ANG MALA-PYUDAL
NA BALANGKAS NG PULITIKANG TRAPO
“Kung walang
korap, walang mahirap”. Hindi naman ito
totoo sa literal na pakahulugan, ngunit isang malakas, tumatalab na
pagpapaliwanag sa karalitaan ng maraming Pilipino, sapagkat lubos na
pina-simple. Ang totoong mensahe: corruption o ang kultura ng katiwalian
sa pamahalaan ang isa sa pinakamalaking sanhi ng karalitaan ng ating bansa. Ngunit may mas malalim pang masasabi kaugnay
nito: Ang pinag-uugatang sanhi ng
kultura ng katiwalian sa pamahalaan ay ang mala-pyudal na balangkas ng
pulitikang trapo, the feudal paradigm of
traditional politics.
Mala-pyudal ang
balangkas ng pulitikang trapo dahil umiinog ito sa ugnayan ng pulitiko, sa
isang panig, bilang mistulang panginoong nagmamay-ari ng lupa, landlord; at, sa kabilang panig, ng
kanyang mga tagasunod na manghahalal, bilang mga kasamá, serfs sa wikang Ingles. Sa
ugnayang ito, nalalagay sa kamay ng pyudal na panginoong pulitiko ang
pagbibigay-lunas sa lahat ng personal na pangangailangan ng kanyang mga
tagasunod, kapalit naman ang bulag at habambuhay na pagtalima, at palagiang
pagtaguyod sa kandidatura ng pulitiko o ng kanyang angkan tuwing halalan, nang
walang pakundangan sa anumang moral o legal na sukatan.
Ito nga ay
maihahalintulad sa pyudalismo, isang sistema ng ekonomiya o ng paglikha at
pagpaparte-parte ng kayamanan sa lipunan, na bagamat hindi naman masama kung
susuriin sa kanyang sariling katalagahan, ay hindi na angkop sa pangkalahatang
realidad ng modernong sibilisasyon; kaya nga patay na ang pyudalismo bilang
isang sistema ng ekonomiya. Dumami na
ang tao, at lumiit na ang mga lupaing pansakahang maaaring angkinin ng iisang
tao; tumaas na rin ang antas ng kamalayan ng marami, lalo na tungkol sa likas
na karangalan at mga karapatan ng tao bilang tao. Bilang sistema ng ekonomiya, ang pyudalismo
ay isa nang anakronismo, pinaglipasan na ng panahon. Kasawiang palad nating magpahanggang ngayon,
ang pyudal na balangkas ang siya pa ring namamayani sa konsepto ng pamahalaan
at pamumuno, sa kaisipan ng marami nating mga manghahalal at mga pulitiko, sa
ating tradisyunal na pulitika, sa pulitika ng trapo.
Isa sa mga
maaaring itawag sa mala-pyudal na balangkas na ito ang “paternalismo”, sapagkat
inihahambing sa isang ama ng pamilya—pater
sa wikang Latin—ang pulitikong pinuno.
May pagkakatulad at kaugnayan din ito sa katagang patronage sa wikang Ingles, na nagpapahiwatig na namimigay ng
kung-anuanong mga biyaya ang pulitiko, o kaya ay maaari siyang takbuhan o
hanapan ng tulong sa panahon ng personal na kagipitan ng mamamayan.
Sa ganitong
kalakaran, natatabunan ang prinsipyo ng kabutihang panlahat. Personal o pribadong kabutihan ng indibidwal
na mamamayan ang nagiging batayan niya sa pagpili ng kandidatong ihahalal at
ito na rin ang nagiging sukatan ng mabuting pamahalaan. Mali ito, sapagkat ang dapat na nilalayon ng
buhay-lipunan at ng pamahalaan ay ang kabutihang panlahat—common good—at hindi pribadong interes. Kung tutuusin nga, ito ang buod ng katiwalian
sa pamahalaan: ang paggamit ng yamang
pampubliko para sa kabutihang pribado.
Sa ganitong kalakaran,
patronage politics, talagang
kakailanganin ng isang pulitiko ang limpak-limpak na salapi para mahalal at
manatili sa panunungkulan, salaping hindi niya makakalap sa matuwid na paraan
kundi sa pamamagitan lamang ng kung anu-anong raket. Kailangang maging isang gambling lord,
druglord, o lapastanganin ang kaban ng bayan, gaya ng nangyayari sa pork barrel
ng maraming konggresman at senador.
Ito rin ang
dahilan kung bakit, sa matagal na panahon, tila hindi matanggap ng maraming mambabatas
na hindi tama ang sistema ng pork barrel (sa anumang tawag dito). Mabuti na lang at sumabog din sa katagalan
ang sistema sapagkat nabulgar na nagagawa palang doktorin ang mga dokumento
upang kuwartahin o gawing pera ang mga proyekto at ipasok sa bulsa ng iilang
taong kasama sa sindikato.
Bukod dito, isa
pang sakit na dulot ng pyudal na konsepto ng tradisyunal na pulitika ang
matinding personalismo sa pagpapatakbo ng pamahalaan: ang pamahalaan at ang katauhan ng pulitiko ay
itinuturing na iisa lamang, gayong magkaiba ito dapat. Ang aksyon ng pamahalaan ay napapasalalay sa
personal na kursunada o kapritso ng pulitikong nanunungkulan—o sa personal na
katayuan ng mamamayan sa mata ng pulitikong nanunungkulan—gayong dapat ay nakabatay
ito sa obhetibong mga sukatan ng sistema ng batas. Ours is
a government of laws, not of men.
Hindi dapat nakasalalay sa personal na pakikipag-ugnayan kundi nakabatay
sa katarungan, sa kung ano ang nararapat ayon sa batas.
Ang mala-pyudal
na balangkas ng tradisyunal na pulitika ay isa sa pinag-uugatang sanhi ng
kultura ng katiwalian sa pamahalaan. Kaya
kung ang karalitaan ay nakaugat sa kultura ng katiwalian sa pamahalaan, lalong
nakaugat ito sa mala-pyudal na balangkas ng pulitikang trapo. Pairalin ang Bagong Pulitika!
Hanggang
dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong
lahat.
O.C.P.A.J.P.M.
No comments:
Post a Comment