ANG MGA BIRTUD
May kaibigang
nakapagkuwento sa akin minsan, noong dekada noventa, na sila raw ay nagpagawa
ng survey—pagsukat sa pulso ng bayan—upang alamin ang katangiang hinahanap ng
mamamayan sa ihahalal nilang pulitiko.
Ang naging resulta yata ay pitumpung porsyento—lubhang nakararami—ang nagsabing
“Matulungin” o “Madaling Lapitan”. Nababanggit natin ito sapagkat ang pagiging matulungin
ay isang birtud—virtue sa
Ingles—mabuting ugali. Mabuti ring
pagtuunan pa ng pansin ang konsepto ng birtud:
mula sa katagang Latin, virtus,
ibig sabihin, “lakas”; at may kinalaman din sa vir, mula rin sa Latin, at ang ibig sabihin, “tao”. At sa kasalukuyang paggamit ng katagang
“birtud”, ang tinutukoy natin ay mga ugali o kasanayang gawin ang mabuti sa
lahat ng pagkakataon. Sa wikang Ingles, stable inclinations or habitual dispositions
to do what is good in every situation.
Mahalaga ang mga
birtud sa pamumuhay na moral—sa ating pagsisikap na magpakatao, na patuloy na
lumago sa pagiging mabuting tao, tungo sa pagiging “ganap”.
Kung ang tao nga
naman ay hahantong sa kanyang huling dapat kahantungan—sa pagiging kaisa ng
Diyos sa kaligayahang walang-hanggan—ang ating pagkatao ay dapat tumupad sa
tunay na kalikasan ng tao bilang tao, sa ating kalikasang ayon sa
pagkakadisenyo ng ating Lumikha, at hindi sa ating sugatang kalikasang nagmula
sa maling paggamit ng kalayaan. Sa
madaling salita, dapat tayong magpakabuti, magpakabanal, at ito ay nakikita sa
ating pagkilos ayon sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral at ng matuwid na
konsyensiya, sa ating pamumuhay na moral.
Ang Panginoong Hesu Kristo mismo ang nagsabi: “Dapat kayong maging ganap, tulad din ng
inyong Amang nasa langit,” You must
therefore be perfect, just as your Father in heaven is perfect. (Mt 5:48)
Ngunit hindi
pa-isa-isang gawa o pagkilos ang talagang sinusukat sa pagtungo sa ating
kaganapan kundi ang ating pagkatao mismo:
ang pagkakalaan ng tao sa palagiang paggawa ng mabuti o masama. “Birtud” ang pagkakalaan sa palagiang paggawa
ng mabuti; “bisyo” naman, vice sa
Ingles, ang pagkakalaan sa palagiang paggawa ng masama, kabaligtaran ng birtud.
Isa pang dahilan
kung bakit mahalaga ang birtud ang bunga nitong pagpapadali sa paggawa ng mabuting
tinutukoy ng birtud na nasasangkot.
Dahil naging ugali na, hindi na mahirap ang pagkilos na nararapat ayon
sa ugaling iyon. Madali nang gawin ang
mabuti dahil nakasanayan na.
Ganunpaman,
hindi rin masasabing bumabȃ ang halaga ng pagkilos na iyon dahil sa naging
madali, sapagkat hindi naman nakasalalay sa hirap na naranasan ang halaga ng
gawa ng tao kundi sa tindi ng pagkakasangkot ng kalayaan, voluntariness—sa antas ng pag-ibig na kalakip ng pagkilos na iyon. At dahil nagkakaroon tayo ng birtud sa marami
at madalas na pag-ulit sa mabuting gawa upang maging ugali ito, masasabing
higit na malaya, higit na may pag-ibig ang pagkilos na bunga ng birtud, kahit
na hindi na pinaghihirapan ang bawat pagkilos.
Sa pagtungo sa
ating kaganapan bilang tao, kailangang pagsikapang makamit ang lahat ng
birtud. Hindi masasabing papalapit sa
kabanalan ang isang taong “matulungin”, kung siya naman ay may bisyo ng
pagiging lasenggero. Sa kahuli-hulihan,
kailangan nating makamit ang lahat ng birtud, at maiwaksi mula sa ating
pagkatao ang lahat ng bisyo. Ito ang
kaganapan ng tao bilang tao.
Lahat ng gawa,
akto o pagkilos na mabuti, ay dapat maging birtud; ngunit dahil halos walang
katapusan ang listahang mangyayari, at upang mapag-usapan at lalong maunawaan
ng pag-iisip ng tao, natuklasang mabuting pagsama-samahin sa apat na
magkakahiwalay na hanay ang mga birtud, mga hanay na kilala natin mula sa
klasikal na pilosopiya sa pangalan ng apat na malawak na birtud, na binabanggit
din sa Bibliya (Wis 8:7): una, ang birtud ng tamang paghusga, prudence sa wikang Ingles; ikalawa, ang
birtud ng katarungan, justice;
ikatlo, katatagan, fortitude; at
ikaapat, pagtitimpi, temperance. Tinatawag ding Cardinal Virtues ang apat na ito—mula sa cardos, Latin para sa “bisagra”—sapagkat maaaring isabit dito, na
parang bisagra, ang bawat iba pang birtud.
Prudence ang birtud ng pagiging tama sa lahat ng pagpapasya, may
kinalaman sa wastong pag-iisip.
“Katarungan” ang pagbigay ng nararapat sa bawat isa at sa lahat. “Katatagan” ang birtud ng paggawa ng
nararapat sa kabila ng kahirapang nasasangkot.
Temperance ang pag-kontrol sa mga hilig ng ating pangangatawan.
Kung mahalaga
ang birtud para sa lahat, lalo pang dapat hanapan nito ang ating mga pinuno sa
pamahalaan, sapagkat higit na marami ang apektado, higit na malaki ang epekto
ng kanilang mga gawa sa kabutihang panlahat.
Bilang
pangwakas, kailangan din nating sabihing imposible sa tao ang maging banal,
kung kakayahan lamang natin ang aasahan.
Kailangan ang kapangyarihan ng Diyos at ang biyayang ayunan natin ito ng
ating kalayaang pantao.
Hanggang
dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment