Friday, June 26, 2009

SI SAN JOSEMARIA ESCRIVA

Ngayong araw, ika-26 ng Hunyo, anibersaryo ng pagkamatay ni San Josemaria Escriva, ang tagapagtatag ng Opus Dei. Ito ang kanyang kapistahan, araw ng kanyang pagpasok sa kaligayahang walang-hanggan.

Si San Josemaria ay ipinanganak noong taong 1902 sa Barbastro, EspaƱa, at sumakabilang buhay noong ika-26 ng Hunyo, taong 1975, sa Roma, sa edad na 73. Itinanghal siyang Santo ng Simbahan noong ika-6 ng Oktubre, taong 2002.

26 na taong gulang siya, isang pari, nang itinatag niya ang Opus Dei noong ika-2 ng Oktubre, taong 1928, bilang pagtupad niya sa nakitang kalooban ng Diyos na palaganapin ang katotohanang ang lahat ng tao ay tinatawag na magpakabanal, maging kaisa ng Diyos at makibahagi sa Kanyang kaligayahang walang-hanggan. Kakambal nito ang katotohanang para sa nakararaming tao, ang daan patungo sa kabanalan ay nasa mahusay na pagtupad ng mga pangkaraniwang tungkulin ng isang Kristiyano, pagtupad sa mga tungkuling pampamilya, sa gawaing panghanapbuhay, sa pagiging mabuting mamamayan, upang ang lahat ng ng pangyayari at kalalagayan sa buhay ay maging pagkakataon upang lalong makilala, ibigin at paglingkuran ang Diyos.

Ang doktrina o turong ito ay hindi isang bagong imbensyon. May batayan ito sa banal na kasulatan. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga tagapakinig: “Kaya dapat kayong maging ganap, tulad ng inyong Amang nasa langit” (Mt 5:48). Sabi rin ni San Pablo sa kanyang unang liham sa mga taga-Tesalonika, “Ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong kabanalan” (1 Thes 4:3). Karamihan sa mga unang itinanghal na santo ng simbahan ay mula sa hanay ng mga karaniwang tao: mga mangingisda ang mga apostol na sina San Pedro, San Andres, Santiago, at San Juan; kolektor ng buwis si San Mateo. Si San Pablo mismo ay tagagawa ng tolda. Sa mga unang martir sa Roma, may mga ina at ama ng pamilya.

Ganunpaman, sa pagdaan ng mga dantaon, lalo na sa pagbagsak ng Imperyong Romano sa kalagitnaan ng unang milenyo ng Kristiyanismo, at sa pagkawala ng kaayusan at kabihasnang tinataguyod ng Roma; sa pagpasok ng sangkatauhan sa madilim na panahon o dark ages, naging marahas at magulo ang mundo at tila lalong naging mahirap magpakabanal sa gitna ng daigdig. Dahil dito, marahil, lalong namuo ang kaisipang kailangang umalis ang tao mula sa kanyang kinalalagyan sa gitna ng daigdig kung nais niyang magpakabanal. Kailangang pumunta sa ilang o pumasok sa monasteryo, maging ermitanyo o monastiko, maging monghe, at tila ito lamang ang paraan upang magpakabanal.

Napakalaking kabutihan din naman ang naidulot at patuloy na idinudulot ng mga monastiko sa Simbahan at sa buong sangkatauhan. Bukod sa matinding buhay-panalangin, nariyan din ang paglikom at pag-imbak ng karunungang-manang batayan ng pagpapanibago ng kabihasnan, at ang paghain ng turo at halimbawa na ang ang buhay ng tao ay hindi natatapos sa daigdig kundi may inaasahang kaligayahang walang-hanggan. Ganunpaman, hindi man sinasadya, umiral din sa nakararaming tao ang maling akalang ang taong nasa gitna ng daigdig ay walang pag-asang maging banal, maliban laman kung siya ay aalis sa kanyang kinalalagyan sa mundo.

Salamat sa pagpupunyagi ni San Josemaria Escriva, at sa lahat din ng nakatulong sa pagpapalaganap ng doktrina ng “pangkalahatang tawag sa kabanalan” (sa Ingles, the universal call to holiness), ang katotohanang ito ay nabigyan ng karampatang pansin ng Ikalawang Konseho sa Batikano, Vatican 2, na ginanap mula 1962 hanggang 1965, at ngayon ay malinaw at hayagang itinuturo ng Simbahang Katolika.

Lahat nga ng tao ay tinatawag ng Diyos na magpakabanal; at sa nakararami nating Kristiyanong namumuhay sa gitna ng daigdig, ang daan ng pagpapakabanal ay nasa mismong pakikilahok natin sa lahat ng gawaing angkop sa tao, sa mga larangang ginagalawan natin, at sa pagsasaayos natin sa mga gawain at larangang ito ayon sa kalooban ng Diyos.

Lahat nga ng gawaing pantao—gawaing pantahanan, panghanapbuhay, pati ang pakikilahok sa pulitika (hindi kasali rito ang mga gawaing likas na masama dahil nga hindi angkop sa tunay na kalikasan ng tao) ay dapat na maging daan, maaaring maging daan ng pagpapakabanal, ng ating paglago sa pagiging kaisa ng Diyos, kung ang mga gawain at tungkuling ito ay tutupdin nang may pag-ibig sa Diyos. Sa pagpalaganap niya sa katotohanang ito, si San Josemaria Escriva ay tinawag ni Papa Juan Pablo Ikalawa na “santo ng pangkaraniwang buhay”, the saint of the ordinary (Address, 7 October 2002).

Sa pag-alaala sa turo at halimbawa ni San Josemaria Escriva, sana ay lalong tumindi ang ating pagnanasa, at lalong sumigasig ang ating pagsusumikap na magpakabanal, maging ganap, at tupdin ng bawat isa, sa awa rin at tulong ng Diyos, ang kahulihulihang sanhi at layunin, ang kabuluhan, ng ating pag-iral bilang tao, na kilalanin, ibigin at paglingkuran ang Diyos ng ating buong pagkatao, at nang sa gayon ay maging kaisa tayo ng Diyos at makibahagi sa Kanyang kaligayahang walang-hanggan.

O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment