Sunday, November 21, 2010

BALITANG BATASAN 3 (20.XI.2010)

Bukas, ika-tatlumput-apat na Araw ng Linggo sa Karaniwang Panahon, ang kahulihulihang Araw ng Linggo ng taong panliturhiya, ipagdiriwang ng sambayanang Kristyano ang Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari, Solemnity of Christ the King, upang isaala-ala sa malaking paraan ang layuning pag-hariin si Kristo sa buong sansinukob, sa lahat ng bagay, ngunit unang-una sa ating mga puso, sa ating kalooban, sa ating mga tahanan at gawaan, sa ating bayan.


Tamang-tama ring napapaloob sa buwan ng Nobyembre ang pagdiriwang na ito sapagkat ang buwan ng Nobyembre ay masasabing nagbubukas sa tema ng kamatayan, ng huling mga bagay, ang huling dapat nating kahantungan, buhay at kaligayahang walang-hanggan. Sa unang araw ng Nobyembre ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng Mga Banal, Solemnity of All Saints, at kasunod agad, sa ikalawa ng Nobyembre, ang Paggunita sa Lahat ng Mga Kaluluwa.


Ang tao nga naman ay “sumasakatawang diwa”, sa wika ng mga pilosopo, “espiritwal na diwa sa materyal na katawan”, spiritual soul in material body, at sa espiritwal na dimensyon man lamang, may pag-iral na walang katapusan. Bagamat ang katawan ay masisira dahil materyal, ang espiritwal na diwa ng tao ay walang pagkasira dahil walang mga bahaging maaaring paghiwa-hiwalayin. Ang itinuturing nating kamatayan ay ang pagkasira ng ating materyal na katawan at pagkakahiwalay dito ng ating espiritwal na diwa. Ngunit hindi iyan ang katapusan ng lahat para sa ating mga tao; kung nagkaganoon ay walang kabuluhan ang ating buhay.


Hindi rin katanggap-tanggap sa tao na ang lahat ay magwawakas sa kamatayan, na lahat ng ating pagsisikap, lahat ng dinaranas at dinaraanan ay mawawalan ng saysay sa huling buntung-hininga, na lahat ay mauuwi sa wala. Ang likas nating paghangad ng kaligayahan bilang tao ay laging may kalakip na paghanap ng kabuluhan. Wala tayong dapat ikasaya kung ang buhay ay walang kabuluhan.


Kabalintunaan o irony, taliwas sa maaaring inaasahan, marahil, ngunit itong mismong paghangad natin ng kabuluhang hindi mapapawalang-saysay ng kamatayan, ang paghangad ng kaligayahang hindi mapapawi sa pagkasira ng katawan, ito rin ang nagpapahiwatig na ang ating pagkatao ay may aspetong lumalampas, umiibayo sa ating buhay sa mundo.


Bagamat alam nating may katapusan ang buhay sa mundo, may kakayanan pa rin tayong mag-isip, mangarap ng pag-iral pagkatapos ng buhay na ito. Bagamat may hangganan ang ating katawan, may pagkasira, may kakayanan pa rin tayong panghawakan sa ating pag-iisip ang walang-hanggan. Ganundin naman, bagamat ang ating pangangatawan ay may mga pangangailangan at mga udyok na likas dito, ang tao ay may kakayahan ding tanggihan o lampasan ang mga udyok na ito. Kasama ng pag-iisip, may kalayaang pumili ang tao, kalayaang hindi lubos na nakapaloob sa ating pangangatawan. Dahil dito, masasabi ngang hindi nagtatapos ang lahat sa pagkasira ng ating katawan.


Ang espiritwal na diwa ng tao ay may pag-iral na walang katapusan; at ang mga kakayahan nito—pag-iisip at kalayaan, na likas na nakatakda sa pag-unawa ng totoo at pagkiling sa mabuti—ay patuloy na maghahanap ng katotohanan at kabutihan; at magiging lubos lamang ang kasiyahan kapag nakaisa na ang Kaganapan ng Katotohanan at Kabutihan, sa madaling salita, kapag lubos na nakaisa ang Diyos. Ito ang kaligayahang walang-hanggan na dapat nating kahantungan, ang “isang bagay lamang na talagang kailangan”, sapagkat kung hindi ito, walang-katapusan ding pagkauhaw ang ating sasapitin. Sabi nga ni San Agustin, “Panginoon, nilikha Mo kami para sa Iyo, at ang aming mga puso ay hindi matatahimik hangga’t hindi nahihimlay sa Iyo.” Lahat ng tao, nilikha ng Diyos upang Siya ay kilalanin at ibigin at nang maging kaisa Niya sa kaligayahang walang-hanggan. Lahat tayo, tinatawag sa kabanalan, sa pagiging kaisa ng Diyos, sa kaligayahang walang-hanggan.


Nababanggit natin ito sapagkat turo din ng ating pananampalataya na ang lahat ng ating gawain, bastat angkop sa tunay na kalikasan ng tao, ay maaaring maging daan ng pagpapakabanal, kapag isinagawa nang mabuti at nang may pag-ibig sa Diyos. Kasama sa mga gawaing ito ang tungkulin ng mga pulitiko, ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan: maaaring maging daan ng pagpapakabanal, pagtungo sa kaligayahang walang-hanggan, kung gagawin nang maayos ang tungkulin, mamumuhay ayon sa mga kautusan ng batas-kalikasang moral, huwag nang lumihis sa “matuwid na daan”, tigilan na ang kultura ng katiwalian, sapagkat sabi nga ni Pangulong Noynoy, “Kung walang corrupt, walang mahirap”. Ito rin ang buod ng Bagong Pulitikang nais nating isulong. Ipanalangin natin ang lahat ng ating mga pulitikong nanunungkulan, kasama po ako, na sana nga ay maging daan ng pagpapakabanal ang kanilang mga gawain, para rin sa kabutihang panlahat.


Hanggang dito na lamang pansamantala. All the best po sa inyong lahat!


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment