RH LAW REVISITED
2
Sa cover story ng Time Magazine na lumabas noong nakaraang ilang araw (December 2,
2013), tampok ang naging masamang resulta ng one-child policy na umiral at umiiral pa rin sa China: kulang na ang kanilang populasyon at
nakikinitang lubhang mahirap nang kumbinsihing magparami ng mga anak ang
kanilang mga mamamayan, matapos ang ilang dekadang pagpigil sa pag-aanak. Ngunit hindi lamang China. Ang Singapore din (at marami pang bansa lalo
na sa Europa) ay nagsisisi sa pagpapalaganap ng contraceptive sex dahil
nararanasan nila ang walang humpay at nakakatakot na pagliit ng kanilang mga
populasyon, aging ang waning population,
ang tinatawag na demographic winter. Mainam ngang suriin pa natin ang aspetong ito
ng immoralidad ng contraceptive sex, at ng RH Law na nagtutulak nito.
Ang kakayahang
sekswal ng tao ay likas na nakatakda sa pag-aanak—kaya nga “reproductive system” ang tawag sa kalipunan ng mga bahagi ng
katawan na nasasangkot sa sex—at may maling paggamit, may pag-abuso, may
kamaliang moral kapag ginamit natin ang kakayahang ito nang may pagtanggi sa
kanyang likas na dapat kahantungan. Ito
ang dahilan kung bakit masama, immoral, ang contraceptive sex: ginagamit ang kakayahang sekswal habang
sadyang tinatanggihan ang likas na dapat nitong kahantungan, pinipigilan ang posibilidad
na magbunga ito. Makikita rin dito: bagamat immoral ang contraceptive sex, hindi
masama ang mga kaparaanang tinatawag na natural
family planning methods sapagkat sa mga natural na kaparaanang ito, hindi
ginagamit ang kakayahanag sekswal sa mga araw na maaaring magbunga ito. Walang pag-abuso sa kakayahang sekswal;
walang pagpigil sa likas na daloy ng mga pangyayari.
Sa isang banda,
maihahalintulad ang kakayahang sekswal ng tao sa kakayahang kumain. Ang likas na nakatakdang layunin ng
kakayahang kumain ay ang nutrisyon at kalusugan ng ating katawan; at may
pag-abuso, may kamaliang moral kapag ang akto ng pagkain ay kumontra dito. Halimbawa nito ang labis-labis na pagkain ng
litson, na nakatuon lamang sa sa sarap na nadarama ng ating panlasa: katakawan ang tawag dito.
Dapat nating
isaalang-alang: ang sarap na nararanasan
sa pagkain, ganun din sa paggamit ng kakayahang sekswal ng tao, ay paraan
lamang o insentibo; instrumento ng kalikasan upang tulungan tayong tupdin o
isagawa ang kinakailangang gawin—pagkain at pakikipagtalik—tungo sa mga likas
na dapat kahantungan ng mga gawaing iyon:
kalusugan ng indibidwal, sa bahagi ng pagkain; at pagbunga ng anak
(pagpapalago o pagpapalusog sa sambayanan) sa bahagi ng sex.
Ganunpaman, magkaiba
pa rin ang sex at pagkain: Sabi nga ni
San Josemaria Escriva, “For, unlike food,
which is necessary for the individual, procreation is necessary only for the
species, and individuals can dispense with it.” (The Way, No.
28) Ang pagkain, kailangan para sa
patuloy na pag-iral ng indibidwal; ang sex, kailangan para sa patuloy na
pag-iral ng sambayanan, hindi talaga kailangan ng indibidwal. Maaaring mabuhay nang masaya ang indibidwal
kahit hindi gamitin ang kakayahang sekswal; at patunay dito ang buhay ng mga santong
selibato.
Ang pagkain nga
naman ay direktang nakatakda sa kabutihan ng indibidwal; ang sex, sa kabutihan
ng pamilya at ng sambayanan, sa pagpapatatag ng lahi. Ito rin ang dahilan kung bakit higit na
madaling makita ng indibidwal ang kasamaan ng katakawan sa pagkain, ng walang
prenong hilig sa pagkain at inumin, kaysa kasamaan ng contraceptive sex. Ang hindi kanais-nais na resulta ng maling
paggamit sa kakayahang sekswal, bagamat may pinsala sa pamilya at sambayanan,
ay hindi agad ramdam ng indibidwal; di tulad ng katakawan sa pagkain o
kalasingan sa inumin: masakit sa ulo at nakapanghihina ng katawan. Bukod sa pagkakaibang ito ng sex at pagkain,
higit na matindi rin ang sarap ng sex kaysa sarap na nararanasan natin sa
pagkain. Ang higit na matinding sarap
mula sa sex ay “gantimpala” ng indibidwal sa paglingkod sa sambayanan.
Karamihan sa
atin, kakain pa rin, kahit sa marahan lang na udyok ng pagkahilig—kahit hindi
masarap ang pagkain—dahil alam nating kailangang kumuha ng sustansya mula sa
pagkain upang mabuhay. Sa kabilang dako,
malamang na bihira ang mag-aasawa at mag-aanak kung wala ang matinding sarap na
kalakip ng sex. Kaya nga, kapag iisiping
ayos lang ang contraceptive sex—kapag tinanggal ang pag-aanak o procreative purpose na likas na
hantungan ng sex—hindi mapipigilan ang pababang pagbulusok ng bilang ng mga
mamamayan. Masasabi nga na kung ang
katakawan sa pagkain ay nauuwi sa kamatayan ng indibidwal (dahil sa hypertension, diabetes, at iba pa), ang katakawan sa sex—paggamit nito para
lamang sa sarap, na may pagtanggi sa likas na layuning magbunga—ay nauuwi sa
kamatayan ng pamilya at ng sambayanan.
Marami pa ang
masasabi tungkol sa pagiging labag sa Batas Kalikasang Moral ng RH Law. Ipagpaliban na muna natin ang pagtalakay sa
mga ito.
Hanggang
dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment