Monday, October 8, 2012

STATEMENT SA PRESS CONFERENCE, 21 September 2012, La Terrasse Restaurant, Puerto Princesa City


Magandang araw po sa inyong lahat.

Ngayong araw po, ika-Dalawampu’t-Isa ng Setyembre, ako po ay nagmamarka ng ika-Limampu’t-Isang Taon ko sa daigdig.  Kaya po payagan nyo sana akong magbahagi rin ng kaunting personal na pagmumuni-muni.

Wala po akong birthday party sapagkat hindi ko naman ugaling magdaos ng birthday party.  Hindi naman sa masama ang magkaroon ng birthday party.  Ang punto ko lang, puwede ring wala.  Kursu-kursunada lang.  Mabuti na lang, may handang pagkain para sa atin ngayon ang Partido Pagbabago ng Palawan.

Ngunit ang araw at anibersaryo ng kapanganakan ay isang natatanging pagkakataong manalangin: itaas o ituon ang ating diwa sa Diyos; magpuri sa ating Banal na Lumikha, magpasalamat sa lahat ng biyaya at pagpapalang natanggap, lalo na sa biyaya ng buhay at pananampalataya; magsisi at humingi ng kapatawaran sa lahat ng marami kong nagawang kasalanan; at humingi rin ng liwanag at lakas sa araw-araw at patuloy na paglalakbay patungo sa huli nating dapat kahantungan: kaligayahang walang-hanggan.  Kaya huwag kang mag-alala, Kuya Sammy Magbanua, nakadalo na po ako sa Banal na Misa kanina, bago lumipad patungo rito.

Sa panalangin nga, nakakakita tayo ng liwanag.  At isa po sa mga liwanag na dumating sa akin ang kahalagahan ng pagiging hindi-nakatali sa mga bagay, pagkaka-kalag ng puso; sa wikang Ingles, “detachment”; at sa larangan ng pulitika, ang hindi pagkakatali ng puso sa ating katungkulan, o sa hinahangad na katungkulan bilang halal na opisyal.

Dati na rin po nating alam ang katotohanang ito; ngunit, sa madalas at nakaraan, sa pamamagitan lamang ng intuwisyon.  Ngayon, bilang isang malinaw at mabibigkas na kaisipan.

Hindi nga pala dapat matali ang puso ninumang pulitiko sa anumang katungkulan.  Unang-una, wala naman talaga tayong kapangyarihang tiyakin ang resulta ng halalan:  napakaraming kadahilanan ang nasasangkot sa halalan.  Ngunit, higit pa riyan, ang pulitikal na katungkulan ay nakatakda sa kabutihang panlahat, hindi para sa sariling kapakanan o kaligayahan ng pulitiko.  Kaya po, matatawag na isang prinsipyo ang sinasabi ko ngayon.  Dapat tayong maging bukasloob sa mga posibilidad.  Maaari tayong kumandidato, maaaring hindi; maaaring sa isang posisyon, maaaring sa ibang posisyon.  Maaari tayong mahalal, maaari ring hindi.  Ang mahalaga, hindi sariling ambisyon lamang ang hinahangad kundi ang maisulong ang kabutihang panlahat.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami, matagal na wala na ako sa pulitika at wala nang balak na kumandidato po kung hindi ako dinala ni Doktor Gerry Ortega kay Manong Pepito Alvarez noong bago dumating ang halalang 2010.  At sa pinaikling kuwento, kumandidato ako noong 2010 bilang supporting actor lamang sa kandidatura ni Manong Pepito Alvarez para Gobernador, sapagkat nakita kong siya ang kailangan natin upang mapakinabangan, mapagalaw nang tama, ang pamahalaang panlalawigan, sa ikatataas ng antas ng kabuhayan ng lahat ng Palaweño.

Nabigo tayo noong 2010 na maipanalong Gobernador si Manong Pepito Alvarez.  Ngunit sa nalalapit na halalang 2013, may pagkakataon tayong muling pagsikapang mahalal na Gobernador ang ating Chairman ng Partidong Pagbabago ng Palawan.  Kaya po ang tanong ko sa sarili ko, ano kaya ang magagawa ko upang lalong lumakas ang posibilidad na matupad ang ating hangarin.

Marami po ang nagkakamali sa pulitika sa pag-aakalang “politics is addition”.  Hindi po totoo yon, lalo na sa ngayon, napakarami ng botong dapat makuha upang manalo sa halalan.  Kung addition lamang, hindi makakamit ang kinakailangang bilang.  Ang totoo, “politics is multiplication”:  bawat isang dagdag, dapat ay may dalang tatlumpu, animnapu, isaandaan.  At tamang-tama naman po, sa inisyatibo ni Mayor Shuaib Astami ng Balabac, nakakita ang ating Partido ng pagkakataong makadagdag nang kasamang hindi lamang daan-daan kundi libu-libo ang mahahatak na sumama rin sa atin; isang taong naghahangad din ng pagbabago; at bagamat dating nasa kampo ng ating mga katunggali, nakita niya ring dito sa ating Partido, mas may asenso ang Palawenyo. 

Dahil dito, pormal na ipinapahayag kong hindi na po ako kakandidato para Konggresman ng Ikalawang Distrito; at buong puso ko pong inaayunan at sinisegundohan ang paanyaya ng Partido Pagbabago ng Palawan kay Board Member Frederick Abueg na sumama na sa atin at siyang humalili sa akin upang maging kandidato nating Konggresman ng Ikalawang Distrito ng Palawan.  Sa aking bahagi naman, handa po akong sumama pa rin kay Manong Pepito Alvarez, kung mamarapatin ng Partido, bilang kandidato para Bise-Gobernador.  Kung hindi naman, kahit tagakanta na lang sa mga rally.

Ang Abueg ay napakabangong apelyido sa pulitika sa Palawan, mula kay Governor Alfredo Abueg, Sr., nagpatuloy sa kanyang anak na si Deputy Speaker Alfredo Amor Abueg, Jr., at ngayon, hanggang sa apo, ang Number One Board Member ng Ikalawang Distrito ng Palawan, magiging kandidato natin para Kongressman.  Sasabihin ko na rin po, lalong masaya ang pagsama sa atin ni Board Member Eric Abueg sapagkat kami po ay magkamag-anak:  ang aming mga ina ay magpinsan; isang pamilya lamang.

Bilang pagtatapos, nais kong bigyan ng diin:  Hindi dapat pag-awayan ang katungkulan sa pulitika, kung ang hinahangad ng bawat isa ay ang kabutihang panlahat.  Alam natin dapat kung makabubuti o hindi ang ating pagkandidato o hindi pagkandidato sa isa o ibang katungkulan.  Hindi naman tayo yayaman sa katungkulan, maliban kung tayo ay sasali sa katiwalian; ngunit hindi na puwede ang dating kalakaran.  Nasimulan na ang ating pagtahak sa “Daang Matuwid” bilang isang bansa; ituloy na natin.  Kaya po panawagan ko sa lahat ng pulitiko, suriing mabuti ang kalooban bago magpasyang kumandidato o hindi kumandidato sa anumang posisyon sa halalang 2013.  Itaas sa panalangin, sapagkat, sa kahulihulihan, “iisa lang ang talagang kailangan”: na tayo ay maging kaisa ng Diyos sa Kanyang kaligayahang walang-hanggan.  At ito ay mangyayari lamang kung ang panahon natin sa daigdig ay naging isang pagsasanay sa pagiging kaisa ng Diyos, pagtupad sa kalooban ng Diyos sa lahat ng mga larangang ating ginagalawan.

Maraming salamat po.

O.C.P.A.J.P.M.

Tuesday, September 18, 2012

BAHANG ARETS


(Heto po ang aking partially-aborted privilege speech sa sesyon-plenaryo ng kamara de representante noong ika-14 ng Agosto 2012. Mahaba ang istoryang naganap noon ngunit, sa madaling salita, nakapagtalumpati rin ako, hindi nga lang natapos...)

Mr. Speaker:

I rise on a matter of personal and collective privilege.  This is about the integrity and reputation of this House and its members vis-a-vis the termination of the debate on the RH Bill last August 6.  I believe that we owe our nation an explanation on what happpened; and that each member of this house has the right to make that attempt:  a right that is also a duty.

Noon pong sanlinggo bago dumating ang August 6, sa aking pagkaalam, nagkaroon ng pag-uusap ang pinakamataas na pamunuan ng kapulungang ito, kaharap ng mga pinuno ng ibat-ibang partido.  Napagkasunduang itakda sa ika-Pito ng Agosto, araw ng Martes, ang botohan sa magiging motion na itigil na ang debate sa RH Bill.  Wala po ako sa meeting na iyon, sapagkat hindi po ako pinuno ng anumang partido, ngunit alam kong may mga naroon, kasama sa usapan, na hindi dapat pumayag sa ganoong kasunduan sapagkat, kagaya ko, tutol din sila sa RH Bill.  Alam nilang marami pa tayong kasamahang tutol din sa RH Bill na dapat mabigyan ng pagkakataong makapagsalita o makasali sa debate.  Sapagkat kung may ganoong kasunduan, hindi na nga naman magiging marangal na magsagawa ng iba pang maneobra, lehitimo rin sana, upang huwag umusad ang RH Bill, gaya ng pagkwestyon sa quorum, paggamit sa pribilehyong magdiskurso sa ibang mga usapin, atbp.  Dapat sana ay pinagsisikapan ng panig na tutol sa RH Bill na hindi agad matapos ang debate sapagkat ito ay lalong nakakamulat hindi lamang sa ating mga mambabatas kundi pati rin sa publiko.  Sa aking palagay, pumayag lamang ang mga anti-RH leaders sa kasunduang magbotohan sa ika-Pito ng Agosto dahil mayroong kalakip na kondisyon; na kung mananaig ang mga tutol sa pagtigil ng debate, hindi na rin tatalakayin ang RH Bill.  Manaig man ang mga sang-ayon sa RH Bill na itigil ang debate, bahala na kung ano ang mangyayari.  Sa panig naman naming mga anti-RH, kaakit-akit nga naman ang posibilidad na mapatay na ang Bill sa ika-Pito ng Agosto sa pamamagitan ng pagkatalo ng motion to terminate debate.  Ito po ang sitwasyon bago dumating ang araw ng Lunes, ika-Anim ng Agosto.

Noong pong Sabado, ika-Apat ng Agosto, habang ako ay nasa Anti-RH Prayer Power Rally sa EDSA, nakasagap po ako ng balitang nagpatawag daw po ang Malakanyang ng meeting ng mga konggresista.  Nakatakda raw po ang meeting kinabukasan ng tanghali, araw ng Lunes, ika-Anim ng Agosto.  Hindi po ako nakatanggap ng paanyaya kaya hindi rin ako dumalo.  Kaya po nagulat ako, noong hapon ng Lunes, ika-Anim ng Agosto, sa pagsimula ng sesyon, nang malaman kong pina-aga pala ang petsa ng botohan mula sa napagkasunduang ika-Pito ng Agosto, at naging ika-Anim ng Agosto.

Ang pakiramdam ko po noon ay “naisahan” kaming mga anti-RH:  ni hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makapagpaliwanagan, at nang makapaghanda lamang sana kahit kaunti.  Nagulat din po ako sa pagkapanalo ng motion to terminate debate sa pamamagitan ng sigawan lamang:  sa pandinig ko po, sa gallery pa nagmula ang ibang “aye” o yes vote, hindi sa mga miembro ng kapulungang ito.  Kaya po nais kong gamitin ang pagkakataong ito upang ipaalam sa lahat na ako po ay bumoto ng “Nay”, kontra sa motion to terminate.

Sinasabi ko po ito upang malaman ng sambayanang Pilipino:  May panlilinlang na naganap.  Naisahan lamang tayo.  At kung tumatahak po tayo sa Daang Matuwid, dapat ay hindi puwede ang “nakaisa”.  Ang “nakaisa”, kakambal ng “palusot”.

Sinasabi ko po ito sapagkat marami ang nag-iisip na ang pagtatapos sa debate sa RH Bill noong August 6 ay may koneksyon sa pagkakasalanta natin sa baha noong araw na iyon at mga sumunod na araw.  Kaya nga hindi pa mapangalanan ang kalamidad na naganap hanggang ngayon, dapat daw itong tawaging “Bahang RH”.  Oo nga, hindi natin masasabing nagbaha dahil sa pagtatapos ng debate sa RH Bill; ngunit hindi rin masasabing walang kinalaman ang isa sa isa:  mayroon, hindi lamang makita ng makamundong pananaw.

May kaibigan po ako, si Ms. Baby Nebrida.  Siya po ay kilala bilang isang “visionary”.  Bago maganap ang Nine-One-One sa New York, ito po ay “nakita” ni Ms. Baby Nebrida, at naipahayag niya sa marami.  Bago maganap ang sakunang Ondoy sa ating bansa noong 2009, naipahayag din niya na kung uusad ang RH Bill, may ganoong magaganap na sakuna.  Pumasa nga sa komite ang RH Bill noong 14th Congress at sinundan agad ng Ondoy.  Noong nakaraang Lunes, ika-Anim ng Agosto, umusad na naman ng malaking hakbang ang RH Bill, at agad nating naranasan ang Bahang RH.  At sinasabi po ni Ms. Baby Nebrida, kung lulusot ang RH Bill, napakalaking kalamidad ang darating sa ating lahat.  Wala po akong mapipilit na maniwala kay Ms. Baby Nebrida, ngunit ayaw ko pong masisi niya o ng libo-libong biktima ng sakunang nangyari at maaaring mangyari dahil sa RH Bill na ito.

Hindi naman katakatakang magparamdam ang Diyos sa pamamagitan ng ganitong mga karanasan.  Sa Bibliya, maraming pagkakataong pinayagan ng Diyos na magdusa ang sambayanan dahil sa kasalanan, kahit kasalanan lamang ng mga pinuno.  At ang RH Bill, sa aming pananampalataya, ay isang malaking kasalanan: labag sa utos ng Diyos, sapagkat ang kakayahang mag-sex ng tao ay itinakda Niya sa pagiging mabunga.  Hindi ito maaaring ituring na laruan para lamang sa kasiyahan ng indibidwal o ng magka-partner.  Mayroong pag-abuso, maling paggamit, kapag pinipigilan sa pamamagitan ng artipisyal na paraan ang pagiging mabunga nito.  Ito rin po ang turo ng aming mga Obispo, at sa aming mga Katoliko, sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin, sila po ang kasangkapan at tinig ng Diyos.  Kaya po, kapag nilalait ang aming mga Obispo, kami po ay nasasaktan din.

Ngunit sino nga ba ang talagang pinaliligaya sa pagmamadaling maipasa ang RH Bill na ito?  Walumpung porsyento ng Pilipino ay Katoliko; at ang simbahan ay hindi lamang mga Obispo at Pari.  Ang Simbahang Katoliko ay tayo—karamihan sa inyo ay Katoliko rin—mga propesyonal, may asawa at mga anak—na tutol sa RH Bill.

Ang RH Bill ay isang atake sa Katolisismo.  At ang ating pagtutol dito ay hindi pamimilit na masunod ng iba ang ating paniniwala kundi isang pagtanggol ng karapatan:  Huwag naman mga katoliko ang piliting sumang-ayon at sumunod sa pananampalataya ng mga nagsusulong ng RH Bill.  Ang tinutukoy ko po ay ang mga pananampalatayang liberalismo, sosyalismo, marxismo, ateismo, at kung ano pang mga –ismong nagngangalit na gustong tapakan at burahin ang Simbahang Katoliko sa lahat ng usapang panlipunan sapagkat kontra sa kanilang pananampalataya, kontra sa kanilang mga ideolohiyang banyaga, na ang pinatutunguhan ay ang paglipol sa ating lahing Pilipino.

Sang-ayon po ako sa sinulat ni Senator Kit Tatad:

“To the country’s Roman Catholics, the bill is an undisguised anti-Catholic measure.  It savages an important doctrine of their faith, and then requires them to provide the tax money to fund the program that would attack their faith.  The bill is arrogantly telling Catholics not to learn their faith from their Church but learn it from Congress instead.  It is religious persecution pure and simple... and the victim is not a small religious minority but rather the overwhelming majority of 95 million Filipinos.”

Ngunit hindi lang po pananampalataya ang nag-uudyok sa aming pagtutol sa RH Bill.  Sang-ayon din po ako sa lahat ng sinulat ni Dr. Bernardo Villegas, isang dalubhasa sa ekonomiya at isa sa mga umakda sa 1987 Constitution.  Bahagi lamang po itong aking babasahin:

“Passing the RH Bill would literally be killing the goose that lays the golden eggs... The Philippines does not need any population management program because its fertility rate is already rapidly falling.  Within a generation, fertility rate of the Philippines will be at below-replacement level of 2.1 babies per fertile woman.  Today, thanks to a large population, the Philippines is one of the few countries whose GDP is still growing at 6 percent or more because its businesses can sell to a lucrative domestic market even as exports suffer a dramatic slowdown...the RH Bill will plant the seeds of a contraceptive mentality among married couples, as has happened in all the Northeast Asian countries who are now suffering  from a severe ‘demographic winter’. 

“In the social sciences, there are findings that the contraceptive lifestyle destroys the very foundation of society, the family.  According to Nobel Prize winner George Akerlof, who combines the study of economics and psychology, contraceptives tend to degrade marriage and lead to more extramarital sex, more fatherless children, more single mothers and more psychologically troubled adolescents...Also, contrary to the claims of the proponents of the RH Bill, condoms promote the spread of AIDS...give a false sense of security and prompt people to be more reckless in assuming sexual risks, thus worsening the spread of the sexually transmitted diseases.”

Ngayon po ay may lumalakad na signature campaign, sinimulan ng Prolife Coalition noon lang nakaraang Sabado, ika-Labing-Isa ng Agosto, na kumakalap ng mga lagda sa isang petisyon, naka-address po sa kapulungang ito, at ang nilalamang mensahe ay “We respectfully but strongly urge you to reject the RH/RP Bill”.  Ngayon pa lamang po, sa isang milyong lagdang inaasahan, mayroon nang mahigit isandaan-libong lagda ang nakalap at amin pong isusumite sa kinauukulang tanggapan ng kapulungang ito.

Sana po ay pakinggan ito.

Maraming salamat po.

O.C.P.A.J.P.M.

Monday, May 28, 2012


RECALLING THE MECHANISM OF RECALL
(Privilege Speech of Rep. V. Dennis M. Socrates before the House of Representatives in Plenary Session, 28.V.2012)



Mr. Speaker:

I rise on a matter of personal and collective privilege.  This is about COMELEC Resolution No. 9374 promulgated on March 7, 2012, “to discontinue actions”, and, in effect, to deny, wholesale, all petitions for the conduct of recall elections in various local government units all over the country.

The pertinent antecedents of my grievance are as follows:

On or about September 15, 2011, Mr. Caesar R. Ventura, a resident and registered voter of Coron, Palawan, filed a petition for the recall of the incumbent governor of Palawan, invoking the provisions of Sections 69 to 75 of the Local Government Code, as amended.  The petition was accompanied with the signatures of 158,889 registered voters of Palawan who were such during the last regular election, which is obviously more than the minimum required by law for such a local government constituency; in this case, 45,000.  Mr. Ventura also caused payment to COMELEC of the required filing fee of Fifty Thousand Pesos (Php50,000.00). 

COMELEC found the petition for recall sufficient in form and in substantial compliance with the initiatory requirements.  All that remained to be done was the “verification” of these signatures which the Provincial Election Supervisor of Palawan together with the Election Officers of the 23 municipalities of the province were poised to conduct when COMELEC issued the subject Resolution No. 9374.

The gist of the subject COMELEC Resolution is found in the last two paragraphs thereof, which read, and I quote:

“Whereas, the Commission sees that it is no longer feasible to conduct recall elections at this point and time, considering the aforesaid budget constraints and the tedious preparatory activities needed for the conduct of recall elections;

“NOW THEREFORE, the Commission on Elections by Virtue of the Powers vested in it by the Constitution, The Omnibus Election Code and other related laws, has RESOLVED, as it hereby RESOLVES, to discontinue actions on all Petitions for Recall.”

Mr. Speaker, this representation had been the object of a petition for recall in 2002. as mayor of Puerto Princesa City, via a Preparatory Recall Assembly which was possible at that time, although the difference with the present modality is immaterial.  I am not bitter about it because it was an exercise of a clear legal right under the Local Government Code.  As long as the objective formal, procedural and substantive requirements are complied with, the petitioners have a demandable right to the holding of a recall election.  That was in 2002.

Going back to the present context, the petition for recall initiated by Mr. Caesar R. Ventura also complied with all the initiatory requirements.  And that is why this representation was disheartened on learning about COMELEC Resolution No. 9374.

Lest I be misunderstood, I would like to state that I am not complaining against anyone.  I am not blaming COMELEC, nor the parties for their understandable legal maneuverings in prosecuting or blocking, respectively, the petition for recall.  Indeed, we must believe the reasons adduced by COMELEC for Resolution No. 9374—that is, time and budgetary constraints—which should make sense as valid justification even to partisan observers.

But, reflecting on the subject Resolution No. 9374, this representation cannot help but ask whether it is a call to abolish the present mechanism of recall in our Local Government Code.  For this purpose, I am filing today a bill for the repeal of Sections 69 to 75 of the Local Government Code, which is the entire chapter on Recall.  I hope that our distinguished colleagues would support this move.

The experience brought to us by COMELEC Resolution No. 9374 teaches that the present mechanism of recall is vulnerable to the human or subjective dispositions of the COMELEC Commissioners, as evoked in the very language of Resolution No. 9374 itself.  Compliance with the requirements of the law—very onerous already as they are—does not guarantee that a recall election will be conducted.  The law is open to “discriminatory enforcement” or does not conform with the idea that “ours is a government of laws, not of men”; nor does it speak well of the stability of our legal system.

This representation is aware, Mr. Speaker, of Section 3, Article X of the Constitution, which requires Congress to enact a local government code “with effective mechanisms of recall”.  The present mechanism of recall has proven to be in-effective—and perhaps, even inimical to the common good, considering the trouble everyone has to go through for nothing—and therefore, should be abolished, until such time, we do not know when, as our collective wisdom could conceive of a truly effective mechanism of recall.

Thank you. 

Tuesday, April 17, 2012

LAW AND FREEDOM

(SPEECH BEFORE THE CANON LAW SOCIETY OF THE PHILIPPINES, PUERTO PRINCESA CITY, 17 APRIL 2012)

The Officers and Members of the Canon Law Society of the Philippines; Your Excellencies, Most Reverend Bishops; Very Reverend Monsignori; Reverend Fathers; Reverend Sisters; Eminences in the teaching and practise of Canon Law; Distinguished Guests, Friends: Good Morning.

It is an honor to join the people of Puerto Princesa and Palawan in welcoming you all to our Pro-Life and Pro-Family City. Maambeng nga pag-abot, as we would say in our Cuyuno language. Thank you for choosing to hold your National Convention here, for the second time, because the first time was in 1998; which brings me to a second, more personal reason to thank the CLSP.

It was in 1998 that I first met Fr. Jaime Achacoso, when he first came to Puerto Princesa to attend the CLSP Convention. Since 1998, I have had the benefit of the friendship and spiritual advice of Fr. Jim. For those who think I am bad inspite of all that, they can imagine how much worse I would be without Fr. Jim.

I mention this because Fr. Jim has been making regular trips to Puerto Princesa for some years already, to shepherd a growing flock of men and women, young and old, and their families, which makes him as much a Puerto Princesan as anyone. He was infected by the “come-back, come-back” virus, which can also happen to you. I am also a witness to the effort Fr. Jim has put into the planning, preparation and actual conduct of this Convention. Thank you for everything, Fr. Jim.

As I say thanks to you all, allow me also to pay tribute to “law”, to the “law of the land”, the civil law, as well as ecclesiastical law, and to say that the very existence of CLSP, your very presence in this Convention, already contributes to promoting the rule of law.

Much of the problems human society has experienced since the second half of the last century could be traced to “liberalist” trends in almost all aspects of life. By “liberalist”, I am referring to an ideology that would place individual freedom as an end in itself or as the highest social good, such as to belittle the values of law and order, the value of justice. This is perhaps understandable as a reaction to the other, undesirable extreme of totalitarianism which earlier found expression in royal absolutism and, by the beginning of the twentieth century, in the fascist and socialist dictatorships that sprang up in many places of the earth.

To the liberal, human freedom is absolute or extends to determining good and evil, to amending or discarding even the natural moral law.

As we all know, on the other hand, the truth is that human freedom is not absolute. It must bow to objective reality and to the truth of our authentic human nature. What is more, our very exercise of this freedom, our choices, bind us to their natural conse quences. Indeed, human freedom is meaningless unless it ends in a binding choice. Freedom is for commitment; and because our choices can result in happiness or misery, freedom is inseparable from responsibility. In the end, human freedom makes sense only as man’s capacity to direct himself towards his end—towards sanctity, perfection, eternal happiness.

For this, law is necessary. The liberals have it wrong. May the Church and our political community be protected from liberalism. And that is why I feel that we need more lawyers’ conventions, if only to highlight the need for law in social life. Congratulations to the participants and organizers of this Convention. I join you all in the fervent hope that the proceedings would bear much fruit in terms of the sanctity and apostolic effectiveness of all the faithful.

Maraming salamat po.

O.C.P.A.J.P.M.

Friday, April 6, 2012

EULOGY PARA KAY TIA NATY (31.III.2012)

Magandang umaga po sa inyong lahat.


Ang papel ko po ngayong umaga ay magbigay ng eulogy para kay Tia Naty, kahit medyo anti-climactic—sapagkat kagabi ay nagkaroon na ng parangal at maraming mabuting mga alaala ang naihayag tungkol sa kanya—at magpasalamat sa inyong lahat, sa inyong presensya, sa inyong mga naitulong sa pagdaos ng mga nararapat na maganap mula ng huling tibok ng puso ni Tia Naty bago dumating sa Jordan, hanggang sa pagkakataong ito na ihahatid sa libingan ang kanyang mga labi.


Ang “eulogy”, mula sa dalawang katagang Griyego, eu, “mabuti”, at logos, “salita”, kaya “mabuting salita”; sa karaniwang paggamit, talumpati ng papuri sa isang taong namatay.


