Sunday, September 29, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 7

DUE PROCESS

Nabanggit na natin sa pitak na ito na ang Saligang Batas ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi:  una, ang bahaging patungkol sa istruktura ng pamahalaan, na maaaring unawain sa pinakamahalagang prinsipyo nito, ang separation of powers; at ikalawa, ang Bill of Rights, na naglalaman ng mga protektadong karapatan ng mamamayan, bilang mga limitasyon sa kapangyarihan ng Estado.

Ang buod ng Bill of Rights ay nakapaloob sa konsepto ng Due Process na nakasaad sa Section 1, Article III, ng ating Saligang Batas: 

No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.

Ang Due Process ay sinasabing may aspetong “substantibo”, substantive, sa wikang Ingles; hindi lamang ito procedural o “pamproseso”. 

Ang substantibong aspeto ng Due Process ay maaaring ibaba sa pinakapayak na kahulugan nito at unawain bilang “pagka-makatuwiran”, reasonableness, sa wikang Ingles.  Sa kabilang dako, ang procedural na aspeto nito ay maaaring ibaba sa konsepto ng “pagka-parehas” o pagiging “patas ng laban”:  fair play, sa wikang Ingles. 

Dahil sa garantiya ng Due Process sa Saligang Batas, masasabing lahat ng kilos ng Estado—lahat ng mga kautusan at kaganapan sa ating sistema ng pamahalaan—ay maaaring hanapan ng pagka-makatuwiran at pagkaka-parehas, reasonableness and fair play; at kung wala nito o kulang dito, maaaring pawalan ng bisa sapagkat lumalabag sa Saligang Batas.

Napapanahon marahil na paksain ito, ngayong mainit at umiinit pa ang usapin ng pork barrel scam na sinasabing pinamumunuan ng isang Janet Lim-Napoles. 

Dapat ngang kondenahin ang pagkakawaldas sa katiwalian ng bilyun-bilyong piso mula sa kaban ng bayan, at parusahan ang mga dapat managot; ngunit kailangang dumaan sa Due Process upang mapatunayan kung ano ang talagang nangyari, kung sino ang dapat managot, at kung hanggang saan ang kanilang pananagutan.  Due Process din ang usapin ng kakailanganing antas ng patunay—degree of proof sa wikang Ingles—ang bigat ng ebidensya at tibay ng katiyakan.

Kung pananagutan o liability ang pag-uusapan, may tatlong malawak na uri nito:

Ang una ay “administratibo”.  Tumutukoy ito sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan at sa karapatan nilang magpatuloy sa kanilang panunungkulan.  Ang parusa ay maaaring pagsita lamang (reprimand) o pag-suspinde (nang ilang araw o nang ilang buwan) at pinakamatindi na ang pagkakatanggal (dismissal o removal).  Ang kinakailangang antas ng patunay sa mga kasong administratibo ay substantial evidence: basta’t mayroon lamang mapanghawakan ang naghuhukom na makakukumbinse sa isip at maaaring pagbatayan ng paghuhusga. 

Ang ikalawang uri ng pananagutan ay “sibil”; kadalasan, tumutukoy lamang sa mga ari-arian; at sa konteksto ng pork barrel scam, sa pagbabalik ng pera sa kaban ng bayan.  Ang kinakailangang antas ng patunay sa mga kasong sibil ay preponderance of evidence:  ang panig na may higit na patunay ang mananaig. 

Ang ikatlong uri ng pananagutan ay “kriminal”; tumutukoy sa paglabag sa kautusang may karampatang parusa sa batas, madalas ay pagkakulong (nang maikli o mahabang panahon, sang-ayon sa nilabag na kautusan).  Ang antas ng patunay na kinakailangan ay proof beyond reasonable doubt, patunay na walang iniiwanang dahilan para pagdudahan.  Isa sa pinakamahalagang bahagi ng Due Process ang pagpapalagay na ang isang nasasakdal sa usaping kriminal ay walang sala—presumption of innocence—hangga’t hindi napapatunayang may-sala.

Nababanggit natin ang lahat ng ito upang ilagay sa konteksto ng sistema ng batas ang pagpapanagot sa mga nasasangkot sa pork barrel scam.  Hindi madali.  May kasalimuotan ang ating sistema.  Ngunit hindi rin tumpak ang kasabihang, “Justice delayed is justice denied”.  Masarap nga lang pakinggan at hindi rin katakatakang nagmula sa isang pulitiko, si William Gladstone, na ilang ulit naging Prime Minister ng Inglaterra noong ika-labingsiyam na dantaon.

Ang totoo, Justice is justice; at hindi ito nakasalalay sa pagiging maaga o atrasado, dahil ang pagiging maaga o atrasado ay napaka-subhetibong panukat, nakabatay lamang sa kalooban ng taong nagmamasid, sa pagiging pasensyoso o mainipin ng sumusukat.  Hindi dapat piliting madaliin o sadyaing bagalan ang proseso; hayaang umusad ayon sa nararapat na daloy nito.  Ang mahalaga ay matupad ang batas sa titik at diwa nito.  Ito rin lamang ang maaari nating panghawakang batayan ng katarungan mula sa punto de vista ng sambayanan bilang sambayanan.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, September 18, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 6

KICKBACK, S.O.P., KOMISYON, TONGPATS

Isa sa mga kailangang linawin, kung talagang tatalikuran na natin ang kultura ng katiwalian sa pamahalaan, ang isyu ng “kickback”, madalas tinatawag ding “S.O.P.”, o “komisyon”, o tongpats.  Ano nga ba ito, at bakit masasabing “mali” o “masama” kung ito ang kalakaran?

Kung tutuusin, ang nabukong pork barrel scam na kinasasangkutan ng pamilyang Napoles ay tungkol din sa kickback, masyado nga lamang na sinagad ang “kita” ng sindikato, madalas wala nang natitira para sa proyekto, at lubhang napakalaki ng halagang nababanggit.  Marahil, kung hindi umabot sa ganoong antas, tuloy-tuloy pa rin ang kalakaran.  At kahit nga nagkaganon, hindi pa rin mabubulgar kung hindi sila ipinagkanulo ng mga kasamahan din nila, ang “whistleblowers” na pinangungunahan ni Benhur Luy na pinsan ni Janet Lim-Napoles.

Kaya naman “kickback” ang tawag sa perang napupunta sa pulitikong nanunungkulan ay dahil mistulang “sinisipa” ito “pabalik” sa pulitiko.  Perang mula sa kaban ng bayan, lalabas sa pamamagitan ni konggresman para sa programa o proyektong pampubliko, daraan sa kung aling ahensya ng pamahalaan at isasakatuparan ng pribadong kontratista na siyang magbabahagi ng kung ilang porsyento kay konggresman, bilang “komisyon” ni konggresman.  “Kickback” nga nararapat na tawag sapagkat “pailalim” ang pagbigay kay konggresman, patagĂ´; hindi maaaring iabot sa pamamagitan ng mga kamay, sapagkat kung ganoon ay maaaring makita ng iba.  Dahil nga naman naging kalakaran, nauso na ring tawaging “S.O.P.”, standard operating procedure.  Mas masarap nga naman ito pakinggan kaysa “kickback”.

Sa usapin ng pork barrel, konggresman ang magsasabi kung anong proyekto ang nais niyang paglaanan ng pondo, maaaring pagpatayo ng tulay o pagbili ng mga aklat-aralin para sa mga mag-aaral sa eskwelahan.  Kung pang-imprastraktura tulad ng tulay, ang pondo ay daraan sa DPWH na siyang magpapakontrata ng proyekto.  Dahil nakikisama ang District Engineer ng DPWH sa konggresman, “aayusin” o “lulutuin” ang bidding upang mapunta ang kontrata sa kontratistang gusto ni konggresman.  Si kontratista ang magbibigay ng S.O.P. sa konggresman—at, malamang, pati sa mga kawani ng DPWH na pinagdaanan ng mga dokumento.  Kung pagbili naman ng mga aklat-aralin, ang pondo ay daraan sa Schools Division ng DepEd na siyang magpapakontrata sa supplier ng textbooks.  Dahil nakikisama ang Division Superintendent sa konggresman, aayusin o lulutuin ang bidding upang mapunta ang kontrata sa supplier na gusto ni konggresman.  Si supplier ang magbibigay ng S.O.P. sa konggresman—at, malamang, pati rin sa mga kawani ng DepEd na pinagdaanan ng dokumento.

Malamang na nagsimula ang kalakaran sa sampung porsyento lamang ng halaga ng kontrata.  Ngunit bakit nga naman hindi taasan ang komisyon ni konggresman?  Naging biro tuloy na may mga mestisong mambabatas na fifty percent Filipino, fifty percent Chinese, at thirty percent Korean.  Hindi pala dahil taga-Korea kundi dahil madalas na bukambibig nito ang “I-advance mo na ang thirty percent ko riyan”.  Sa pahayag ni Benhur Luy sa pagdinig ng senado, umaabot ng limampung porsyento ng halaga ng proyekto ang napupunta sa mambabatas, kaya naman wala nang mapupunta sa proyekto:  ang natitirang limampung porsyento ay paghahatian na lang ng kontratista (o fixer tulad ni Napoles sa kuwento ni Luy) at ng mga kawani ng departamentong pagdaraanan ng mga dokumento.  Pepekehin na lamang ang mga papeles.

Marahil, may mga mambabatas na dating naniniwalang may karapatan sila sa S.O.P. o komisyon mula sa kanilang pork barrel.  Ngunit sa pagputok ng sampung bilyong pisong pork barrel scam na kinasasangkutan ng mga Napoles, dapat lamang na matigil na ito.  Malamang, hindi lamang si Napoles ang may ganitong raket; hindi lamang tatlong senador (mula sa dalawampu’t apat), at hindi lamang dalawampu’t tatlong konggresman (mula sa halos tatlondaan) ang kasali.

Masama ang kickback—tawagin mang S.O.P. o komisyon—sapagkat, unang-una, ipinagbabawal ito ng batas, na may karampatang parusang pagkakulong.  Ayon sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, “the following shall constitute corrupt practices of any public officer and are hereby declared to be unlawful:  (b) Directly or indirectly requesting or receiving any gift, present, share, percentage, or benefit, for himself or for any other person, in connection with any contract or transaction between the Government and any other party, wherein the public officer in his official capacity has to intervene under the law.”

Ngunit higit na mahalaga kaysa pagbabawal ng batas, masama ito sapagkat kung pahihintulutan, mangyayari at mangyayari ang paglapastangan sa pera ng kaban ng bayan—na dapat ay mapunta sa kabutihang panlahat—tulad ng sampung bilyong pisong pork barrel scam ng mga Napoles.  At sa bahagi ng mga mambabatas, kapag pinahintulutang tumanggap ng regalo o komisyon mula sa mga proyekto, sa malaon o madali, yung S.O.P. na ang magiging motibo sa pagtulak ng proyekto, hindi na kabutihang panlahat.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, September 14, 2013

SEPTEMBER 14, FEAST OF THE EXALTATION OF THE CROSS

(Ngayon po, September 14, ipinagdiriwang ang Feast of the Exaltation of the Cross.  Ang sumusunod po ay repost ng isinulat ko noong 2007, sa isa ko pang blog, .   Maligayang kapistahan sa lahat!)

4. THE CROSS AND HUMAN SUFFERING

A friend of mine once observed that there is much poetry in Catholicism.  He was referring to the wealth of imagery in the Catholic Faith.  This could be said also of Judaism and of other Christian groups, but perhaps it is more pronounced in the Roman Catholic Church.  The observation comes to mind because today, September 14, is the Feast of the Exaltation of the Holy Cross, logically followed tomorrow, September 15, by the memorial of Our Lady of Sorrows: “standing by the cross of Jesus, his mother”. (Jn 19:25)  The cross is probably the most utilized image in catholic liturgy.

Even before the time of our Lord, the cross must have already been a metaphor for suffering, at least within the Roman Empire, where crucifixion was precisely the gravest penalty for crime.  From the time of our Lord, however, to us, Christians, the cross has meant not just suffering, but “redemptive suffering”.

Suffering is integral to human nature, not only to our “wounded” human nature but also to our authentic human nature, not least because man is spiritual soul and material body.  The human body, like all matter, is destined to disintegration; hence the inexorable march towards the wrenching agony of the separation of body and soul which is death.

While Adam and Eve enjoyed freedom from suffering before the original sin, it was by way of a “preternatural gift”, i.e., a good beyond the nature of the human creature, although not beyond the nature of the totality of creation (in the same way that “immortality” is beyond human nature but “natural” to purely spiritual creatures like the angels).  When they turned away from God, Adam and Eve lost all their “gifts” and could only transmit to us, their descendants, what was their “nature”, a damaged or wounded human nature at that.


  1. The Redemption accomplished by our Lord Jesus Christ brings humanity into “intimacy with God”, actualized individually by grace with the free cooperation of man.  But while we now enjoy this “supernatural gift” (beyond the nature of all creatures), its definitive fulfillment for each of us, including liberation from suffering and death, would take place in eternity. 

Our Lord Jesus Christ did not remove suffering from the life of man on earth.  Rather, He made it the very means of salvation, of our sanctification.  We benefit from the Redemption accomplished by our Lord in so far as we are united with Him.  We must learn to unite our own sufferings with that of our Lord.

It is of course good, nay, laudable, to alleviate or remove suffering, our own and others’, in so far as suffering consists in the absence or privation of a good, as long as our action does not constitute a turning away from our ultimate good.  But it is best, for the sake of that highest good, to embrace suffering.  Thus, we can face with Christian cheerfulness the unavoidable setbacks and difficulties of each day.  We can also actively seek opportunities for self-denial, for love of God and neighbor, in many little things that do not really harm ourselves nor inconvenience others, and which could pass unnoticed.

Suffering is an indispensable condition for our entrance into eternal happiness.  “If anyone wishes to come after me, let him deny himself, and take up his cross daily, and follow me.” (Lk 9:23ff; cf. Mt 16:24; Lk 14:27)  Thus, the Church teaches:  “The way of perfection passes by way of the Cross.  There is no holiness without renunciation and spiritual battle.” (CCC, No. 2015) 

True, our Lord raised several persons from the dead, healed many sick and fed the hungry multitudes; but these must be seen as manifestations of His mercy and proofs of His Divinity, not as the inauguration of a world liberated from suffering.  In fact, after feeding the five thousand men, “when Jesus perceived that they would come to take him by force and make him king, he fled again to the mountain” (Jn 6:15). 

Our Lord did not come to bring political or economic liberation on earth.  The “messianic declaration”—“to bring good news to the poor he has sent me” (Lk 4:18) — “is to be understood mainly in a spiritual, transcendental sense” (The Navarre Bible, Note at passage).  It was precisely the Jews’ materialistic and earthbound reading of this quote from the prophet Isaiah (61:1ff) which blinded them from recognizing Jesus of Nazareth as the Messiah.  Let us not be misled by parties or movements that promise to eliminate poverty, injustice, suffering, from the life of man in the world. 

St. Josemaria writes:  “The happiness of us poor men, even when it has supernatural motives, always leaves a bitter aftertaste.  What did you expect?  Here on earth, suffering is the salt of our life.” (The Way, No. 203)  But also: 

Is it not true that, as soon as you cease to be afraid of the Cross, of what people call the cross, when you set your will to accept the Will of God, then you find happiness, and all your worries, all your sufferings, physical or moral, pass away?  Truly, the Cross of Jesus is gentle and lovable.  There, sorrows cease to count; there is only the joy of knowing that we are co-redeemers with Him. (The Way of the Cross, Second Station)


(14 September 2007)

Wednesday, September 11, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 5

ANG MALA-PYUDAL NA BALANGKAS NG PULITIKANG TRAPO

“Kung walang korap, walang mahirap”.  Hindi naman ito totoo sa literal na pakahulugan, ngunit isang malakas, tumatalab na pagpapaliwanag sa karalitaan ng maraming Pilipino, sapagkat lubos na pina-simple.  Ang totoong mensahe: corruption o ang kultura ng katiwalian sa pamahalaan ang isa sa pinakamalaking sanhi ng karalitaan ng ating bansa.  Ngunit may mas malalim pang masasabi kaugnay nito:  Ang pinag-uugatang sanhi ng kultura ng katiwalian sa pamahalaan ay ang mala-pyudal na balangkas ng pulitikang trapo, the feudal paradigm of traditional politics.

Mala-pyudal ang balangkas ng pulitikang trapo dahil umiinog ito sa ugnayan ng pulitiko, sa isang panig, bilang mistulang panginoong nagmamay-ari ng lupa, landlord; at, sa kabilang panig, ng kanyang mga tagasunod na manghahalal, bilang mga kasamá, serfs sa wikang Ingles.  Sa ugnayang ito, nalalagay sa kamay ng pyudal na panginoong pulitiko ang pagbibigay-lunas sa lahat ng personal na pangangailangan ng kanyang mga tagasunod, kapalit naman ang bulag at habambuhay na pagtalima, at palagiang pagtaguyod sa kandidatura ng pulitiko o ng kanyang angkan tuwing halalan, nang walang pakundangan sa anumang moral o legal na sukatan. 

Ito nga ay maihahalintulad sa pyudalismo, isang sistema ng ekonomiya o ng paglikha at pagpaparte-parte ng kayamanan sa lipunan, na bagamat hindi naman masama kung susuriin sa kanyang sariling katalagahan, ay hindi na angkop sa pangkalahatang realidad ng modernong sibilisasyon; kaya nga patay na ang pyudalismo bilang isang sistema ng ekonomiya.  Dumami na ang tao, at lumiit na ang mga lupaing pansakahang maaaring angkinin ng iisang tao; tumaas na rin ang antas ng kamalayan ng marami, lalo na tungkol sa likas na karangalan at mga karapatan ng tao bilang tao.  Bilang sistema ng ekonomiya, ang pyudalismo ay isa nang anakronismo, pinaglipasan na ng panahon.  Kasawiang palad nating magpahanggang ngayon, ang pyudal na balangkas ang siya pa ring namamayani sa konsepto ng pamahalaan at pamumuno, sa kaisipan ng marami nating mga manghahalal at mga pulitiko, sa ating tradisyunal na pulitika, sa pulitika ng trapo.

Isa sa mga maaaring itawag sa mala-pyudal na balangkas na ito ang “paternalismo”, sapagkat inihahambing sa isang ama ng pamilya—pater sa wikang Latin—ang pulitikong pinuno.  May pagkakatulad at kaugnayan din ito sa katagang patronage sa wikang Ingles, na nagpapahiwatig na namimigay ng kung-anuanong mga biyaya ang pulitiko, o kaya ay maaari siyang takbuhan o hanapan ng tulong sa panahon ng personal na kagipitan ng mamamayan.

Sa ganitong kalakaran, natatabunan ang prinsipyo ng kabutihang panlahat.  Personal o pribadong kabutihan ng indibidwal na mamamayan ang nagiging batayan niya sa pagpili ng kandidatong ihahalal at ito na rin ang nagiging sukatan ng mabuting pamahalaan.  Mali ito, sapagkat ang dapat na nilalayon ng buhay-lipunan at ng pamahalaan ay ang kabutihang panlahat—common good—at hindi pribadong interes.  Kung tutuusin nga, ito ang buod ng katiwalian sa pamahalaan:  ang paggamit ng yamang pampubliko para sa kabutihang pribado.

Sa ganitong kalakaran, patronage politics, talagang kakailanganin ng isang pulitiko ang limpak-limpak na salapi para mahalal at manatili sa panunungkulan, salaping hindi niya makakalap sa matuwid na paraan kundi sa pamamagitan lamang ng kung anu-anong raket.  Kailangang maging isang gambling lord, druglord, o lapastanganin ang kaban ng bayan, gaya ng nangyayari sa pork barrel ng maraming konggresman at senador.

Ito rin ang dahilan kung bakit, sa matagal na panahon, tila hindi matanggap ng maraming mambabatas na hindi tama ang sistema ng pork barrel (sa anumang tawag dito).  Mabuti na lang at sumabog din sa katagalan ang sistema sapagkat nabulgar na nagagawa palang doktorin ang mga dokumento upang kuwartahin o gawing pera ang mga proyekto at ipasok sa bulsa ng iilang taong kasama sa sindikato.

Bukod dito, isa pang sakit na dulot ng pyudal na konsepto ng tradisyunal na pulitika ang matinding personalismo sa pagpapatakbo ng pamahalaan:  ang pamahalaan at ang katauhan ng pulitiko ay itinuturing na iisa lamang, gayong magkaiba ito dapat.  Ang aksyon ng pamahalaan ay napapasalalay sa personal na kursunada o kapritso ng pulitikong nanunungkulan—o sa personal na katayuan ng mamamayan sa mata ng pulitikong nanunungkulan—gayong dapat ay nakabatay ito sa obhetibong mga sukatan ng sistema ng batas.  Ours is a government of laws, not of men.  Hindi dapat nakasalalay sa personal na pakikipag-ugnayan kundi nakabatay sa katarungan, sa kung ano ang nararapat ayon sa batas.

Ang mala-pyudal na balangkas ng tradisyunal na pulitika ay isa sa pinag-uugatang sanhi ng kultura ng katiwalian sa pamahalaan.  Kaya kung ang karalitaan ay nakaugat sa kultura ng katiwalian sa pamahalaan, lalong nakaugat ito sa mala-pyudal na balangkas ng pulitikang trapo.  Pairalin ang Bagong Pulitika!

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, September 4, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 4

SEPARATION OF POWERS (II)

Noong nakaraan, napagusapan natin ang prinsipyo ng separation of powers sa konteksto ng pork barrel scam na sinasabing pinasimunuan ng isang Janet Lim-Napoles.  Marahil ay mabuti ring paglaanan pa ng pansin ang paksang ito mula sa anggulo ng totoong tungkulin ng isang konggresman.

Ano nga ba ang talagang trabaho ng isang konggresman?

Unang-una, bilang miyembro ng konggreso, natural na ang tungkulin ng isang konggresman ay dumalo sa mga pagpupulong ng mga komiteng kanyang kinabibilangan, at sa mga sesyon ng plenaryo o kalahatang kapulungan.  Ibig sabihin, makilahok sa talakayan, magbahagi ng kanyang matalinong kuro-kuro at kaalaman, at tumulong sa mahusay na pagbabalangkas ng mga panukalang-batas.  Wala na ring sinasabing iba pang tungkulin ng konggresman ang Saligang Batas kaya naman marapat nga lamang na ang staff o mga katulong ng isang konggresman ay aanim na tao lamang (isang office manager o chief of staff, at mga matatawag na personal assistants tulad ng secretary, receptionist, researcher, utility aide, at driver).  Para sa bawat konggresman, ito lamang ang mga kasamang sinusuwelduhan ng konggreso; at ang opisina ng konggresman ay masasabing kuwartito lamang sa Batasan.  Tama lamang, sapagkat wala namang dapat na tungkulin ang konggresman maliban sa kanyang pakikilahok sa mga pagpupulong ng konggreso.

Ang konggreso ay isang parliamentary assembly, sa malawak na kahulugan nito, ibig sabihin, pagtitipong may nagaganap na usapan o salitaan, mula sa katagang parler, wikang Pranses, na ang ibig sabihin ay “salita”.  Kaya nga tama lang ang kantiyaw sa mga miyembrong walang sinasabi, na sila raw ay miyembro ng Committee on Silence.  Ang totoong tungkulin ng konggresman o kagawad ng lokal na sanggunian ay magsalita sa kapulungan; hindi naman araw-araw, ngunit hindi dapat mawalan ng naibahaging nakapagpayaman sa talakayan sa higit na maraming pagkakataon o sa kalakihang bahagi ng panunungkulan.

Kaugnay nito, isa sa mga dapat pagtakhang penomenon sa ating pulitika ang sigaw-pangkampanyang “Gawa, hindi salita”.  Kahit hindi sa kandidatura para konggresman, mahalaga ang “salita”: nauuna sa gawa, sapagkat pagsasa-wika ang natatanging paraan natin bilang mga tao upang linawin at ibahagi ang nilalaman ng “isip”.  Kung may nasabi, may inisip.  Ang “gawa” na hindi sumunod sa “salita” ay malamang na hindi pinag-isipan; o kaya, kung walang salita, walang aasahang mabuting gawa.

Ngunit ito ay indikasyon lamang o sintomas ng maling pag-aakalang pareho lamang ang tungkulin ng isang konggresman at ng isang punong ehekutibo tulad ng gobernador o mayor.  Mali, sapagkat, bilang mga punong ehekutibo, ang isang gobernador o mayor ay talagang itinalaga ng batas na magsa-gawa, magpatupad ng mga programa at proyekto, kaya rin naman sila ang may kontrol sa burukrasya—sa maraming departamento at kawani ng pamahalaang lokal—may legal na karapatang mag-utos, magtalaga at magtanggal ng kawani.  Ang nagtatalaga at ang may kapangyarihang magtanggal sa Provincial Health Officer ay ang Provincial Governor.  Ang nagtatalaga at ang may kapangyarihang magtanggal sa Municipal Engineer ay ang Municipal Mayor.

Walang ganitong kontrol sa burukrasya ang isang konggresman.  Hindi siya ang nagtatalaga, wala rin siyang kapangyarihang magtanggal, sa District Engineer ng DPWH o Division Superintendent ng DepEd sa kanyang distrito, kahit na ito ay mga ahensya ng pamahalaang nasyonal.  Kalihim ng DPWH ang boss ng District Engineer; Kalihim ng DepEd ang boss ng Division Superintendent of Schools; hindi si konggresman.  Kaya nga, kahit na sabihing si konggresman ang naglaan ng pondo mula sa kanyang pork barrel upang kongkretuhin ang isang daan, wala pa rin siyang karapatang bantayan, sitahin o turuan ang District Engineer sa pagsasagawa nito; at kapag ginawa iyon ni konggresman, maaari siyang ireklamo ng District Engineer.  Mali pa rin ang ganitong panghihimasok ng konggresman kahit na sabihing may oversight powers ang konggreso, sapagkat ang kapangyarihang “magbantay” na ito ng konggreso ay isang kolektibong kapangyarihan, hindi maaaring angkinin ng indibidwal na konggresman; dapat idaan sa pamamagitan ng legislative inquiry o pagsisiyasat ng kapulungan bilang kapulungan.  Mula sa praktikal na pagsuri, tama lamang na walang karapatang manghimasok ang konggresman sa gawain ng District Engineer sapagkat hindi naman masasabing mas marunong si konggresman sa pag-kongkreto ng mga daan; at kahit pa magkataong inhinyero rin si konggresman, mawawalan siya ng panahong gampanan ang totoo niyang tungkulin sa konggreso kung aagawan niya ng tungkulin si District Engineer.  Kaugnay ng lahat ng ito, masasabi ring mali nga talaga ang pag-angkin ng mga proyekto ng konggresman.  Hindi naman niya talaga pera ang ginugol, kahit na nagmula sa kanyang PDAF; at lalong malabong isiping siya ang “gumawa” o “nagpatupad” ng mga ito.  Sa kahulihulihan, isa ito sa mga hindi makatotohanang aspeto ng tradisyunal na pulitika, na siyang pinag-uugatang sanhi ng kultura ng katiwalian.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.