RH LAW REVISITED
Isang halimbawa
ng “political decision” na lumalabag sa Batas Kalikasang Moral at sa batas ng
sambayanan ang RA 10354, The Responsible
Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, tawagin na lang nating “RH
Law”. Dahil lumalabag sa batas ng
sambayanan, ito ang paksa ng ilang petisyon sa Korte Suprema na hinahangad na
mapawalang-bisa ang nasabing batas. At
dahil may kasong nakabinbin, minabuti ng hukumang ipatigil muna ang
pagpapatupad. Ngunit hayaan na muna
natin ang aspeto ng legalidad sa hukuman at pagtuunan ng pansin ang paglabag sa
moralidad.
Ang buod ng RH
Law ay ang pag-obliga sa pamahalaan at mga health workers na gumugol ng
salaping nagmula sa buwis ng mga mamamayan upang mamigay ng mga kontraseptiba o
itulak ang “contraceptive sex”, o pagtatalik na sekswal na ginagamitan ng artipisyal
na mga pamamaraan o gamot na pumipigil o pumuputol sa pagbubuntis o pag-aanak. Ito ay labag sa batas-kalikasang-moral; ibig
sabihin, salungat sa kabutihan ng tao bilang tao.
Immoral ang contraceptive
sex sapagkat ang kakayahang mag-sex ng tao ay likas na nakatakda sa dalawang
hantungan: una, sa pag-iisa, union, sa pag-iibigan ng mag-asawa;
at, ikalawa, sa pagkakaroon ng bunga, sa pagkakaroon ng supling, procreation.
Kaya ang tama at mabuting paggamit sa kakayahang mag-sex ay dapat na bukas o
umaayon at hindi kontra sa dalawang layuning ito: may pag-ibig at tinatanggap
ang posibleng maging supling; bukas sa pagkakaroon ng bunga, sa pag-aanak. Okey ang paggamit ng kakayahang mag-sex kung,
una, may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik; at, ikalawa, bukas ang kanilang
kalooban sa pagkakaroon ng supling; o sa pinakamababang sukatan nito, wala
silang ginawa para pigilan ito. Kailangan
laging naroon ang dalawang kondisyong ito, hindi pwedeng paghiwalayin.
Ang sinasabi ng
pumapabor sa contraceptive sex, okay ang sex kung may pag-ibig sa pagitan ng
magkatalik. Makatao na raw ito, hindi na
immoral, kapag may pag-iibigan, kahit na sadyaing pigilan nila ang pagbunga
nito.
Mali ang
pananaw na ito. Hindi maaaring sabihing isa lamang ang likas na hantungan ng
kakayahang mag-sex ng tao, na ito ay okay na bastat may pag-ibig. Hindi
maaaring bale-walain o isa-isantabi ang pagkakatakda nito sa pagkakaroon ng
bunga. Hindi maaaring paghiwalayin ang
dalawang hantungang ito ng pag-aasawa. At
sa katunayan, ito ang turo ni Papa Pablo VI sa kanyang Liham Encyclical na
pinamagatang Humanae Vitae, “Buhay ng
Tao”, na inilabas noong taong 1968.
Nakakatulong nga
ang pananampalataya sa pagkilala natin sa mga kautusan ng Batas Kalikasang
Moral. Hindi nga naman maaring sabihin
okay ang sex kung bukas lamang sa pag-aanak ang magkatalik. Kapag walang pag-ibig, rape ang tawag sa sex,
isang malinaw na kamaliang moral. Sa
kabilang dako, kung sasabihin namang ang likas na layunin ng sex ay natutupad
na sa pag-iibigan lamang ng magkatalik, magiging okay na pala ang sex sa
pagitan ng magkasing-kasarian, homosexuality, gayong isinusumpa ito sa Banal na
Kasulatan. At kaya nga alam nating
immoral ang homosexual intercourse ay dahil hindi ito maaaring tumupad sa
layunin ng pag-aanak. Isa pa, kung
sasabihing hindi kailangang maging bukas sa pag-aanak ang sex, mawawalan na rin
ng saysay ang institusyon ng kasal. Kaya
nga laging kasunod ng paglaganap ng contraceptive sex ang pagkasira ng
institusyon ng kasal, ng pamilya. Nauuso
ang diborsyo. At nililinaw din ng
pananampalataya ang immoralidad ng diborsyo.
Mismong ang Panginoong Hesukristo ang nagsabi, “Huwag paghiwalayin ng
tao ang pinagbuklod ng Diyos” (Mt 19:6).
Mabuting pagmunimunihan
ang dahilan kung bakit may institusyon ng kasal ang halos lahat ng lipunan. Maging ang mga sinaunang tribo, kahit
papaano, may seremonyang pagdaraanan ang nag-iibigang nais magsama at magtalik. Sa harapan ng tribo sila nangangako at nagpapatali
sa isa’t-isa nang pangmatagalan. Ito ay
dahil nga likas na nakatakda ang pag-aasawa sa pag-aanak. Ang buhay ng tao, na bunga ng pagtatalik, ay
maselan at mahina sa simula at kailangan ng matagal na pag-aaruga; kailangan ng
pagtutulungan ng ama at ina sa matagal na panahon bago maging handa ang
kanilang supling na mamuhay nang sarili. Dahil dito, kailangang itali, obligahin, sa
tungkuling ito ang mag-asawa sa harap ng tribo. Ang tribo ay may karapatang tiyakin ang
kapakanan ng mga sumusunod na salinlahi; kung hindi ay mauubos o malilipol ang
tribo.
Kung ang sex ay
hindi likas na nakatakda sa pag-aanak, walang dahilan para talian ang dalawang
taong gustong makipag-sex sa isa’t-isa. Walang
dahilan ang institusyon ng kasal. Okay
lang ang live-in, okay na rin ang diborsyo.
Ngunit alam nating mali ito.
Immoral ang contraceptive sex sapagkat ito ay pag-abuso, maling
paggamit, sa kakayahang sekswal ng tao; paggamit na may pagtanggi sa likas na
nakatakdang layunin ng sex; kontra sa tunay na kalikasan ng tao bilang tao.
Hanggang
dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment