Saturday, December 21, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 15

RH LAW REVISITED 2

Sa cover story ng Time Magazine na lumabas noong nakaraang ilang araw (December 2, 2013), tampok ang naging masamang resulta ng one-child policy na umiral at umiiral pa rin sa China:  kulang na ang kanilang populasyon at nakikinitang lubhang mahirap nang kumbinsihing magparami ng mga anak ang kanilang mga mamamayan, matapos ang ilang dekadang pagpigil sa pag-aanak.  Ngunit hindi lamang China.  Ang Singapore din (at marami pang bansa lalo na sa Europa) ay nagsisisi sa pagpapalaganap ng contraceptive sex dahil nararanasan nila ang walang humpay at nakakatakot na pagliit ng kanilang mga populasyon, aging ang waning population, ang tinatawag na demographic winter.  Mainam ngang suriin pa natin ang aspetong ito ng immoralidad ng contraceptive sex, at ng RH Law na nagtutulak nito.

Ang kakayahang sekswal ng tao ay likas na nakatakda sa pag-aanak—kaya nga “reproductive system”  ang tawag sa kalipunan ng mga bahagi ng katawan na nasasangkot sa sex—at may maling paggamit, may pag-abuso, may kamaliang moral kapag ginamit natin ang kakayahang ito nang may pagtanggi sa kanyang likas na dapat kahantungan.   Ito ang dahilan kung bakit masama, immoral, ang contraceptive sex:  ginagamit ang kakayahang sekswal habang sadyang tinatanggihan ang likas na dapat nitong kahantungan, pinipigilan ang posibilidad na magbunga ito.  Makikita rin dito:  bagamat immoral ang contraceptive sex, hindi masama ang mga kaparaanang tinatawag na natural family planning methods sapagkat sa mga natural na kaparaanang ito, hindi ginagamit ang kakayahanag sekswal sa mga araw na maaaring magbunga ito.  Walang pag-abuso sa kakayahang sekswal; walang pagpigil sa likas na daloy ng mga pangyayari.

Sa isang banda, maihahalintulad ang kakayahang sekswal ng tao sa kakayahang kumain.  Ang likas na nakatakdang layunin ng kakayahang kumain ay ang nutrisyon at kalusugan ng ating katawan; at may pag-abuso, may kamaliang moral kapag ang akto ng pagkain ay kumontra dito.  Halimbawa nito ang labis-labis na pagkain ng litson, na nakatuon lamang sa sa sarap na nadarama ng ating panlasa:  katakawan ang tawag dito. 

Dapat nating isaalang-alang:  ang sarap na nararanasan sa pagkain, ganun din sa paggamit ng kakayahang sekswal ng tao, ay paraan lamang o insentibo; instrumento ng kalikasan upang tulungan tayong tupdin o isagawa ang kinakailangang gawin—pagkain at pakikipagtalik—tungo sa mga likas na dapat kahantungan ng mga gawaing iyon:  kalusugan ng indibidwal, sa bahagi ng pagkain; at pagbunga ng anak (pagpapalago o pagpapalusog sa sambayanan) sa bahagi ng sex.

Ganunpaman, magkaiba pa rin ang sex at pagkain:  Sabi nga ni San Josemaria Escriva, “For, unlike food, which is necessary for the individual, procreation is necessary only for the species, and individuals can dispense with it.” (The Way, No. 28)  Ang pagkain, kailangan para sa patuloy na pag-iral ng indibidwal; ang sex, kailangan para sa patuloy na pag-iral ng sambayanan, hindi talaga kailangan ng indibidwal.  Maaaring mabuhay nang masaya ang indibidwal kahit hindi gamitin ang kakayahang sekswal; at patunay dito ang buhay ng mga santong selibato.

Ang pagkain nga naman ay direktang nakatakda sa kabutihan ng indibidwal; ang sex, sa kabutihan ng pamilya at ng sambayanan, sa pagpapatatag ng lahi.  Ito rin ang dahilan kung bakit higit na madaling makita ng indibidwal ang kasamaan ng katakawan sa pagkain, ng walang prenong hilig sa pagkain at inumin, kaysa kasamaan ng contraceptive sex.  Ang hindi kanais-nais na resulta ng maling paggamit sa kakayahang sekswal, bagamat may pinsala sa pamilya at sambayanan, ay hindi agad ramdam ng indibidwal; di tulad ng katakawan sa pagkain o kalasingan sa inumin: masakit sa ulo at nakapanghihina ng katawan.  Bukod sa pagkakaibang ito ng sex at pagkain, higit na matindi rin ang sarap ng sex kaysa sarap na nararanasan natin sa pagkain.  Ang higit na matinding sarap mula sa sex ay “gantimpala” ng indibidwal sa paglingkod sa sambayanan. 

Karamihan sa atin, kakain pa rin, kahit sa marahan lang na udyok ng pagkahilig—kahit hindi masarap ang pagkain—dahil alam nating kailangang kumuha ng sustansya mula sa pagkain upang mabuhay.  Sa kabilang dako, malamang na bihira ang mag-aasawa at mag-aanak kung wala ang matinding sarap na kalakip ng sex.  Kaya nga, kapag iisiping ayos lang ang contraceptive sex—kapag tinanggal ang pag-aanak o procreative purpose na likas na hantungan ng sex—hindi mapipigilan ang pababang pagbulusok ng bilang ng mga mamamayan.  Masasabi nga na kung ang katakawan sa pagkain ay nauuwi sa kamatayan ng indibidwal (dahil sa hypertension, diabetes, at iba pa), ang katakawan sa sex—paggamit nito para lamang sa sarap, na may pagtanggi sa likas na layuning magbunga—ay nauuwi sa kamatayan ng pamilya at ng sambayanan. 

Marami pa ang masasabi tungkol sa pagiging labag sa Batas Kalikasang Moral ng RH Law.  Ipagpaliban na muna natin ang pagtalakay sa mga ito.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, December 14, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 14

RH LAW REVISITED

Isang halimbawa ng “political decision” na lumalabag sa Batas Kalikasang Moral at sa batas ng sambayanan ang RA 10354, The Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, tawagin na lang nating “RH Law”.  Dahil lumalabag sa batas ng sambayanan, ito ang paksa ng ilang petisyon sa Korte Suprema na hinahangad na mapawalang-bisa ang nasabing batas.  At dahil may kasong nakabinbin, minabuti ng hukumang ipatigil muna ang pagpapatupad.  Ngunit hayaan na muna natin ang aspeto ng legalidad sa hukuman at pagtuunan ng pansin ang paglabag sa moralidad.

Ang buod ng RH Law ay ang pag-obliga sa pamahalaan at mga health workers na gumugol ng salaping nagmula sa buwis ng mga mamamayan upang mamigay ng mga kontraseptiba o itulak ang “contraceptive sex”, o pagtatalik na sekswal na ginagamitan ng artipisyal na mga pamamaraan o gamot na pumipigil o pumuputol sa pagbubuntis o pag-aanak.  Ito ay labag sa batas-kalikasang-moral; ibig sabihin, salungat sa kabutihan ng tao bilang tao.

Immoral ang contraceptive sex sapagkat ang kakayahang mag-sex ng tao ay likas na nakatakda sa dalawang hantungan: una, sa pag-iisa, union, sa pag-iibigan ng mag-asawa; at, ikalawa, sa pagkakaroon ng bunga, sa pagkakaroon ng supling, procreation. Kaya ang tama at mabuting paggamit sa kakayahang mag-sex ay dapat na bukas o umaayon at hindi kontra sa dalawang layuning ito: may pag-ibig at tinatanggap ang posibleng maging supling; bukas sa pagkakaroon ng bunga, sa pag-aanak.  Okey ang paggamit ng kakayahang mag-sex kung, una, may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik; at, ikalawa, bukas ang kanilang kalooban sa pagkakaroon ng supling; o sa pinakamababang sukatan nito, wala silang ginawa para pigilan ito.  Kailangan laging naroon ang dalawang kondisyong ito, hindi pwedeng paghiwalayin.

Ang sinasabi ng pumapabor sa contraceptive sex, okay ang sex kung may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik.  Makatao na raw ito, hindi na immoral, kapag may pag-iibigan, kahit na sadyaing pigilan nila ang pagbunga nito. 

Mali ang pananaw na ito. Hindi maaaring sabihing isa lamang ang likas na hantungan ng kakayahang mag-sex ng tao, na ito ay okay na bastat may pag-ibig. Hindi maaaring bale-walain o isa-isantabi ang pagkakatakda nito sa pagkakaroon ng bunga.  Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang hantungang ito ng pag-aasawa.  At sa katunayan, ito ang turo ni Papa Pablo VI sa kanyang Liham Encyclical na pinamagatang Humanae Vitae, “Buhay ng Tao”, na inilabas noong taong 1968.

Nakakatulong nga ang pananampalataya sa pagkilala natin sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral.  Hindi nga naman maaring sabihin okay ang sex kung bukas lamang sa pag-aanak ang magkatalik.  Kapag walang pag-ibig, rape ang tawag sa sex, isang malinaw na kamaliang moral.  Sa kabilang dako, kung sasabihin namang ang likas na layunin ng sex ay natutupad na sa pag-iibigan lamang ng magkatalik, magiging okay na pala ang sex sa pagitan ng magkasing-kasarian, homosexuality, gayong isinusumpa ito sa Banal na Kasulatan.  At kaya nga alam nating immoral ang homosexual intercourse ay dahil hindi ito maaaring tumupad sa layunin ng pag-aanak.  Isa pa, kung sasabihing hindi kailangang maging bukas sa pag-aanak ang sex, mawawalan na rin ng saysay ang institusyon ng kasal.  Kaya nga laging kasunod ng paglaganap ng contraceptive sex ang pagkasira ng institusyon ng kasal, ng pamilya.  Nauuso ang diborsyo.  At nililinaw din ng pananampalataya ang immoralidad ng diborsyo.  Mismong ang Panginoong Hesukristo ang nagsabi, “Huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos” (Mt 19:6).

Mabuting pagmunimunihan ang dahilan kung bakit may institusyon ng kasal ang halos lahat ng lipunan.  Maging ang mga sinaunang tribo, kahit papaano, may seremonyang pagdaraanan ang nag-iibigang nais magsama at magtalik.  Sa harapan ng tribo sila nangangako at nagpapatali sa isa’t-isa nang pangmatagalan.  Ito ay dahil nga likas na nakatakda ang pag-aasawa sa pag-aanak.  Ang buhay ng tao, na bunga ng pagtatalik, ay maselan at mahina sa simula at kailangan ng matagal na pag-aaruga; kailangan ng pagtutulungan ng ama at ina sa matagal na panahon bago maging handa ang kanilang supling na mamuhay nang sarili.  Dahil dito, kailangang itali, obligahin, sa tungkuling ito ang mag-asawa sa harap ng tribo.  Ang tribo ay may karapatang tiyakin ang kapakanan ng mga sumusunod na salinlahi; kung hindi ay mauubos o malilipol ang tribo.

Kung ang sex ay hindi likas na nakatakda sa pag-aanak, walang dahilan para talian ang dalawang taong gustong makipag-sex sa isa’t-isa.  Walang dahilan ang institusyon ng kasal.  Okay lang ang live-in, okay na rin ang diborsyo.  Ngunit alam nating mali ito.  Immoral ang contraceptive sex sapagkat ito ay pag-abuso, maling paggamit, sa kakayahang sekswal ng tao; paggamit na may pagtanggi sa likas na nakatakdang layunin ng sex; kontra sa tunay na kalikasan ng tao bilang tao.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, December 4, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 13

POLITICAL DECISIONS 2

Noong nakaraan, nasabi nating political decisions ang tawag sa mga pagpapasyang nakasalalay sa kursunada ng pulitikong nanunungkulan bilang tinig ng sambayanan, mga pagpiling hindi nasasangkot ang isyu ng moralidad o ng legalidad.  Maitatanong natin, marahil, saan naman pumapasok ang mga batayang pang-teknolohiya o siyentipiko?

Unang-una, hindi absoluto ang kaalamang mula sa pisikal na mga agham.  Sa maraming pagkakataon, hindi rin nagkakasundo ang mga tinaguriang dalubhasa.  May kanser ba ang pasyente o nilagnat lang sa pagod?  Natural din lamang ito sapagkat, sa kahulihulihan, ang batayan ng kaalamang siyentipiko ay mula sa pisikal na realidad na napapasa-atin sa pamamagitan ng ating mga pisikal na pandama.  At alam nating lahat na madali ring magkamali ang ating mga pandama—may hindi nakita, nagkulang o lumabis sa pagbilang—at madali ring sadyaing linlangin o paglakuan ng ilusyon o kasinungalingan, ng salamangkero at ng propagandista, ng bayarang survey o mamamahayag. 

Bukod dito, hindi rin maikakailang madalas na nakukulayan ng nilalaman ng ating kalooban ang pananaw natin sa pisikal na bagay na kinakaharap.  May subhetibong paghusga maging sa inaakalang obhetibong kaalamang siyentipiko.  Mainit sa isa, malamig naman sa iba ang 20 degrees Celsius na setting ng airconditioner.  Ang ibig nating sabihin, hindi malinaw na batayan ang agham o natural sciences.  Lalo na ang tinatawag na social sciences tulad ng economics at sociology.  Higit na may katiyakan ang sukatan ng moralidad, lalo na sa mga nagkakaisa sa pananampalataya; ganundin ang mga kautusan ng batas.

Sa kabilang dako, hindi naman natin masasabing ipailalim na lamang sa political decisions ang mga datos ng natural sciences.  Sa katunayan, marami ring kaalamang mula sa agham na hindi pinagdududahan ninuman at walang debate.  Ganunpaman, sa mga pagkakataong iyon, maaaring sabihing pumapasok na sa larangan ng moralidad ang pagpasyang isaalang-alang ang datos ng agham o hindi.  May paglabag sa moralidad kung hindi isaalang-alang ang malinaw na wastong datos ng agham.  Madalas din, naisasabatas pa ang pagtalima rito: bawal ang shabu dahil nakasisira ng pag-iisip at nakamamatay.

Ang buod ng tungkulin ng pulitikong nanunungkulan ay magsagawa ng political decisions.  Sa bahagi ng ehekutibo, magbigay ng direksyon sa pamahalaan at burukrasya.  Sa kalakhang bahagi, nasasalamin ang direksyong ito sa pagkatha ng budget at pagtalaga ng mga taong gagawa at mangangasiwa. 

Madalas na hindi nabibigyan ng karampatang pagpapahalaga ang kapangyarihang magtalaga ng mga tauhan—the power to appoint, to hire and fire—at kalakip nitong kapangyarihang disiplinahin ang naitalagang kawani.  Huwag lamang lumabag sa mga kautusan ng batas at sa moralidad, ito ay lehitimong political decision, nakasalalay sa kursunada ng pulitikong magpapasya, at anuman ang maging pasya, walang totoong makatuwirang maisusumbat ang sinuman.

Sa bahagi naman ng lehislatibo, sapat na na pag-usapan, linangin, at sang-ayunan o hindi-sang-ayunan ang direksyong mula sa ehekutibo.  Hindi talaga kailangan, bagamat political decisions din, ang pagpasa o hindi pagpasa ng bagong mga panukalang batas; at ang pag-rebisa, pagbura o pag-amyenda sa mga batas na nariyan na.  Political branches ang tawag sa ehekutibo at lehislatibo sapagkat tungkulin ng mga sangay na ito ang magsagawa ng political decisions.  Hindi kasali ang hudikatura, sapagkat ebidensya at batas lamang ang batayan ng mga pagpapasya ng huling sangay na ito.

Lumalabas, sa ating pagmumuni-muni, na kung ang isang pagpasya ay lehitimong political decision—hindi lumalabag sa batas o sa moralidad—anuman ang pasya ay ayos lang.  Walang dahilan para umiyak o magalit ang mamamayang hindi sumasang-ayon.  Ang remedyo ay political din:  huwag iboto ang pulitikong iyon sa halalan.

Ganunpaman, may mga pagkakataong lumalabag na sa moralidad o sa batas ang inaakalang political decision.  Halimbawa nito ang Reproductive Health Law.  Dahil lumalabag sa Saligang Batas, ang remedyo ay pagdulog sa hukuman, kaya ngayon ay may utos ang Korte Suprema na pansamantalang hindi ipatupad ang RH Law, habang nakabinbin ang kaso.  Ngunit paano kung ang inaakalang political decision ay lumalabag sa moralidad bagamat hindi lumalabag sa batas?  Ang remedyo ay nasa halalan din; ngunit ang kaibahan ay may karapatang magalit ang sambayanan.  At kung lubhang napakalaki ng paglabag sa moralidad, maaaring mauwi sa himagsikan.

Sa pagtaas ng antas ng pampulitikang kamalayan, sa katiwasayan ng sambayanan, mahalagang makilatis at mabigyan ng karampatang pagtrato ang lehitimong political decisions ng ating mga halal na opisyal, at nang hindi mapagkamalang ihalo sa mga isyu ng moralidad o legalidad.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.