Friday, October 22, 2010

BALITANG BATASAN 2 (10/16/2010)

Mga kababayan sa ikalawang distrito ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa: ito po si Dennis Socrates, ang inyong kinatawan sa konggresso at ikinagagalak ko po ang pagkakataong ito na makapagbahagi sa inyo ng aking niloloob kahit na sa pamamagitan lamang ng telepono sapagkat nandito pa po ako sa kamaynilaan.


Kagabi po o kanina pala iyon, alas tres na ng umaga nang matapos ang pagtalakay sa panukalang budget ng administrasyong Noynoy Aquino, pumasa na sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives, bagamat daraan pa sa ikatlong pagbasa sa pagbukas uli ng kapulungan. Pahinga sa mga sesyon ang konggreso hanggang November 8 ngunit may ilang mga komite rin na nagsipagtakda ng mga meeting sa panahong ito.


Dahil tapos na ang pagtalakay sa budget, malamang na mapag-usapan na sa konggreso ang kontrobersiyal na Reproductive Health bills; naipanukala na sa ilang nakaraang konggreso ngunit hindi pumasa at ngayon ay sinusubukan uli, ilang miyembro ng House of Representatives ang nagsampa ng kani-kanyang bersiyon ng panukala ngunit ang pinakatanyag ay ang House Bill No. 96 ni Congressman Edcel Lagman, sapagkat siya rin ang naging pinakamalakas na tinig sa pagsulong nito sa dalawang nagdaang konggreso.


Ang buod ng mga Reproductive Health bills na ito ay ang pag-obliga sa pamahalaan at mga health workers na gumugol ng salaping nagmula sa buwis ng mga mamamayan upang mamigay ng mga kontraseptiba. Ang tinutukoy po ng kontraseptiba ay mga artipisyal na kagamitan o droga na pumipigil o pumuputol sa pagbubuntis o pag-aanak. Ako po ay tutol sa panukalang ito sapagkat ang conraceptive sex ay labag sa batas-kalikasang-moral, ibig sabihin, salungat sa kabutihan ng tao bilang tao.


Immoral po ang contraceptive sex sapagkat ang kakayahang mag-sex ng tao ay likas na nakatakda sa dalawang hantungan: una, sa pag-iisa, union, sa pag-iibigan ng mag-asawa; at, ikalawa, sa pagkakaroon ng bunga, sa pagkakaroon ng supling, procreation. Kaya ang tama at mabuting paggamit sa kakayahang mag-sex ay dapat na bukas o umaayon at hindi kontra sa dalawang layuning ito: may pag-ibig at tinatanggap ang posibleng maging supling, bukas sa pagkakaroon ng bunga, sa pag-aanak. Okey ang paggamit ng kakayahang mag-sex kung, una, may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik, at, ikalawa, bukas ang kanilang kalooban sa pagkakaroon ng supling, o sa pinakamababang sukatan nito, wala silang ginawa para pigilan ito. Kailangan laging naroon ang dalawang kondisyong ito, hindi pwedeng paghiwalayin.


Ang sinasabi ng pumapabor sa kontraseptib sex, okay ang sex kung may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik, makatao na raw ito, hindi na immoral, kapag may pag-iibigan, kahit na sadyaing pigilan nila ang pagbunga nito.


Mali po ang pananaw na ito. Hindi maaaring sabihing isa lamang ang likas na hantungan ng kakayahang mag-sex ng tao, na ito ay okay na bastat may pag-ibig. Hindi maaaring bale-walain o isa-isantabi ang pagkakatakda nito sa pagkakaroon ng bunga. Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang hantungang ito ng pag-aasawa.


Hindi nga naman maaring sabihin okay ang sex kung bukas lamang sa pag-aanak ang magkatalik. Kapag walang pag-ibig, rape ang tawag sa sex, isang kamaliang moral. Kung sasabihin namang ang likas na layunin ng sex ay natutupad na sa pag-iibigan lamang ng magkatalik, magiging okay na pala ang sex sa pagitan ng magkasing-kasarian, homosexuality. At kaya nga alam nating immoral ang homosexual intercourse ay dahil hindi ito maaaring tumupad sa layunin ng pag-aanak. Isa pa, kung sasabihing hindi kailangang maging bukas sa pag-aanak ang sex, mawawalan na rin ng saysay ang institusyon ng kasal. Kaya nga laging kasunod ng paglaganap ng kontraseptibo ang pagkasira ng institusyon ng kasal, nauuso ang diborsyo.


Magandang pagmunimunihan ang dahilan kung bakit may may institusyon ng kasal ang halos lahat ng lipunan, kahit mga sinaunang tribo, kahit papaano, may seremonya kung saan ang nag-iibigang nais magsama at magtalik ay nangangako sa harapan ng tribo na sila ay nagpapatali sa isa’t-isa nang pangmatagalan. Ito ay dahil nga likas na nakatakda ang pag-aasawa sa pag-aanak. Ang buhay ng tao, na bunga ng pagtatalik, ay maselan at mahina sa simula at kailangan ng matagal na pag-aaruga, kailangan ng pagtutulungan ng ama at ina sa matagal na panahon bago maging handa ang kanilang supling na mamuhay nang sarili. Kailangang itali, obligahin, sa tungkuling ito ang mag-asawa sa harap ng tribo. Ang tribo ay may karapatang tiyakin ang kapakanan ng mga sumusunod na salinlahi; kung hindi ay mauubos o malilipol ang tribo.


Kung ang sex ay hindi likas na nakatakda sa pag-aanak, walang dahilan para talian ang dalawang taong gustong makipag-sex sa isa’t-isa. Walang dahilan ang institusyon ng kasal. Okay lang ang live-in, okay na rin ang diborsyo, kahit na malinaw na ipinagbabawal sa Bibliya. At kung walang kasal, laging may madedehado sa paghihiwalayan; palibhasa’y nakakita lamang ang isa ng mas mayaman, mas makisig o mas maganda, maaaring iwanan na ang dating kasama. Palibhasa nawalan ng trabaho si mister, maghahanap na ng ibang asawa si misis; o palibhasa pumangit o nagkasakit na si misis, maghahana na ng iba si mister.


Kung immoral ang contraceptive sex, hindi ito dapat itulak ng pamahalaan. Sisirain nito ang pamilya.


Marami pa ang maaaring sabihin tungkol dito ngunit tama na muna. Nais ko lamang bigyan ng diin na sa issue ng contraceptive sex ay tatamaan din ang isyu ng limitasyon sa kalayaan ng tao. Kapag ang isang tao ay nakapagdesisyon nang mag-asawa o gamitin ang kakayahang mag-sex, malaya pa ba siyang tumanggi sa likas na bunga nito? Puwede namang hindi gamitin ang kakayahang mag-sex.


Ang kalayaan ng tao, ang kakayahan nating itukoy ang sarili sa huling dapat kahantungan, ay hindi lubos, may mga limitasyon. Kailangang makisama sa obhetibong realidad, kasali ang mga katotohanan ng ating kalikasan bilang tao. Limitado rin tayo ng pagkakataling bunga ng bawat pagpili. Wala rin namang kabuluhan ang kalayaan, ang kakayahang pumili, kung hindi ito nauuwi sa pagpili at pagpapatali, commitment. At dahil maaaring higit na kaligayahan o kapighatian ang dulot nito, wala rin tayong ibang masisisi sa ating kahahantungan. Hindi mahihiwalay sa pananagutan ang kalayaan.


Maraming salamat po at all the best po sa inyong lahat.

Saturday, October 2, 2010

BALITANG BATASAN

Mga kababayan ko sa ikalawang distrito ng Palawan at sa lungsod ng Puerto Princesa: Ito po si Dennis Socrates, ang inyong kinatawan sa konggresso. Magandang araw po sa inyong lahat. Nais ko pong mag-ulat tungkol sa mga kaganapan sa House of Representatives nitong mga nakaraang araw.

Nitong katatapos na buwan po ng September, naging abalang-abala ang House of Representatives sa pagtalakay sa panukalang budget ng administrasyong Aquino para sa susunod na taong 2011. Bagamat ang usapan ay sa baitang pa lamang ng Appropriations Committee, maraming mga congressman ang dumadalo sa pagpupulong kahit hindi sila miyembro ng komite. May karapatan din nga naman ang lahat ng congressman na makilahok sa usapan at magtanong, kahit na mga miyembro lamang ng komite ang may boto sa mga pagpapasyang ginagawa ng komite.

Maraming tao palagi, umaga at hapon, sapagkat dumadalo rin ang mga pinuno ng bawat ahensya ng pamahalaan, may mga staff din silang kasama, upang depensahan ang panukalang budget para sa kani-kanilang ahensya.

Hindi po ako miyembro ng Appropriations Committee ngunit dumalo rin ako sa ilang pagpupulong nito at nitong nakaraang mga araw, nagkasama kami ng mga taga Palawan Council for Sustainable Development: sina Director Romy Dorado at Director Wewet Tabugon sa pagprisinta ng budget ng PCSDS. Noong sumunod na araw, mga taga Palawan State University naman, sina Dr. Fe Ricon at Mam Rowena Pareja.

Sa kabuuan ng buwan ng September, halos lahat din ng Regional Directors ng mga Departamento sa MIMAROPA Region ay nakapulong natin, kasama ko ang iba pang kinatawan ng MIMAROPA Region, at napag-usapan iba’t-ibang programa’t proyekto ng bawat departamento.

Natuwa po ako sapagkat nakita kong sa pangkalahatan, alam na alam ng mga Regional Directors na ito ang kanilang misyon, may mga naibabahagi pa silang mga tip kung paano mapahusay ang takbo ng gobyerno sa nibel ng polisiya. Karamihan sa kanila ay may mga master’s at doctor’s degrees, talung-talo kaming mga pulitiko, at nakumpirma ang matagal ko nang hinalang hindi ako maaaring magkunwaring magmarunong sa mga kawaning ito.

Isa sa mga paborito kong teoriya sa pulitika o governance ay ang kaisipang higit na magiging mahusay ang serbisyo ng gobyerno habang higit na bibigyang laya ang burukrasyang gawin ang kani-kaniyang tungkulin sa kani-kanyang departamento; sa madaling salita, kung babawasan pa ang pakikialam ng mga pulitiko o halal na opisyal.

Sa isang banda, natural lamang na hindi maaaring mawalan ng pakialam ang pulitiko sa takbo ng burukrasya. Ang halal na pinuno ay kumakatawan sa mga mamamayan at nariyan upang tiyaking may kakayanan ang mga kawaning nakatalaga sa burukrasya, at upang pasunurin sila kung sakaling lumabag talaga sa batas. Kaya nga sa mga chief executives, ang pinakamahalagang kapangyarihan ay ang “power to appoint”, kasama riyan ang hiring, firing at disciplinary power. Sa kabilang banda, pagkatapos na maitalaga at huwag lamang lumayo ng direksyon o umabot sa malinaw na paglabag sa batas, malaki dapat ang kalayaan ng kawani ng burukrasya na isakatuparan ang kanilang misyon, pabungahin ang kanyang departamento, sapagkat siya ang may higit na kaalaman at kasanayan sa kanyang gawaing iyon, hindi ang pulitiko, at lalong hindi ang isang congressman. Whew! Ang dami ko na yatang sinabi…

Nitong nakaraang halos buong buwan din ng September, isa sa malaking usapin ang impeachment cases na isinampa laban kay Ombudsman Merci Gutierrez. Ang dalawang halos magkatulad na reklamo ay isinampa nina dating Congresswoman Risa Hontiveros at ilan pang kasama niya. Ang isa pa ay isinampa naman ni Ginoong Renato Reyes ng Partido Bayan Muna, at may ilan ding kasama.

Ang buod ng reklamo sa impeachment cases na ito ay ang hindi pag-aksyon ng Ombudsman sa ilang malalaki at tanyag na kontrobersiya na, ayon sa mga nagrereklamo, dapat ay nauwi sa kasong kriminal laban sa mga nasasangkot (gaya nina dating Undersecretary Joselyn Bolante). Ito raw kawalan ng aksyon ay masasabing “culpable violation of the constitution” na isa sa mga grounds for impeachment.

Matapos pagpasyahan ng Committee on Justice na ang mga reklamo ay “sufficient in form and substance”, nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema ang Ombudsman at nakakuha ng Status Quo Ante Order: Ito ay kautusang ibalik ang kalalagayan ng mga nasasangkot sa kung nasaan sila bago magkaroon ng kontrobersiya; sa madaling salita, pinatitigil ang proseso ng impeachment sa baitang pa lamang ng komite.

Dahil dito, nang magpulong uli ang Committee on Justice noong nakaraang Martes, tinalakay agad ang epekto ng Status Quo Ante Order, kung ito ba ay dapat sundin at itigil nga ang proseso ng impeachment, o kung dapat bang ituloy ng komite ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon na kailangang matapos sa nakatakdang bilang ng araw. Miyembro po ako ng Committee on Justice.

Tatlong oras halos ang debate, bawat panig ay may magagandang punto, kaya nauwi sa botohan, at sa limampu’t limang kasapi ng komite, tatlumput tatlo ang nagsabing ituloy ng komite ang proseso ng impeachment, labing-apat ang bumoto kontra, isa ang nag-abstain at tila pito ang absent. Ako po ay bumoto sa panig ng pagpapatuloy ng proseso ng impeachment sapagkat naniniwala akong hindi lamang konstitusyon o batas ang batayan ng pagiging tama ng mga akto ng mga maykapangyarihan; dapat ay laging makatuwiran ang mga ito.

Higit na mataas pang pamantayan kaysa konstitusyon ang pagiging matuwid. Kahit na sabihin nating Korte Suprema ang pinakamataas na tagabigay ng kahulugan sa konstitusyon at batas, kapag hindi makatuwiran ang naging pasya, maaaring may obligasyon ang isang institusyong gaya ng konggresso na huwag sundin iyon.

Sa debateng naganap, malinaw ang labanan ng dalawang pilosopiya tungkol sa batas: sa isang banda, ang pananaw ng “legal positivism”, na nagsasabing ang batayan ng pagiging tama o mali ay ang batas din mismo; at sa kabilang banda, ang pananaw ng pilosopiyang “natural law” na nagsasabing ang batas ng tao ay pakikibahagi lamang at dapat ay naaayon sa higit pang mataas na batas, sa batas ng Diyos at batas-kalikasang-moral.

Kailangan nang magtapos. Sa susunod na natin pag-usapan ang Reproductive Health Bill.

Ngayon ay October 2, pista ng mga banal na anghel de la guwardiya, ikawalumput-dalawang anibersaryo rin ng pagkakatatag ng Opus Dei. Maligayang kapistahan sa inyong lahat! Kahapon naman, pista ni Sta. Teresita del NiƱo, kaya belated happy fiesta sa parokya ng Sta. Teresita sa Aborlan, kay Fr. Armand Limsa, at sa Ligit, sa bayan ng Dumaran kung naririnig tayo roon. Noong September 29, pista rin ng mga Arkanghel kaya belated happy fiesta sa parokya ng San Miguel, kay Monsinyor Jess De los Reyes, at sa Barangay San Rafael.

Hanggang sa susunod na Sabado, all the best po sa inyong lahat!