Saturday, January 25, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 17

KABANALAN NG BUHAY-PAMILYA 2

Noong nakaraan, nabanggit natin ang pagkilala ng Saligang Batas sa kabanalan ng pamilya bilang pundamental na sangkap na bumubuo lipunan.  “The state recognizes the sanctitiy of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution” (Sec. 12, Art. II).  Ang ibig sabihin ng sanctity ay “kabanalan”:  pagkakatakda sa Diyos o pagiging kaisa ng Diyos, mula sa katagang sanctus sa wikang Latin, santo sa EspaƱol. 

Malinaw dito na kumikilala pala sa Diyos ang Saligang Batas.  Hindi maaaring sabihing hindi kasali ang Diyos sa usapang pampulitika, kahit magkahiwalay ang Simbahan at ang Estado.  Ngunit mabuting pagtuunan ng pansin ang “kabanalan ng buhay-pamilya” na tinutukoy ng Section 12, Article II. 

Bukod sa pagiging basic cell o materyal na sanhi na direktang bumubuo sa lipunan o sambayanan, pamilya ang kanlungan ng buhay ng tao.  Ibig sabihin, dikit na dikit o napakalapit ng kaugnayan ng buhay-pamilya sa buhay ng tao; at dahil banal ang buhay ng tao, masasabing banal din ang buhay-pamilya.

Sa teolohiya, dagdag na liwanag sa kabanalan ng buhay-pamilya ang pagiging larawan nito ng wagas na pag-ibig—ng Diyos sa Kanyang Sambayanan, sa pag-iibigan ng mag-asawang nasa sentro ng pamilya—at ang pagiging tao ng Diyos sa loob ng pamilya nina Hesus, Maria, at Jose.  Alalaongbaga’y “idinikit” ng Diyos sa Kanyang Sarili ang buhay-pamilya; isa ito sa pinaka-unang mga realidad na pantaong pinabanal ng pagsasakatawang-Tao ng Salita ng Diyos.  Hindi nga katakatakang sa sentro ng pagdiriwang ng Pasko ng Kapanganakan ng Panginoon, ipinagdiriwang din sa liturhiya ng Araw ng Linggo kasunod ng December 25 ang Kapistahan ng Banal na Pamilya.

Kung mananatili naman tayo sa larangan ng katuwirang pantao (huwag na muna sa larangan ng teolohiya), ang kabanalan ng buhay-pamilya ay nakabatay sa kabanalan ng buhay ng tao.  Dahil dito, mabuti ring balikan ang paksang ito:  Paano nga ba masasabing banal ang buhay ng tao?

Lahat ng bagay, masasabi ring may kabanalan, kahit man lamang dahil sa “nagmula” sa Diyos sa kahulihulihang pagsusuri.  Ngunit iba ang kabanalan ng buhay ng tao sa buhay ng hayop o halaman sapagkat ang buhay ng tao ay direktang nagmula sa Diyos, samantalang ang buhay ng hayop at halaman ay nagmula lamang sa Diyos sa pamamagitan ng unang specimen nito na direktang nilikha ng Diyos.  Ang mga kasunod na specimen ay produkto na ng biological na proseso.

Sa bahagi ng tao, bagamat ang pagkakaroon ng buhay ay kinasasangkutan ng biological na proseso—ang pagsasama ng similya at ovum mula sa ama at ina—ang espiritwal na diwa ng tao ay walang maaaring pagmulan kundi ang direktang akto ng paglikha ng kapangyarihan ng Diyos.  Kaya ang “episyenteng sanhi” ng pag-iral ng bawat tao ay ang kapangyarihan ng Diyos, sa pakikipag-tulungan ng mga magulang ng taong iyon.  Ngunit hindi lamang sa simula ng pag-iral ng buhay ng tao kundi pati rin sa huling dapat kahantungan nito:  Ang kaganapan ng tao ay nasa pagiging kaisa ng Diyos sa walang hanggan—ang kaganapan ng Totoo at Mabuti—na Siyang nakatakdang pinatutunguhan ng ating pag-iisip at kalayaang pumili.

Banal ang buhay ng tao sapagkat direktang nagmula sa Diyos, at sa kanyang huling dapat kahantungan, nakatakda patungo sa Diyos.  Ang tao ay para sa Diyos; lahat ng iba pang nilikha sa daigdig ay para sa tao.  At banal din ang buhay-pamilya dahil sa napakalapit na pagkakadikit nito sa buhay ng tao.  At dahil banal o ibinukod para sa Diyos, hindi maaaring paglaruan, hindi maaaring palitan ng depinisyon, at hindi rin maaaring pawalang-halaga.

Sa pilosopiyang panlipunan, kakulangan ng karampatang pagpapahalaga sa buhay-pamilya ang pamamayani ng mga pilosopiya o ideolohiyang nagsasabing ang indibidwal na tao (sa halip na pamilya) ang dapat na unang pinaglilingkuran ng buhay-lipunan.  “Indibidwalismo” ang tawag sa ganoong pananaw, na nagsasabi ring “kalayaan ng indibidwal”—liberty—ang pinakamataas na halaga sa buhay-lipunan.  Sa larangan ng pulitika, ang tawag dito ay “liberalismo”; sa larangan ng ekonomiya, “laissez-faire capitalism”.  Sa kabilang dulo, mali rin ang mga pilosopiyang nagsasabing lipunan mismo (sa halip na indibidwal o pamilya) ang dapat na unang pinaglilingkiuran ng buhay-lipunan.  “Kolektibismo” ang tawag sa ganoong pananaw, na nagsasabi ring “pagkakapantay-pantay”—equality—ang pinakamataas na halaga sa buhay-lipunan.  Sa larangan ng pulitika, ang tawag dito ay “totalitaryanismo”; sa larangan ng ekonomiya, “sosyalismo”. 

Sa katunayan, hindi ang indibidwal at hindi rin ang lipunan mismo ang unang dapat paglingkuran ng buhay-lipunan kundi ang pamilya; hindi rin kalayaan ng indibidwal o pagkakapantay-pantay ng lahat ang pinakamataas na halaga sa buhay-lipunan kundi “katarungan”.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, January 22, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 16

KABANALAN NG BUHAY-PAMILYA

Isa pa sa mga argumento kontra sa RH Law ang paglabag sa prinsipyo ng subsidiarity sa pagtapak nito sa kasarinlan ng pamilya.  Sa aspetong ito, lumalabag ang RH Law hindi lamang sa Batas Kalikasang Moral kundi pati rin sa ating Saligang Batas.

Ang subsidiarity, katagang Ingles, ay mula sa subsidium ng wikang Latin, na ang literal na kahulugan ay “tulong”, assistance, at may kinalaman din sa “proteksyon”.  Sa mga usaping panlipunan, ang ibig sabihin ng prinsipyo ng subsidiarity ay dapat igalang ng malaking yunit ang kasarinlan ng sakop niyang maliit na yunit sa mga bagay na nasa kakayahan ng maliit na yunit na iyon.  Sa ibang salita, hindi dapat panghimasukan ng malaking yunit ang mga pagpapasya at gawang nasa kakayahan ng maliit na yunit.  Halimbawa nito ang pagpapaubaya ng pamahalaang nasyunal sa pamahalaang lokal ng pagtakda ng rota ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.

Kung ibabalik natin sa RH Law ang usapan, ang pagpapasya sa nararapat na bilang ng mga anak o sa agwat ng panahon ng panganganak ay nasa kakayahan at kalayaan ng mismong pamilyang nasasangkot (na nakasentro sa mag-asawang lalaki at babae).  Hindi ito dapat pakialaman ng Estado; ngunit ito ang epekto ng RH Law:  may nakatagong mensaheng hindi mabuti ang magkaroon ng maraming anak o kaya ay hindi dapat magparami ng anak.

Bagamat tila wala namang “puwersa” o garapalang pamimilit sa RH Law sa bagay na ito, ang mismong pakikialam ng Estado sa pamamagitan ng nakatagong mensahe ay hindi nararapat sapagkat ito ay pagpapasyang nakasalalay dapat sa malayang pagpili ng pamilya.

Dito, lumalabag ang RH Law sa prinsipyo ng subsidiarity ng Batas Kalikasang Moral.  Kapag pumayag dito ang sambayanan, o kapag binasura ang prinsipyo ng subsidiarity, mawawalan na rin ng argumento kontra sa hayagang pamimilit ng Estado na siyang kinahantungan ng mga programa ng population control, one-child o two-child policy na may kalakip nang mga parusa sakaling hindi tumalima ang mga pamilya, sa kasaysayan ng mga bansang tulad ng Tsina at Singapore.

Mahalaga sa anumang lipunan ang pagpapalakas, pagpapatatag, sa mga pamilya, kahit dahil man lamang sa ang pamilya ang pinaka-direktang materyal na sanhi ng buhay-lipunan.

Sa klasikal na pilosopiya, ang lahat ng pag-iral ay may apat na pinakahuling sanhi, o pinaka-puno at dulo:  una, ang “porma” o “pormal na sanhi”—formal cause—na siyang nagbibigay ng “akto ng pag-iral” sa bagay na iyon; ikalawa, ang “materyal na sanhi”, ang nagbibigay ng kakayahan o kapasidad sa bagay na iyon upang maging kung ano man; ikatlo, ang “episyenteng sanhi”—efficient cause—na direktang nagbibigay-daan sa pag-iral ng bagay na iyon; at ikaapat, ang “pinakahuling sanhi”—final cause o end, sa wikang Ingles—na siyang huling dapat kahantungan nito.

Ang pormal na sanhi ng buhay-lipunan ay ang pagkakaisa ng pagpili—union of wills—ng mga bumubuo ng sambayanan; ang episyenteng sanhi ay ang “pag-ibig”—solidarity—o ang pinakapayak na antas nito, “katarungan”; at ang huling dapat kahantungan nito ay “kabutihang panlahat”—common good—o ang kabuuan ng mga kalalagayang nagbibigay-daan upang makamit ng mga tao ang kanilang kaganapan.  Ano naman ang materyal na sanhi ng buhay lipunan?

Sa biglang tingin, madaling lumabas na sagot ang “indibidwal” na tao, sapagkat ito ang may kalayaang pumiling makiisa sa buhay lipunan.  Tama rin naman; ngunit, sa higit na malalim na pagsuri, may pamilyang namamagitan sa indibidwal at sa sambayanan.  Habang bata pa ang indibidwal, ang kanyang pakikibahagi sa lipunan ay sa pamamagitan lamang ng pamilya o mga magulang, na siyang bumuboto sa halalan, nakikipag-kontrata sa iba, etsetera.  At kahit nasa wastong gulang, ang pagpili ng indibidwal ay nakukulayan pa rin ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng kanyang pamilya.

Iba ang pamilya sa indibidwal, sapagkat ang pamilya ay samahan; ngunit iba rin ito sa sambayanan, sapagkat likas sa magkakapamilya ang higit na matinding pag-iibigan at hindi ito nakabatay sa anumang katangian ng kapamilya maliban sa pagiging kapamilya.  Dahil dito, bagamat maaaring sabihing mga indibidwal din ang bumubuo sa sambayanan, pamilya ang higit na malapit na materyal na sanhi ng lipunan.  At dahil pamilya ang basic cell na direktang bumubuo ng sambayanan, ito rin ang una at direktang dapat na pinaglilingkuran, pinatatatag at binibigyan ng proteksyon ng Estado—tungkuling kinikilala rin ng ating Saligang Batas: “The state recognizes the sanctitiy of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution” (Sec. 12, Art. II).  Ipagpapatuloy po natin ang paksang ito.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, December 21, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 15

RH LAW REVISITED 2

Sa cover story ng Time Magazine na lumabas noong nakaraang ilang araw (December 2, 2013), tampok ang naging masamang resulta ng one-child policy na umiral at umiiral pa rin sa China:  kulang na ang kanilang populasyon at nakikinitang lubhang mahirap nang kumbinsihing magparami ng mga anak ang kanilang mga mamamayan, matapos ang ilang dekadang pagpigil sa pag-aanak.  Ngunit hindi lamang China.  Ang Singapore din (at marami pang bansa lalo na sa Europa) ay nagsisisi sa pagpapalaganap ng contraceptive sex dahil nararanasan nila ang walang humpay at nakakatakot na pagliit ng kanilang mga populasyon, aging ang waning population, ang tinatawag na demographic winter.  Mainam ngang suriin pa natin ang aspetong ito ng immoralidad ng contraceptive sex, at ng RH Law na nagtutulak nito.

Ang kakayahang sekswal ng tao ay likas na nakatakda sa pag-aanak—kaya nga “reproductive system”  ang tawag sa kalipunan ng mga bahagi ng katawan na nasasangkot sa sex—at may maling paggamit, may pag-abuso, may kamaliang moral kapag ginamit natin ang kakayahang ito nang may pagtanggi sa kanyang likas na dapat kahantungan.   Ito ang dahilan kung bakit masama, immoral, ang contraceptive sex:  ginagamit ang kakayahang sekswal habang sadyang tinatanggihan ang likas na dapat nitong kahantungan, pinipigilan ang posibilidad na magbunga ito.  Makikita rin dito:  bagamat immoral ang contraceptive sex, hindi masama ang mga kaparaanang tinatawag na natural family planning methods sapagkat sa mga natural na kaparaanang ito, hindi ginagamit ang kakayahanag sekswal sa mga araw na maaaring magbunga ito.  Walang pag-abuso sa kakayahang sekswal; walang pagpigil sa likas na daloy ng mga pangyayari.

Sa isang banda, maihahalintulad ang kakayahang sekswal ng tao sa kakayahang kumain.  Ang likas na nakatakdang layunin ng kakayahang kumain ay ang nutrisyon at kalusugan ng ating katawan; at may pag-abuso, may kamaliang moral kapag ang akto ng pagkain ay kumontra dito.  Halimbawa nito ang labis-labis na pagkain ng litson, na nakatuon lamang sa sa sarap na nadarama ng ating panlasa:  katakawan ang tawag dito. 

Dapat nating isaalang-alang:  ang sarap na nararanasan sa pagkain, ganun din sa paggamit ng kakayahang sekswal ng tao, ay paraan lamang o insentibo; instrumento ng kalikasan upang tulungan tayong tupdin o isagawa ang kinakailangang gawin—pagkain at pakikipagtalik—tungo sa mga likas na dapat kahantungan ng mga gawaing iyon:  kalusugan ng indibidwal, sa bahagi ng pagkain; at pagbunga ng anak (pagpapalago o pagpapalusog sa sambayanan) sa bahagi ng sex.

Ganunpaman, magkaiba pa rin ang sex at pagkain:  Sabi nga ni San Josemaria Escriva, “For, unlike food, which is necessary for the individual, procreation is necessary only for the species, and individuals can dispense with it.” (The Way, No. 28)  Ang pagkain, kailangan para sa patuloy na pag-iral ng indibidwal; ang sex, kailangan para sa patuloy na pag-iral ng sambayanan, hindi talaga kailangan ng indibidwal.  Maaaring mabuhay nang masaya ang indibidwal kahit hindi gamitin ang kakayahang sekswal; at patunay dito ang buhay ng mga santong selibato.

Ang pagkain nga naman ay direktang nakatakda sa kabutihan ng indibidwal; ang sex, sa kabutihan ng pamilya at ng sambayanan, sa pagpapatatag ng lahi.  Ito rin ang dahilan kung bakit higit na madaling makita ng indibidwal ang kasamaan ng katakawan sa pagkain, ng walang prenong hilig sa pagkain at inumin, kaysa kasamaan ng contraceptive sex.  Ang hindi kanais-nais na resulta ng maling paggamit sa kakayahang sekswal, bagamat may pinsala sa pamilya at sambayanan, ay hindi agad ramdam ng indibidwal; di tulad ng katakawan sa pagkain o kalasingan sa inumin: masakit sa ulo at nakapanghihina ng katawan.  Bukod sa pagkakaibang ito ng sex at pagkain, higit na matindi rin ang sarap ng sex kaysa sarap na nararanasan natin sa pagkain.  Ang higit na matinding sarap mula sa sex ay “gantimpala” ng indibidwal sa paglingkod sa sambayanan. 

Karamihan sa atin, kakain pa rin, kahit sa marahan lang na udyok ng pagkahilig—kahit hindi masarap ang pagkain—dahil alam nating kailangang kumuha ng sustansya mula sa pagkain upang mabuhay.  Sa kabilang dako, malamang na bihira ang mag-aasawa at mag-aanak kung wala ang matinding sarap na kalakip ng sex.  Kaya nga, kapag iisiping ayos lang ang contraceptive sex—kapag tinanggal ang pag-aanak o procreative purpose na likas na hantungan ng sex—hindi mapipigilan ang pababang pagbulusok ng bilang ng mga mamamayan.  Masasabi nga na kung ang katakawan sa pagkain ay nauuwi sa kamatayan ng indibidwal (dahil sa hypertension, diabetes, at iba pa), ang katakawan sa sex—paggamit nito para lamang sa sarap, na may pagtanggi sa likas na layuning magbunga—ay nauuwi sa kamatayan ng pamilya at ng sambayanan. 

Marami pa ang masasabi tungkol sa pagiging labag sa Batas Kalikasang Moral ng RH Law.  Ipagpaliban na muna natin ang pagtalakay sa mga ito.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, December 14, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 14

RH LAW REVISITED

Isang halimbawa ng “political decision” na lumalabag sa Batas Kalikasang Moral at sa batas ng sambayanan ang RA 10354, The Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, tawagin na lang nating “RH Law”.  Dahil lumalabag sa batas ng sambayanan, ito ang paksa ng ilang petisyon sa Korte Suprema na hinahangad na mapawalang-bisa ang nasabing batas.  At dahil may kasong nakabinbin, minabuti ng hukumang ipatigil muna ang pagpapatupad.  Ngunit hayaan na muna natin ang aspeto ng legalidad sa hukuman at pagtuunan ng pansin ang paglabag sa moralidad.

Ang buod ng RH Law ay ang pag-obliga sa pamahalaan at mga health workers na gumugol ng salaping nagmula sa buwis ng mga mamamayan upang mamigay ng mga kontraseptiba o itulak ang “contraceptive sex”, o pagtatalik na sekswal na ginagamitan ng artipisyal na mga pamamaraan o gamot na pumipigil o pumuputol sa pagbubuntis o pag-aanak.  Ito ay labag sa batas-kalikasang-moral; ibig sabihin, salungat sa kabutihan ng tao bilang tao.

Immoral ang contraceptive sex sapagkat ang kakayahang mag-sex ng tao ay likas na nakatakda sa dalawang hantungan: una, sa pag-iisa, union, sa pag-iibigan ng mag-asawa; at, ikalawa, sa pagkakaroon ng bunga, sa pagkakaroon ng supling, procreation. Kaya ang tama at mabuting paggamit sa kakayahang mag-sex ay dapat na bukas o umaayon at hindi kontra sa dalawang layuning ito: may pag-ibig at tinatanggap ang posibleng maging supling; bukas sa pagkakaroon ng bunga, sa pag-aanak.  Okey ang paggamit ng kakayahang mag-sex kung, una, may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik; at, ikalawa, bukas ang kanilang kalooban sa pagkakaroon ng supling; o sa pinakamababang sukatan nito, wala silang ginawa para pigilan ito.  Kailangan laging naroon ang dalawang kondisyong ito, hindi pwedeng paghiwalayin.

Ang sinasabi ng pumapabor sa contraceptive sex, okay ang sex kung may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik.  Makatao na raw ito, hindi na immoral, kapag may pag-iibigan, kahit na sadyaing pigilan nila ang pagbunga nito. 

Mali ang pananaw na ito. Hindi maaaring sabihing isa lamang ang likas na hantungan ng kakayahang mag-sex ng tao, na ito ay okay na bastat may pag-ibig. Hindi maaaring bale-walain o isa-isantabi ang pagkakatakda nito sa pagkakaroon ng bunga.  Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang hantungang ito ng pag-aasawa.  At sa katunayan, ito ang turo ni Papa Pablo VI sa kanyang Liham Encyclical na pinamagatang Humanae Vitae, “Buhay ng Tao”, na inilabas noong taong 1968.

Nakakatulong nga ang pananampalataya sa pagkilala natin sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral.  Hindi nga naman maaring sabihin okay ang sex kung bukas lamang sa pag-aanak ang magkatalik.  Kapag walang pag-ibig, rape ang tawag sa sex, isang malinaw na kamaliang moral.  Sa kabilang dako, kung sasabihin namang ang likas na layunin ng sex ay natutupad na sa pag-iibigan lamang ng magkatalik, magiging okay na pala ang sex sa pagitan ng magkasing-kasarian, homosexuality, gayong isinusumpa ito sa Banal na Kasulatan.  At kaya nga alam nating immoral ang homosexual intercourse ay dahil hindi ito maaaring tumupad sa layunin ng pag-aanak.  Isa pa, kung sasabihing hindi kailangang maging bukas sa pag-aanak ang sex, mawawalan na rin ng saysay ang institusyon ng kasal.  Kaya nga laging kasunod ng paglaganap ng contraceptive sex ang pagkasira ng institusyon ng kasal, ng pamilya.  Nauuso ang diborsyo.  At nililinaw din ng pananampalataya ang immoralidad ng diborsyo.  Mismong ang Panginoong Hesukristo ang nagsabi, “Huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos” (Mt 19:6).

Mabuting pagmunimunihan ang dahilan kung bakit may institusyon ng kasal ang halos lahat ng lipunan.  Maging ang mga sinaunang tribo, kahit papaano, may seremonyang pagdaraanan ang nag-iibigang nais magsama at magtalik.  Sa harapan ng tribo sila nangangako at nagpapatali sa isa’t-isa nang pangmatagalan.  Ito ay dahil nga likas na nakatakda ang pag-aasawa sa pag-aanak.  Ang buhay ng tao, na bunga ng pagtatalik, ay maselan at mahina sa simula at kailangan ng matagal na pag-aaruga; kailangan ng pagtutulungan ng ama at ina sa matagal na panahon bago maging handa ang kanilang supling na mamuhay nang sarili.  Dahil dito, kailangang itali, obligahin, sa tungkuling ito ang mag-asawa sa harap ng tribo.  Ang tribo ay may karapatang tiyakin ang kapakanan ng mga sumusunod na salinlahi; kung hindi ay mauubos o malilipol ang tribo.

Kung ang sex ay hindi likas na nakatakda sa pag-aanak, walang dahilan para talian ang dalawang taong gustong makipag-sex sa isa’t-isa.  Walang dahilan ang institusyon ng kasal.  Okay lang ang live-in, okay na rin ang diborsyo.  Ngunit alam nating mali ito.  Immoral ang contraceptive sex sapagkat ito ay pag-abuso, maling paggamit, sa kakayahang sekswal ng tao; paggamit na may pagtanggi sa likas na nakatakdang layunin ng sex; kontra sa tunay na kalikasan ng tao bilang tao.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, December 4, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 13

POLITICAL DECISIONS 2

Noong nakaraan, nasabi nating political decisions ang tawag sa mga pagpapasyang nakasalalay sa kursunada ng pulitikong nanunungkulan bilang tinig ng sambayanan, mga pagpiling hindi nasasangkot ang isyu ng moralidad o ng legalidad.  Maitatanong natin, marahil, saan naman pumapasok ang mga batayang pang-teknolohiya o siyentipiko?

Unang-una, hindi absoluto ang kaalamang mula sa pisikal na mga agham.  Sa maraming pagkakataon, hindi rin nagkakasundo ang mga tinaguriang dalubhasa.  May kanser ba ang pasyente o nilagnat lang sa pagod?  Natural din lamang ito sapagkat, sa kahulihulihan, ang batayan ng kaalamang siyentipiko ay mula sa pisikal na realidad na napapasa-atin sa pamamagitan ng ating mga pisikal na pandama.  At alam nating lahat na madali ring magkamali ang ating mga pandama—may hindi nakita, nagkulang o lumabis sa pagbilang—at madali ring sadyaing linlangin o paglakuan ng ilusyon o kasinungalingan, ng salamangkero at ng propagandista, ng bayarang survey o mamamahayag. 

Bukod dito, hindi rin maikakailang madalas na nakukulayan ng nilalaman ng ating kalooban ang pananaw natin sa pisikal na bagay na kinakaharap.  May subhetibong paghusga maging sa inaakalang obhetibong kaalamang siyentipiko.  Mainit sa isa, malamig naman sa iba ang 20 degrees Celsius na setting ng airconditioner.  Ang ibig nating sabihin, hindi malinaw na batayan ang agham o natural sciences.  Lalo na ang tinatawag na social sciences tulad ng economics at sociology.  Higit na may katiyakan ang sukatan ng moralidad, lalo na sa mga nagkakaisa sa pananampalataya; ganundin ang mga kautusan ng batas.

Sa kabilang dako, hindi naman natin masasabing ipailalim na lamang sa political decisions ang mga datos ng natural sciences.  Sa katunayan, marami ring kaalamang mula sa agham na hindi pinagdududahan ninuman at walang debate.  Ganunpaman, sa mga pagkakataong iyon, maaaring sabihing pumapasok na sa larangan ng moralidad ang pagpasyang isaalang-alang ang datos ng agham o hindi.  May paglabag sa moralidad kung hindi isaalang-alang ang malinaw na wastong datos ng agham.  Madalas din, naisasabatas pa ang pagtalima rito: bawal ang shabu dahil nakasisira ng pag-iisip at nakamamatay.

Ang buod ng tungkulin ng pulitikong nanunungkulan ay magsagawa ng political decisions.  Sa bahagi ng ehekutibo, magbigay ng direksyon sa pamahalaan at burukrasya.  Sa kalakhang bahagi, nasasalamin ang direksyong ito sa pagkatha ng budget at pagtalaga ng mga taong gagawa at mangangasiwa. 

Madalas na hindi nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga ang kapangyarihang magtalaga ng mga tauhan—the power to appoint, to hire and fire—at kalakip nitong kapangyarihang disiplinahin ang naitalagang kawani.  Huwag lamang lumabag sa mga kautusan ng batas at sa moralidad, ito ay lehitimong political decision, nakasalalay sa kursunada ng pulitikong magpapasya, at anuman ang maging pasya, walang totoong makatuwirang maisusumbat ang sinuman.

Sa bahagi naman ng lehislatibo, sapat na na pag-usapan, linangin, at sang-ayunan o hindi-sang-ayunan ang direksyong mula sa ehekutibo.  Hindi talaga kailangan, bagamat political decisions din, ang pagpasa o hindi pagpasa ng bagong mga panukalang batas; at ang pag-rebisa, pagbura o pag-amyenda sa mga batas na nariyan na.  Political branches ang tawag sa ehekutibo at lehislatibo sapagkat tungkulin ng mga sangay na ito ang magsagawa ng political decisions.  Hindi kasali ang hudikatura, sapagkat ebidensya at batas lamang ang batayan ng mga pagpapasya ng huling sangay na ito.

Lumalabas, sa ating pagmumuni-muni, na kung ang isang pagpasya ay lehitimong political decision—hindi lumalabag sa batas o sa moralidad—anuman ang pasya ay ayos lang.  Walang dahilan para umiyak o magalit ang mamamayang hindi sumasang-ayon.  Ang remedyo ay political din:  huwag iboto ang pulitikong iyon sa halalan.

Ganunpaman, may mga pagkakataong lumalabag na sa moralidad o sa batas ang inaakalang political decision.  Halimbawa nito ang Reproductive Health Law.  Dahil lumalabag sa Saligang Batas, ang remedyo ay pagdulog sa hukuman, kaya ngayon ay may utos ang Korte Suprema na pansamantalang hindi ipatupad ang RH Law, habang nakabinbin ang kaso.  Ngunit paano kung ang inaakalang political decision ay lumalabag sa moralidad bagamat hindi lumalabag sa batas?  Ang remedyo ay nasa halalan din; ngunit ang kaibahan ay may karapatang magalit ang sambayanan.  At kung lubhang napakalaki ng paglabag sa moralidad, maaaring mauwi sa himagsikan.

Sa pagtaas ng antas ng pampulitikang kamalayan, sa katiwasayan ng sambayanan, mahalagang makilatis at mabigyan ng karampatang pagtrato ang lehitimong political decisions ng ating mga halal na opisyal, at nang hindi mapagkamalang ihalo sa mga isyu ng moralidad o legalidad.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, November 16, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 12

POLITICAL DECISIONS

Isa sa mahalaga ngunit madalas nakakalimutan sa mga usaping panlipunan ang konsepto ng political decisions, mga pagpapasyang sa kahulihulihan ay nakasalalay sa kagustuhan lamang ng sambayanan, sa kursunada, kung hindi man ng nakararami ay kursunada ng pinagmumulan ng kapangyarihan sa sambayanan.  Ibig sabihin, mga pagpiling hindi nasasangkot ang isyu ng moralidad o legalidad.  Anuman ang maging pasya, hindi lalabag sa Batas Kalikasang Moral o sa batas ng sambayanan, sa sistema ng batas.

Oo nga, ours is a government of laws, not of men; ngunit hindi kakayaning lahat ng galaw o pagkilos ng pamahalaan ay saklawin ng batas.  Ganundin, malawak pa rin ang larangan ng pagpili ng tao bilang tao sa harap ng Batas Kalikasang Moral: sa nakararaming pagkakataon, alinman ang piliin sa mga alternatibo ay walang matatawag na immoral.  Hindi kasalanan ang kumain ng meryenda; hindi rin kasalanan ang hindi pag-meryenda.  At sa usaping panlipunan at ng pamahalaan, halimbawa ng pagpapasyang nakasalalay lamang sa kagustuhan ng maykapangyarihang mamili ang kapangyarihang maghalal ng mga pinuno sa pamahalaan.  Ganundin ang pagtalaga ng tao sa katungkulan—power to appoint—na isa sa pinakamahalagang kapangyarihan ng isang Chief Executive.  Basta’t nasa taong itinalaga ang mga kwalipikasyong hinahanap ng batas at nasunod ang nakatakdang proseso, walang masasabing masama sa pagpili ng sinuman sa ilang mga kandidatong nakasalang.

Sa kahulihulihan, masasabing kailangan ang mga halal na pinuno sa pamahalaan upang may magsagawa ng mga political decisions bilang kinatawan ng madlang manghahalal sa ating sistema ng batas.  Dahil nga naman hindi matatawag na tama o mali ang pagpapasya sa batayan ng moralidad o ng batas, ang tanging sukatan ay paghusga ng nakararami sa halalan. 

Hindi rin naman maaaring iatas sa mga permanenteng kawani ng pamahalaan ang ganitong mga pagpapasya, sapagkat wala nang paraan upang papanagutin sila kung hindi kursunada ng madla ang naging pasya ng permanenteng kawani.  Maaari lamang silang paalisin sa panunungkulan kung immoral o labag sa batas ang kanilang gawa, dahil sila ay permanenteng kawani ng pamahalaan.  Kailangang ilagay sa kamay ng pulitikong nanunungkulan—halal na opisyal—ang mga pulitikal na pagpapasya.

Hindi rin naman araw-araw ay may political decisions na kailangang gawin sa pamahalaan.  Marami na ring aspeto ng operasyon ng pamahalaan ay nasaklaw na ng batas. 

Bagamat ang pagsasabatas ng anumang kautusan ay political decision, kapag naisabatas na ay wala nang puwang sa pagpili; kailangan nang sundin ang ipinag-uutos ng batas na iyon.  Hindi na political decision kundi obligasyon—legal duty—ang pinag-uusapan.  Pagbayad ng sahod sa mga empleyado ng pamahalaan, paghakot ng basura, pag-asikaso sa mga pasyente ng ospital ng pamahalaan, pagtugis ng mga pulis sa mga salarin, at iba pa:  ito ay mga gawaing hindi nangangailangan ng direkta o palagiang pakikialam ng pulitikong pinuno; dapat ay magawa, gustuhin man o hindi ng pulitikong pinuno, sapagkat ipinag-uutos ng batas na may karampatang parusa sa hindi pagtupad ng kawaning nasasangkot o naatasan ng mga tungkuling ito.

Kapansin-pansin, kung tutuusin, na habang napakataas ng mga kwalipikasyong hinahanap sa mga permanenteng kawani ng pamahalaan—kailangan ng diploma at kailangang pumasa sa mga examination ng Civil Service Commission—halos walang hinahanap na galing sa bahagi ng pulitikong pinuno.  Wastong gulang, nasyonalidad, paninirahan sa lokalidad, at kaalamang magbasa at sumulat: ito lamang ang hinahanap sa pulitikong pinuno; sapagkat sa huli, ang pinakamahalagang kwalipikasyon ay ang pag-halal sa kanya ng nakararaming mamamayang manghahalal.  Ibig sabihin, ipinagkakatiwala sa kanya ang pagsagawa ng political decisions.

Sa sistema ng ating demokrasya, ang madlang manghahalal ang maykapangyarihan sa lahat—sovereign—at siyang pinagmumulan ng kapangyarihan ng Estado.  Tama si Pangulong Noynoy Aquino nang sabihin niyang “Kayo ang Boss ko” sa kanyang Inaugural Speech.  Ganunpaman, hindi ito nangangahulugang dapat masunod ang kagustuhan ng kahit sino lang na Juana de la Cruz, o kahit umabot pa sila ng kung ilang libo.  Sapagkat ang paggamit ng kapangyarihan ng madla ay nasa paghalal ng pulitikong pinuno; at kung nahalal na ay siya nang kumakatawan sa madla.  Maaari lamang palitan sa susunod na halalan o sa pamamagitan din ng mekanismong nakatakda sa ilalim ng batas. 

May katotohanan din sa kasabihang, vox populi, vox Dei, “ang tinig ng madla ay tinig ng Diyos,” ngunit ang pinakamataas na paglalahad ng tinig ng madla ay ang ating Saligang Batas, at kasunod nito, ang “mga batas at kautusang pinaiiral ng mga sadyang itinalagang maykapangyarihan sa ilalim ng batas”.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Tuesday, November 12, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 11

PULITIKA AT PANANAMPALATAYA

Noong nakaraan, napag-usapan natin ang mga “birtud” na pantao, human virtues, na kailangan sa ating pagpapakabanal; at nabanggit ding lahat ng mga birtud ay maaaring ihanay sa ilalim ng apat na cardinal virtues: una, ang birtud ng tamang paghusga, prudence sa Ingles; ikalawa, “katarungan”, justice; ikatlo, “katatagan”, fortitude; at ikaapat, pagtitimpi, temperance.

Nasabi rin nating imposible sa tao ang maging banal, imposibleng makamit ang kaganapan bilang tao, kung kakayahan lamang natin ang aasahan.  Kailangan ang kapangyarihan ng Diyos at ang biyayang ayunan natin ito ng ating kalayaang pantao.  Dito pumapasok ang mga birtud na umiibayo sa ating kalikasan—supernatural virtues—at ang pinakamahalaga sa mga ito ay tinatawag na “teolohikal”, sapagkat direktang tumutukoy sa Diyos. 

May tatlong birtud na teolohikal:  una, “pananampalataya”, faith sa Ingles, ang ugaling umayon sa lahat ng ipinahayag ng Diyos; ikalawa, “pag-asa”, hope, ang ugaling manalig, umasa, magtiwala sa Diyos hinggil sa ating kaligayahang walang-hanggan; at ikatlo, “pag-ibig”, charity, pag-ibig sa Diyos higit sa anupaman, at pag-ibig sa kapwa gaya ng sarili alang-alang sa pag-ibig sa Diyos. 

Hindi tayo magiging “ganap” kung wala tayo nitong tatlong birtud na teolohikal; at dahil umiibayo sa ating kalikasan bilang tao, nagkakaroon lamang tayo nito dahil din sa biyaya ng Diyos, unang-una sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag o Baptism sa bahagi ng pananampalatayang Kristiyano. 

Ganunpaman, malaki pa rin ang kinalaman ng ating kalayaang pantao sa pagtanggap, pagpapanatili at pagpapayabong sa mga birtud na ito sa ating indibidwal na pagkatao:  maaari nating tanggihan, maaari ring iwaksi matapos na matanggap.  Sa kabilang dako, maaari rin nating payabungin o patindihin ang  pagkakatalab ng mga birtud na ito sa ating kalooban sa pamamagitan ng madalas na pag-ulit sa mga akto o gawang nasasangkot sa birtud na tinutukoy; halimbawa, sa madalas na pagsimba o sa sadyang niloob na pag-alay natin sa Diyos ng ating karaniwang mga gawain sa araw-araw, at nang maisalin ang mga pagkilos na ito upang maging patuloy na panalangin, sa walang patid na malayang pakikipag-ugnayan o pakikiisa sa Diyos.

Hindi tayo darating sa huling dapat kahantungan kung wala tayo nitong tatlong teolohikal na birtud sa pagtatapos ng ating panahon sa daigdig, sa pagtawid natin sa walang-hanggan, sa punto ng ating tiyak na darating na kamatayan. 

Walang kabuluhan ang anumang tagumpay sa daigdig—kahit sa pinakamataas pang katungkulan sa pulitika—kung hindi tayo hahantong sa kaligayahang walang hanggan, sapagkat ang alternatibo ay pagdurusang walang hanggan.  Maikli ang buhay ng tao sa daigdig—mahaba na ang walumpung taon—lalo na kung ihahambing sa walang hanggan; kahit limampung libong taon, kahit limampung bilyong taon, maikli kung ihahambing sa walang hanggan o eternidad. 

Sa konteksto ng pulitika, hindi sulit na ipagpalit ang kaligayahang walang hanggan sa anim na taong panunungkulan bilang Pangulo ng Pilipinos o kahit diktadurya sa loob ng dalawampung taon.  Sabi nga ni San Josemaria Escriva, ang pagka-Kristiyano ay hindi parang sombrerong isinasabit at iniiwan sa pintuan pagpasok natin sa ating opisina (cf. The Way, No. 353).  Ito ang pinakamahalagang aspeto ng ating pagkatao na dapat ay dala natin sa lahat ng pagkakataon, lalo na’t dahil hindi natin alam kung kailan tayo aabutan ng kamatayan.

Oo nga, sinasabi ng ating Saligang Batas na hindi maaaring baliin ang pagkakahiwalay ng Simbahan at Estado:  The separation of Church and State shall be inviolable (Sec. 6, Art. II, 1987 Constitution).  At ito ay binibigyang laman sa Section 5 ng Bill of Rights: No law shall be made respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof.  The free exercise and enjoyment of religious profession and worship, without discrimination or preference, shall forever be allowed.  No religious test shall be required for the exercise of civil or political rights (Sec. 5, Art. III).  Ang ibig sabihin lamang nito ay pagpapagitna, neutrality, ng Estado, sa harap ng ibat’t-ibang pananampalataya.  Ang Estado mismo ay hindi maaaring kumiling o kumontra sa anumang relihiyon bilang relihiyon; ngunit hindi inaalis at hindi maaaring alisin sa indibidwal na mamamayan—kasama ang indibidwal na kawani o pinuno ng pamahalaan—ang karapatan at tungkuling mamuhay ayon sa kanyang pananampalataya.

Ganunpaman, paminsan-minsan, maaari pa ring magbanggaan ang kautusan o direksyon ng Estado at ng simbahan.  Kailangan nating pumili, at maaaring nakataya pa rito hindi lamang ang katungkulan kundi pati ang buhay.  Mabuti ring alalahanin ang sinabi ni Thomas More bago siya pugutan ng ulo:  “Utusan ako ng Hari ngunit utusan ng Diyos muna,”.I am the King’s good servant, but God’s first.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.