Wednesday, August 14, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 1

GOVERNMENT OF LAWS, NOT OF MEN

Isang buwan na rin po ang lumipas mula nang magsimulang manungkulan ang New Management ng ating Pamahalaang Panlalawigan.  Marami agad ang nangyari.  “Palawan is in business, Under New Management”: ito ang bukambibig ng Palaweño ngayon sa pamumuno ng minamahal nating Governor Jose Chaves Alvarez.  At habang pumapalaot tayo ng pagkilos tungo sa kaunlaran, mabuti ring linawin ang ating konsepto ng pamamahala; o sa ibang salita, ang ating pilosopiya sa pulitika.  Payagan sana ninyong gamitin ko ang bahaging ito ng Huntahang Palawan upang magbahagi ng pagmumuni-muni tungkol sa pilosopiya ng pamamahala, at tawaging “Mga Titik Ukol sa Pulitika” ang pitak na ito.

Ang “pulitika” ay mula sa katagang polis, wikang Griyego, na ang ibig sabihin ay lungsod o pamayanan; sa madaling salita, lipunan.  Sa kasalukuyang paggamit, ang ibig sabihin ng pulitika ay agham (o sining) ng pamamahala sa lipunan.  Ngunit bakit nga ba kailangan ng pamahalaan o political authority sa lipunan?

Ang buod ng lipunan ay ang pagkakaisa ng malayang pagpili ng mga mga mamamayan.  Hindi tayo naging isang sambayanan dahil sa aksidente ng ating pagkakapanganak sa isang lugar; hindi rin ito nakabatay sa dugo o lahi ng mga magulang.  Maaari tayong lumipat ng tahanan; at karamihan ng tao, halo-halo na ang lahi at kultura.  Sa kahulihulihang pagsusuri, ang batayan ng pagiging mamamayan ay ang malayang pagpili ng taong maging bahagi siya ng sambayanang iyon.  Kaya nga masasabing ang direktang sanhi ng pag-iral ng isang sambayanan ay “pag-ibig”; sapagkat ang pinakapayak na kahulugan ay “pagpili sa mabuti”; at sa konteksto ng lipunan, ang tawag sa pag-ibig na ito ay solidarity.  Pamahalaan o political authority ang pagsasakongkreto sa pagkakaisang ito ng kalayaan ng maraming taong bumubuo ng sambayanan.  Kung walang isang namamahala, kung walang isang pasya at isang tinig at pagkilos ng pamahalaan, mahirap isipin kung paano magiging totoo ang pagkakaisa ng maraming mamamayan.

Ang huling pinatutunguhan ng sambayanan ay ang kabutihang panlahat, common good, “ang kalipunan ng mga kalalagayang panlipunang nagbibigay-daan upang maabot ng bawat tao ang kanyang kagananapan”.  At bagamat ito rin ang huling pinatutunguhan ng Pamahalaan, dapat pa ring sabihing ang unang layunin ng pamahalaan ay pairalin ang Katarungan sa sambayanan, sapagkat katarungan—pagbibigay ng nararapat sa lahat—ang pinakapayak na antas ng “pag-ibig” na nagbubuklod sa mga mamamayan at nagpapanatili sa pag-iral ng sambayanan bilang isang sambayanan.  Bagamat hindi maaaring pilitin o tiyakin ang pamamayani ng pag-ibig, sapagkat likas sa pag-ibig ang dalisay na kalayaaan ng pagpili; ang katarungan—ang pinakapayak na antas ng pag-ibig sa lipunan—ay maaaring ipatupad ng sapilitan.  At kailangan ng ganitong mekanismo—ng isang Pamahalaang may pangunahing layuning pairalin ang katarungan—sapagkat kapag tuluyang nawala pati ang pinakapayak na antas ng pag-ibig sa lipunan ay wala na ring matatawag na sambayanan.  Sabi nga ni San Agustin, “Ang lipunang walang katarungan ay hindi sambayanan kundi kawan lamang ng mga magnanakaw”.

Mahalagang maunawaang katarungan ang pangunahing layunin ng Pamahalaan sapagkat nalilinaw din nito na ang pagkilos ng pamahalaan ay sa pamamagitan ng sistema ng batas, hindi ayon sa kapritso o kursunada lamang ng mga taong nanunungkulan sa pamahalaan.  Kaya nga isa sa pinakamadalas na magamit na paglalarawan sa Pamahalaan ang kasabihang “government of laws, not men”.  Ito ay hango mula sa Konstitusyon ng Estado ng Massachusetts ng taong 1780. 

Sa kanyang pagkilos bilang sistema ng batas, ang Pamahalaan ay may tatlong pinakapunong gawain:  una, paglikha ng mga kautusan (legislative); ikalawa, pagpapatupad sa mga kautusan (executive); at ikatlo, paghukom sa mga kaso ng hindi pagkakasundo (judicial).

Lahat tayo, may tungkuling unawain ang sistema ng batas, kahit dahil man lamang sa ito ang tamang pagkilos ng pamahalaan, at kahit man lamang sa pagbasa sa ating Saligang Batas (1987 Constitution), ang batayan ng lahat ng iba pang batas sa ating sistema.  Sa puntong ito, mabuti na ring sabihing ang nilalaman ng ating Saligang Batas—at ang pag-aaral na rin tungkol dito—ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi: una, ang istruktura ng pamahalaan; at ikalawa, ang mga pundamental na karapatan ng bawat mamamayan o Bill of Rights.

Kapag pinag-usapan ang istruktura ng ating pamahalaan, ang pinakamahalagang prinsipyo ay “separation of powers”:  ang pagkakahiwalay sa tatlong gawain ng pamahalaan at pagkakalagak ng mga ito sa tatlong magkakahiwalay na sangay:  legislative, executive, at judiciary.  Kapag pinag-usapan naman ang pundamental na mga karapatan ng mga mamamayan, bilang limitasyon sa mga kapangyarihan ng pamahalaan, pinakamahalaga ang prinsipyo ng “due process”. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala.  Hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M. 

No comments:

Post a Comment