatuparan ng pribadong kontratista na siyang magbabahagi ng kung ilang porsyento kay konggresman, bilang “komisyon” ni konggresman.  “Kickback” nga nararapat na tawag sapagkat “pailalim” ang pagbigay kay konggresman, patagô; hindi maaaring iabot sa pamamagitan ng mga kamay, sapagkat kung ganoon ay maaaring makita ng iba.  Dahil nga naman naging kalakaran, nauso na ring tawaging “S.O.P.”, standard operating procedure.  Mas masarap nga naman ito pakinggan kaysa “kickback”.

Sa usapin ng pork barrel, konggresman ang magsasabi kung anong proyekto ang nais niyang paglaanan ng pondo, maaaring pagpatayo ng tulay o pagbili ng mga aklat-aralin para sa mga mag-aaral sa eskwelahan.  Kung pang-imprastraktura tulad ng tulay, ang pondo ay daraan sa DPWH na siyang magpapakontrata ng proyekto.  Dahil nakikisama ang District Engineer ng DPWH sa konggresman, “aayusin” o “lulutuin” ang bidding upang mapunta ang kontrata sa kontratistang gusto ni konggresman.  Si kontratista ang magbibigay ng S.O.P. sa konggresman—at, malamang, pati sa mga kawani ng DPWH na pinagdaanan ng mga dokumento.  Kung pagbili naman ng mga aklat-aralin, ang pondo ay daraan sa Schools Division ng DepEd na siyang magpapakontrata sa supplier ng textbooks.  Dahil nakikisama ang Division Superintendent sa konggresman, aayusin o lulutuin ang bidding upang mapunta ang kontrata sa supplier na gusto ni konggresman.  Si supplier ang magbibigay ng S.O.P. sa konggresman—at, malamang, pati rin sa mga kawani ng DepEd na pinagdaanan ng dokumento.

Malamang na nagsimula ang kalakaran sa sampung porsyento lamang ng halaga ng kontrata.  Ngunit bakit nga naman hindi taasan ang komisyon ni konggresman?  Naging biro tuloy na may mga mestisong mambabatas na fifty percent Filipino, fifty percent Chinese, at thirty percent Korean.  Hindi pala dahil taga-Korea kundi dahil madalas na bukambibig nito ang “I-advance mo na ang thirty percent ko riyan”.  Sa pahayag ni Benhur Luy sa pagdinig ng senado, umaabot ng limampung porsyento ng halaga ng proyekto ang napupunta sa mambabatas, kaya naman wala nang mapupunta sa proyekto:  ang natitirang limampung porsyento ay paghahatian na lang ng kontratista (o fixer tulad ni Napoles sa kuwento ni Luy) at ng mga kawani ng departamentong pagdaraanan ng mga dokumento.  Pepekehin na lamang ang mga papeles.

Marahil, may mga mambabatas na dating naniniwalang may karapatan sila sa S.O.P. o komisyon mula sa kanilang pork barrel.  Ngunit sa pagputok ng sampung bilyong pisong pork barrel scam na kinasasangkutan ng mga Napoles, dapat lamang na matigil na ito.  Malamang, hindi lamang si Napoles ang may ganitong raket; hindi lamang tatlong senador (mula sa dalawampu’t apat), at hindi lamang dalawampu’t tatlong konggresman (mula sa halos tatlondaan) ang kasali.

Masama ang kickback—tawagin mang S.O.P. o komisyon—sapagkat, unang-una, ipinagbabawal ito ng batas, na may karampatang parusang pagkakulong.  Ayon sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, “the following shall constitute corrupt practices of any public officer and are hereby declared to be unlawful:  (b) Directly or indirectly requesting or receiving any gift, present, share, percentage, or benefit, for himself or for any other person, in connection with any contract or transaction between the Government and any other party, wherein the public officer in his official capacity has to intervene under the law.”

Ngunit higit na mahalaga kaysa pagbabawal ng batas, masama ito sapagkat kung pahihintulutan, mangyayari at mangyayari ang paglapastangan sa pera ng kaban ng bayan—na dapat ay mapunta sa kabutihang panlahat—tulad ng sampung bilyong pisong pork barrel scam ng mga Napoles.  At sa bahagi ng mga mambabatas, kapag pinahintulutang tumanggap ng regalo o komisyon mula sa mga proyekto, sa malaon o madali, yung S.O.P. na ang magiging motibo sa pagtulak ng proyekto, hindi na kabutihang panlahat.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, September 14, 2013

SEPTEMBER 14, FEAST OF THE EXALTATION OF THE CROSS

(Ngayon po, September 14, ipinagdiriwang ang Feast of the Exaltation of the Cross.  Ang sumusunod po ay repost ng isinulat ko noong 2007, sa isa ko pang blog, .   Maligayang kapistahan sa lahat!)

4. THE CROSS AND HUMAN SUFFERING

A friend of mine once observed that there is much poetry in Catholicism.  He was referring to the wealth of imagery in the Catholic Faith.  This could be said also of Judaism and of other Christian groups, but perhaps it is more pronounced in the Roman Catholic Church.  The observation comes to mind because today, September 14, is the Feast of the Exaltation of the Holy Cross, logically followed tomorrow, September 15, by the memorial of Our Lady of Sorrows: “standing by the cross of Jesus, his mother”. (Jn 19:25)  The cross is probably the most utilized image in catholic liturgy.

Even before the time of our Lord, the cross must have already been a metaphor for suffering, at least within the Roman Empire, where crucifixion was precisely the gravest penalty for crime.  From the time of our Lord, however, to us, Christians, the cross has meant not just suffering, but “redemptive suffering”.

Suffering is integral to human nature, not only to our “wounded” human nature but also to our authentic human nature, not least because man is spiritual soul and material body.  The human body, like all matter, is destined to disintegration; hence the inexorable march towards the wrenching agony of the separation of body and soul which is death.

While Adam and Eve enjoyed freedom from suffering before the original sin, it was by way of a “preternatural gift”, i.e., a good beyond the nature of the human creature, although not beyond the nature of the totality of creation (in the same way that “immortality” is beyond human nature but “natural” to purely spiritual creatures like the angels).  When they turned away from God, Adam and Eve lost all their “gifts” and could only transmit to us, their descendants, what was their “nature”, a damaged or wounded human nature at that.


  1. The Redemption accomplished by our Lord Jesus Christ brings humanity into “intimacy with God”, actualized individually by grace with the free cooperation of man.  But while we now enjoy this “supernatural gift” (beyond the nature of all creatures), its definitive fulfillment for each of us, including liberation from suffering and death, would take place in eternity. 

Our Lord Jesus Christ did not remove suffering from the life of man on earth.  Rather, He made it the very means of salvation, of our sanctification.  We benefit from the Redemption accomplished by our Lord in so far as we are united with Him.  We must learn to unite our own sufferings with that of our Lord.

It is of course good, nay, laudable, to alleviate or remove suffering, our own and others’, in so far as suffering consists in the absence or privation of a good, as long as our action does not constitute a turning away from our ultimate good.  But it is best, for the sake of that highest good, to embrace suffering.  Thus, we can face with Christian cheerfulness the unavoidable setbacks and difficulties of each day.  We can also actively seek opportunities for self-denial, for love of God and neighbor, in many little things that do not really harm ourselves nor inconvenience others, and which could pass unnoticed.

Suffering is an indispensable condition for our entrance into eternal happiness.  “If anyone wishes to come after me, let him deny himself, and take up his cross daily, and follow me.” (Lk 9:23ff; cf. Mt 16:24; Lk 14:27)  Thus, the Church teaches:  “The way of perfection passes by way of the Cross.  There is no holiness without renunciation and spiritual battle.” (CCC, No. 2015) 

True, our Lord raised several persons from the dead, healed many sick and fed the hungry multitudes; but these must be seen as manifestations of His mercy and proofs of His Divinity, not as the inauguration of a world liberated from suffering.  In fact, after feeding the five thousand men, “when Jesus perceived that they would come to take him by force and make him king, he fled again to the mountain” (Jn 6:15). 

Our Lord did not come to bring political or economic liberation on earth.  The “messianic declaration”—“to bring good news to the poor he has sent me” (Lk 4:18) — “is to be understood mainly in a spiritual, transcendental sense” (The Navarre Bible, Note at passage).  It was precisely the Jews’ materialistic and earthbound reading of this quote from the prophet Isaiah (61:1ff) which blinded them from recognizing Jesus of Nazareth as the Messiah.  Let us not be misled by parties or movements that promise to eliminate poverty, injustice, suffering, from the life of man in the world. 

St. Josemaria writes:  “The happiness of us poor men, even when it has supernatural motives, always leaves a bitter aftertaste.  What did you expect?  Here on earth, suffering is the salt of our life.” (The Way, No. 203)  But also: 

Is it not true that, as soon as you cease to be afraid of the Cross, of what people call the cross, when you set your will to accept the Will of God, then you find happiness, and all your worries, all your sufferings, physical or moral, pass away?  Truly, the Cross of Jesus is gentle and lovable.  There, sorrows cease to count; there is only the joy of knowing that we are co-redeemers with Him. (The Way of the Cross, Second Station)


(14 September 2007)