PULITIKA AT
PANANAMPALATAYA
Noong nakaraan,
napag-usapan natin ang mga “birtud” na pantao, human virtues, na kailangan sa ating pagpapakabanal; at nabanggit
ding lahat ng mga birtud ay maaaring ihanay sa ilalim ng apat na cardinal virtues: una, ang birtud ng
tamang paghusga, prudence sa Ingles;
ikalawa, “katarungan”, justice;
ikatlo, “katatagan”, fortitude; at
ikaapat, pagtitimpi, temperance.
Nasabi rin
nating imposible sa tao ang maging banal, imposibleng makamit ang kaganapan
bilang tao, kung kakayahan lamang natin ang aasahan. Kailangan ang kapangyarihan ng Diyos at ang
biyayang ayunan natin ito ng ating kalayaang pantao. Dito pumapasok ang mga birtud na umiibayo sa
ating kalikasan—supernatural virtues—at
ang pinakamahalaga sa mga ito ay tinatawag na “teolohikal”, sapagkat direktang
tumutukoy sa Diyos.
May tatlong
birtud na teolohikal: una,
“pananampalataya”, faith sa Ingles, ang
ugaling umayon sa lahat ng ipinahayag ng Diyos; ikalawa, “pag-asa”, hope, ang ugaling manalig, umasa,
magtiwala sa Diyos hinggil sa ating kaligayahang walang-hanggan; at ikatlo,
“pag-ibig”, charity, pag-ibig sa
Diyos higit sa anupaman, at pag-ibig sa kapwa gaya ng sarili alang-alang sa
pag-ibig sa Diyos.
Hindi tayo magiging
“ganap” kung wala tayo nitong tatlong birtud na teolohikal; at dahil umiibayo
sa ating kalikasan bilang tao, nagkakaroon lamang tayo nito dahil din sa biyaya
ng Diyos, unang-una sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag o Baptism sa bahagi ng pananampalatayang
Kristiyano.
Ganunpaman,
malaki pa rin ang kinalaman ng ating kalayaang pantao sa pagtanggap,
pagpapanatili at pagpapayabong sa mga birtud na ito sa ating indibidwal na
pagkatao: maaari nating tanggihan,
maaari ring iwaksi matapos na matanggap.
Sa kabilang dako, maaari rin nating payabungin o patindihin ang pagkakatalab ng mga birtud na ito sa ating
kalooban sa pamamagitan ng madalas na pag-ulit sa mga akto o gawang nasasangkot
sa birtud na tinutukoy; halimbawa, sa madalas na pagsimba o sa sadyang niloob
na pag-alay natin sa Diyos ng ating karaniwang mga gawain sa araw-araw, at nang
maisalin ang mga pagkilos na ito upang maging patuloy na panalangin, sa walang
patid na malayang pakikipag-ugnayan o pakikiisa sa Diyos.
Hindi tayo
darating sa huling dapat kahantungan kung wala tayo nitong tatlong teolohikal
na birtud sa pagtatapos ng ating panahon sa daigdig, sa pagtawid natin sa
walang-hanggan, sa punto ng ating tiyak na darating na kamatayan.
Walang kabuluhan
ang anumang tagumpay sa daigdig—kahit sa pinakamataas pang katungkulan sa
pulitika—kung hindi tayo hahantong sa kaligayahang walang hanggan, sapagkat ang
alternatibo ay pagdurusang walang hanggan.
Maikli ang buhay ng tao sa daigdig—mahaba na ang walumpung taon—lalo na
kung ihahambing sa walang hanggan; kahit limampung libong taon, kahit limampung
bilyong taon, maikli kung ihahambing sa walang hanggan o eternidad.
Sa konteksto ng
pulitika, hindi sulit na ipagpalit ang kaligayahang walang hanggan sa anim na taong
panunungkulan bilang Pangulo ng Pilipinos o kahit diktadurya sa loob ng
dalawampung taon. Sabi nga ni San
Josemaria Escriva, ang pagka-Kristiyano ay hindi parang sombrerong isinasabit
at iniiwan sa pintuan pagpasok natin sa ating opisina (cf. The Way, No. 353). Ito ang
pinakamahalagang aspeto ng ating pagkatao na dapat ay dala natin sa lahat ng
pagkakataon, lalo na’t dahil hindi natin alam kung kailan tayo aabutan ng
kamatayan.
Oo nga, sinasabi
ng ating Saligang Batas na hindi maaaring baliin ang pagkakahiwalay ng Simbahan
at Estado: The separation of Church and State shall be inviolable (Sec. 6,
Art. II, 1987 Constitution). At ito ay
binibigyang laman sa Section 5 ng Bill of Rights: No law shall be made respecting an establishment of religion, or
prohibiting the free exercise thereof.
The free exercise and enjoyment of religious profession and worship,
without discrimination or preference, shall forever be allowed. No religious test shall be required for the
exercise of civil or political rights (Sec. 5, Art. III). Ang ibig sabihin lamang nito ay pagpapagitna,
neutrality, ng Estado, sa harap ng ibat’t-ibang
pananampalataya. Ang Estado mismo ay
hindi maaaring kumiling o kumontra sa anumang relihiyon bilang relihiyon;
ngunit hindi inaalis at hindi maaaring alisin sa indibidwal na mamamayan—kasama
ang indibidwal na kawani o pinuno ng pamahalaan—ang karapatan at tungkuling
mamuhay ayon sa kanyang pananampalataya.
Ganunpaman, paminsan-minsan,
maaari pa ring magbanggaan ang kautusan o direksyon ng Estado at ng
simbahan. Kailangan nating pumili, at
maaaring nakataya pa rito hindi lamang ang katungkulan kundi pati ang buhay. Mabuti ring alalahanin ang sinabi ni Thomas
More bago siya pugutan ng ulo: “Utusan
ako ng Hari ngunit utusan ng Diyos muna,”.I
am the King’s good servant, but God’s first.
Hanggang
dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment