Wednesday, September 18, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 6

KICKBACK, S.O.P., KOMISYON, TONGPATS

Isa sa mga kailangang linawin, kung talagang tatalikuran na natin ang kultura ng katiwalian sa pamahalaan, ang isyu ng “kickback”, madalas tinatawag ding “S.O.P.”, o “komisyon”, o tongpats.  Ano nga ba ito, at bakit masasabing “mali” o “masama” kung ito ang kalakaran?

Kung tutuusin, ang nabukong pork barrel scam na kinasasangkutan ng pamilyang Napoles ay tungkol din sa kickback, masyado nga lamang na sinagad ang “kita” ng sindikato, madalas wala nang natitira para sa proyekto, at lubhang napakalaki ng halagang nababanggit.  Marahil, kung hindi umabot sa ganoong antas, tuloy-tuloy pa rin ang kalakaran.  At kahit nga nagkaganon, hindi pa rin mabubulgar kung hindi sila ipinagkanulo ng mga kasamahan din nila, ang “whistleblowers” na pinangungunahan ni Benhur Luy na pinsan ni Janet Lim-Napoles.

Kaya naman “kickback” ang tawag sa perang napupunta sa pulitikong nanunungkulan ay dahil mistulang “sinisipa” ito “pabalik” sa pulitiko.  Perang mula sa kaban ng bayan, lalabas sa pamamagitan ni konggresman para sa programa o proyektong pampubliko, daraan sa kung aling ahensya ng pamahalaan at isasakatuparan ng pribadong kontratista na siyang magbabahagi ng kung ilang porsyento kay konggresman, bilang “komisyon” ni konggresman.  “Kickback” nga nararapat na tawag sapagkat “pailalim” ang pagbigay kay konggresman, patagĂ´; hindi maaaring iabot sa pamamagitan ng mga kamay, sapagkat kung ganoon ay maaaring makita ng iba.  Dahil nga naman naging kalakaran, nauso na ring tawaging “S.O.P.”, standard operating procedure.  Mas masarap nga naman ito pakinggan kaysa “kickback”.

Sa usapin ng pork barrel, konggresman ang magsasabi kung anong proyekto ang nais niyang paglaanan ng pondo, maaaring pagpatayo ng tulay o pagbili ng mga aklat-aralin para sa mga mag-aaral sa eskwelahan.  Kung pang-imprastraktura tulad ng tulay, ang pondo ay daraan sa DPWH na siyang magpapakontrata ng proyekto.  Dahil nakikisama ang District Engineer ng DPWH sa konggresman, “aayusin” o “lulutuin” ang bidding upang mapunta ang kontrata sa kontratistang gusto ni konggresman.  Si kontratista ang magbibigay ng S.O.P. sa konggresman—at, malamang, pati sa mga kawani ng DPWH na pinagdaanan ng mga dokumento.  Kung pagbili naman ng mga aklat-aralin, ang pondo ay daraan sa Schools Division ng DepEd na siyang magpapakontrata sa supplier ng textbooks.  Dahil nakikisama ang Division Superintendent sa konggresman, aayusin o lulutuin ang bidding upang mapunta ang kontrata sa supplier na gusto ni konggresman.  Si supplier ang magbibigay ng S.O.P. sa konggresman—at, malamang, pati rin sa mga kawani ng DepEd na pinagdaanan ng dokumento.

Malamang na nagsimula ang kalakaran sa sampung porsyento lamang ng halaga ng kontrata.  Ngunit bakit nga naman hindi taasan ang komisyon ni konggresman?  Naging biro tuloy na may mga mestisong mambabatas na fifty percent Filipino, fifty percent Chinese, at thirty percent Korean.  Hindi pala dahil taga-Korea kundi dahil madalas na bukambibig nito ang “I-advance mo na ang thirty percent ko riyan”.  Sa pahayag ni Benhur Luy sa pagdinig ng senado, umaabot ng limampung porsyento ng halaga ng proyekto ang napupunta sa mambabatas, kaya naman wala nang mapupunta sa proyekto:  ang natitirang limampung porsyento ay paghahatian na lang ng kontratista (o fixer tulad ni Napoles sa kuwento ni Luy) at ng mga kawani ng departamentong pagdaraanan ng mga dokumento.  Pepekehin na lamang ang mga papeles.

Marahil, may mga mambabatas na dating naniniwalang may karapatan sila sa S.O.P. o komisyon mula sa kanilang pork barrel.  Ngunit sa pagputok ng sampung bilyong pisong pork barrel scam na kinasasangkutan ng mga Napoles, dapat lamang na matigil na ito.  Malamang, hindi lamang si Napoles ang may ganitong raket; hindi lamang tatlong senador (mula sa dalawampu’t apat), at hindi lamang dalawampu’t tatlong konggresman (mula sa halos tatlondaan) ang kasali.

Masama ang kickback—tawagin mang S.O.P. o komisyon—sapagkat, unang-una, ipinagbabawal ito ng batas, na may karampatang parusang pagkakulong.  Ayon sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, “the following shall constitute corrupt practices of any public officer and are hereby declared to be unlawful:  (b) Directly or indirectly requesting or receiving any gift, present, share, percentage, or benefit, for himself or for any other person, in connection with any contract or transaction between the Government and any other party, wherein the public officer in his official capacity has to intervene under the law.”

Ngunit higit na mahalaga kaysa pagbabawal ng batas, masama ito sapagkat kung pahihintulutan, mangyayari at mangyayari ang paglapastangan sa pera ng kaban ng bayan—na dapat ay mapunta sa kabutihang panlahat—tulad ng sampung bilyong pisong pork barrel scam ng mga Napoles.  At sa bahagi ng mga mambabatas, kapag pinahintulutang tumanggap ng regalo o komisyon mula sa mga proyekto, sa malaon o madali, yung S.O.P. na ang magiging motibo sa pagtulak ng proyekto, hindi na kabutihang panlahat.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment