JUSTICE
Noong
nakaraan, nasabi nating Justice—Katarungan—ang
pinaka-unang layunin ng Pamahalaan, sapagkat dito nakasalalay ang patuloy na
pag-iral ng sambayanan bilang sambayanan.
Nasabi rin nating ang pagkilos ng Pamahalaan ay sa pamamagitan ng
sistema ng batas (legal system), na
kung pag-aaralan sa Saligang Batas ay mahahati sa dalawang bahagi: una, ang
istruktura ng pamahalaan, at ang pinakamahalagang prinsipyo dito ay ang “separation of powers”; at, ikalawa, ang
mga pundamental na karapatan ng bawat mamamayan, “Bill of Rights”, bilang mga limitasyon sa kapangyarihan ng
pamahalaan, at ang pinakamahalagang konsepto rito ay “due process”. Ngunit bago
tayo pumalaot pa, balikan muna natin ang konsepto ng Katarungan.
Bilang
isang “halaga”—value sa wikang
Ingles—ang Katarungan ay pagbibigay ng nararapat sa bawat isa at sa lahat; sa
Ingles, “giving everyone his due”. Sa pakahulugang ito, mahihinuha na ring “Kaayusan”
ang pinakapundamental na prinsipyo ng Katarungan. Kung ano nga ba ang nararapat sa bawat isa,
ang wastong pagkakahanay, wastong pagbabahagi, wastong pagkakasunud-sunod: ito
ang saklaw ng prinsipyo ng Kaayusan o “right
order”. Ito ang Kaayusan: may
wastong kalalagyan ang lahat, at ang lahat ay nasa dapat kalagyan; may tamang
panahon para sa lahat, at lahat ay nasa tamang panahon. Sa wikang Ingles, “a place for everything and everything in its place; a time for
everything and everything on time”.
Sa
karanasan natin sa pang-araw-araw na pamumuhay, malinaw din namang hindi
pare-pareho ang nararapat sa lahat, kahit sa isang kategoriya tulad ng
“paglilingkod” sa Pamahalaan. Hindi
pareho ang tungkulin ng Governor at ng Konggresman, bagamat sila ay parehong
lingkod ng bayan. Magkaiba rin ang mga
suliraning idinudulog sa Department of Social Welfare kung ihahambing sa mga
pangangailangang maaaring idulog sa Department of Public Works and
Highways. Magkaiba ang nararapat na
paraan ng paglilingkod. At madalas, ang
nagiging sanhi ng kaganapang hindi makatarungan ay pagkakamali sa pag-unawa at
pagpasya ng kung ano ang nararapat.
Hindi
talaga simple ang paksa ng Katarungan.
Maaari pa ngang hati-hatiin ang usapin sa uri ng Katarungan, sapagkat
may uri ng Katarungang tinatawag na “distributive
justice”, ito ang sumasaklaw sa tungkulin ng Pamahalaan tungo sa bawat
isang mamamayan; mayroon ding tinatawag na “commutative
justice”, o Katarungan mula sa mamamayan tungo sa kapwa mamamayan; at
mayroon ding tinatawag na “legal justice”,
Katarungan mula sa isang mamamayan tungo sa Pamahalaan o sa estado. Mayroon pang tinatawag na “social justice”.
Noong
panahon ni Santo Tomas Aquino, ang pinakadakilang pilosopo sa kasaysayan ng
sibilisasyon, ang kahulugan ng social justice ay literal na Katarungang
Panlipunan, Katarungan sa pangkalahatang kahulugan. Sa pagdaan ng panahon, lalo na sa pagdating ng
nakaraang dantaon, nagkaroon ng bagong paggamit sa social justice: bilang
pagbibigay ng natatanging dagdag na pabor o pagkiling sa mga maralita. Ang terminong ginagamit para dito sa doktrina
ng Simbahang Katolika ay “love of
preference for the poor”. Ito rin
ang ibig sabihin ng kasabihang pinagpapalagay na mula kay Pangulong Ramon
Magsaysay: “He who has less in life
should have more in law”.
Bakit
katarungan din ang tawag sa pagbigay ng higit na pagtingin sa mga
maralita? Katarungan din ito sapagkat
ipinagpapalagay na ang hindi pagkakapantay ng mayaman at maralita ay malamang
na, sa karamihang pagkakataon, nakaugat sa hindi-makatarungang kalalagayan sa
nakalipas—halimbawa ang pagiging literal na alipin ng mga aprikano sa Estados
Unidos sa matagal na panahon, na natigil lamang sa Digmaang Sibil sa
panunungkulan ni President Abraham Lincoln.
Social
justice ang batayan ng lahat ng pagpupunyagi ng pamahalaan tungo sa pag-angat
ng antas ng buhay ng mga maralita. Kung
hindi nga naman matatawag na bahagi ng Katarungan, hindi papasok sa tungkulin
ng pamahalaan, magiging kawanggawa, “works
of charity”, at hayaan na lamang ang Simbahan at mga pribadong pilantropong
magbigay ng tulong sa mga maralita.
Hindi nga naman talaga masasabing tungkulin ng pamahalaan ang
pagkakawanggawa, sapagkat ang kaban ng bayan ay buwis ng mga mamamayang
inaasahang maibalik sa kanila sa anyo ng mga programa at proyektong
kapakipakinabang para sa lahat. Ngunit
bilang bahagi ng Katarungang Panlipunan, may tungkulin ang pamahalaang magbigay
ng natatanging pagtingin sa mga maralita.
Katarungan
ang pangunahing halagang dapat paglingkuran ng pamahalaan; ngunit hindi pa rin
dapat kaligtaang ito ay dahil lamang Katarungan ang pinakamababang antas ng
Pag-ibig; at bagamat hindi maaaring mapairal nang sapilitan ang Pag-ibig,
maaring ipatupad nang sapilitan ang Katarungan.
Ngunit Pag-ibig pa rin ang kaganapan ng Katarungan; Pag-ibig din ang, sa
huling pagsusuri, dapat na nagbubuklod sa sambayanan.
Hanggang
dito na lamang pansamantala, hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat!
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment