Magandang araw po sa inyong lahat.
Ngayong araw po, ika-Dalawampu’t-Isa ng
Setyembre, ako po ay nagmamarka ng ika-Limampu’t-Isang Taon ko sa daigdig. Kaya po payagan nyo sana akong magbahagi rin
ng kaunting personal na pagmumuni-muni.
Wala po akong birthday party sapagkat
hindi ko naman ugaling magdaos ng birthday party. Hindi naman sa masama ang magkaroon ng
birthday party. Ang punto ko lang,
puwede ring wala. Kursu-kursunada
lang. Mabuti na lang, may handang
pagkain para sa atin ngayon ang Partido Pagbabago ng Palawan.
Ngunit ang araw at anibersaryo ng
kapanganakan ay isang natatanging pagkakataong manalangin: itaas o ituon ang
ating diwa sa Diyos; magpuri sa ating Banal na Lumikha, magpasalamat sa lahat
ng biyaya at pagpapalang natanggap, lalo na sa biyaya ng buhay at
pananampalataya; magsisi at humingi ng kapatawaran sa lahat ng marami kong nagawang
kasalanan; at humingi rin ng liwanag at lakas sa araw-araw at patuloy na
paglalakbay patungo sa huli nating dapat kahantungan: kaligayahang
walang-hanggan. Kaya huwag kang
mag-alala, Kuya Sammy Magbanua, nakadalo na po ako sa Banal na Misa kanina,
bago lumipad patungo rito.
Sa panalangin nga, nakakakita tayo ng
liwanag. At isa po sa mga liwanag na dumating
sa akin ang kahalagahan ng pagiging hindi-nakatali sa mga bagay, pagkaka-kalag
ng puso; sa wikang Ingles, “detachment”; at sa larangan ng pulitika, ang
hindi pagkakatali ng puso sa ating katungkulan, o sa hinahangad na katungkulan
bilang halal na opisyal.
Dati na rin po nating alam ang
katotohanang ito; ngunit, sa madalas at nakaraan, sa pamamagitan lamang ng
intuwisyon. Ngayon, bilang isang malinaw
at mabibigkas na kaisipan.
Hindi nga pala dapat matali ang puso
ninumang pulitiko sa anumang katungkulan.
Unang-una, wala naman talaga tayong kapangyarihang tiyakin ang resulta
ng halalan: napakaraming kadahilanan ang
nasasangkot sa halalan. Ngunit, higit pa
riyan, ang pulitikal na katungkulan ay nakatakda sa kabutihang panlahat, hindi
para sa sariling kapakanan o kaligayahan ng pulitiko. Kaya po, matatawag na isang prinsipyo ang
sinasabi ko ngayon. Dapat tayong maging
bukasloob sa mga posibilidad. Maaari
tayong kumandidato, maaaring hindi; maaaring sa isang posisyon, maaaring sa
ibang posisyon. Maaari tayong mahalal,
maaari ring hindi. Ang mahalaga, hindi
sariling ambisyon lamang ang hinahangad kundi ang maisulong ang kabutihang
panlahat.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami,
matagal na wala na ako sa pulitika at wala nang balak na kumandidato po kung
hindi ako dinala ni Doktor Gerry Ortega kay Manong Pepito Alvarez noong bago
dumating ang halalang 2010. At sa
pinaikling kuwento, kumandidato ako noong 2010 bilang supporting actor lamang
sa kandidatura ni Manong Pepito Alvarez para Gobernador, sapagkat nakita kong siya
ang kailangan natin upang mapakinabangan, mapagalaw nang tama, ang pamahalaang
panlalawigan, sa ikatataas ng antas ng kabuhayan ng lahat ng Palaweño.
Nabigo tayo noong 2010 na maipanalong
Gobernador si Manong Pepito Alvarez.
Ngunit sa nalalapit na halalang 2013, may pagkakataon tayong muling
pagsikapang mahalal na Gobernador ang ating Chairman ng Partidong Pagbabago ng
Palawan. Kaya po ang tanong ko sa sarili
ko, ano kaya ang magagawa ko upang lalong lumakas ang posibilidad na matupad
ang ating hangarin.
Marami po ang nagkakamali sa pulitika sa
pag-aakalang “politics is addition”.
Hindi po totoo yon, lalo na sa ngayon, napakarami ng botong dapat makuha
upang manalo sa halalan. Kung addition
lamang, hindi makakamit ang kinakailangang bilang. Ang totoo, “politics is multiplication”: bawat isang dagdag, dapat ay may dalang
tatlumpu, animnapu, isaandaan. At
tamang-tama naman po, sa inisyatibo ni Mayor Shuaib Astami ng Balabac, nakakita
ang ating Partido ng pagkakataong makadagdag nang kasamang hindi lamang
daan-daan kundi libu-libo ang mahahatak na sumama rin sa atin; isang taong
naghahangad din ng pagbabago; at bagamat dating nasa kampo ng ating mga
katunggali, nakita niya ring dito sa ating Partido, mas may asenso ang
Palawenyo.
Dahil dito, pormal na ipinapahayag kong hindi
na po ako kakandidato para Konggresman ng Ikalawang Distrito; at buong puso ko
pong inaayunan at sinisegundohan ang paanyaya ng Partido Pagbabago ng Palawan
kay Board Member Frederick Abueg na sumama na sa atin at siyang humalili sa
akin upang maging kandidato nating Konggresman ng Ikalawang Distrito ng
Palawan. Sa aking bahagi naman, handa po
akong sumama pa rin kay Manong Pepito Alvarez, kung mamarapatin ng Partido,
bilang kandidato para Bise-Gobernador. Kung
hindi naman, kahit tagakanta na lang sa mga rally.
Ang Abueg ay napakabangong apelyido sa
pulitika sa Palawan, mula kay Governor Alfredo Abueg, Sr., nagpatuloy sa
kanyang anak na si Deputy Speaker Alfredo Amor Abueg, Jr., at ngayon, hanggang
sa apo, ang Number One Board Member ng Ikalawang Distrito ng Palawan, magiging
kandidato natin para Kongressman.
Sasabihin ko na rin po, lalong masaya ang pagsama sa atin ni Board
Member Eric Abueg sapagkat kami po ay magkamag-anak: ang aming mga ina ay magpinsan; isang pamilya
lamang.
Bilang pagtatapos, nais kong bigyan ng
diin: Hindi dapat pag-awayan ang
katungkulan sa pulitika, kung ang hinahangad ng bawat isa ay ang kabutihang
panlahat. Alam natin dapat kung
makabubuti o hindi ang ating pagkandidato o hindi pagkandidato sa isa o ibang
katungkulan. Hindi naman tayo yayaman sa
katungkulan, maliban kung tayo ay sasali sa katiwalian; ngunit hindi na puwede
ang dating kalakaran. Nasimulan na ang
ating pagtahak sa “Daang Matuwid” bilang isang bansa; ituloy na natin. Kaya po panawagan ko sa lahat ng pulitiko,
suriing mabuti ang kalooban bago magpasyang kumandidato o hindi kumandidato sa
anumang posisyon sa halalang 2013. Itaas
sa panalangin, sapagkat, sa kahulihulihan, “iisa lang ang talagang kailangan”:
na tayo ay maging kaisa ng Diyos sa Kanyang kaligayahang walang-hanggan. At ito ay mangyayari lamang kung ang panahon
natin sa daigdig ay naging isang pagsasanay sa pagiging kaisa ng Diyos,
pagtupad sa kalooban ng Diyos sa lahat ng mga larangang ating ginagalawan.
Maraming salamat po.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment