Wednesday, September 4, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 4

SEPARATION OF POWERS (II)

Noong nakaraan, napagusapan natin ang prinsipyo ng separation of powers sa konteksto ng pork barrel scam na sinasabing pinasimunuan ng isang Janet Lim-Napoles.  Marahil ay mabuti ring paglaanan pa ng pansin ang paksang ito mula sa anggulo ng totoong tungkulin ng isang konggresman.

Ano nga ba ang talagang trabaho ng isang konggresman?

Unang-una, bilang miyembro ng konggreso, natural na ang tungkulin ng isang konggresman ay dumalo sa mga pagpupulong ng mga komiteng kanyang kinabibilangan, at sa mga sesyon ng plenaryo o kalahatang kapulungan.  Ibig sabihin, makilahok sa talakayan, magbahagi ng kanyang matalinong kuro-kuro at kaalaman, at tumulong sa mahusay na pagbabalangkas ng mga panukalang-batas.  Wala na ring sinasabing iba pang tungkulin ng konggresman ang Saligang Batas kaya naman marapat nga lamang na ang staff o mga katulong ng isang konggresman ay aanim na tao lamang (isang office manager o chief of staff, at mga matatawag na personal assistants tulad ng secretary, receptionist, researcher, utility aide, at driver).  Para sa bawat konggresman, ito lamang ang mga kasamang sinusuwelduhan ng konggreso; at ang opisina ng konggresman ay masasabing kuwartito lamang sa Batasan.  Tama lamang, sapagkat wala namang dapat na tungkulin ang konggresman maliban sa kanyang pakikilahok sa mga pagpupulong ng konggreso.

Ang konggreso ay isang parliamentary assembly, sa malawak na kahulugan nito, ibig sabihin, pagtitipong may nagaganap na usapan o salitaan, mula sa katagang parler, wikang Pranses, na ang ibig sabihin ay “salita”.  Kaya nga tama lang ang kantiyaw sa mga miyembrong walang sinasabi, na sila raw ay miyembro ng Committee on Silence.  Ang totoong tungkulin ng konggresman o kagawad ng lokal na sanggunian ay magsalita sa kapulungan; hindi naman araw-araw, ngunit hindi dapat mawalan ng naibahaging nakapagpayaman sa talakayan sa higit na maraming pagkakataon o sa kalakihang bahagi ng panunungkulan.

Kaugnay nito, isa sa mga dapat pagtakhang penomenon sa ating pulitika ang sigaw-pangkampanyang “Gawa, hindi salita”.  Kahit hindi sa kandidatura para konggresman, mahalaga ang “salita”: nauuna sa gawa, sapagkat pagsasa-wika ang natatanging paraan natin bilang mga tao upang linawin at ibahagi ang nilalaman ng “isip”.  Kung may nasabi, may inisip.  Ang “gawa” na hindi sumunod sa “salita” ay malamang na hindi pinag-isipan; o kaya, kung walang salita, walang aasahang mabuting gawa.

Ngunit ito ay indikasyon lamang o sintomas ng maling pag-aakalang pareho lamang ang tungkulin ng isang konggresman at ng isang punong ehekutibo tulad ng gobernador o mayor.  Mali, sapagkat, bilang mga punong ehekutibo, ang isang gobernador o mayor ay talagang itinalaga ng batas na magsa-gawa, magpatupad ng mga programa at proyekto, kaya rin naman sila ang may kontrol sa burukrasya—sa maraming departamento at kawani ng pamahalaang lokal—may legal na karapatang mag-utos, magtalaga at magtanggal ng kawani.  Ang nagtatalaga at ang may kapangyarihang magtanggal sa Provincial Health Officer ay ang Provincial Governor.  Ang nagtatalaga at ang may kapangyarihang magtanggal sa Municipal Engineer ay ang Municipal Mayor.

Walang ganitong kontrol sa burukrasya ang isang konggresman.  Hindi siya ang nagtatalaga, wala rin siyang kapangyarihang magtanggal, sa District Engineer ng DPWH o Division Superintendent ng DepEd sa kanyang distrito, kahit na ito ay mga ahensya ng pamahalaang nasyonal.  Kalihim ng DPWH ang boss ng District Engineer; Kalihim ng DepEd ang boss ng Division Superintendent of Schools; hindi si konggresman.  Kaya nga, kahit na sabihing si konggresman ang naglaan ng pondo mula sa kanyang pork barrel upang kongkretuhin ang isang daan, wala pa rin siyang karapatang bantayan, sitahin o turuan ang District Engineer sa pagsasagawa nito; at kapag ginawa iyon ni konggresman, maaari siyang ireklamo ng District Engineer.  Mali pa rin ang ganitong panghihimasok ng konggresman kahit na sabihing may oversight powers ang konggreso, sapagkat ang kapangyarihang “magbantay” na ito ng konggreso ay isang kolektibong kapangyarihan, hindi maaaring angkinin ng indibidwal na konggresman; dapat idaan sa pamamagitan ng legislative inquiry o pagsisiyasat ng kapulungan bilang kapulungan.  Mula sa praktikal na pagsuri, tama lamang na walang karapatang manghimasok ang konggresman sa gawain ng District Engineer sapagkat hindi naman masasabing mas marunong si konggresman sa pag-kongkreto ng mga daan; at kahit pa magkataong inhinyero rin si konggresman, mawawalan siya ng panahong gampanan ang totoo niyang tungkulin sa konggreso kung aagawan niya ng tungkulin si District Engineer.  Kaugnay ng lahat ng ito, masasabi ring mali nga talaga ang pag-angkin ng mga proyekto ng konggresman.  Hindi naman niya talaga pera ang ginugol, kahit na nagmula sa kanyang PDAF; at lalong malabong isiping siya ang “gumawa” o “nagpatupad” ng mga ito.  Sa kahulihulihan, isa ito sa mga hindi makatotohanang aspeto ng tradisyunal na pulitika, na siyang pinag-uugatang sanhi ng kultura ng katiwalian.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment