Saturday, June 13, 2009

ANG BANAL NA KOMUNYON

Bukas, ikalawang Araw ng Linggo pagkatapos ng Pentekostes, ipagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo, Solemnity of the Body and Blood of Christ, Dakilang Kapistahan ng Corpus Christi, upang pagmunimunihan at namnamin ang katotohanang sa Banal na Komunyon, sa Sakramento ng Eukaristiya, ang tinapay na alay ay nagbabago ng sustansya, bagamat hindi ng anyo, upang maging Katawan, Laman, ng ating Panginoong Hesukristo; ang alak na alay, nagbabago ng sustansya, bagamat nananatili ang anyo bilang alak, upang maging Dugo ng Panginoong Hesukristo. Si Hesus mismo, sa Kanyang Katawan, Dugo, Kaluluwa at PagkaDiyos, ang ating tinatanggap sa Banal na Komunyon, kaya nga, ayon kay San Josemaria Escriva, ito “ang sentro at ugat ng buhay ng isang Kristiyano”, the center and root of a Christian’s spiritual life (Christ is Passing By, No. 87); sa mga kataga naman ng Ikalawang Konseho sa Batikano, “the source and summit of Christian life”, ang “bukal at rurok ng buong buhay-Kristiyano”, bukal na pinagmumulan at tugatog na pinatutunguhan ng buhay-Kristiyano, habang tayo ay nasa daigdig (CCC, No. 1334; Lumen Gentium, No. 11).

Sa Lumang Tipan, mayroon nang paunang mga larawan ng Eukaristiya sa tinapay at alak na alay ni Melkizedek (Gen 14:18), sa korderong inihahain sa Hapunan ng Paskuwa (Ex 12, 13), at sa tinapay mula sa langit, manna, na naging pagkain ng mga Israelita habang naglalakbay sa ilang patungo sa lupang pangako (Ex 16). Sa kabilang dako, ang Eukaristiya ay siya namang paunang-tikim ng ating pakikisalo sa Piging ng Kasal ng Kordero ng Diyos sa Kanyang Sambayanan (Rev 19:9).

Sa Huling Hapunan ng Huwebes Santo sa pagtatag Niya ng Banal na Eukaristiya, dinala ng Panginoon ang kanyang mga apostol, sa mahiwagang paraan, sa kanyang pag-alay ng sarili sa Kalbaryo na mangyayari pa lamang kinabukasan, Biyernes Santo. Ganundin, sa isang mahiwagang paraan, sa Banal na Misa, tayo ay dinadala rin sa mismong pag-alay ni Hesus ng kanyang sarili sa Kalbaryo, na naganap humigit kumulang sa 2000 taon nang nakaraan, ayon din sa utos ng Panginoon: “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin” (1 Cor 11:24); sapagkat, ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, sinabi rin ni Hesus: “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay” (Jn 6:53). Maaari ngang sabihing sina Eba't Adan ay napahamak sa pagkain nila ng bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama, fruit of the tree of the knowledge of good and evil; tayo naman ay maliligtas sa pagkain ng bunga ng puno ng Krus.

Pinakita ni Hesus na mayroon Siyang kapangyarihang gawing alak ang tubig sa kasalan sa Cana (Jn 2:1-11); may kapangyarihan din Siyang paramihin ang limang tinapay upang mapakain ang limanlibong kalalakihan (Jn 6:1-14); hindi rin dapat maging kataka-takang may kapangyarihan din Siyang baguhin ang tinapay at alak upang maging Katawan at Dugo Niya. Ito nga marahil ang dahilan kung bakit ang "Pagpapakain sa Limanlibo" ang nagbubukas ng Ikaanim na Kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, bilang pambungad sa pagpapahayag ni Hesus na Siya ang Pagkaing Nagbibigay-buhay.

“Sinabi ni Hesus, ‘Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay’ (v. 35)… ‘Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.’ Dahil dito’y nagtalutalo ang mga Judeo. ‘Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin,’ tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, ‘Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay’…Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin’…Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, ‘Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?’...Mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya.” (vv. 48-66).

Literal ang pakahulugan ng Panginoon sa Kanyang mga sinabi dito, at literal din itong naunawaan ng mga nakapakinig, kaya marami ang umalis at kaya nga hindi rin naman sila pinigilan ng Panginoon. Ngunit para sa atin, "Yamang sinabi ni Kristong Manunubos natin na ang inihahandog sa anyong tinapay ay tunay na Katawan Niya, laging itinuturo ng Simbahan ang paniniwalang ito…na sa konsagrasyon ng tinapay at alak ginagawa ang pagpapalit ng lahat ng sustansya ng tinapay sa sustansya ng Katawan ni Kristong ating Panginoon, at ang buong sustansya ng alak sa sustansya naman ng Kanyang Dugo. Ang pagbabagong ito ay marapat na tinatawag na ‘transustanyasyon’. (CCC, No. 1376).

Sabi nga ni San Josemaria, kung may dalawang taong nagmamahalan at hindi maiwasang magkakahiwalay, sila ay mag-iiwan ng tanda, recuerdo, sagisag ng pagnanais na manatiling malapit sa isa’t isa. Hanggang doon lamang, sapagkat sila ay tao lamang. Ngunit dahil ang Panginoong Hesukristo ay tunay na Diyos at tunay na tao, ang sagisag na kanyang iniwan ay hindi lamang tanda kundi katuparan at katunayan. Siya mismo, hindi lamang larawan Niya, ang nananatili sa atin. Pupunta Siya sa Ama, ngunit mananatili rin Siya sa atin sa Banal na Eukaristiya (cf. Christ is Passing By, No. 83).

O.C.P.A.J.PM.

No comments:

Post a Comment