Sunday, September 29, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 7

DUE PROCESS

Nabanggit na natin sa pitak na ito na ang Saligang Batas ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi:  una, ang bahaging patungkol sa istruktura ng pamahalaan, na maaaring unawain sa pinakamahalagang prinsipyo nito, ang separation of powers; at ikalawa, ang Bill of Rights, na naglalaman ng mga protektadong karapatan ng mamamayan, bilang mga limitasyon sa kapangyarihan ng Estado.

Ang buod ng Bill of Rights ay nakapaloob sa konsepto ng Due Process na nakasaad sa Section 1, Article III, ng ating Saligang Batas: 

No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.

Ang Due Process ay sinasabing may aspetong “substantibo”, substantive, sa wikang Ingles; hindi lamang ito procedural o “pamproseso”. 

Ang substantibong aspeto ng Due Process ay maaaring ibaba sa pinakapayak na kahulugan nito at unawain bilang “pagka-makatuwiran”, reasonableness, sa wikang Ingles.  Sa kabilang dako, ang procedural na aspeto nito ay maaaring ibaba sa konsepto ng “pagka-parehas” o pagiging “patas ng laban”:  fair play, sa wikang Ingles. 

Dahil sa garantiya ng Due Process sa Saligang Batas, masasabing lahat ng kilos ng Estado—lahat ng mga kautusan at kaganapan sa ating sistema ng pamahalaan—ay maaaring hanapan ng pagka-makatuwiran at pagkaka-parehas, reasonableness and fair play; at kung wala nito o kulang dito, maaaring pawalan ng bisa sapagkat lumalabag sa Saligang Batas.

Napapanahon marahil na paksain ito, ngayong mainit at umiinit pa ang usapin ng pork barrel scam na sinasabing pinamumunuan ng isang Janet Lim-Napoles. 

Dapat ngang kondenahin ang pagkakawaldas sa katiwalian ng bilyun-bilyong piso mula sa kaban ng bayan, at parusahan ang mga dapat managot; ngunit kailangang dumaan sa Due Process upang mapatunayan kung ano ang talagang nangyari, kung sino ang dapat managot, at kung hanggang saan ang kanilang pananagutan.  Due Process din ang usapin ng kakailanganing antas ng patunay—degree of proof sa wikang Ingles—ang bigat ng ebidensya at tibay ng katiyakan.

Kung pananagutan o liability ang pag-uusapan, may tatlong malawak na uri nito:

Ang una ay “administratibo”.  Tumutukoy ito sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan at sa karapatan nilang magpatuloy sa kanilang panunungkulan.  Ang parusa ay maaaring pagsita lamang (reprimand) o pag-suspinde (nang ilang araw o nang ilang buwan) at pinakamatindi na ang pagkakatanggal (dismissal o removal).  Ang kinakailangang antas ng patunay sa mga kasong administratibo ay substantial evidence: basta’t mayroon lamang mapanghawakan ang naghuhukom na makakukumbinse sa isip at maaaring pagbatayan ng paghuhusga. 

Ang ikalawang uri ng pananagutan ay “sibil”; kadalasan, tumutukoy lamang sa mga ari-arian; at sa konteksto ng pork barrel scam, sa pagbabalik ng pera sa kaban ng bayan.  Ang kinakailangang antas ng patunay sa mga kasong sibil ay preponderance of evidence:  ang panig na may higit na patunay ang mananaig. 

Ang ikatlong uri ng pananagutan ay “kriminal”; tumutukoy sa paglabag sa kautusang may karampatang parusa sa batas, madalas ay pagkakulong (nang maikli o mahabang panahon, sang-ayon sa nilabag na kautusan).  Ang antas ng patunay na kinakailangan ay proof beyond reasonable doubt, patunay na walang iniiwanang dahilan para pagdudahan.  Isa sa pinakamahalagang bahagi ng Due Process ang pagpapalagay na ang isang nasasakdal sa usaping kriminal ay walang sala—presumption of innocence—hangga’t hindi napapatunayang may-sala.

Nababanggit natin ang lahat ng ito upang ilagay sa konteksto ng sistema ng batas ang pagpapanagot sa mga nasasangkot sa pork barrel scam.  Hindi madali.  May kasalimuotan ang ating sistema.  Ngunit hindi rin tumpak ang kasabihang, “Justice delayed is justice denied”.  Masarap nga lang pakinggan at hindi rin katakatakang nagmula sa isang pulitiko, si William Gladstone, na ilang ulit naging Prime Minister ng Inglaterra noong ika-labingsiyam na dantaon.

Ang totoo, Justice is justice; at hindi ito nakasalalay sa pagiging maaga o atrasado, dahil ang pagiging maaga o atrasado ay napaka-subhetibong panukat, nakabatay lamang sa kalooban ng taong nagmamasid, sa pagiging pasensyoso o mainipin ng sumusukat.  Hindi dapat piliting madaliin o sadyaing bagalan ang proseso; hayaang umusad ayon sa nararapat na daloy nito.  Ang mahalaga ay matupad ang batas sa titik at diwa nito.  Ito rin lamang ang maaari nating panghawakang batayan ng katarungan mula sa punto de vista ng sambayanan bilang sambayanan.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment