Mga kababayan sa ikalawang distrito ng
Kagabi po o kanina pala iyon, alas tres na ng umaga nang matapos ang pagtalakay sa panukalang budget ng administrasyong Noynoy Aquino, pumasa na sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives, bagamat daraan pa sa ikatlong pagbasa sa pagbukas uli ng kapulungan. Pahinga sa mga sesyon ang konggreso hanggang November 8 ngunit may ilang mga komite rin na nagsipagtakda ng mga meeting sa panahong ito.
Dahil tapos na ang pagtalakay sa budget, malamang na mapag-usapan na sa konggreso ang kontrobersiyal na Reproductive Health bills; naipanukala na sa ilang nakaraang konggreso ngunit hindi pumasa at ngayon ay sinusubukan uli, ilang miyembro ng House of Representatives ang nagsampa ng kani-kanyang bersiyon ng panukala ngunit ang pinakatanyag ay ang House Bill No. 96 ni Congressman Edcel Lagman, sapagkat siya rin ang naging pinakamalakas na tinig sa pagsulong nito sa dalawang nagdaang konggreso.
Ang buod ng mga Reproductive Health bills na ito ay ang pag-obliga sa pamahalaan at mga health workers na gumugol ng salaping nagmula sa buwis ng mga mamamayan upang mamigay ng mga kontraseptiba. Ang tinutukoy po ng kontraseptiba ay mga artipisyal na kagamitan o droga na pumipigil o pumuputol sa pagbubuntis o pag-aanak. Ako po ay tutol sa panukalang ito sapagkat ang conraceptive sex ay labag sa batas-kalikasang-moral, ibig sabihin, salungat sa kabutihan ng tao bilang tao.
Immoral po ang contraceptive sex sapagkat ang kakayahang mag-sex ng tao ay likas na nakatakda sa dalawang hantungan: una, sa pag-iisa, union, sa pag-iibigan ng mag-asawa; at, ikalawa, sa pagkakaroon ng bunga, sa pagkakaroon ng supling, procreation. Kaya ang tama at mabuting paggamit sa kakayahang mag-sex ay dapat na bukas o umaayon at hindi kontra sa dalawang layuning ito: may pag-ibig at tinatanggap ang posibleng maging supling, bukas sa pagkakaroon ng bunga, sa pag-aanak. Okey ang paggamit ng kakayahang mag-sex kung, una, may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik, at, ikalawa, bukas ang kanilang kalooban sa pagkakaroon ng supling, o sa pinakamababang sukatan nito, wala silang ginawa para pigilan ito. Kailangan laging naroon ang dalawang kondisyong ito, hindi pwedeng paghiwalayin.
Ang sinasabi ng pumapabor sa kontraseptib sex, okay ang sex kung may pag-ibig sa pagitan ng magkatalik, makatao na raw ito, hindi na immoral, kapag may pag-iibigan, kahit na sadyaing pigilan nila ang pagbunga nito.
Hindi nga naman maaring sabihin okay ang sex kung bukas lamang sa pag-aanak ang magkatalik. Kapag walang pag-ibig, rape ang tawag sa sex, isang kamaliang moral. Kung sasabihin namang ang likas na layunin ng sex ay natutupad na sa pag-iibigan lamang ng magkatalik, magiging okay na pala ang sex sa pagitan ng magkasing-kasarian, homosexuality. At kaya nga alam nating immoral ang homosexual intercourse ay dahil hindi ito maaaring tumupad sa layunin ng pag-aanak. Isa pa, kung sasabihing hindi kailangang maging bukas sa pag-aanak ang sex, mawawalan na rin ng saysay ang institusyon ng kasal. Kaya nga laging kasunod ng paglaganap ng kontraseptibo ang pagkasira ng institusyon ng kasal, nauuso ang diborsyo.
Magandang pagmunimunihan ang dahilan kung bakit may may institusyon ng kasal ang halos lahat ng lipunan, kahit mga sinaunang tribo, kahit papaano, may seremonya kung saan ang nag-iibigang nais magsama at magtalik ay nangangako sa harapan ng tribo na sila ay nagpapatali sa isa’t-isa nang pangmatagalan. Ito ay dahil nga likas na nakatakda ang pag-aasawa sa pag-aanak. Ang buhay ng tao, na bunga ng pagtatalik, ay maselan at mahina sa simula at kailangan ng matagal na pag-aaruga, kailangan ng pagtutulungan ng ama at ina sa matagal na panahon bago maging handa ang kanilang supling na mamuhay nang sarili. Kailangang itali, obligahin, sa tungkuling ito ang mag-asawa sa harap ng tribo. Ang tribo ay may karapatang tiyakin ang kapakanan ng mga sumusunod na salinlahi; kung hindi ay mauubos o malilipol ang tribo.
Kung ang sex ay hindi likas na nakatakda sa pag-aanak, walang dahilan para talian ang dalawang taong gustong makipag-sex sa isa’t-isa. Walang dahilan ang institusyon ng kasal. Okay lang ang live-in, okay na rin ang diborsyo, kahit na malinaw na ipinagbabawal sa Bibliya. At kung walang kasal, laging may madedehado sa paghihiwalayan; palibhasa’y nakakita lamang ang isa ng mas mayaman, mas makisig o mas maganda, maaaring iwanan na ang dating kasama. Palibhasa nawalan ng trabaho si mister, maghahanap na ng ibang asawa si misis; o palibhasa pumangit o nagkasakit na si misis, maghahana na ng iba si mister.
Kung immoral ang contraceptive sex, hindi ito dapat itulak ng pamahalaan. Sisirain nito ang pamilya.
Marami pa ang maaaring sabihin tungkol dito ngunit tama na muna. Nais ko lamang bigyan ng diin na sa issue ng contraceptive sex ay tatamaan din ang isyu ng limitasyon sa kalayaan ng tao. Kapag ang isang tao ay nakapagdesisyon nang mag-asawa o gamitin ang kakayahang mag-sex, malaya pa ba siyang tumanggi sa likas na bunga nito? Puwede namang hindi gamitin ang kakayahang mag-sex.
Ang kalayaan ng tao, ang kakayahan nating itukoy ang sarili sa huling dapat kahantungan, ay hindi lubos, may mga limitasyon. Kailangang makisama sa obhetibong realidad, kasali ang mga katotohanan ng ating kalikasan bilang tao. Limitado rin tayo ng pagkakataling bunga ng bawat pagpili. Wala rin namang kabuluhan ang kalayaan, ang kakayahang pumili, kung hindi ito nauuwi sa pagpili at pagpapatali, commitment. At dahil maaaring higit na kaligayahan o kapighatian ang dulot nito, wala rin tayong ibang masisisi sa ating kahahantungan. Hindi mahihiwalay sa pananagutan ang kalayaan.
Maraming salamat po at all the best po sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment