Saturday, October 12, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 9

PAGLAGOM SA BATAS KALIKASANG MORAL

Nabanggit natin noong nakaraan:  Ang moralidad—ang pagiging mabuti o masama ng pagkilos ng tao bilang tao—ay may obhetibong batayan sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral, at may subhetibong batayan din sa konsyensiya o budhi ng taong gumagawa.  Mabuti ring pagtuunan pa ng pansin ang mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral.

Batas Kalikasang Moral ang kalipunan ng mga kautusang mula sa ating Lumikha, kalakip ng ating tunay na kalikasan bilang tao.  Ang tinutukoy nito ay wastong pagkilos ayon sa pagkakadisenyo sa tao bilang nilalang ng Diyos.  Dapat sana ay nakikita natin ang mga kautusang ito sa pamamagitan ng ating pag-iisip—ng ating kakayahang unawain ang katotohanan o mangatuwiran—ngunit dahil sa pagiging sugatan ng ating kalikasan bilang tao, dahil sa ating kahinaan, madalas ay mahirap nating makita.  Ngunit hindi ito nangangahulugang walang pag-asang magpakabuti ang tao, sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya, natutulungan tayong makita ang mali at tama.  Sa pananampalatayang Kristiyano, masasabing ang Sampung Utos ng Diyos sa Banal na Kasulatan ay isang paglalahad, isang paglagom, sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral.

Ang unang tatlong utos ay tungkol sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang Lumikha:  Una, “Huwag kayong sumamba sa mga diyos-diyosan”; ikalawa, “Igalang ninyo ang pangalan ng Panginoong Diyos”; at ikatlo, “Panatalihing banal ang araw ng Panginoon”.  Ang sumusunod na pitong utos ay tungkol naman sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kapwa: Ang ikaapat, “Ipagdangal ang inyong ama at ina”; ikalima, “Huwag kayong pumatay”; ikaanim, “Huwag kayong makikipagtalik sa hindi ninyo asawa”; ikapito, “Huwag kayong magnakaw”; ikawalo, “Huwag kayong magsinungaling laban sa kapwa”; ikasiyam, “Huwag ninyong pagnasahan ang asawa ng inyong kapwa”; at ikasampu, “Huwag ninyong pagnasahan ang ari-arian ng inyong kapwa”. (Ex 20:1-17)

Kapansin-pansing karamihan sa Sampung Utos ay nakasaad sa negatibo, pagbabawal; bagamat sa katunayan ay mga positibong kautusang sambahin ang tunay na Diyos, igalang ang buhay ng tao, gamitin sa tama ang kakayahang sexual, at iba pa.  Kaya naman nakasaad sa negatibo ay dahil naroon sa hindi pagkilos ang pinakamababang antas—ang minimum—ng pag-tupad sa kautusang tinutukoy.  Hindi nga naman maaasahang sa lahat ng pagkakataon ay makatulong tayong mapabuti ang buhay ng kapwa, ngunit maaaring asahan at ipag-utos na huwag na lamang siyang pahirapan.  Sa kadalasan ay wala man tayong magawa upang tulungang yumaman ang kapwa, ngunit maaari namang asahan at ipag-utos na huwag na lamang nating pagnakawan.

Ang pamumuhay na moral—pagtupad sa Batas Kalikasang Moral at sa matuwid na konsyensiya—ay pagpapaka-tao.  Ito ang “daang matuwid”; pagkilos na naaayon sa disenyo ng Lumikha at kailangang tahakin kung nais nating marating ang huling dapat kahantungan, ang kabanalan, ang pagiging kaisa ng Diyos sa Kanyang kaligayahang walang hanggan.  At habang ang tao ay namumuhay sa daigdig, habang sumasa-panahon, kailangang pagsikapan; kailangang pagtiyagaang makasanayan ang pagkilos na nararapat, kailangang lumago sa “birtud”—virtue sa wikang Ingles—o gawing ugali ang pagkilos ng tama sapagkat ito ang nagbibigay ng tatak o karakter sa ating pagkatao bilang masama o mabuti.  Wala nga namang kabuluhan ang pagiging tapat ni Juan sa katotohanan sa isang pagkakataon kung magsisinungaling naman siya sa siyam na iba pang pagkakataon.  At sa kabilang dako, ang taong may ugaling maging tapat sa katotohanan ay matatawag na ganoon kahit siya ay natutulog, sapagkat ipinahihiwatig ng ugali na sa lahat ng pagkakataon ay ganoon ang kanyang magiging pagkilos.

Ang bawat pagkilos na masama—imoral na gawa—ay pagtalikod sa ating Lumikha.  Ito rin ang buod ng kasalanan:  pagtalikod sa Lumikha upang kumiling sa nilikha; sa wikang Ingles, “a turning away from God and turning towards creatures”.  Kung ang buhay natin sa daigdig ay paglalakbay patungo sa Diyos, ang kasalanan ay pagpapaliko mula sa tamang daan, paglayo, mula sa dapat nating kahantungan.  Ito rin ang batayan ng kasabihang, the end does not justify the means; ang isang mabuting hangarin ay hindi nagpapabuti sa mali o masamang gawa; sapagkat kung masama o imoral ang isang gawa, may pagtalikod agad sa Diyos na hindi maaaring mapantayan ng anupamang mabuting hangarin.

Nilikha tayong malaya upang malaya nating gustuhin o piliing makaisa ang Diyos.  Walang pag-ibig kung walang kalayaan.  Kalayaan: ito ang kakayahan nating ituon ang sarili sa huling dapat kahantungan.  Ngunit hindi ito absoluto:  kailangang makisama sa obhetibong realidad; at isa pa, bawat pagpili natin ay mayroon ding pagkakatali.  Ngunit wala rin namang kabuluhan ang kalayaan kung hindi mauuwi sa pagpili at pagkakatali:  commitment.  At kalakip ng ating kalayaan ang pananagutan, responsibility:  bawat pagpili ay maaaring magdulot ng kaligayahan o kapighatian sa atin, at wala rin tayong ibang dapat sisihin.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment