Saturday, October 19, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 10

ANG MGA BIRTUD

May kaibigang nakapagkuwento sa akin minsan, noong dekada noventa, na sila raw ay nagpagawa ng survey—pagsukat sa pulso ng bayan—upang alamin ang katangiang hinahanap ng mamamayan sa ihahalal nilang pulitiko.  Ang naging resulta yata ay pitumpung porsyento—lubhang nakararami—ang nagsabing “Matulungin” o “Madaling Lapitan”.    Nababanggit natin ito sapagkat ang pagiging matulungin ay isang birtud—virtue sa Ingles—mabuting ugali.  Mabuti ring pagtuunan pa ng pansin ang konsepto ng birtud:  mula sa katagang Latin, virtus, ibig sabihin, “lakas”; at may kinalaman din sa vir, mula rin sa Latin, at ang ibig sabihin, “tao”.  At sa kasalukuyang paggamit ng katagang “birtud”, ang tinutukoy natin ay mga ugali o kasanayang gawin ang mabuti sa lahat ng pagkakataon.  Sa wikang Ingles, stable inclinations or habitual dispositions to do what is good in every situation.

Mahalaga ang mga birtud sa pamumuhay na moral—sa ating pagsisikap na magpakatao, na patuloy na lumago sa pagiging mabuting tao, tungo sa pagiging “ganap”. 

Kung ang tao nga naman ay hahantong sa kanyang huling dapat kahantungan—sa pagiging kaisa ng Diyos sa kaligayahang walang-hanggan—ang ating pagkatao ay dapat tumupad sa tunay na kalikasan ng tao bilang tao, sa ating kalikasang ayon sa pagkakadisenyo ng ating Lumikha, at hindi sa ating sugatang kalikasang nagmula sa maling paggamit ng kalayaan.  Sa madaling salita, dapat tayong magpakabuti, magpakabanal, at ito ay nakikita sa ating pagkilos ayon sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral at ng matuwid na konsyensiya, sa ating pamumuhay na moral.  Ang Panginoong Hesu Kristo mismo ang nagsabi:  “Dapat kayong maging ganap, tulad din ng inyong Amang nasa langit,” You must therefore be perfect, just as your Father in heaven is perfect. (Mt 5:48)

Ngunit hindi pa-isa-isang gawa o pagkilos ang talagang sinusukat sa pagtungo sa ating kaganapan kundi ang ating pagkatao mismo:  ang pagkakalaan ng tao sa palagiang paggawa ng mabuti o masama.  “Birtud” ang pagkakalaan sa palagiang paggawa ng mabuti; “bisyo” naman, vice sa Ingles, ang pagkakalaan sa palagiang paggawa ng masama, kabaligtaran ng birtud.

Isa pang dahilan kung bakit mahalaga ang birtud ang bunga nitong pagpapadali sa paggawa ng mabuting tinutukoy ng birtud na nasasangkot.  Dahil naging ugali na, hindi na mahirap ang pagkilos na nararapat ayon sa ugaling iyon.  Madali nang gawin ang mabuti dahil nakasanayan na. 

Ganunpaman, hindi rin masasabing bumabȃ ang halaga ng pagkilos na iyon dahil sa naging madali, sapagkat hindi naman nakasalalay sa hirap na naranasan ang halaga ng gawa ng tao kundi sa tindi ng pagkakasangkot ng kalayaan, voluntariness—sa antas ng pag-ibig na kalakip ng pagkilos na iyon.  At dahil nagkakaroon tayo ng birtud sa marami at madalas na pag-ulit sa mabuting gawa upang maging ugali ito, masasabing higit na malaya, higit na may pag-ibig ang pagkilos na bunga ng birtud, kahit na hindi na pinaghihirapan ang bawat pagkilos.

Sa pagtungo sa ating kaganapan bilang tao, kailangang pagsikapang makamit ang lahat ng birtud.  Hindi masasabing papalapit sa kabanalan ang isang taong “matulungin”, kung siya naman ay may bisyo ng pagiging lasenggero.  Sa kahuli-hulihan, kailangan nating makamit ang lahat ng birtud, at maiwaksi mula sa ating pagkatao ang lahat ng bisyo.  Ito ang kaganapan ng tao bilang tao.

Lahat ng gawa, akto o pagkilos na mabuti, ay dapat maging birtud; ngunit dahil halos walang katapusan ang listahang mangyayari, at upang mapag-usapan at lalong maunawaan ng pag-iisip ng tao, natuklasang mabuting pagsama-samahin sa apat na magkakahiwalay na hanay ang mga birtud, mga hanay na kilala natin mula sa klasikal na pilosopiya sa pangalan ng apat na malawak na birtud, na binabanggit din sa Bibliya (Wis 8:7): una, ang birtud ng tamang paghusga, prudence sa wikang Ingles; ikalawa, ang birtud ng katarungan, justice; ikatlo, katatagan, fortitude; at ikaapat, pagtitimpi, temperance.  Tinatawag ding Cardinal Virtues ang apat na ito—mula sa cardos, Latin para sa “bisagra”—sapagkat maaaring isabit dito, na parang bisagra, ang bawat iba pang birtud.  Prudence ang birtud ng pagiging tama sa lahat ng pagpapasya, may kinalaman sa wastong pag-iisip.  “Katarungan” ang pagbigay ng nararapat sa bawat isa at sa lahat.  “Katatagan” ang birtud ng paggawa ng nararapat sa kabila ng kahirapang nasasangkot.  Temperance ang pag-kontrol sa mga hilig ng ating pangangatawan.

Kung mahalaga ang birtud para sa lahat, lalo pang dapat hanapan nito ang ating mga pinuno sa pamahalaan, sapagkat higit na marami ang apektado, higit na malaki ang epekto ng kanilang mga gawa sa kabutihang panlahat.

Bilang pangwakas, kailangan din nating sabihing imposible sa tao ang maging banal, kung kakayahan lamang natin ang aasahan.  Kailangan ang kapangyarihan ng Diyos at ang biyayang ayunan natin ito ng ating kalayaang pantao. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, October 12, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 9

PAGLAGOM SA BATAS KALIKASANG MORAL

Nabanggit natin noong nakaraan:  Ang moralidad—ang pagiging mabuti o masama ng pagkilos ng tao bilang tao—ay may obhetibong batayan sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral, at may subhetibong batayan din sa konsyensiya o budhi ng taong gumagawa.  Mabuti ring pagtuunan pa ng pansin ang mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral.

Batas Kalikasang Moral ang kalipunan ng mga kautusang mula sa ating Lumikha, kalakip ng ating tunay na kalikasan bilang tao.  Ang tinutukoy nito ay wastong pagkilos ayon sa pagkakadisenyo sa tao bilang nilalang ng Diyos.  Dapat sana ay nakikita natin ang mga kautusang ito sa pamamagitan ng ating pag-iisip—ng ating kakayahang unawain ang katotohanan o mangatuwiran—ngunit dahil sa pagiging sugatan ng ating kalikasan bilang tao, dahil sa ating kahinaan, madalas ay mahirap nating makita.  Ngunit hindi ito nangangahulugang walang pag-asang magpakabuti ang tao, sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya, natutulungan tayong makita ang mali at tama.  Sa pananampalatayang Kristiyano, masasabing ang Sampung Utos ng Diyos sa Banal na Kasulatan ay isang paglalahad, isang paglagom, sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral.

Ang unang tatlong utos ay tungkol sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang Lumikha:  Una, “Huwag kayong sumamba sa mga diyos-diyosan”; ikalawa, “Igalang ninyo ang pangalan ng Panginoong Diyos”; at ikatlo, “Panatalihing banal ang araw ng Panginoon”.  Ang sumusunod na pitong utos ay tungkol naman sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kapwa: Ang ikaapat, “Ipagdangal ang inyong ama at ina”; ikalima, “Huwag kayong pumatay”; ikaanim, “Huwag kayong makikipagtalik sa hindi ninyo asawa”; ikapito, “Huwag kayong magnakaw”; ikawalo, “Huwag kayong magsinungaling laban sa kapwa”; ikasiyam, “Huwag ninyong pagnasahan ang asawa ng inyong kapwa”; at ikasampu, “Huwag ninyong pagnasahan ang ari-arian ng inyong kapwa”. (Ex 20:1-17)

Kapansin-pansing karamihan sa Sampung Utos ay nakasaad sa negatibo, pagbabawal; bagamat sa katunayan ay mga positibong kautusang sambahin ang tunay na Diyos, igalang ang buhay ng tao, gamitin sa tama ang kakayahang sexual, at iba pa.  Kaya naman nakasaad sa negatibo ay dahil naroon sa hindi pagkilos ang pinakamababang antas—ang minimum—ng pag-tupad sa kautusang tinutukoy.  Hindi nga naman maaasahang sa lahat ng pagkakataon ay makatulong tayong mapabuti ang buhay ng kapwa, ngunit maaaring asahan at ipag-utos na huwag na lamang siyang pahirapan.  Sa kadalasan ay wala man tayong magawa upang tulungang yumaman ang kapwa, ngunit maaari namang asahan at ipag-utos na huwag na lamang nating pagnakawan.

Ang pamumuhay na moral—pagtupad sa Batas Kalikasang Moral at sa matuwid na konsyensiya—ay pagpapaka-tao.  Ito ang “daang matuwid”; pagkilos na naaayon sa disenyo ng Lumikha at kailangang tahakin kung nais nating marating ang huling dapat kahantungan, ang kabanalan, ang pagiging kaisa ng Diyos sa Kanyang kaligayahang walang hanggan.  At habang ang tao ay namumuhay sa daigdig, habang sumasa-panahon, kailangang pagsikapan; kailangang pagtiyagaang makasanayan ang pagkilos na nararapat, kailangang lumago sa “birtud”—virtue sa wikang Ingles—o gawing ugali ang pagkilos ng tama sapagkat ito ang nagbibigay ng tatak o karakter sa ating pagkatao bilang masama o mabuti.  Wala nga namang kabuluhan ang pagiging tapat ni Juan sa katotohanan sa isang pagkakataon kung magsisinungaling naman siya sa siyam na iba pang pagkakataon.  At sa kabilang dako, ang taong may ugaling maging tapat sa katotohanan ay matatawag na ganoon kahit siya ay natutulog, sapagkat ipinahihiwatig ng ugali na sa lahat ng pagkakataon ay ganoon ang kanyang magiging pagkilos.

Ang bawat pagkilos na masama—imoral na gawa—ay pagtalikod sa ating Lumikha.  Ito rin ang buod ng kasalanan:  pagtalikod sa Lumikha upang kumiling sa nilikha; sa wikang Ingles, “a turning away from God and turning towards creatures”.  Kung ang buhay natin sa daigdig ay paglalakbay patungo sa Diyos, ang kasalanan ay pagpapaliko mula sa tamang daan, paglayo, mula sa dapat nating kahantungan.  Ito rin ang batayan ng kasabihang, the end does not justify the means; ang isang mabuting hangarin ay hindi nagpapabuti sa mali o masamang gawa; sapagkat kung masama o imoral ang isang gawa, may pagtalikod agad sa Diyos na hindi maaaring mapantayan ng anupamang mabuting hangarin.

Nilikha tayong malaya upang malaya nating gustuhin o piliing makaisa ang Diyos.  Walang pag-ibig kung walang kalayaan.  Kalayaan: ito ang kakayahan nating ituon ang sarili sa huling dapat kahantungan.  Ngunit hindi ito absoluto:  kailangang makisama sa obhetibong realidad; at isa pa, bawat pagpili natin ay mayroon ding pagkakatali.  Ngunit wala rin namang kabuluhan ang kalayaan kung hindi mauuwi sa pagpili at pagkakatali:  commitment.  At kalakip ng ating kalayaan ang pananagutan, responsibility:  bawat pagpili ay maaaring magdulot ng kaligayahan o kapighatian sa atin, at wala rin tayong ibang dapat sisihin.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, October 5, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 8

BATAS AT MORALIDAD

Sa klasikal na pilosopiya, ang sistema ng batas ng Estado ay masasabing pakikibahagi o partisipasyon ng sambayanan-bilang-sambayanan sa Batas Kalikasang Moral, natural moral law sa wikang Ingles.  Ibig sabihin, higit na mataas ang Batas Kalikasang Moral kaysa batas ng Estado; at kung tutuusin, hindi dapat sundin ang kautusan ng batas ng Estado—dapat ay labanan pa nga—kapag ito ay lumalabag sa Batas Kalikasang Moral.  Isang halimbawa sa kasaysayan ang mga batas ng Nazi Germany na nag-uutos na lipulin ang mga Hudyo.  Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at matalo ang mga puwersa ni Hitler, pinagpanagot at pinarusahan ang kanyang mga opisyal na nasangkot sa pagsagawa sa nangyaring bahagyang paglipol sa mga Hudyo, sa kabila ng katotohanang tinutupad lamang nila ang kanilang tungkulin sa ilalim ng batas ng Estado, sapagkat malinaw na labag sa Batas Kalikasang Moral ang ginawang maramihang pagpaslang o genocide sa mga Hudyo.

Ang mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral ang nagsisilbing obhetibong batayan ng moralidad—ng pagiging mabuti o masama—ng mga gawa o pagkilos ng tao bilang tao.  “Obhetibo”, objective sa Ingles, sapagkat nasa labas ng ating pagkatao; may sariling katalagahan; mula sa dalawang katagang Latin, ob-, “sa harap”, at –jectum, “itinapon”.  “Itinapon sa harapan,” nasa labas ng ating pagkatao, hindi nakasalalay sa kalooban.

Batas Kalikasang Moral ang kalipunan ng mga kautusang mula sa ating Lumikha, kalakip ng ating tunay na kalikasan bilang tao; dapat sana ay nakikita natin sa pamamagitan ng ating pag-iisip—ng ating kakayahang unawain ang katotohanan o mangatuwiran—ngunit dahil sa pagiging sugatan ng ating kalikasan bilang tao, dahil sa ating kahinaan, madalas ay mahirap nating makita.

Halimbawa ng mga obhetibong kautusang ito ang “Huwag magnakaw”: igalang ang karapatan ng kapwang magkaroon ng sariling ari-arian. Ito ay obhetibo—nasa labas natin—sapagkat hindi man natin alam, sang-ayon man tayo o hindi, masama ang magnakaw.  Hindi naaayon at lumalabag sa tunay na kalikasan ng tao bilang tao, sapagkat likas na karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng sariling ari-arian.  Makatuwiran ito sapagkat bahagi ng ating tunay na kalikasan bilang tao ang pagiging malaya, ang pagkakaroon ng kalayaang ituon ang sarili sa huling dapat kahantungan.  Sa kalayaang ito nakabatay ang karangalan ng tao bilang tao.  At upang mapangalagaan ang kalayaang ito, kailangang kilalanin din ang karapatang magkaroon ng sariling ari-arian, right to private property sa Ingles.  Hindi maaaring maging malaya ang tao kung iaasa niya sa awa o pagiging bukas-palad ng kapwa o ng pamahalaan ang kanyang mga pansariling pangangailangan.

Kung babalikan natin ang kultura ng katiwalian sa pamahalaan, masasabi nating masama ang “kickback” (tawagin man itong “s.o.p.” o “komisyon”)—isang uri ng pagnanakaw, paglapastangan sa pera ng kaban ng bayan—sapagkat “kabutihang panlahat” ang dapat maging motibo ng mga naglilingkod sa pamahalaan, hindi ang kikitaing kickback.  Makatuwirang hindi dapat payagan ang sistema ng kickback sapagkat, sa higit na karamihan ng pagkakataon, tiyak na matatabunan ng motibo ng kickback ang motibo ng kabutihang panlahat sa pagkilos ng mga pinuno at kawani ng pamahalaan. 

Ngunit hindi lamang Batas Kalikasang Moral ang batayan ng moralidad.  Mayroon ding subhetibong batayan ang pagiging mabuti o masama ng ating mga gawa bilang tao.  Ito ang ating “budhi”—konsyensiya, conscience sa wikang Ingles—ang mismong paghusga ng ating pag-iisip tungkol sa ating gawa sa kongkretong kalalagayan.  Ang konsiyensya ng bawat isa ang subhetibong batayan ng moralidad; subhetibo, subjective sa wikang Ingles, sapagkat nakasalalay sa kalooban; mula sa dalawang katagang Latin, sub-, at –jectum, “itinapon sa ilalim”.

Kailangang laging sundin ang ating konsiyensya sapagkat, kung hindi, mahahati ang ating pagkatao.  May pagkawasak ang tao kapag ang kanyang gawa ay labag sa paghusga ng kanyang budhi.  Nawawalan tayo ng “integridad” o “pagkabuo”.  Karugtong nito, may tungkulin din tayong hubugin ang ating konsyensiya.

Hindi nga naman tayo maaaring maging kasisi-sisi kung hindi natin alam na masama ang ating gawa. Walang kasalanan ang mga musmos na walang-isip at ang mga maysakit sa utak. Ganunpaman, may obligasyon ang taong hubugin ang konsiyensiya upang alamin ang tama at mali dahil, kapag labag sa Batas Kalikasang Moral ang kanyang gawa, masasaktan pa rin siya sa obhetibong pagiging mali nito. Hindi nga kasisi-sisi ang isang walang-isip sa pag-inom niya ng lason, sapagkat hindi niya alam na lason, ngunit malalason pa rin siya, mamamatay pa rin.

Upang masabing “mabuti” ang ating mga gawa, dapat ay naaayon ito sa mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral; at naayon din sa matuwid na konsiyensya ng taong gumagawa; pasado sa obhetibo at sa subhetibong batayan ng moralidad.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.