Saturday, October 5, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 8

BATAS AT MORALIDAD

Sa klasikal na pilosopiya, ang sistema ng batas ng Estado ay masasabing pakikibahagi o partisipasyon ng sambayanan-bilang-sambayanan sa Batas Kalikasang Moral, natural moral law sa wikang Ingles.  Ibig sabihin, higit na mataas ang Batas Kalikasang Moral kaysa batas ng Estado; at kung tutuusin, hindi dapat sundin ang kautusan ng batas ng Estado—dapat ay labanan pa nga—kapag ito ay lumalabag sa Batas Kalikasang Moral.  Isang halimbawa sa kasaysayan ang mga batas ng Nazi Germany na nag-uutos na lipulin ang mga Hudyo.  Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at matalo ang mga puwersa ni Hitler, pinagpanagot at pinarusahan ang kanyang mga opisyal na nasangkot sa pagsagawa sa nangyaring bahagyang paglipol sa mga Hudyo, sa kabila ng katotohanang tinutupad lamang nila ang kanilang tungkulin sa ilalim ng batas ng Estado, sapagkat malinaw na labag sa Batas Kalikasang Moral ang ginawang maramihang pagpaslang o genocide sa mga Hudyo.

Ang mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral ang nagsisilbing obhetibong batayan ng moralidad—ng pagiging mabuti o masama—ng mga gawa o pagkilos ng tao bilang tao.  “Obhetibo”, objective sa Ingles, sapagkat nasa labas ng ating pagkatao; may sariling katalagahan; mula sa dalawang katagang Latin, ob-, “sa harap”, at –jectum, “itinapon”.  “Itinapon sa harapan,” nasa labas ng ating pagkatao, hindi nakasalalay sa kalooban.

Batas Kalikasang Moral ang kalipunan ng mga kautusang mula sa ating Lumikha, kalakip ng ating tunay na kalikasan bilang tao; dapat sana ay nakikita natin sa pamamagitan ng ating pag-iisip—ng ating kakayahang unawain ang katotohanan o mangatuwiran—ngunit dahil sa pagiging sugatan ng ating kalikasan bilang tao, dahil sa ating kahinaan, madalas ay mahirap nating makita.

Halimbawa ng mga obhetibong kautusang ito ang “Huwag magnakaw”: igalang ang karapatan ng kapwang magkaroon ng sariling ari-arian. Ito ay obhetibo—nasa labas natin—sapagkat hindi man natin alam, sang-ayon man tayo o hindi, masama ang magnakaw.  Hindi naaayon at lumalabag sa tunay na kalikasan ng tao bilang tao, sapagkat likas na karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng sariling ari-arian.  Makatuwiran ito sapagkat bahagi ng ating tunay na kalikasan bilang tao ang pagiging malaya, ang pagkakaroon ng kalayaang ituon ang sarili sa huling dapat kahantungan.  Sa kalayaang ito nakabatay ang karangalan ng tao bilang tao.  At upang mapangalagaan ang kalayaang ito, kailangang kilalanin din ang karapatang magkaroon ng sariling ari-arian, right to private property sa Ingles.  Hindi maaaring maging malaya ang tao kung iaasa niya sa awa o pagiging bukas-palad ng kapwa o ng pamahalaan ang kanyang mga pansariling pangangailangan.

Kung babalikan natin ang kultura ng katiwalian sa pamahalaan, masasabi nating masama ang “kickback” (tawagin man itong “s.o.p.” o “komisyon”)—isang uri ng pagnanakaw, paglapastangan sa pera ng kaban ng bayan—sapagkat “kabutihang panlahat” ang dapat maging motibo ng mga naglilingkod sa pamahalaan, hindi ang kikitaing kickback.  Makatuwirang hindi dapat payagan ang sistema ng kickback sapagkat, sa higit na karamihan ng pagkakataon, tiyak na matatabunan ng motibo ng kickback ang motibo ng kabutihang panlahat sa pagkilos ng mga pinuno at kawani ng pamahalaan. 

Ngunit hindi lamang Batas Kalikasang Moral ang batayan ng moralidad.  Mayroon ding subhetibong batayan ang pagiging mabuti o masama ng ating mga gawa bilang tao.  Ito ang ating “budhi”—konsyensiya, conscience sa wikang Ingles—ang mismong paghusga ng ating pag-iisip tungkol sa ating gawa sa kongkretong kalalagayan.  Ang konsiyensya ng bawat isa ang subhetibong batayan ng moralidad; subhetibo, subjective sa wikang Ingles, sapagkat nakasalalay sa kalooban; mula sa dalawang katagang Latin, sub-, at –jectum, “itinapon sa ilalim”.

Kailangang laging sundin ang ating konsiyensya sapagkat, kung hindi, mahahati ang ating pagkatao.  May pagkawasak ang tao kapag ang kanyang gawa ay labag sa paghusga ng kanyang budhi.  Nawawalan tayo ng “integridad” o “pagkabuo”.  Karugtong nito, may tungkulin din tayong hubugin ang ating konsyensiya.

Hindi nga naman tayo maaaring maging kasisi-sisi kung hindi natin alam na masama ang ating gawa. Walang kasalanan ang mga musmos na walang-isip at ang mga maysakit sa utak. Ganunpaman, may obligasyon ang taong hubugin ang konsiyensiya upang alamin ang tama at mali dahil, kapag labag sa Batas Kalikasang Moral ang kanyang gawa, masasaktan pa rin siya sa obhetibong pagiging mali nito. Hindi nga kasisi-sisi ang isang walang-isip sa pag-inom niya ng lason, sapagkat hindi niya alam na lason, ngunit malalason pa rin siya, mamamatay pa rin.

Upang masabing “mabuti” ang ating mga gawa, dapat ay naaayon ito sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral; at naayon din sa matuwid na konsiyensya ng taong gumagawa; pasado sa obhetibo at sa subhetibong batayan ng moralidad.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment