Wednesday, August 28, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 3

SEPARATION OF POWERS

Balikan naman po natin ngayon ang usapin ng separation of powers, ang pinakamahalagang prinsipyong may kinalaman sa istruktura ng ating pamahalaan.  Ang sinasabi po ng prinsipyong ito ay magkahiwalay na nakatalaga sa tatlong sanga ng pamahalaan ang tatlong punong-gawain ng pamamahala:  ang paglikha ng mga batas, sa lehislatura; ang pagpapatupad ng mga ito, sa ehekutibo; at ang paglilinaw sa tinutukoy ng batas sa mga pagkakataong may hindi pagkakasundo, sa hudikatura.  Ibig sabihin, ipinagbabawal ng Saligang Batas na manghimasok ang bawat sanga sa gawain ng isat-isa; at kapag nagkaroon ng ganoong panghihimasok—encroachment—ang akto ng panghihimasok ay maaaring ituring na walang bisa sapagkat labag sa Saligang Batas.  Ang pagkakahiwalay ng gawain ng tatlong sanga ng pamahalaan—executive, legislative, at judicial—ay isang mekanismo upang tiyaking hindi maabuso ang kapangyarihan:  bawat sanga ay nagsisilbi ring bantay at pampigil—check and balance—sa maaaring pagmamalabis ng kapangyarihan ng isat-isa.  Ang paglabag sa prinsipyo ng separation of powers ay maaaring pagmulan ng hindi makatarungang kalalagayan.  Isa na rito ang pagkakawaldas ng bilyon-bilyong piso sa umiiral na sistema ng “pork barrel” ng konggreso.

Ang pork barrel ay panlalait na tawag sa perang nakalaan sa taunang budget ng pamahalaang nasyonal para sa bawat miyembro ng konggreso.  Ang pormal na tawag dito ay “Priority Development Assistance Fund” o PDAF. 
                                                                                
Sa loob ng lumipas na ilang taon, ang PDAF ng bawat congressman ay 70 million pesos.  Hindi naman ito dumaraan sa kamay ng congressman; ang kanyang karapatan lamang ay sumulat sa Department of Budget Management para sabihin kung anong mga programa o proyekto ang nais niyang paglaanan ng mga perang ito, at kung aling mga ahensya ng burukrasya ang nais niyang magpatupad ng mga proyektong iyon.

Sa isang banda, maaari ngang sabihing nasa ayos lamang ito, sapagkat hindi naman congressman ang nagpapatupad ng proyekto kundi mga ahensya ng executive branch gaya halimbawa ng DPWH, DSWD, Department of Health,  Department of Agriculture, o iba pa.  Ngunit sa kabilang banda, bakit pa ipauubaya sa congressman ang pagpili ng programa o proyektong popondohan kung wala rin lang siyang legal na karapatang mag-utos sa mga ahensyang magpapatupad ng mga proyektong iyon?  At kung tutuusin, sa pagpili lamang ng proyektong popondohan, malabo na kaagad na asahang magiging tama o pinakamabuti ang pagpili ng proyekto sa bahagi ng congressman, sapagkat wala naman siyang mga tauhan o sariling burukrasyang masasabing dalubhasa o eksperto, nagsaliksik, nagplano, at may kasanayan sa mga bagay na iyon.  At kung lahat ng ito ay iaasa o ibabalik din lamang sa mga ahensya ng executive branch, bakit pa congressman ang bibigyan ng karapatang pumili ng proyektong paglalaanan ng pondo?  Higit na marapat yata na iwanan na lamang sa ahensya ng executive branch ang pagpili ng proyektong dapat pondohan.  Department of Education din naman ang higit na nakakaalam ng pangangailangan ng mga public schools.  Department of Agriculture din naman ang dapat na nakakaalam kung ano ang mga abonong kailangan ng mga magsasaka sa isang distrito o lalawigan.  Bakit kailangang magdaan kay congressman ang pagpapatayo ng dagdag na classroom o pagbili ng mga aklat-aralin o textbooks o abono sa mga pananim?  Hindi rin nga maaaring sisihin ang congressman kung sub-standard ang naitayong classroom o kulang ang dumating na mga aklat sapagkat wala namang siyang control o administrative supervision man lamang sa mga ahensya ng executive branch.  Ito rin marahil ang dahilan kung bakit may iskandalong katulad ng nasasangkutan ng isang Janet Lim Napoles na pinaparatangang naging facilitator sa pagkakawaldas sa sampung bilyong pisong pork barrel ng ilang congressman at senador sa mga proyektong hindi nagawa.

Ang isa pang ma-anomalyang aspeto ng pork barrel ay ang pagiging mistulang suhol mula sa ehekutibo, hindi lamang para ipasa ng konggreso ang taunang budget ng pamahalaan, kundi upang hindi kumontra sa lahat ng nais na maipasa ng ehekutibo, sapagkat ang mismong pagpalabas ng pera o release ng pork barrel ay nakasalalay din sa Department of Budget Management.  Wala ring magagawa ang congressman kung hindi maglabas ng “release order” ang DBM upang maitaya na ang pondo sa pagbili o pagpapakontratang dapat gawin.  Sa kasaysayan, marami nang nangyaring pag-ipit sa pork barrel ng oposisyonistang congressman.  At kahit hindi talaga gagawin, ang mismong posibilidad na mangyaring ipitin ang kanyang pork barrel ay sapat na upang magdalawang-isip ang isang congressman bago kumontra sa anumang panukala ng MalacaƱang.

Kung walang pork barrel, hindi mangyayari ang katiwaliang ipinaparatang na pinamunuan ni Janet Lim Napoles.  Bukod pa rito, matututukan ng ating mga congressman ang tunay nilang gawaing makilahok nang matalino sa talakayan sa konggreso at sa pagbabalangkas nang mahusay sa mga panukalang batas, sapagkat hindi na rin sila maaaring hanapan ng kung-anuanong proyektong hindi naman talaga bahagi ng kanilang tungkulin.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment