Mga kababayan ko sa ikalawang distrito ng
Nitong katatapos na buwan po ng September, naging abalang-abala ang House of Representatives sa pagtalakay sa panukalang budget ng administrasyong Aquino para sa susunod na taong 2011. Bagamat ang usapan ay sa baitang pa lamang ng Appropriations Committee, maraming mga congressman ang dumadalo sa pagpupulong kahit hindi sila miyembro ng komite. May karapatan din nga naman ang lahat ng congressman na makilahok sa usapan at magtanong, kahit na mga miyembro lamang ng komite ang may boto sa mga pagpapasyang ginagawa ng komite.
Maraming tao palagi, umaga at hapon, sapagkat dumadalo rin ang mga pinuno ng bawat ahensya ng pamahalaan, may mga staff din silang kasama, upang depensahan ang panukalang budget para sa kani-kanilang ahensya.
Hindi po ako miyembro ng Appropriations Committee ngunit dumalo rin ako sa ilang pagpupulong nito at nitong nakaraang mga araw, nagkasama kami ng mga taga Palawan Council for Sustainable Development: sina Director Romy Dorado at Director Wewet Tabugon sa pagprisinta ng budget ng PCSDS. Noong sumunod na araw, mga taga
Sa kabuuan ng buwan ng September, halos lahat din ng Regional Directors ng mga Departamento sa MIMAROPA Region ay nakapulong natin, kasama ko ang iba pang kinatawan ng MIMAROPA Region, at napag-usapan iba’t-ibang programa’t proyekto ng bawat departamento.
Natuwa po ako sapagkat nakita kong sa pangkalahatan, alam na alam ng mga Regional Directors na ito ang kanilang misyon, may mga naibabahagi pa silang mga tip kung paano mapahusay ang takbo ng gobyerno sa nibel ng polisiya. Karamihan sa kanila ay may mga master’s at doctor’s degrees, talung-talo kaming mga pulitiko, at nakumpirma ang matagal ko nang hinalang hindi ako maaaring magkunwaring magmarunong sa mga kawaning ito.
Isa sa mga paborito kong teoriya sa pulitika o governance ay ang kaisipang higit na magiging mahusay ang serbisyo ng gobyerno habang higit na bibigyang laya ang burukrasyang gawin ang kani-kaniyang tungkulin sa kani-kanyang departamento; sa madaling salita, kung babawasan pa ang pakikialam ng mga pulitiko o halal na opisyal.
Sa isang banda, natural lamang na hindi maaaring mawalan ng pakialam ang pulitiko sa takbo ng burukrasya. Ang halal na pinuno ay kumakatawan sa mga mamamayan at nariyan upang tiyaking may kakayanan ang mga kawaning nakatalaga sa burukrasya, at upang pasunurin sila kung sakaling lumabag talaga sa batas. Kaya nga sa mga chief executives, ang pinakamahalagang kapangyarihan ay ang “power to appoint”, kasama riyan ang hiring, firing at disciplinary power. Sa kabilang banda, pagkatapos na maitalaga at huwag lamang lumayo ng direksyon o umabot sa malinaw na paglabag sa batas, malaki dapat ang kalayaan ng kawani ng burukrasya na isakatuparan ang kanilang misyon, pabungahin ang kanyang departamento, sapagkat siya ang may higit na kaalaman at kasanayan sa kanyang gawaing iyon, hindi ang pulitiko, at lalong hindi ang isang congressman. Whew! Ang dami ko na yatang sinabi…
Nitong nakaraang halos buong buwan din ng September, isa sa malaking usapin ang impeachment cases na isinampa laban kay Ombudsman Merci Gutierrez. Ang dalawang halos magkatulad na reklamo ay isinampa nina dating Congresswoman Risa Hontiveros at ilan pang kasama niya. Ang isa pa ay isinampa naman ni Ginoong Renato Reyes ng Partido Bayan Muna, at may ilan ding kasama.
Ang buod ng reklamo sa impeachment cases na ito ay ang hindi pag-aksyon ng Ombudsman sa ilang malalaki at tanyag na kontrobersiya na, ayon sa mga nagrereklamo, dapat ay nauwi sa kasong kriminal laban sa mga nasasangkot (gaya nina dating Undersecretary Joselyn Bolante). Ito raw kawalan ng aksyon ay masasabing “culpable violation of the constitution” na isa sa mga grounds for impeachment.
Matapos pagpasyahan ng Committee on Justice na ang mga reklamo ay “sufficient in form and substance”, nagsampa ng petisyon sa Korte Suprema ang Ombudsman at nakakuha ng Status Quo Ante Order: Ito ay kautusang ibalik ang kalalagayan ng mga nasasangkot sa kung nasaan sila bago magkaroon ng kontrobersiya; sa madaling salita, pinatitigil ang proseso ng impeachment sa baitang pa lamang ng komite.
Dahil dito, nang magpulong uli ang Committee on Justice noong nakaraang Martes, tinalakay agad ang epekto ng Status Quo Ante Order, kung ito ba ay dapat sundin at itigil nga ang proseso ng impeachment, o kung dapat bang ituloy ng komite ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon na kailangang matapos sa nakatakdang bilang ng araw. Miyembro po ako ng Committee on Justice.
Tatlong oras halos ang debate, bawat panig ay may magagandang punto, kaya nauwi sa botohan, at sa limampu’t limang kasapi ng komite, tatlumput tatlo ang nagsabing ituloy ng komite ang proseso ng impeachment, labing-apat ang bumoto kontra, isa ang nag-abstain at tila pito ang absent. Ako po ay bumoto sa panig ng pagpapatuloy ng proseso ng impeachment sapagkat naniniwala akong hindi lamang konstitusyon o batas ang batayan ng pagiging tama ng mga akto ng mga maykapangyarihan; dapat ay laging makatuwiran ang mga ito.
Higit na mataas pang pamantayan kaysa konstitusyon ang pagiging matuwid. Kahit na sabihin nating Korte Suprema ang pinakamataas na tagabigay ng kahulugan sa konstitusyon at batas, kapag hindi makatuwiran ang naging pasya, maaaring may obligasyon ang isang institusyong
Sa debateng naganap, malinaw ang labanan ng dalawang pilosopiya tungkol sa batas: sa isang banda, ang pananaw ng “legal positivism”, na nagsasabing ang batayan ng pagiging tama o mali ay ang batas din mismo; at sa kabilang banda, ang pananaw ng pilosopiyang “natural law” na nagsasabing ang batas ng tao ay pakikibahagi lamang at dapat ay naaayon sa higit pang mataas na batas, sa batas ng Diyos at batas-kalikasang-moral.
Kailangan nang magtapos. Sa susunod na natin pag-usapan ang Reproductive Health Bill.
Ngayon ay October 2, pista ng mga banal na anghel de la guwardiya, ikawalumput-dalawang anibersaryo rin ng pagkakatatag ng Opus Dei. Maligayang kapistahan sa inyong lahat! Kahapon naman, pista ni Sta. Teresita del NiƱo, kaya belated happy fiesta sa parokya ng Sta. Teresita sa Aborlan, kay Fr. Armand Limsa, at sa Ligit, sa bayan ng Dumaran kung naririnig tayo roon. Noong September 29, pista rin ng mga Arkanghel kaya belated happy fiesta sa parokya ng San Miguel, kay Monsinyor Jess De los Reyes, at sa Barangay San Rafael.
Hanggang sa susunod na Sabado, all the best po sa inyong lahat!
Nice to know what has been happening in congress. Keep the posts coming! God bless!
ReplyDelete