Wednesday, September 4, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 4

SEPARATION OF POWERS (II)

Noong nakaraan, napagusapan natin ang prinsipyo ng separation of powers sa konteksto ng pork barrel scam na sinasabing pinasimunuan ng isang Janet Lim-Napoles.  Marahil ay mabuti ring paglaanan pa ng pansin ang paksang ito mula sa anggulo ng totoong tungkulin ng isang konggresman.

Ano nga ba ang talagang trabaho ng isang konggresman?

Unang-una, bilang miyembro ng konggreso, natural na ang tungkulin ng isang konggresman ay dumalo sa mga pagpupulong ng mga komiteng kanyang kinabibilangan, at sa mga sesyon ng plenaryo o kalahatang kapulungan.  Ibig sabihin, makilahok sa talakayan, magbahagi ng kanyang matalinong kuro-kuro at kaalaman, at tumulong sa mahusay na pagbabalangkas ng mga panukalang-batas.  Wala na ring sinasabing iba pang tungkulin ng konggresman ang Saligang Batas kaya naman marapat nga lamang na ang staff o mga katulong ng isang konggresman ay aanim na tao lamang (isang office manager o chief of staff, at mga matatawag na personal assistants tulad ng secretary, receptionist, researcher, utility aide, at driver).  Para sa bawat konggresman, ito lamang ang mga kasamang sinusuwelduhan ng konggreso; at ang opisina ng konggresman ay masasabing kuwartito lamang sa Batasan.  Tama lamang, sapagkat wala namang dapat na tungkulin ang konggresman maliban sa kanyang pakikilahok sa mga pagpupulong ng konggreso.

Ang konggreso ay isang parliamentary assembly, sa malawak na kahulugan nito, ibig sabihin, pagtitipong may nagaganap na usapan o salitaan, mula sa katagang parler, wikang Pranses, na ang ibig sabihin ay “salita”.  Kaya nga tama lang ang kantiyaw sa mga miyembrong walang sinasabi, na sila raw ay miyembro ng Committee on Silence.  Ang totoong tungkulin ng konggresman o kagawad ng lokal na sanggunian ay magsalita sa kapulungan; hindi naman araw-araw, ngunit hindi dapat mawalan ng naibahaging nakapagpayaman sa talakayan sa higit na maraming pagkakataon o sa kalakihang bahagi ng panunungkulan.

Kaugnay nito, isa sa mga dapat pagtakhang penomenon sa ating pulitika ang sigaw-pangkampanyang “Gawa, hindi salita”.  Kahit hindi sa kandidatura para konggresman, mahalaga ang “salita”: nauuna sa gawa, sapagkat pagsasa-wika ang natatanging paraan natin bilang mga tao upang linawin at ibahagi ang nilalaman ng “isip”.  Kung may nasabi, may inisip.  Ang “gawa” na hindi sumunod sa “salita” ay malamang na hindi pinag-isipan; o kaya, kung walang salita, walang aasahang mabuting gawa.

Ngunit ito ay indikasyon lamang o sintomas ng maling pag-aakalang pareho lamang ang tungkulin ng isang konggresman at ng isang punong ehekutibo tulad ng gobernador o mayor.  Mali, sapagkat, bilang mga punong ehekutibo, ang isang gobernador o mayor ay talagang itinalaga ng batas na magsa-gawa, magpatupad ng mga programa at proyekto, kaya rin naman sila ang may kontrol sa burukrasya—sa maraming departamento at kawani ng pamahalaang lokal—may legal na karapatang mag-utos, magtalaga at magtanggal ng kawani.  Ang nagtatalaga at ang may kapangyarihang magtanggal sa Provincial Health Officer ay ang Provincial Governor.  Ang nagtatalaga at ang may kapangyarihang magtanggal sa Municipal Engineer ay ang Municipal Mayor.

Walang ganitong kontrol sa burukrasya ang isang konggresman.  Hindi siya ang nagtatalaga, wala rin siyang kapangyarihang magtanggal, sa District Engineer ng DPWH o Division Superintendent ng DepEd sa kanyang distrito, kahit na ito ay mga ahensya ng pamahalaang nasyonal.  Kalihim ng DPWH ang boss ng District Engineer; Kalihim ng DepEd ang boss ng Division Superintendent of Schools; hindi si konggresman.  Kaya nga, kahit na sabihing si konggresman ang naglaan ng pondo mula sa kanyang pork barrel upang kongkretuhin ang isang daan, wala pa rin siyang karapatang bantayan, sitahin o turuan ang District Engineer sa pagsasagawa nito; at kapag ginawa iyon ni konggresman, maaari siyang ireklamo ng District Engineer.  Mali pa rin ang ganitong panghihimasok ng konggresman kahit na sabihing may oversight powers ang konggreso, sapagkat ang kapangyarihang “magbantay” na ito ng konggreso ay isang kolektibong kapangyarihan, hindi maaaring angkinin ng indibidwal na konggresman; dapat idaan sa pamamagitan ng legislative inquiry o pagsisiyasat ng kapulungan bilang kapulungan.  Mula sa praktikal na pagsuri, tama lamang na walang karapatang manghimasok ang konggresman sa gawain ng District Engineer sapagkat hindi naman masasabing mas marunong si konggresman sa pag-kongkreto ng mga daan; at kahit pa magkataong inhinyero rin si konggresman, mawawalan siya ng panahong gampanan ang totoo niyang tungkulin sa konggreso kung aagawan niya ng tungkulin si District Engineer.  Kaugnay ng lahat ng ito, masasabi ring mali nga talaga ang pag-angkin ng mga proyekto ng konggresman.  Hindi naman niya talaga pera ang ginugol, kahit na nagmula sa kanyang PDAF; at lalong malabong isiping siya ang “gumawa” o “nagpatupad” ng mga ito.  Sa kahulihulihan, isa ito sa mga hindi makatotohanang aspeto ng tradisyunal na pulitika, na siyang pinag-uugatang sanhi ng kultura ng katiwalian.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, August 28, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 3

SEPARATION OF POWERS

Balikan naman po natin ngayon ang usapin ng separation of powers, ang pinakamahalagang prinsipyong may kinalaman sa istruktura ng ating pamahalaan.  Ang sinasabi po ng prinsipyong ito ay magkahiwalay na nakatalaga sa tatlong sanga ng pamahalaan ang tatlong punong-gawain ng pamamahala:  ang paglikha ng mga batas, sa lehislatura; ang pagpapatupad ng mga ito, sa ehekutibo; at ang paglilinaw sa tinutukoy ng batas sa mga pagkakataong may hindi pagkakasundo, sa hudikatura.  Ibig sabihin, ipinagbabawal ng Saligang Batas na manghimasok ang bawat sanga sa gawain ng isat-isa; at kapag nagkaroon ng ganoong panghihimasok—encroachment—ang akto ng panghihimasok ay maaaring ituring na walang bisa sapagkat labag sa Saligang Batas.  Ang pagkakahiwalay ng gawain ng tatlong sanga ng pamahalaan—executive, legislative, at judicial—ay isang mekanismo upang tiyaking hindi maabuso ang kapangyarihan:  bawat sanga ay nagsisilbi ring bantay at pampigil—check and balance—sa maaaring pagmamalabis ng kapangyarihan ng isat-isa.  Ang paglabag sa prinsipyo ng separation of powers ay maaaring pagmulan ng hindi makatarungang kalalagayan.  Isa na rito ang pagkakawaldas ng bilyon-bilyong piso sa umiiral na sistema ng “pork barrel” ng konggreso.

Ang pork barrel ay panlalait na tawag sa perang nakalaan sa taunang budget ng pamahalaang nasyonal para sa bawat miyembro ng konggreso.  Ang pormal na tawag dito ay “Priority Development Assistance Fund” o PDAF. 
                                                                                
Sa loob ng lumipas na ilang taon, ang PDAF ng bawat congressman ay 70 million pesos.  Hindi naman ito dumaraan sa kamay ng congressman; ang kanyang karapatan lamang ay sumulat sa Department of Budget Management para sabihin kung anong mga programa o proyekto ang nais niyang paglaanan ng mga perang ito, at kung aling mga ahensya ng burukrasya ang nais niyang magpatupad ng mga proyektong iyon.

Sa isang banda, maaari ngang sabihing nasa ayos lamang ito, sapagkat hindi naman congressman ang nagpapatupad ng proyekto kundi mga ahensya ng executive branch gaya halimbawa ng DPWH, DSWD, Department of Health,  Department of Agriculture, o iba pa.  Ngunit sa kabilang banda, bakit pa ipauubaya sa congressman ang pagpili ng programa o proyektong popondohan kung wala rin lang siyang legal na karapatang mag-utos sa mga ahensyang magpapatupad ng mga proyektong iyon?  At kung tutuusin, sa pagpili lamang ng proyektong popondohan, malabo na kaagad na asahang magiging tama o pinakamabuti ang pagpili ng proyekto sa bahagi ng congressman, sapagkat wala naman siyang mga tauhan o sariling burukrasyang masasabing dalubhasa o eksperto, nagsaliksik, nagplano, at may kasanayan sa mga bagay na iyon.  At kung lahat ng ito ay iaasa o ibabalik din lamang sa mga ahensya ng executive branch, bakit pa congressman ang bibigyan ng karapatang pumili ng proyektong paglalaanan ng pondo?  Higit na marapat yata na iwanan na lamang sa ahensya ng executive branch ang pagpili ng proyektong dapat pondohan.  Department of Education din naman ang higit na nakakaalam ng pangangailangan ng mga public schools.  Department of Agriculture din naman ang dapat na nakakaalam kung ano ang mga abonong kailangan ng mga magsasaka sa isang distrito o lalawigan.  Bakit kailangang magdaan kay congressman ang pagpapatayo ng dagdag na classroom o pagbili ng mga aklat-aralin o textbooks o abono sa mga pananim?  Hindi rin nga maaaring sisihin ang congressman kung sub-standard ang naitayong classroom o kulang ang dumating na mga aklat sapagkat wala namang siyang control o administrative supervision man lamang sa mga ahensya ng executive branch.  Ito rin marahil ang dahilan kung bakit may iskandalong katulad ng nasasangkutan ng isang Janet Lim Napoles na pinaparatangang naging facilitator sa pagkakawaldas sa sampung bilyong pisong pork barrel ng ilang congressman at senador sa mga proyektong hindi nagawa.

Ang isa pang ma-anomalyang aspeto ng pork barrel ay ang pagiging mistulang suhol mula sa ehekutibo, hindi lamang para ipasa ng konggreso ang taunang budget ng pamahalaan, kundi upang hindi kumontra sa lahat ng nais na maipasa ng ehekutibo, sapagkat ang mismong pagpalabas ng pera o release ng pork barrel ay nakasalalay din sa Department of Budget Management.  Wala ring magagawa ang congressman kung hindi maglabas ng “release order” ang DBM upang maitaya na ang pondo sa pagbili o pagpapakontratang dapat gawin.  Sa kasaysayan, marami nang nangyaring pag-ipit sa pork barrel ng oposisyonistang congressman.  At kahit hindi talaga gagawin, ang mismong posibilidad na mangyaring ipitin ang kanyang pork barrel ay sapat na upang magdalawang-isip ang isang congressman bago kumontra sa anumang panukala ng Malacañang.

Kung walang pork barrel, hindi mangyayari ang katiwaliang ipinaparatang na pinamunuan ni Janet Lim Napoles.  Bukod pa rito, matututukan ng ating mga congressman ang tunay nilang gawaing makilahok nang matalino sa talakayan sa konggreso at sa pagbabalangkas nang mahusay sa mga panukalang batas, sapagkat hindi na rin sila maaaring hanapan ng kung-anuanong proyektong hindi naman talaga bahagi ng kanilang tungkulin.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, August 21, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 2

JUSTICE

Noong nakaraan, nasabi nating Justice—Katarungan—ang pinaka-unang layunin ng Pamahalaan, sapagkat dito nakasalalay ang patuloy na pag-iral ng sambayanan bilang sambayanan.  Nasabi rin nating ang pagkilos ng Pamahalaan ay sa pamamagitan ng sistema ng batas (legal system), na kung pag-aaralan sa Saligang Batas ay mahahati sa dalawang bahagi: una, ang istruktura ng pamahalaan, at ang pinakamahalagang prinsipyo dito ay ang “separation of powers”; at, ikalawa, ang mga pundamental na karapatan ng bawat mamamayan, “Bill of Rights”, bilang mga limitasyon sa kapangyarihan ng pamahalaan, at ang pinakamahalagang konsepto rito ay “due process”.  Ngunit bago tayo pumalaot pa, balikan muna natin ang konsepto ng Katarungan.

Bilang isang “halaga”—value sa wikang Ingles—ang Katarungan ay pagbibigay ng nararapat sa bawat isa at sa lahat; sa Ingles, “giving everyone his due”.  Sa pakahulugang ito, mahihinuha na ring “Kaayusan” ang pinakapundamental na prinsipyo ng Katarungan.  Kung ano nga ba ang nararapat sa bawat isa, ang wastong pagkakahanay, wastong pagbabahagi, wastong pagkakasunud-sunod: ito ang saklaw ng prinsipyo ng Kaayusan o “right order”.  Ito ang Kaayusan: may wastong kalalagyan ang lahat, at ang lahat ay nasa dapat kalagyan; may tamang panahon para sa lahat, at lahat ay nasa tamang panahon.  Sa wikang Ingles, “a place for everything and everything in its place; a time for everything and everything on time”.

Sa karanasan natin sa pang-araw-araw na pamumuhay, malinaw din namang hindi pare-pareho ang nararapat sa lahat, kahit sa isang kategoriya tulad ng “paglilingkod” sa Pamahalaan.  Hindi pareho ang tungkulin ng Governor at ng Konggresman, bagamat sila ay parehong lingkod ng bayan.  Magkaiba rin ang mga suliraning idinudulog sa Department of Social Welfare kung ihahambing sa mga pangangailangang maaaring idulog sa Department of Public Works and Highways.  Magkaiba ang nararapat na paraan ng paglilingkod.  At madalas, ang nagiging sanhi ng kaganapang hindi makatarungan ay pagkakamali sa pag-unawa at pagpasya ng kung ano ang nararapat.

Hindi talaga simple ang paksa ng Katarungan.  Maaari pa ngang hati-hatiin ang usapin sa uri ng Katarungan, sapagkat may uri ng Katarungang tinatawag na “distributive justice”, ito ang sumasaklaw sa tungkulin ng Pamahalaan tungo sa bawat isang mamamayan; mayroon ding tinatawag na “commutative justice”, o Katarungan mula sa mamamayan tungo sa kapwa mamamayan; at mayroon ding tinatawag na “legal justice”, Katarungan mula sa isang mamamayan tungo sa Pamahalaan o sa estado.  Mayroon pang tinatawag na “social justice”.

Noong panahon ni Santo Tomas Aquino, ang pinakadakilang pilosopo sa kasaysayan ng sibilisasyon, ang kahulugan ng social justice ay literal na Katarungang Panlipunan, Katarungan sa pangkalahatang kahulugan.  Sa pagdaan ng panahon, lalo na sa pagdating ng nakaraang dantaon, nagkaroon ng bagong paggamit sa social justice: bilang pagbibigay ng natatanging dagdag na pabor o pagkiling sa mga maralita.  Ang terminong ginagamit para dito sa doktrina ng Simbahang Katolika ay “love of preference for the poor”.  Ito rin ang ibig sabihin ng kasabihang pinagpapalagay na mula kay Pangulong Ramon Magsaysay: “He who has less in life should have more in law”.

Bakit katarungan din ang tawag sa pagbigay ng higit na pagtingin sa mga maralita?  Katarungan din ito sapagkat ipinagpapalagay na ang hindi pagkakapantay ng mayaman at maralita ay malamang na, sa karamihang pagkakataon, nakaugat sa hindi-makatarungang kalalagayan sa nakalipas—halimbawa ang pagiging literal na alipin ng mga aprikano sa Estados Unidos sa matagal na panahon, na natigil lamang sa Digmaang Sibil sa panunungkulan ni President Abraham Lincoln.

Social justice ang batayan ng lahat ng pagpupunyagi ng pamahalaan tungo sa pag-angat ng antas ng buhay ng mga maralita.  Kung hindi nga naman matatawag na bahagi ng Katarungan, hindi papasok sa tungkulin ng pamahalaan, magiging kawanggawa, “works of charity”, at hayaan na lamang ang Simbahan at mga pribadong pilantropong magbigay ng tulong sa mga maralita.  Hindi nga naman talaga masasabing tungkulin ng pamahalaan ang pagkakawanggawa, sapagkat ang kaban ng bayan ay buwis ng mga mamamayang inaasahang maibalik sa kanila sa anyo ng mga programa at proyektong kapakipakinabang para sa lahat.  Ngunit bilang bahagi ng Katarungang Panlipunan, may tungkulin ang pamahalaang magbigay ng natatanging pagtingin sa mga maralita.

Katarungan ang pangunahing halagang dapat paglingkuran ng pamahalaan; ngunit hindi pa rin dapat kaligtaang ito ay dahil lamang Katarungan ang pinakamababang antas ng Pag-ibig; at bagamat hindi maaaring mapairal nang sapilitan ang Pag-ibig, maaring ipatupad nang sapilitan ang Katarungan.  Ngunit Pag-ibig pa rin ang kaganapan ng Katarungan; Pag-ibig din ang, sa huling pagsusuri, dapat na nagbubuklod sa sambayanan.

Hanggang dito na lamang pansamantala, hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat!


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, August 14, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 1

GOVERNMENT OF LAWS, NOT OF MEN

Isang buwan na rin po ang lumipas mula nang magsimulang manungkulan ang New Management ng ating Pamahalaang Panlalawigan.  Marami agad ang nangyari.  “Palawan is in business, Under New Management”: ito ang bukambibig ng Palaweño ngayon sa pamumuno ng minamahal nating Governor Jose Chaves Alvarez.  At habang pumapalaot tayo ng pagkilos tungo sa kaunlaran, mabuti ring linawin ang ating konsepto ng pamamahala; o sa ibang salita, ang ating pilosopiya sa pulitika.  Payagan sana ninyong gamitin ko ang bahaging ito ng Huntahang Palawan upang magbahagi ng pagmumuni-muni tungkol sa pilosopiya ng pamamahala, at tawaging “Mga Titik Ukol sa Pulitika” ang pitak na ito.

Ang “pulitika” ay mula sa katagang polis, wikang Griyego, na ang ibig sabihin ay lungsod o pamayanan; sa madaling salita, lipunan.  Sa kasalukuyang paggamit, ang ibig sabihin ng pulitika ay agham (o sining) ng pamamahala sa lipunan.  Ngunit bakit nga ba kailangan ng pamahalaan o political authority sa lipunan?

Ang buod ng lipunan ay ang pagkakaisa ng malayang pagpili ng mga mga mamamayan.  Hindi tayo naging isang sambayanan dahil sa aksidente ng ating pagkakapanganak sa isang lugar; hindi rin ito nakabatay sa dugo o lahi ng mga magulang.  Maaari tayong lumipat ng tahanan; at karamihan ng tao, halo-halo na ang lahi at kultura.  Sa kahulihulihang pagsusuri, ang batayan ng pagiging mamamayan ay ang malayang pagpili ng taong maging bahagi siya ng sambayanang iyon.  Kaya nga masasabing ang direktang sanhi ng pag-iral ng isang sambayanan ay “pag-ibig”; sapagkat ang pinakapayak na kahulugan ay “pagpili sa mabuti”; at sa konteksto ng lipunan, ang tawag sa pag-ibig na ito ay solidarity.  Pamahalaan o political authority ang pagsasakongkreto sa pagkakaisang ito ng kalayaan ng maraming taong bumubuo ng sambayanan.  Kung walang isang namamahala, kung walang isang pasya at isang tinig at pagkilos ng pamahalaan, mahirap isipin kung paano magiging totoo ang pagkakaisa ng maraming mamamayan.

Ang huling pinatutunguhan ng sambayanan ay ang kabutihang panlahat, common good, “ang kalipunan ng mga kalalagayang panlipunang nagbibigay-daan upang maabot ng bawat tao ang kanyang kagananapan”.  At bagamat ito rin ang huling pinatutunguhan ng Pamahalaan, dapat pa ring sabihing ang unang layunin ng pamahalaan ay pairalin ang Katarungan sa sambayanan, sapagkat katarungan—pagbibigay ng nararapat sa lahat—ang pinakapayak na antas ng “pag-ibig” na nagbubuklod sa mga mamamayan at nagpapanatili sa pag-iral ng sambayanan bilang isang sambayanan.  Bagamat hindi maaaring pilitin o tiyakin ang pamamayani ng pag-ibig, sapagkat likas sa pag-ibig ang dalisay na kalayaaan ng pagpili; ang katarungan—ang pinakapayak na antas ng pag-ibig sa lipunan—ay maaaring ipatupad ng sapilitan.  At kailangan ng ganitong mekanismo—ng isang Pamahalaang may pangunahing layuning pairalin ang katarungan—sapagkat kapag tuluyang nawala pati ang pinakapayak na antas ng pag-ibig sa lipunan ay wala na ring matatawag na sambayanan.  Sabi nga ni San Agustin, “Ang lipunang walang katarungan ay hindi sambayanan kundi kawan lamang ng mga magnanakaw”.

Mahalagang maunawaang katarungan ang pangunahing layunin ng Pamahalaan sapagkat nalilinaw din nito na ang pagkilos ng pamahalaan ay sa pamamagitan ng sistema ng batas, hindi ayon sa kapritso o kursunada lamang ng mga taong nanunungkulan sa pamahalaan.  Kaya nga isa sa pinakamadalas na magamit na paglalarawan sa Pamahalaan ang kasabihang “government of laws, not men”.  Ito ay hango mula sa Konstitusyon ng Estado ng Massachusetts ng taong 1780. 

Sa kanyang pagkilos bilang sistema ng batas, ang Pamahalaan ay may tatlong pinakapunong gawain:  una, paglikha ng mga kautusan (legislative); ikalawa, pagpapatupad sa mga kautusan (executive); at ikatlo, paghukom sa mga kaso ng hindi pagkakasundo (judicial).

Lahat tayo, may tungkuling unawain ang sistema ng batas, kahit dahil man lamang sa ito ang tamang pagkilos ng pamahalaan, at kahit man lamang sa pagbasa sa ating Saligang Batas (1987 Constitution), ang batayan ng lahat ng iba pang batas sa ating sistema.  Sa puntong ito, mabuti na ring sabihing ang nilalaman ng ating Saligang Batas—at ang pag-aaral na rin tungkol dito—ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi: una, ang istruktura ng pamahalaan; at ikalawa, ang mga pundamental na karapatan ng bawat mamamayan o Bill of Rights.

Kapag pinag-usapan ang istruktura ng ating pamahalaan, ang pinakamahalagang prinsipyo ay “separation of powers”:  ang pagkakahiwalay sa tatlong gawain ng pamahalaan at pagkakalagak ng mga ito sa tatlong magkakahiwalay na sangay:  legislative, executive, at judiciary.  Kapag pinag-usapan naman ang pundamental na mga karapatan ng mga mamamayan, bilang limitasyon sa mga kapangyarihan ng pamahalaan, pinakamahalaga ang prinsipyo ng “due process”. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala.  Hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M. 

Tuesday, July 2, 2013

THE BUSINESS OF GOVERNMENT

(Inaugural Message of Vice-Governor V.D.M. Socrates, 
30 June 2013, Capitol Park Square, Puerto Princesa City)


My friends:

Today marks a special turning point in the political history of our province.  For the first time, we have elected a Governor who, all his working life, has been a private businessman—an extremely gifted and successful one at that, which makes the event all the more unique—and whose very first foray into public office was precisely to become Governor of the country’s Last Frontier. 

I consider myself blessed to have been a part, even if a very minor one, of that effort, of that campaign, to elect Jose Chaves Alvarez to the highest political office of Palawan, and to be a co-worker in his administration. 

I join the overwhelming majority of Palaweños who voted for Governor JCA in hoping that this election, this administration, will be the beginning of a real and radical transformation of our political culture, towards one that would allow Palawan to leapfrog, to polevault, and, saving what is perhaps the best metaphor for last, to fly, from Third World to First World in the next nine years. 

In this connection, I wish to share a few points for reflection on the business of government.

While the ultimate purpose, the end, of government, is the common good, the primary object of government is the promotion of justice.  There is a long-winded metaphysical explanation behind this proposition, which I shall skip, the point I wish to share being: that the effort to pursue socio-economic development on the part of government must be understood in the context of social justice.

“Good governance” basically means a government operating according to laws and procedures that are reasonable and fair to all, giving everyone his due, not only according to the letter; but also, according to the spirit animating these norms.

It is not necessarily the function of government to create wealth.  That task pertains primarily to the private business sector, the sector best suited for that purpose, driven by a rational profit-motive.  And I would be echoing our beloved Governor JCA in exhorting those who are in business to be more dynamic in making new investments, establishing new and globally-competitive enterprises, and in creating more jobs for our people. 

But yes, government has the right and duty to intervene in this field, in accordance with the principle of “subsidiarity”, that is, of the state providing assistance to its smaller components in those cases where the smaller unit cannot perform the action needed.  I believe that, while the concept of a “welfare state” is farthest from our minds, the New Management which we are inaugurating today will not be lacking in badly needed affirmative action to bring about not just economic growth but “inclusive growth” to benefit the marginalized.

I would also like to call on those who form part of the sector called “civil society”—the term is now understood to refer to that part of the private sector directly involved in promoting the common good; that is, cause-oriented, non-profit associations in the private sector—to exercise their emerging power with increasing breadth of vision.  The time of single-issue advocacy is past.  The common good of a society that is growing in complexity demands greater and more responsible cooperation from among all its citizens.

Finally, we are mindful that the “common good”—the sum of social conditions that would allow people to fulfill themselves—has a transcendental dimension:  that the common good transcends material reality; because the human spirit is ordained to seek, to know and love God, and to share in His eternal happiness. 

The ultimate purpose of human existence is union with God.  That is why I would like to end with these lines from Pope Benedict XVI:    
Development needs Christians with their arms raised towards God in prayer, Christians moved by the knowledge that truth-filled love, caritas in veritate, from which authentic development proceeds, is not produced by us, but given to us. For this reason, even in the most difficult and complex times, besides recognizing what is happening, we must above all else turn to God's love. Development requires attention to the spiritual life, a serious consideration of the experiences of trust in God, spiritual fellowship in Christ, reliance upon God's providence and mercy, love and forgiveness, self-denial, acceptance of others, justice and peace. (Encyclical Letter Caritas in Veritate, No. 79)

Thank you.


O.C.P.A.J.P.M.

Monday, October 8, 2012

STATEMENT SA PRESS CONFERENCE, 21 September 2012, La Terrasse Restaurant, Puerto Princesa City


Magandang araw po sa inyong lahat.

Ngayong araw po, ika-Dalawampu’t-Isa ng Setyembre, ako po ay nagmamarka ng ika-Limampu’t-Isang Taon ko sa daigdig.  Kaya po payagan nyo sana akong magbahagi rin ng kaunting personal na pagmumuni-muni.

Wala po akong birthday party sapagkat hindi ko naman ugaling magdaos ng birthday party.  Hindi naman sa masama ang magkaroon ng birthday party.  Ang punto ko lang, puwede ring wala.  Kursu-kursunada lang.  Mabuti na lang, may handang pagkain para sa atin ngayon ang Partido Pagbabago ng Palawan.

Ngunit ang araw at anibersaryo ng kapanganakan ay isang natatanging pagkakataong manalangin: itaas o ituon ang ating diwa sa Diyos; magpuri sa ating Banal na Lumikha, magpasalamat sa lahat ng biyaya at pagpapalang natanggap, lalo na sa biyaya ng buhay at pananampalataya; magsisi at humingi ng kapatawaran sa lahat ng marami kong nagawang kasalanan; at humingi rin ng liwanag at lakas sa araw-araw at patuloy na paglalakbay patungo sa huli nating dapat kahantungan: kaligayahang walang-hanggan.  Kaya huwag kang mag-alala, Kuya Sammy Magbanua, nakadalo na po ako sa Banal na Misa kanina, bago lumipad patungo rito.

Sa panalangin nga, nakakakita tayo ng liwanag.  At isa po sa mga liwanag na dumating sa akin ang kahalagahan ng pagiging hindi-nakatali sa mga bagay, pagkaka-kalag ng puso; sa wikang Ingles, “detachment”; at sa larangan ng pulitika, ang hindi pagkakatali ng puso sa ating katungkulan, o sa hinahangad na katungkulan bilang halal na opisyal.

Dati na rin po nating alam ang katotohanang ito; ngunit, sa madalas at nakaraan, sa pamamagitan lamang ng intuwisyon.  Ngayon, bilang isang malinaw at mabibigkas na kaisipan.

Hindi nga pala dapat matali ang puso ninumang pulitiko sa anumang katungkulan.  Unang-una, wala naman talaga tayong kapangyarihang tiyakin ang resulta ng halalan:  napakaraming kadahilanan ang nasasangkot sa halalan.  Ngunit, higit pa riyan, ang pulitikal na katungkulan ay nakatakda sa kabutihang panlahat, hindi para sa sariling kapakanan o kaligayahan ng pulitiko.  Kaya po, matatawag na isang prinsipyo ang sinasabi ko ngayon.  Dapat tayong maging bukasloob sa mga posibilidad.  Maaari tayong kumandidato, maaaring hindi; maaaring sa isang posisyon, maaaring sa ibang posisyon.  Maaari tayong mahalal, maaari ring hindi.  Ang mahalaga, hindi sariling ambisyon lamang ang hinahangad kundi ang maisulong ang kabutihang panlahat.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami, matagal na wala na ako sa pulitika at wala nang balak na kumandidato po kung hindi ako dinala ni Doktor Gerry Ortega kay Manong Pepito Alvarez noong bago dumating ang halalang 2010.  At sa pinaikling kuwento, kumandidato ako noong 2010 bilang supporting actor lamang sa kandidatura ni Manong Pepito Alvarez para Gobernador, sapagkat nakita kong siya ang kailangan natin upang mapakinabangan, mapagalaw nang tama, ang pamahalaang panlalawigan, sa ikatataas ng antas ng kabuhayan ng lahat ng Palaweño.

Nabigo tayo noong 2010 na maipanalong Gobernador si Manong Pepito Alvarez.  Ngunit sa nalalapit na halalang 2013, may pagkakataon tayong muling pagsikapang mahalal na Gobernador ang ating Chairman ng Partidong Pagbabago ng Palawan.  Kaya po ang tanong ko sa sarili ko, ano kaya ang magagawa ko upang lalong lumakas ang posibilidad na matupad ang ating hangarin.

Marami po ang nagkakamali sa pulitika sa pag-aakalang “politics is addition”.  Hindi po totoo yon, lalo na sa ngayon, napakarami ng botong dapat makuha upang manalo sa halalan.  Kung addition lamang, hindi makakamit ang kinakailangang bilang.  Ang totoo, “politics is multiplication”:  bawat isang dagdag, dapat ay may dalang tatlumpu, animnapu, isaandaan.  At tamang-tama naman po, sa inisyatibo ni Mayor Shuaib Astami ng Balabac, nakakita ang ating Partido ng pagkakataong makadagdag nang kasamang hindi lamang daan-daan kundi libu-libo ang mahahatak na sumama rin sa atin; isang taong naghahangad din ng pagbabago; at bagamat dating nasa kampo ng ating mga katunggali, nakita niya ring dito sa ating Partido, mas may asenso ang Palawenyo. 

Dahil dito, pormal na ipinapahayag kong hindi na po ako kakandidato para Konggresman ng Ikalawang Distrito; at buong puso ko pong inaayunan at sinisegundohan ang paanyaya ng Partido Pagbabago ng Palawan kay Board Member Frederick Abueg na sumama na sa atin at siyang humalili sa akin upang maging kandidato nating Konggresman ng Ikalawang Distrito ng Palawan.  Sa aking bahagi naman, handa po akong sumama pa rin kay Manong Pepito Alvarez, kung mamarapatin ng Partido, bilang kandidato para Bise-Gobernador.  Kung hindi naman, kahit tagakanta na lang sa mga rally.

Ang Abueg ay napakabangong apelyido sa pulitika sa Palawan, mula kay Governor Alfredo Abueg, Sr., nagpatuloy sa kanyang anak na si Deputy Speaker Alfredo Amor Abueg, Jr., at ngayon, hanggang sa apo, ang Number One Board Member ng Ikalawang Distrito ng Palawan, magiging kandidato natin para Kongressman.  Sasabihin ko na rin po, lalong masaya ang pagsama sa atin ni Board Member Eric Abueg sapagkat kami po ay magkamag-anak:  ang aming mga ina ay magpinsan; isang pamilya lamang.

Bilang pagtatapos, nais kong bigyan ng diin:  Hindi dapat pag-awayan ang katungkulan sa pulitika, kung ang hinahangad ng bawat isa ay ang kabutihang panlahat.  Alam natin dapat kung makabubuti o hindi ang ating pagkandidato o hindi pagkandidato sa isa o ibang katungkulan.  Hindi naman tayo yayaman sa katungkulan, maliban kung tayo ay sasali sa katiwalian; ngunit hindi na puwede ang dating kalakaran.  Nasimulan na ang ating pagtahak sa “Daang Matuwid” bilang isang bansa; ituloy na natin.  Kaya po panawagan ko sa lahat ng pulitiko, suriing mabuti ang kalooban bago magpasyang kumandidato o hindi kumandidato sa anumang posisyon sa halalang 2013.  Itaas sa panalangin, sapagkat, sa kahulihulihan, “iisa lang ang talagang kailangan”: na tayo ay maging kaisa ng Diyos sa Kanyang kaligayahang walang-hanggan.  At ito ay mangyayari lamang kung ang panahon natin sa daigdig ay naging isang pagsasanay sa pagiging kaisa ng Diyos, pagtupad sa kalooban ng Diyos sa lahat ng mga larangang ating ginagalawan.

Maraming salamat po.

O.C.P.A.J.P.M.

Tuesday, September 18, 2012

BAHANG ARETS


(Heto po ang aking partially-aborted privilege speech sa sesyon-plenaryo ng kamara de representante noong ika-14 ng Agosto 2012. Mahaba ang istoryang naganap noon ngunit, sa madaling salita, nakapagtalumpati rin ako, hindi nga lang natapos...)

Mr. Speaker:

I rise on a matter of personal and collective privilege.  This is about the integrity and reputation of this House and its members vis-a-vis the termination of the debate on the RH Bill last August 6.  I believe that we owe our nation an explanation on what happpened; and that each member of this house has the right to make that attempt:  a right that is also a duty.

Noon pong sanlinggo bago dumating ang August 6, sa aking pagkaalam, nagkaroon ng pag-uusap ang pinakamataas na pamunuan ng kapulungang ito, kaharap ng mga pinuno ng ibat-ibang partido.  Napagkasunduang itakda sa ika-Pito ng Agosto, araw ng Martes, ang botohan sa magiging motion na itigil na ang debate sa RH Bill.  Wala po ako sa meeting na iyon, sapagkat hindi po ako pinuno ng anumang partido, ngunit alam kong may mga naroon, kasama sa usapan, na hindi dapat pumayag sa ganoong kasunduan sapagkat, kagaya ko, tutol din sila sa RH Bill.  Alam nilang marami pa tayong kasamahang tutol din sa RH Bill na dapat mabigyan ng pagkakataong makapagsalita o makasali sa debate.  Sapagkat kung may ganoong kasunduan, hindi na nga naman magiging marangal na magsagawa ng iba pang maneobra, lehitimo rin sana, upang huwag umusad ang RH Bill, gaya ng pagkwestyon sa quorum, paggamit sa pribilehyong magdiskurso sa ibang mga usapin, atbp.  Dapat sana ay pinagsisikapan ng panig na tutol sa RH Bill na hindi agad matapos ang debate sapagkat ito ay lalong nakakamulat hindi lamang sa ating mga mambabatas kundi pati rin sa publiko.  Sa aking palagay, pumayag lamang ang mga anti-RH leaders sa kasunduang magbotohan sa ika-Pito ng Agosto dahil mayroong kalakip na kondisyon; na kung mananaig ang mga tutol sa pagtigil ng debate, hindi na rin tatalakayin ang RH Bill.  Manaig man ang mga sang-ayon sa RH Bill na itigil ang debate, bahala na kung ano ang mangyayari.  Sa panig naman naming mga anti-RH, kaakit-akit nga naman ang posibilidad na mapatay na ang Bill sa ika-Pito ng Agosto sa pamamagitan ng pagkatalo ng motion to terminate debate.  Ito po ang sitwasyon bago dumating ang araw ng Lunes, ika-Anim ng Agosto.

Noong pong Sabado, ika-Apat ng Agosto, habang ako ay nasa Anti-RH Prayer Power Rally sa EDSA, nakasagap po ako ng balitang nagpatawag daw po ang Malakanyang ng meeting ng mga konggresista.  Nakatakda raw po ang meeting kinabukasan ng tanghali, araw ng Lunes, ika-Anim ng Agosto.  Hindi po ako nakatanggap ng paanyaya kaya hindi rin ako dumalo.  Kaya po nagulat ako, noong hapon ng Lunes, ika-Anim ng Agosto, sa pagsimula ng sesyon, nang malaman kong pina-aga pala ang petsa ng botohan mula sa napagkasunduang ika-Pito ng Agosto, at naging ika-Anim ng Agosto.

Ang pakiramdam ko po noon ay “naisahan” kaming mga anti-RH:  ni hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makapagpaliwanagan, at nang makapaghanda lamang sana kahit kaunti.  Nagulat din po ako sa pagkapanalo ng motion to terminate debate sa pamamagitan ng sigawan lamang:  sa pandinig ko po, sa gallery pa nagmula ang ibang “aye” o yes vote, hindi sa mga miembro ng kapulungang ito.  Kaya po nais kong gamitin ang pagkakataong ito upang ipaalam sa lahat na ako po ay bumoto ng “Nay”, kontra sa motion to terminate.

Sinasabi ko po ito upang malaman ng sambayanang Pilipino:  May panlilinlang na naganap.  Naisahan lamang tayo.  At kung tumatahak po tayo sa Daang Matuwid, dapat ay hindi puwede ang “nakaisa”.  Ang “nakaisa”, kakambal ng “palusot”.

Sinasabi ko po ito sapagkat marami ang nag-iisip na ang pagtatapos sa debate sa RH Bill noong August 6 ay may koneksyon sa pagkakasalanta natin sa baha noong araw na iyon at mga sumunod na araw.  Kaya nga hindi pa mapangalanan ang kalamidad na naganap hanggang ngayon, dapat daw itong tawaging “Bahang RH”.  Oo nga, hindi natin masasabing nagbaha dahil sa pagtatapos ng debate sa RH Bill; ngunit hindi rin masasabing walang kinalaman ang isa sa isa:  mayroon, hindi lamang makita ng makamundong pananaw.

May kaibigan po ako, si Ms. Baby Nebrida.  Siya po ay kilala bilang isang “visionary”.  Bago maganap ang Nine-One-One sa New York, ito po ay “nakita” ni Ms. Baby Nebrida, at naipahayag niya sa marami.  Bago maganap ang sakunang Ondoy sa ating bansa noong 2009, naipahayag din niya na kung uusad ang RH Bill, may ganoong magaganap na sakuna.  Pumasa nga sa komite ang RH Bill noong 14th Congress at sinundan agad ng Ondoy.  Noong nakaraang Lunes, ika-Anim ng Agosto, umusad na naman ng malaking hakbang ang RH Bill, at agad nating naranasan ang Bahang RH.  At sinasabi po ni Ms. Baby Nebrida, kung lulusot ang RH Bill, napakalaking kalamidad ang darating sa ating lahat.  Wala po akong mapipilit na maniwala kay Ms. Baby Nebrida, ngunit ayaw ko pong masisi niya o ng libo-libong biktima ng sakunang nangyari at maaaring mangyari dahil sa RH Bill na ito.

Hindi naman katakatakang magparamdam ang Diyos sa pamamagitan ng ganitong mga karanasan.  Sa Bibliya, maraming pagkakataong pinayagan ng Diyos na magdusa ang sambayanan dahil sa kasalanan, kahit kasalanan lamang ng mga pinuno.  At ang RH Bill, sa aming pananampalataya, ay isang malaking kasalanan: labag sa utos ng Diyos, sapagkat ang kakayahang mag-sex ng tao ay itinakda Niya sa pagiging mabunga.  Hindi ito maaaring ituring na laruan para lamang sa kasiyahan ng indibidwal o ng magka-partner.  Mayroong pag-abuso, maling paggamit, kapag pinipigilan sa pamamagitan ng artipisyal na paraan ang pagiging mabunga nito.  Ito rin po ang turo ng aming mga Obispo, at sa aming mga Katoliko, sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin, sila po ang kasangkapan at tinig ng Diyos.  Kaya po, kapag nilalait ang aming mga Obispo, kami po ay nasasaktan din.

Ngunit sino nga ba ang talagang pinaliligaya sa pagmamadaling maipasa ang RH Bill na ito?  Walumpung porsyento ng Pilipino ay Katoliko; at ang simbahan ay hindi lamang mga Obispo at Pari.  Ang Simbahang Katoliko ay tayo—karamihan sa inyo ay Katoliko rin—mga propesyonal, may asawa at mga anak—na tutol sa RH Bill.

Ang RH Bill ay isang atake sa Katolisismo.  At ang ating pagtutol dito ay hindi pamimilit na masunod ng iba ang ating paniniwala kundi isang pagtanggol ng karapatan:  Huwag naman mga katoliko ang piliting sumang-ayon at sumunod sa pananampalataya ng mga nagsusulong ng RH Bill.  Ang tinutukoy ko po ay ang mga pananampalatayang liberalismo, sosyalismo, marxismo, ateismo, at kung ano pang mga –ismong nagngangalit na gustong tapakan at burahin ang Simbahang Katoliko sa lahat ng usapang panlipunan sapagkat kontra sa kanilang pananampalataya, kontra sa kanilang mga ideolohiyang banyaga, na ang pinatutunguhan ay ang paglipol sa ating lahing Pilipino.

Sang-ayon po ako sa sinulat ni Senator Kit Tatad:

“To the country’s Roman Catholics, the bill is an undisguised anti-Catholic measure.  It savages an important doctrine of their faith, and then requires them to provide the tax money to fund the program that would attack their faith.  The bill is arrogantly telling Catholics not to learn their faith from their Church but learn it from Congress instead.  It is religious persecution pure and simple... and the victim is not a small religious minority but rather the overwhelming majority of 95 million Filipinos.”

Ngunit hindi lang po pananampalataya ang nag-uudyok sa aming pagtutol sa RH Bill.  Sang-ayon din po ako sa lahat ng sinulat ni Dr. Bernardo Villegas, isang dalubhasa sa ekonomiya at isa sa mga umakda sa 1987 Constitution.  Bahagi lamang po itong aking babasahin:

“Passing the RH Bill would literally be killing the goose that lays the golden eggs... The Philippines does not need any population management program because its fertility rate is already rapidly falling.  Within a generation, fertility rate of the Philippines will be at below-replacement level of 2.1 babies per fertile woman.  Today, thanks to a large population, the Philippines is one of the few countries whose GDP is still growing at 6 percent or more because its businesses can sell to a lucrative domestic market even as exports suffer a dramatic slowdown...the RH Bill will plant the seeds of a contraceptive mentality among married couples, as has happened in all the Northeast Asian countries who are now suffering  from a severe ‘demographic winter’. 

“In the social sciences, there are findings that the contraceptive lifestyle destroys the very foundation of society, the family.  According to Nobel Prize winner George Akerlof, who combines the study of economics and psychology, contraceptives tend to degrade marriage and lead to more extramarital sex, more fatherless children, more single mothers and more psychologically troubled adolescents...Also, contrary to the claims of the proponents of the RH Bill, condoms promote the spread of AIDS...give a false sense of security and prompt people to be more reckless in assuming sexual risks, thus worsening the spread of the sexually transmitted diseases.”

Ngayon po ay may lumalakad na signature campaign, sinimulan ng Prolife Coalition noon lang nakaraang Sabado, ika-Labing-Isa ng Agosto, na kumakalap ng mga lagda sa isang petisyon, naka-address po sa kapulungang ito, at ang nilalamang mensahe ay “We respectfully but strongly urge you to reject the RH/RP Bill”.  Ngayon pa lamang po, sa isang milyong lagdang inaasahan, mayroon nang mahigit isandaan-libong lagda ang nakalap at amin pong isusumite sa kinauukulang tanggapan ng kapulungang ito.

Sana po ay pakinggan ito.

Maraming salamat po.

O.C.P.A.J.P.M.