POLITICAL
DECISIONS 2
Noong nakaraan,
nasabi nating political decisions ang
tawag sa mga pagpapasyang nakasalalay sa kursunada ng pulitikong nanunungkulan
bilang tinig ng sambayanan, mga pagpiling hindi nasasangkot ang isyu ng
moralidad o ng legalidad. Maitatanong natin,
marahil, saan naman pumapasok ang mga batayang pang-teknolohiya o siyentipiko?
Unang-una, hindi
absoluto ang kaalamang mula sa pisikal na mga agham. Sa maraming pagkakataon, hindi rin
nagkakasundo ang mga tinaguriang dalubhasa.
May kanser ba ang pasyente o nilagnat lang sa pagod? Natural din lamang ito sapagkat, sa
kahulihulihan, ang batayan ng kaalamang siyentipiko ay mula sa pisikal na
realidad na napapasa-atin sa pamamagitan ng ating mga pisikal na pandama. At alam nating lahat na madali ring magkamali
ang ating mga pandama—may hindi nakita, nagkulang o lumabis sa pagbilang—at
madali ring sadyaing linlangin o paglakuan ng ilusyon o kasinungalingan, ng
salamangkero at ng propagandista, ng bayarang survey o mamamahayag.
Bukod dito,
hindi rin maikakailang madalas na nakukulayan ng nilalaman ng ating kalooban
ang pananaw natin sa pisikal na bagay na kinakaharap. May subhetibong paghusga maging sa inaakalang
obhetibong kaalamang siyentipiko. Mainit
sa isa, malamig naman sa iba ang 20 degrees Celsius na setting ng
airconditioner. Ang ibig nating sabihin,
hindi malinaw na batayan ang agham o natural
sciences. Lalo na ang tinatawag na social sciences tulad ng economics at
sociology. Higit na may katiyakan ang
sukatan ng moralidad, lalo na sa mga nagkakaisa sa pananampalataya; ganundin
ang mga kautusan ng batas.
Sa kabilang
dako, hindi naman natin masasabing ipailalim na lamang sa political decisions
ang mga datos ng natural sciences. Sa
katunayan, marami ring kaalamang mula sa agham na hindi pinagdududahan ninuman
at walang debate. Ganunpaman, sa mga
pagkakataong iyon, maaaring sabihing pumapasok na sa larangan ng moralidad ang
pagpasyang isaalang-alang ang datos ng agham o hindi. May paglabag sa moralidad kung hindi
isaalang-alang ang malinaw na wastong datos ng agham. Madalas din, naisasabatas pa ang pagtalima
rito: bawal ang shabu dahil nakasisira ng pag-iisip at nakamamatay.
Ang buod ng tungkulin
ng pulitikong nanunungkulan ay magsagawa ng political decisions. Sa bahagi ng ehekutibo, magbigay ng direksyon
sa pamahalaan at burukrasya. Sa
kalakhang bahagi, nasasalamin ang direksyong ito sa pagkatha ng budget at
pagtalaga ng mga taong gagawa at mangangasiwa.
Madalas na hindi
nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga ang kapangyarihang magtalaga ng mga
tauhan—the power to appoint, to hire and
fire—at kalakip nitong kapangyarihang disiplinahin ang naitalagang
kawani. Huwag lamang lumabag sa mga
kautusan ng batas at sa moralidad, ito ay lehitimong political decision,
nakasalalay sa kursunada ng pulitikong magpapasya, at anuman ang maging pasya, walang
totoong makatuwirang maisusumbat ang sinuman.
Sa bahagi naman
ng lehislatibo, sapat na na pag-usapan, linangin, at sang-ayunan o
hindi-sang-ayunan ang direksyong mula sa ehekutibo. Hindi talaga kailangan, bagamat political
decisions din, ang pagpasa o hindi pagpasa ng bagong mga panukalang batas; at
ang pag-rebisa, pagbura o pag-amyenda sa mga batas na nariyan na. Political
branches ang tawag sa ehekutibo at lehislatibo sapagkat tungkulin ng mga
sangay na ito ang magsagawa ng political decisions. Hindi kasali ang hudikatura, sapagkat
ebidensya at batas lamang ang batayan ng mga pagpapasya ng huling sangay na
ito.
Lumalabas, sa
ating pagmumuni-muni, na kung ang isang pagpasya ay lehitimong political
decision—hindi lumalabag sa batas o sa moralidad—anuman ang pasya ay ayos
lang. Walang dahilan para umiyak o
magalit ang mamamayang hindi sumasang-ayon.
Ang remedyo ay political din:
huwag iboto ang pulitikong iyon sa halalan.
Ganunpaman, may
mga pagkakataong lumalabag na sa moralidad o sa batas ang inaakalang political
decision. Halimbawa nito ang
Reproductive Health Law. Dahil lumalabag
sa Saligang Batas, ang remedyo ay pagdulog sa hukuman, kaya ngayon ay may utos
ang Korte Suprema na pansamantalang hindi ipatupad ang RH Law, habang
nakabinbin ang kaso. Ngunit paano kung
ang inaakalang political decision ay lumalabag sa moralidad bagamat hindi
lumalabag sa batas? Ang remedyo ay nasa
halalan din; ngunit ang kaibahan ay may karapatang magalit ang sambayanan. At kung lubhang napakalaki ng paglabag sa
moralidad, maaaring mauwi sa himagsikan.
Sa pagtaas ng
antas ng pampulitikang kamalayan, sa katiwasayan ng sambayanan, mahalagang
makilatis at mabigyan ng karampatang pagtrato ang lehitimong political
decisions ng ating mga halal na opisyal, at nang hindi mapagkamalang ihalo sa
mga isyu ng moralidad o legalidad.
Hanggang
dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment