Wednesday, August 28, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 3

SEPARATION OF POWERS

Balikan naman po natin ngayon ang usapin ng separation of powers, ang pinakamahalagang prinsipyong may kinalaman sa istruktura ng ating pamahalaan.  Ang sinasabi po ng prinsipyong ito ay magkahiwalay na nakatalaga sa tatlong sanga ng pamahalaan ang tatlong punong-gawain ng pamamahala:  ang paglikha ng mga batas, sa lehislatura; ang pagpapatupad ng mga ito, sa ehekutibo; at ang paglilinaw sa tinutukoy ng batas sa mga pagkakataong may hindi pagkakasundo, sa hudikatura.  Ibig sabihin, ipinagbabawal ng Saligang Batas na manghimasok ang bawat sanga sa gawain ng isat-isa; at kapag nagkaroon ng ganoong panghihimasok—encroachment—ang akto ng panghihimasok ay maaaring ituring na walang bisa sapagkat labag sa Saligang Batas.  Ang pagkakahiwalay ng gawain ng tatlong sanga ng pamahalaan—executive, legislative, at judicial—ay isang mekanismo upang tiyaking hindi maabuso ang kapangyarihan:  bawat sanga ay nagsisilbi ring bantay at pampigil—check and balance—sa maaaring pagmamalabis ng kapangyarihan ng isat-isa.  Ang paglabag sa prinsipyo ng separation of powers ay maaaring pagmulan ng hindi makatarungang kalalagayan.  Isa na rito ang pagkakawaldas ng bilyon-bilyong piso sa umiiral na sistema ng “pork barrel” ng konggreso.

Ang pork barrel ay panlalait na tawag sa perang nakalaan sa taunang budget ng pamahalaang nasyonal para sa bawat miyembro ng konggreso.  Ang pormal na tawag dito ay “Priority Development Assistance Fund” o PDAF. 
                                                                                
Sa loob ng lumipas na ilang taon, ang PDAF ng bawat congressman ay 70 million pesos.  Hindi naman ito dumaraan sa kamay ng congressman; ang kanyang karapatan lamang ay sumulat sa Department of Budget Management para sabihin kung anong mga programa o proyekto ang nais niyang paglaanan ng mga perang ito, at kung aling mga ahensya ng burukrasya ang nais niyang magpatupad ng mga proyektong iyon.

Sa isang banda, maaari ngang sabihing nasa ayos lamang ito, sapagkat hindi naman congressman ang nagpapatupad ng proyekto kundi mga ahensya ng executive branch gaya halimbawa ng DPWH, DSWD, Department of Health,  Department of Agriculture, o iba pa.  Ngunit sa kabilang banda, bakit pa ipauubaya sa congressman ang pagpili ng programa o proyektong popondohan kung wala rin lang siyang legal na karapatang mag-utos sa mga ahensyang magpapatupad ng mga proyektong iyon?  At kung tutuusin, sa pagpili lamang ng proyektong popondohan, malabo na kaagad na asahang magiging tama o pinakamabuti ang pagpili ng proyekto sa bahagi ng congressman, sapagkat wala naman siyang mga tauhan o sariling burukrasyang masasabing dalubhasa o eksperto, nagsaliksik, nagplano, at may kasanayan sa mga bagay na iyon.  At kung lahat ng ito ay iaasa o ibabalik din lamang sa mga ahensya ng executive branch, bakit pa congressman ang bibigyan ng karapatang pumili ng proyektong paglalaanan ng pondo?  Higit na marapat yata na iwanan na lamang sa ahensya ng executive branch ang pagpili ng proyektong dapat pondohan.  Department of Education din naman ang higit na nakakaalam ng pangangailangan ng mga public schools.  Department of Agriculture din naman ang dapat na nakakaalam kung ano ang mga abonong kailangan ng mga magsasaka sa isang distrito o lalawigan.  Bakit kailangang magdaan kay congressman ang pagpapatayo ng dagdag na classroom o pagbili ng mga aklat-aralin o textbooks o abono sa mga pananim?  Hindi rin nga maaaring sisihin ang congressman kung sub-standard ang naitayong classroom o kulang ang dumating na mga aklat sapagkat wala namang siyang control o administrative supervision man lamang sa mga ahensya ng executive branch.  Ito rin marahil ang dahilan kung bakit may iskandalong katulad ng nasasangkutan ng isang Janet Lim Napoles na pinaparatangang naging facilitator sa pagkakawaldas sa sampung bilyong pisong pork barrel ng ilang congressman at senador sa mga proyektong hindi nagawa.

Ang isa pang ma-anomalyang aspeto ng pork barrel ay ang pagiging mistulang suhol mula sa ehekutibo, hindi lamang para ipasa ng konggreso ang taunang budget ng pamahalaan, kundi upang hindi kumontra sa lahat ng nais na maipasa ng ehekutibo, sapagkat ang mismong pagpalabas ng pera o release ng pork barrel ay nakasalalay din sa Department of Budget Management.  Wala ring magagawa ang congressman kung hindi maglabas ng “release order” ang DBM upang maitaya na ang pondo sa pagbili o pagpapakontratang dapat gawin.  Sa kasaysayan, marami nang nangyaring pag-ipit sa pork barrel ng oposisyonistang congressman.  At kahit hindi talaga gagawin, ang mismong posibilidad na mangyaring ipitin ang kanyang pork barrel ay sapat na upang magdalawang-isip ang isang congressman bago kumontra sa anumang panukala ng Malacañang.

Kung walang pork barrel, hindi mangyayari ang katiwaliang ipinaparatang na pinamunuan ni Janet Lim Napoles.  Bukod pa rito, matututukan ng ating mga congressman ang tunay nilang gawaing makilahok nang matalino sa talakayan sa konggreso at sa pagbabalangkas nang mahusay sa mga panukalang batas, sapagkat hindi na rin sila maaaring hanapan ng kung-anuanong proyektong hindi naman talaga bahagi ng kanilang tungkulin.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, August 21, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 2

JUSTICE

Noong nakaraan, nasabi nating Justice—Katarungan—ang pinaka-unang layunin ng Pamahalaan, sapagkat dito nakasalalay ang patuloy na pag-iral ng sambayanan bilang sambayanan.  Nasabi rin nating ang pagkilos ng Pamahalaan ay sa pamamagitan ng sistema ng batas (legal system), na kung pag-aaralan sa Saligang Batas ay mahahati sa dalawang bahagi: una, ang istruktura ng pamahalaan, at ang pinakamahalagang prinsipyo dito ay ang “separation of powers”; at, ikalawa, ang mga pundamental na karapatan ng bawat mamamayan, “Bill of Rights”, bilang mga limitasyon sa kapangyarihan ng pamahalaan, at ang pinakamahalagang konsepto rito ay “due process”.  Ngunit bago tayo pumalaot pa, balikan muna natin ang konsepto ng Katarungan.

Bilang isang “halaga”—value sa wikang Ingles—ang Katarungan ay pagbibigay ng nararapat sa bawat isa at sa lahat; sa Ingles, “giving everyone his due”.  Sa pakahulugang ito, mahihinuha na ring “Kaayusan” ang pinakapundamental na prinsipyo ng Katarungan.  Kung ano nga ba ang nararapat sa bawat isa, ang wastong pagkakahanay, wastong pagbabahagi, wastong pagkakasunud-sunod: ito ang saklaw ng prinsipyo ng Kaayusan o “right order”.  Ito ang Kaayusan: may wastong kalalagyan ang lahat, at ang lahat ay nasa dapat kalagyan; may tamang panahon para sa lahat, at lahat ay nasa tamang panahon.  Sa wikang Ingles, “a place for everything and everything in its place; a time for everything and everything on time”.

Sa karanasan natin sa pang-araw-araw na pamumuhay, malinaw din namang hindi pare-pareho ang nararapat sa lahat, kahit sa isang kategoriya tulad ng “paglilingkod” sa Pamahalaan.  Hindi pareho ang tungkulin ng Governor at ng Konggresman, bagamat sila ay parehong lingkod ng bayan.  Magkaiba rin ang mga suliraning idinudulog sa Department of Social Welfare kung ihahambing sa mga pangangailangang maaaring idulog sa Department of Public Works and Highways.  Magkaiba ang nararapat na paraan ng paglilingkod.  At madalas, ang nagiging sanhi ng kaganapang hindi makatarungan ay pagkakamali sa pag-unawa at pagpasya ng kung ano ang nararapat.

Hindi talaga simple ang paksa ng Katarungan.  Maaari pa ngang hati-hatiin ang usapin sa uri ng Katarungan, sapagkat may uri ng Katarungang tinatawag na “distributive justice”, ito ang sumasaklaw sa tungkulin ng Pamahalaan tungo sa bawat isang mamamayan; mayroon ding tinatawag na “commutative justice”, o Katarungan mula sa mamamayan tungo sa kapwa mamamayan; at mayroon ding tinatawag na “legal justice”, Katarungan mula sa isang mamamayan tungo sa Pamahalaan o sa estado.  Mayroon pang tinatawag na “social justice”.

Noong panahon ni Santo Tomas Aquino, ang pinakadakilang pilosopo sa kasaysayan ng sibilisasyon, ang kahulugan ng social justice ay literal na Katarungang Panlipunan, Katarungan sa pangkalahatang kahulugan.  Sa pagdaan ng panahon, lalo na sa pagdating ng nakaraang dantaon, nagkaroon ng bagong paggamit sa social justice: bilang pagbibigay ng natatanging dagdag na pabor o pagkiling sa mga maralita.  Ang terminong ginagamit para dito sa doktrina ng Simbahang Katolika ay “love of preference for the poor”.  Ito rin ang ibig sabihin ng kasabihang pinagpapalagay na mula kay Pangulong Ramon Magsaysay: “He who has less in life should have more in law”.

Bakit katarungan din ang tawag sa pagbigay ng higit na pagtingin sa mga maralita?  Katarungan din ito sapagkat ipinagpapalagay na ang hindi pagkakapantay ng mayaman at maralita ay malamang na, sa karamihang pagkakataon, nakaugat sa hindi-makatarungang kalalagayan sa nakalipas—halimbawa ang pagiging literal na alipin ng mga aprikano sa Estados Unidos sa matagal na panahon, na natigil lamang sa Digmaang Sibil sa panunungkulan ni President Abraham Lincoln.

Social justice ang batayan ng lahat ng pagpupunyagi ng pamahalaan tungo sa pag-angat ng antas ng buhay ng mga maralita.  Kung hindi nga naman matatawag na bahagi ng Katarungan, hindi papasok sa tungkulin ng pamahalaan, magiging kawanggawa, “works of charity”, at hayaan na lamang ang Simbahan at mga pribadong pilantropong magbigay ng tulong sa mga maralita.  Hindi nga naman talaga masasabing tungkulin ng pamahalaan ang pagkakawanggawa, sapagkat ang kaban ng bayan ay buwis ng mga mamamayang inaasahang maibalik sa kanila sa anyo ng mga programa at proyektong kapakipakinabang para sa lahat.  Ngunit bilang bahagi ng Katarungang Panlipunan, may tungkulin ang pamahalaang magbigay ng natatanging pagtingin sa mga maralita.

Katarungan ang pangunahing halagang dapat paglingkuran ng pamahalaan; ngunit hindi pa rin dapat kaligtaang ito ay dahil lamang Katarungan ang pinakamababang antas ng Pag-ibig; at bagamat hindi maaaring mapairal nang sapilitan ang Pag-ibig, maaring ipatupad nang sapilitan ang Katarungan.  Ngunit Pag-ibig pa rin ang kaganapan ng Katarungan; Pag-ibig din ang, sa huling pagsusuri, dapat na nagbubuklod sa sambayanan.

Hanggang dito na lamang pansamantala, hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat!


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, August 14, 2013

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 1

GOVERNMENT OF LAWS, NOT OF MEN

Isang buwan na rin po ang lumipas mula nang magsimulang manungkulan ang New Management ng ating Pamahalaang Panlalawigan.  Marami agad ang nangyari.  “Palawan is in business, Under New Management”: ito ang bukambibig ng Palaweño ngayon sa pamumuno ng minamahal nating Governor Jose Chaves Alvarez.  At habang pumapalaot tayo ng pagkilos tungo sa kaunlaran, mabuti ring linawin ang ating konsepto ng pamamahala; o sa ibang salita, ang ating pilosopiya sa pulitika.  Payagan sana ninyong gamitin ko ang bahaging ito ng Huntahang Palawan upang magbahagi ng pagmumuni-muni tungkol sa pilosopiya ng pamamahala, at tawaging “Mga Titik Ukol sa Pulitika” ang pitak na ito.

Ang “pulitika” ay mula sa katagang polis, wikang Griyego, na ang ibig sabihin ay lungsod o pamayanan; sa madaling salita, lipunan.  Sa kasalukuyang paggamit, ang ibig sabihin ng pulitika ay agham (o sining) ng pamamahala sa lipunan.  Ngunit bakit nga ba kailangan ng pamahalaan o political authority sa lipunan?

Ang buod ng lipunan ay ang pagkakaisa ng malayang pagpili ng mga mga mamamayan.  Hindi tayo naging isang sambayanan dahil sa aksidente ng ating pagkakapanganak sa isang lugar; hindi rin ito nakabatay sa dugo o lahi ng mga magulang.  Maaari tayong lumipat ng tahanan; at karamihan ng tao, halo-halo na ang lahi at kultura.  Sa kahulihulihang pagsusuri, ang batayan ng pagiging mamamayan ay ang malayang pagpili ng taong maging bahagi siya ng sambayanang iyon.  Kaya nga masasabing ang direktang sanhi ng pag-iral ng isang sambayanan ay “pag-ibig”; sapagkat ang pinakapayak na kahulugan ay “pagpili sa mabuti”; at sa konteksto ng lipunan, ang tawag sa pag-ibig na ito ay solidarity.  Pamahalaan o political authority ang pagsasakongkreto sa pagkakaisang ito ng kalayaan ng maraming taong bumubuo ng sambayanan.  Kung walang isang namamahala, kung walang isang pasya at isang tinig at pagkilos ng pamahalaan, mahirap isipin kung paano magiging totoo ang pagkakaisa ng maraming mamamayan.

Ang huling pinatutunguhan ng sambayanan ay ang kabutihang panlahat, common good, “ang kalipunan ng mga kalalagayang panlipunang nagbibigay-daan upang maabot ng bawat tao ang kanyang kagananapan”.  At bagamat ito rin ang huling pinatutunguhan ng Pamahalaan, dapat pa ring sabihing ang unang layunin ng pamahalaan ay pairalin ang Katarungan sa sambayanan, sapagkat katarungan—pagbibigay ng nararapat sa lahat—ang pinakapayak na antas ng “pag-ibig” na nagbubuklod sa mga mamamayan at nagpapanatili sa pag-iral ng sambayanan bilang isang sambayanan.  Bagamat hindi maaaring pilitin o tiyakin ang pamamayani ng pag-ibig, sapagkat likas sa pag-ibig ang dalisay na kalayaaan ng pagpili; ang katarungan—ang pinakapayak na antas ng pag-ibig sa lipunan—ay maaaring ipatupad ng sapilitan.  At kailangan ng ganitong mekanismo—ng isang Pamahalaang may pangunahing layuning pairalin ang katarungan—sapagkat kapag tuluyang nawala pati ang pinakapayak na antas ng pag-ibig sa lipunan ay wala na ring matatawag na sambayanan.  Sabi nga ni San Agustin, “Ang lipunang walang katarungan ay hindi sambayanan kundi kawan lamang ng mga magnanakaw”.

Mahalagang maunawaang katarungan ang pangunahing layunin ng Pamahalaan sapagkat nalilinaw din nito na ang pagkilos ng pamahalaan ay sa pamamagitan ng sistema ng batas, hindi ayon sa kapritso o kursunada lamang ng mga taong nanunungkulan sa pamahalaan.  Kaya nga isa sa pinakamadalas na magamit na paglalarawan sa Pamahalaan ang kasabihang “government of laws, not men”.  Ito ay hango mula sa Konstitusyon ng Estado ng Massachusetts ng taong 1780. 

Sa kanyang pagkilos bilang sistema ng batas, ang Pamahalaan ay may tatlong pinakapunong gawain:  una, paglikha ng mga kautusan (legislative); ikalawa, pagpapatupad sa mga kautusan (executive); at ikatlo, paghukom sa mga kaso ng hindi pagkakasundo (judicial).

Lahat tayo, may tungkuling unawain ang sistema ng batas, kahit dahil man lamang sa ito ang tamang pagkilos ng pamahalaan, at kahit man lamang sa pagbasa sa ating Saligang Batas (1987 Constitution), ang batayan ng lahat ng iba pang batas sa ating sistema.  Sa puntong ito, mabuti na ring sabihing ang nilalaman ng ating Saligang Batas—at ang pag-aaral na rin tungkol dito—ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi: una, ang istruktura ng pamahalaan; at ikalawa, ang mga pundamental na karapatan ng bawat mamamayan o Bill of Rights.

Kapag pinag-usapan ang istruktura ng ating pamahalaan, ang pinakamahalagang prinsipyo ay “separation of powers”:  ang pagkakahiwalay sa tatlong gawain ng pamahalaan at pagkakalagak ng mga ito sa tatlong magkakahiwalay na sangay:  legislative, executive, at judiciary.  Kapag pinag-usapan naman ang pundamental na mga karapatan ng mga mamamayan, bilang limitasyon sa mga kapangyarihan ng pamahalaan, pinakamahalaga ang prinsipyo ng “due process”. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala.  Hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.