Saturday, February 15, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 19

ROE VERSUS WADE

Noong ika-22 ng Enero, taong 1973 (ika-41 anibersaryo na ang kalilipas na January 22), inilabas ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang kanilang desisyon sa kasong Roe vs. Wade na, sa kauna-unahang pagkakataon, nagbigay ng karapatan sa batas na sadyaing ipalaglag o ipapaslang ang sanggol na nasa sinapupunan ng isang ina.  Naging legal, puwede na sa batas, ang abortion

Ang Roe vs. Wade ay pinaikling pamagat ng kaso, “Jane Roe versus District Attorney Henry Wade (ng Estado ng Texas)”.  Ang “Jane Roe” ay pambabaeng katumbas ng “John Doe”, “alias” na ginagamit upang ipalit sa pangalan ng taong nasasangkot sa kaso, kung hindi alam ang totoong pangalan o, tulad dito, kung kailangang itago ang totoong pangalan upang bigyan ng kaukulang proteksyon ang nasasangkot.  Ngunit dahil naisapubliko na rin ang totoong pangalan ng Jane Roe na ito, banggitin na rin natin ang totoong pangalan niyang “Norma McCorvey”.

Ang buod ng usapin ay pawalan ng bisa ang batas ng Estado ng Texas na nagbabawal at nagpapataw ng parusa sa abortion, sapagkat noong mga panahong iyon, buntis si Norma McCorvey at nag-iisip na ipalaglag ang laman ng kanyang sinapupunan.  At sa desisyon ng Korte Suprema ng Estados Unidos, napagpasyahan ngang pawalan ng bisa ang mga batas na nagbabawal sa abortion, sa dahilang ang mga ito raw ay lumalabag sa “right to privacy” ng babaeng nasasangkot—karapatang protektado sa ilalim ng Bill of Rights ng Saligang Batas ng Estados Unidos.  Mula noon, sa kabila ng ilan pang usaping umabot sa U.S. Supreme Court, sa kabila ng mainit na debate sa pagitan ng dalawang kampong natagurian nang “Pro-Life”, kontra sa abortion, at “Pro-Choice” o pabor sa abortion, hindi pa rin nababaligtad ang buod ng desisyon sa Roe vs. Wade.

Kung tutuusin, hindi dapat mahirap makitang higit na mataas na halaga ang karapatang mabuhay—right to life—ng sanggol, kung ihahambing sa “right to privacy” ng inang nais itigil ang kanyang pagdadalantao.  Oo nga, karapatang pantao rin ang hayaang magsarili at gawin ang kagustuhan sa kanyang pag-iisa, bastat walang kapwang masasagasaan, at dapat itong igalang ng Estado, hindi maaaring panghimasukan ng batas.  Ganunpaman, kapag abortion ang pinag-uusapan, malinaw din naman sa ating mga Pinoy na ang sanggol sa sinapupunan, gaano man kaliit pa, ay buhay ng tao, sapagkat life begins at conceptionfertilization, ang pag-iisa ng semilya ng ama at ovum ng ina—at ito ay hayagang nakasaad sa ikalawang pangungusap ng Section 12, Article II ng ating Saligang Batas:  “(The State) shall equally protect the life of the mother and the life of the unborn from conception”.

Sa desisyon ng U.S. Supreme Court sa kasong Roe vs. Wade, hayagan ding iniwasan ng mga mahistradong pagpasyahan kung kailan talaga nagsisimula ang buhay ng tao: tila sinasasabing hindi talaga mapapatunayan kung saang punto nagiging tao ang kalipunan ng mga cells at tissue na nasa loob ng katawan ng isang ina, bagamat sa kalaunan ay maaaring mauwi ito sa pagiging sanggol na iluluwal.  Sa ganitong pagdadahilan—bagamat hindi naman lahat sumang-ayon, mayroon ding dissenting opinion sa mga mahistrado—napagpasyahan ng mayorya na pamayanihin ang right-to-privacy upang ibasura ang mga batas na nagbabawal at nagpapataw ng parusa sa abortion.

Sa ating bansa, ipinagbabawal pa rin at pinarurusahan hanggang ngayon ang abortion bilang salang-kriminal, sa ilalim ng Article 256 hanggang Article 258 ng ating Revised Penal Code.  Salamat sa isinasaad ng Section 12, Article II, ng ating Saligang Batas, hindi maaaring pawalan ng bisa ang pagbawal sa abortion sapagkat malinaw sa ating sistema kung kailan nagsisimula ang buhay ng tao. 

Hindi naman maaaring pagtalunan pa na, sa pagtatagpo at pag-iisa ng semilya ng lalaki at ovum ng babae, mayroon nang bagong buhay:  lumalago sa panahon, mayroon na ring sariling DNA, at hindi masasabing bahagi lamang ng katawan ng ina o ama sapagkat kinasangkutan nilang dalawa.  Sinasabi lamang ng mga nagsusulong ng abortion na hindi ito masasabing “buhay ng tao”.  Kailangan pa nga naman ng microscope para makita, paano sasabihing may karapatang mabuhay labag man sa kalooban ng babaeng may-katawang nagdadala nito?

Mahirap nga marahil sa pisikal na agham na patunayang may karapatang mabuhay ang zygote na ito.  Ganunpaman, malinaw sa pananampalatayang Kristiyanong may mga karapatan na ito bilang tao—karapatang hindi nakasalalay sa kamay lamang ng ina o mga magulang, ni ng Estado—at lahat, ang buong sambayanan, ay may tungkuling ipaglaban ang karapatang iyon (CCC, 2270-2275). 

Kung makalusot mang hindi maparusahan sa ilalim ng batas ng tao ang abortion, ito ay isang napakalaking kasamaan sa Batas Kalikasang Moral dahil, bukod sa pagkitil ng buhay ng tao, ang biktima sa abortion ay tiyak na inosente at tiyak na walang kalaban-laban.  At madalas, pinangungunahan pa ito o kinasasangkutan ng mismong inang may pinakapangunahing tungkuling mahalin at arugain ang sanggol na iyon. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.

O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, February 8, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 18

KARANGALAN NG TAO BILANG TAO

Noong nakaraan, napagtuunan natin ng pansin ang kabanalan ng buhay-pamilya, na nagmumula sa kabanalan ng buhay ng tao.  Sa higit na sekular na pagsasawika, “karangalan ng tao bilang tao”—human dignity—ang terminolohiya sa kabanalan ng buhay ng tao. 

Isa sa pinakamahalaga at pinakapundamental na prinsipyo ng pamumuhay sa lipunan ang paggalang sa karangalan ng bawat tao bilang tao.  Sa usapin ng pulitika, mabuti ring pagmunimunihan ito, sapagkat ang pulitika ay isang natatanging pantaong larangan.  Walang pulitika sa bahagi ng mga hayop.  Ipinagpapalagay lamang na sila ay parang mga tao sa mga pantasyang tulad ng pelikulang-guhit na Lion King ng Walt Disney Productions.  Ang nobela ring Animal Farm ni George Orwell ay isang alegoryang sa katunayan ay tungkol din sa tao, hindi talaga tungkol sa mga hayop na mga “tauhan” sa kuwento. 

Tao talaga ang gumagalaw sa larangan ng pulitika; at sa kahuli-hulihan, sa tao rin umiinog ang lahat ng usaping pampulitika.  Bagamat ibang konteksto ang pinagmulan, nababagay din sa puntong nais nating tukuyin ang isa sa pinakasikat na pariralang nagmula kay Abraham Lincoln, bahagi ng kanyang Gettysburg Addres: “pamahalaan mula sa tao, isinasagawa ng tao, at para sa tao,” government of the people, by the people, for the people.  Sa lengguwahe naman ng Vatican II o Ikalawang Konsehong Batikano, “the beginning, the subject, and the goal of all social institutions is and must be the human person”.  Tao ang simula, ang kamalayang nasa sentro, at siya ring dapat na pinatutunguhan ng lahat ng institusyong panlipunan (Gaudium et Spes, No. 25).

Ang karangalang ito ng tao bilang tao ang batayan ng Bill of Rights sa ating Saligang Batas.  Masasabing may Bill of Rights dahil may likas na mga karapatan ang tao, at hindi ito maaaring tapakan o sagasaan kahit pa ng Estado.  Sa madaling salita, ang Bill of Rights ay mga limitasyon sa kapangyarihan ng Estado, pagkilala sa hindi maaaring yurakang karangalan ng tao bilang tao.

Sa ating panahon, isa sa mga pagkukulang sa pagkilala o pagpapahalaga sa karangalang pantao ang pagpapababȃ sa tao upang ipantay sa mga punongkahoy o mga hayop; o kaya, ang bigyan ng higit na pagpapahalaga ang mga punongkahoy at hayop kaysa tao.  May mga batas pa nga tayong tila nagbibigay ng “human rights” sa mga hayop, at nagpapataw ng parusa sa mga taong hindi kumikilala sa mga karapatang ito na dapat ay pan-tao lamang ngunit iginagawad sa mga hayop.

Hindi rin basta masisisi ang mga taong may ganitong pananaw sapagkat, kung kakayahan lamang natin ang aasahan, mahirap ikatuwirang tao—at hindi ibang nilalang o buhay-ilang—ang tugatog ng paglikha.   Hindi natin talaga kayang patunayan—nang walang puwang para sa pagduda—na tao lamang ang may pag-iisip at kalayaang pumili.  Malay nga naman natin kung ano ang pinag-uusapan ng ating mga alagang aso kapag sila ay nagkakatipon-tipon.  At, sa kabilang dako, alam nating may mga aspeto ang taong katulad ng hayop:  madalas tayong napapasunod sa udyok o hilig ng katawan kahit labag sa utos ng budhi.  Ganunpaman, kamalian pa ring ipantay o ipailalim ang tao sa hayop o punongkahoy:  wala rin namang dahilan para sabihing higit na magaling ang mga nilalang na ito kaysa tao.  Walang kabuluhang pagpapahirap sa sarili, ngunit nangyayari, tulad ng penomenong pinagmulan ng kasabihang “white elephant”:  mga alagang hindi maaaring katayin o itapon dahil pinaniniwalaang sagrado, ngunit napakagastos alagaan.

Malaki ang tulong ng ating pananampalataya sa paglilinaw sa karangalang pantao.  Malinaw sa pananampalatayang Kristiyanong nilikha ng Diyos ang tao upang pamahalaan ang buong daigdig. 

Nakasulat sa Bibliya:  “Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan...Sinabi niya, ‘Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito,’” “Be fertile and multiply; fill the earth and subdue it” (Gen 1:27-28).  Ito rin ang paksa ng Salmo Bilang 8:  “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan; o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?  Nilikha mo siyang mababa sa iyo nang kaunti, pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.  Ginawa mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha, sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala.”  Higit pa riyan, ang Diyos ay nagkatawang-tao:  ang Panginoong Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao.

Pinakapundamental sa mga karapatang pantao ang karapatang mabuhay, right to life, sapagkat walang ibang karapatan pang maaaring pag-usapan kapag walang buhay; kaya nga, dapat tayong mabagabag na tila dumarami ang mga nangyayaring pagpaslang sa tao habang nasa sinapupunan; at hindi lang nangyayari kundi isinusulong sa ilang mga sulok ng daigdig na parang karapatan na ng isang ina ang ipalaglag ang buhay na nasa sinapupunan.  Pag-usapan natin sa susunod ang abortion sa kontekstong ito.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.