Para sa lahat nating mga tao, ang sandali ng ating kamatayan ang nagtatakda ng ating kalalagayan sa walang-hanggan. For each and everyone of us, the moment of death is that one defining moment for all eternity. Sa oras ng kamatayan, nililisan natin ang materyal na sansinukob, kung saan nagbabago-bago ang lahat at dahil dito, may panahon, at pumapasok tayo sa walang hanggan, sa walang panahon sapagkat wala nang pagbabago. Kung sa sandaling iyon ay may pagkiling sa Diyos ang ating kalooban, magiging kaisa tayo ng Diyos sa kaligayahang walang-hanggan; kung hindi naman, kung walang pagkiling sa Diyos sa sandali ng kamatayan (huwag sanang mangyari kaninuman), pagdurusang walang hanggan. Sapagkat ang kabuluhan nga naman ng ating buhay ay kilalanin, ibigin, at paglingkuran ang Diyos at ng maging kaisa Niya sa kaligayahang walang-hanggan: kilalalanin ang Diyos sa pamamagitan ng ating pag-iisip na inilawan ng pananampalataya; ibigin ang Diyos sa pamamagitan ng ating kalayaang tinulungan ng grasya; at paglingkuran, tupdin ang kalooban ng Diyos ng buong lakas, ng buong damdamin, ng ating buong pagkatao, kasama ng lahat ng ating kayamanan at mga iniibig. Diyos ang kaganapan ng katotohanan at kabutihan: Siya ang talagang hinahanap ng puso ng tao; ng ating pag-iisip at kalayaang pumili—ang dalawang kapangyarihan ng espiritwal na diwa ng tao, na hindi nawawala kundi humihiwalay sa pagkasira ng ating materyal na pangangatawan sa sandali ng ating kamatayan. Sabi nga ni San Agustin, “Panginoon, nilikha Mo kami para sa Iyo, at ang aming mga puso ay hindi matatahimik hanggat hindi nahihimlay sa Iyo.” Kung sa oras ng kamatayan ay kaisa tayo ng Diyos, kaligayahan ang ating mararanasan sa walang hanggan; at kung hindi, pagdurusang walang hanggan. Kung ano ang kalalagayan ng ating puso sa oras ng kamatayan, ito ang kalalagayan natin sa walang-hanggan. Ang oras ng kamatayan ang ating pagtawid mula sa panahon palipat sa walang-hanggan.


Sa kabilang dako, bagamat ang ating kamatayan ang kritikal na sandali kung kailan at saan naitatakda ang ating magiging kalalagayan sa walang-hanggan, hindi ito nangangahulugang bale-wala ang ibang sandali ng ating buhay; bagkus, ito rin ang nagbibigay ng kabuluhan sa lahat ng ating panahon sa daigdig, bilang isang paglalakbay—pamemelegrino, pilgrimage—o kaya ay pagsasanay, paglago, pakikibaka, patungo sa pagiging kaisa ng Diyos, patungo sa kabanalan. Nagsisimula tayo sa pagkadispalinghado, sa mga kahinaan at depekto ng ating minanang may-sugat na kalikasan mula kina Adan at Eba: kailangan nating pagsikapang lumago sa ating pagkiling sa Diyos.


Oo nga, ang buhay ng tao sa mundo ay isang paglalakbay tungo sa pagiging kaisa ng Diyos, tungo sa kabanalan. Lahat tayo tinatawag na magpakabanal; at hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa na, sa kabila ng ating mga kahinaan at pagkakasala, huwag lamang tumigil sa pakikibakang ito, sa tulong din ng grasya o biyaya ng Diyos, tayo rin ay magtatagumpay na sa huling sandali ng ating buhay sa daigdig, maabutan tayo ng kamatayan na kaisa tayo ng Diyos.


Ang buhay at kamatayan ni Tia Naty ay isang larawan ng pag-unlad patungo sa kabanalan; kahit sa literal na kahulugan, isang pamemelegrino, pilgrimage. Namatay siya habang patungo sa Herusalem; hindi nga naman malayong asahan nating ang kanyang kalooban sa sandaling iyon ay nakatuon sa Diyos, sa pagiging kaisa ng Diyos sa makalangit na Herusalem.


Sa mga naging malapit kay Tia Naty, lalo na sa loob ng dekada mula nang mamatay ang kanyang mahal na Badong, kapansin-pansin ang pag-unlad sa buhay-espiritwal. Araw-araw, nakikisalo sa Banal na Misa; puno ng panalangin ang mga oras mula sa paggising hanggang sa pagtulog. Unti-unting nawala ang dating pagiging “mataray”; hanggang sa huli, tanggap na tanggap ang kawalan ng kapangyarihan, lahat ng bagay pinasasalamatan. Sabi ko sa sarili ko, noong huli ko siyang makausap, ganito na dapat tayo bago mamatay: wala nang pagkaakit sa kayamanan o karangyaan; wala nang yabang, wala nang pagmamalaki sa sariling kakayahan; wala nang mga galit o sama ng loob kaninuman, ang hinahangad ay kung ano ang tama at mabuti; maawain; mapayapa ang loob na nakikita sa pananalita at gawa; matiisin. Sa madaling salita, maaaninag na sa kanyang pagkatao ang mga “punong kabanalan” o beatitudes na inilahad ng Panginoon. At bagamat nagulat pa rin tayo at nalungkot sa kanyang pagpanaw, masaya rin tayo sa matibay na pag-asang nakamit nga ni Tia Naty ang “nag-iisang talagang kailangan”, the one thing necessary, ang tagumpay ng pakikibaka nating lahat sa buhay na ito. Salamat sa Diyos, sapagkat hindi mangyayari ito kung hindi rin dahil sa grasya. At tama si San Josemaria Escriva: ang Diyos ay hindi dapat isipin na parang isang mangangaso, hunter, na nakaabang at papaslangin tayo sa oras na hindi tayo nakahanda; bagkus, ang Diyos ay maihahalintulad sa isang maalagang hardinero, at tayo ang Kanyang mga bulaklak, pinalalago at pipitasin lamang Niya kapag ganap na ang pamumukadkad.


Sa ngalan ni Tia Naty, humihingi rin po ako ng paumanhin at patawad sa anumang pagkukulang namin sa inyo, sa anumang pinsala o sakit ng loob na naidulot sa inyo.


Maraming salamat kay Bishop Arigo at sa lahat ng kapariang nagsipagdiwang ng Banal na Misa para kay Tia Naty. Kay Fr. Eugene Elivera at sa mga kapwa-pelegrino ni Tia Naty, sa inyong pag-alaga. Kay Bryan, sa iyong pag-uwi kay Tia Naty sa Pilipinas. Kay Atty. Junjun at Sir Sammy at mga kasama sa inyong napakagandang parangal kay Tia Naty kagabi. Kina Ate Nenette at Ate Papot sa kanilang pagiging mga punong-abala. Sa lahat ng mga tumulong sa lahat ng aspeto at yugto ng pagburol at paglibing. Sa lahat ng nagsidalo, lalo na po ang nanggaling pa sa malalayong bayan. Sa presensiya ninyong lahat, at sa patuloy ninyong mga panalangin para kay Tia Naty at para sa ating mga kamag-anak at kaibigang pumanaw na rin.


Maraming salamat po.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, March 21, 2012

KONGKRETUHIN ANG DAANG MATUWID SA SUR!

KONGRETUHIN ANG DAANG MATUWID SA SUR!

(TALUMPATI SA IKA-TATLUMPU’T ANIM NA ANIBERSARYO NG PAGKAKATATAG NG WESTERN COMMAND, IKA-15 NG MARSO 2012, LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA)


Lieutenant-General Juancho M. Sabban and Madame Irene C. Sabban, the Officers and Men of the Western Command and their Ladies, Distinguished Guests, Friends:


Malugod na pagbati sa inyong lahat sa ika-tatlumpu’t anim na anibersaryo ng pagkakatatag ng Western Command. Karangalan ko pong maanyayahang magsalita sa inyong harapan sa pagkakataong ito. Maraming salamat po. At kalakip ng aking pagpupugay sa matagumpay na pagsasakatuparan ng misyon ng Western Command sa nagdaang tatlumpu’t anim na taon, payagan po ninyo akong magbahagi ng ilang punto ng pagmumuni-muni tungkol sa serbisyo sa estado.


Bilang kinatawan ng distrito sa konggreso, at tulad ng ating mga kawal, ako po ay isa ring lingkod ng bayan; magkaiba lamang po sa partikular na gawain.


Ang trabaho ko po, sa pinakabuod, ay dumalo sa mga sesyon ng konggreso, tatlong araw sa loob ng sanlinggo, at sa mga pagpupulong ng iba’t ibang komite nito, at makisali sa pagtalakay at pagbabalangkas ng mga panukalang-batas. At isa lamang po ako sa mahigit sa dalawandaan at walumpung miyembro ng kamara de representante.


Hindi sinlaki ng akala ng marami ang kapangyarihan ng isang konggresman. Anim lamang ang staff ng bawat konggressman, at ang aming tanggapan ay halos masasabing kuwartito lamang. At bagamat mayroong sinasabing “pork barrel” ang mga konggresman, ito ay masasabing “accommodation” lamang; “pagbibigay”, pinagbibigyan lamang kahit hindi talaga nararapat. Sa katunayan, ang taguring “pork barrel” ay may halong panlalait, para bagang ipinahihiwatig na “matakaw” ang mga kongresman.


Ang pormal na tawag sa regular na pork barrel sa ating kasalukuyang General Appropriations Act ay “Priority Development Assistance Fund”, P.D.A.F. o “pidaf”.


Sa loob ng ilang taong nagdaan, ang PDAF ng bawat konggresman ay nasa 70 Milyong Piso taun-taon. Malaki pa ang taunang budget ng isang munisipyong katulad ng Sofronio Espanola at Jose Rizal ng Palawan. Kung ikakalat sa buong congressional district, ito ay maliit at hindi halos mararamdaman. Ang ating distrito ay sumasaklaw sa Puerto Princesa City at walong munisipyo.


Lalong maliit ang 70 Milyon kung ihahambing sa taunang budget ng Pamahalaang Panlalawigan, na sa loob ng nagdaang ilang taon ay hindi na bumababa sa Isang Bilyong Piso. Sa taong ito, ang budget ng Pamahalaang Panlalawigan ay tila nasa 1.4 Bilyon Pesos.


Bukod pa rito, ang 70 Milyon Pesos na PDAF ng bawat konggresman ay hindi rin dumadaan sa aming mga kamay. Ang karapatan lamang dito ng konggresman ay sumulat sa Department of Budget Management, sa pamamagitan ng Appropirations Committee, upang sabihin kung anong mga proyekto at programa ang nais niyang paglaanan nito, at kung aling ahensiya ng gobyerno ang nais niyang magpatupad sa proyekto o programa niyang iyon. Wala kaming sariling burukrasyang maaaring direktang magsagawa ng proyekto o programa; at wala rin kaming kakayahang tiyakin talaga na maayos ang pagsagawa sa proyekto o programang pinondohan mula sa PDAF.


Sinasabi ko lamang po ito upang bigyang diin ang katotohanang hindi sinlaki ng akala ng marami ang kapangyarihan ng isang konggresman; at kung mayroon mang mga konggresmang makapangyarihan o mayaman ang dating, hindi yon nagmula sa pagiging kongressman lamang kundi, marahil, sa ibang aspeto ng kanilang sariling pagkatao at kalagayan sa buhay.


Hindi ang kongresman ang boss ng District Engineer ng DPWH o ng Division Superintendent ng DepEd; at kung mangyaring nagkaganoon ay mayroong paglabag sa prinsipyo ng “separation of powers” ng ating Saligang Batas; mayroong “maling paggamit”, mayroong “pag-abuso” sa kapangyarihan.


Madalas po kasi, ang pinag-uugatang sanhi ng pag-abuso sa kapangyarihan, ang pinagmumulan ng katiwalian, ay ang maling pananaw sa kung ano ang totoong sinasaklaw ng partikular na katungkulan. Minsan, kulang; ngunit, madalas, lumalabis. Walang katiwalian kung tamang-tama lamang ang ating pag-unawa sa ating tungkulin at sa hangganan ng ating kapangyarihan.


Sa bahagi ng isang pulitiko, laging malakas ang tukso na patulan ang paghangad ng maraming manghahalal na ang kanilang ibinotong konggresman o gobernador ay maging puntahan sa oras ng personal na pangangailangan. Sa kabilang dako, ang pondo ng pamahalaan ay hindi naman talaga nakalaan sa pagtugon sa mga personal na pangangailangan; mahigpit ang mga batas na nagsasabing para lamang sa “public purpose”, sa kabutihang panlahat, ang perang nagmula sa buwis nating mga mamamayan. Kaya nga kung ang pondo ng gobyerno ay gagamitin sa pribado o personal na kapakanan ng kung sino, malamang ay may paglabag sa batas-kriminal o sa ating anti-graft and corrupt practices act. Magsasagawa ng cash advance at dodoktorin na lamang ang liquidation voucher. Magsisinungaling sa mga opisyal na dokumento.


Kung minsan, ang ginagamit ay hindi direktang pondo ng gobyerno, kundi perang nagmula sa kontratista o supplier na nabigyan ng pabor at kumita sa kanilang transaksyon sa gobyerno. Ito po ang kickback, komisyon; sa salitang-kalye, ang tawag ay “tongpats” at kung minsan ay “s.o.p.”—standard operating procedure—ibig sabihin, ito ang “kalakaran”. Katiwalian po ito sapagkat sa ilalim ng ating anti-graft and corrupt practices law, pinarurusahan ang sinumang opisyal ng pamahalaang tumanggap ng anumang regalo mula sa sinumang may transaksyon sa tanggapan ng opisyal na iyon. At ang pagbawal na ito sa batas ay makatuwiran sapagkat, kung papayagang tumanggap ng regalo ang ating mga opisyal, hindi malaon at malamang na ang magiging motibasyon sa pagtupad sa tungkulin ay hindi na dahil iyon ang kanyang tungkulin kundi ang regalo o pabuya na aasahan na niyang matatanggap. Paano naman ang hindi makapagbigay ng regalo?


Noon pong ako ay mahalal na konggresman, narinig ko rin na kalakaran daw na tumanggap ng s.o.p. ang konggresman mula sa mga kontratista ng mga proyekto ng pamahalaang nasyonal sa kanyang distrito. Sabi ng ilang kaibigan ko, kung hindi ko kukunin ang bahagi para sa konggresman, baka mapunta lang sa ibang tao. Sabi ko naman, kung mayroong gagawa ng katiwalian, siya ang pangunahing may problema o pasanin; at kung hindi natin kayang pigilin ang kalakaran sa pangkalahatan, maaari pa rin akong tumanggi pagdating sa aking sarili.


Ako po ay nasa unang termino ng panunungkulan bilang konggresman, maaaring ito rin ang aking huling termino (walang nakatitiyak sa hinaharap), at anupaman po ang isumbat sa marami kong mga depekto, maaasahan pa rin ninyo na ang inyong kinatawan ay hindi tumatanggap ng s.o.p., komisyon, kickback, tongpats, o anupaman ang maaaring itawag dito.


Ang kultura ng katiwalian ay isa sa pinakamalaking sanhi ng karalitaan ng ating bansa. Marahil, hindi malayo sa katotohanan ang sabihing halos kalahati ng budget ng ating pamahalaan ay napupunta sa katiwalian, sa halip na maayos na mga kalsada at pasilidad na pampubliko, tulong sa kabuhayan ng mga maralita, maayos na serbisyo ng mga ospital ng pamahalaan, at iba pa. Hanggang ngayon, sa maraming barangay sa ating lalawigan, ang pinagkukunan ng tubig ng mga mamamayan ay balon pa rin, parang nasa panahon pa rin nina Abraham at Isaac. May namamatay sa sakit na nagmula sa hindi malinis na tubig. At dahil halos walang maintenance ang ating provincial roads, kailangang maglakad ng sampung kilometro palabas ng barangay bago pa makakita ng sasakyang pampasahero; walang sasakyang makapasok dahil sira ang kalsada; hindi madala ang produkto mula sa sakahan papunta sa merkado.


Sa ating Hukbong Sandatahan, ang resulta ng kultura ng katiwalian ay kakulangan sa kagamitan, maaaring mauwi sa kamatayan ng ating mga kawal at pagkatalo sa digmaan.


Ito ang krisis ng ating bansa sa ating panahon. Kailangang matigil na ang kultura ng katiwalian sa ating pamahalaan. Hindi tayo aasenso habang hindi ito nawawala. Salamat na lang at marami na ring kumikilos na maituwid ang mga baluktot na landas sa mga kalakaran ng ating pamahalaan. Nagsisimula ito sa pagmulat ng kaisipan, sa paghubog ng ating kabataan.


Sana nga ay magpatuloy ang pagkilos na ito; kahit na, paminsan-minsan, may dalang kapaitan sa mga iskandalo at palitan ng mga akusasyon sa mga pahayagan at hukuman. Lahat po tayo ay may maitutulong sa pagsasakatuparan, sa paglikha ng “daang matuwid”, kahit dito na lang sa ating kinalalagyan. Kongkretuhin ang Daang Matuwid sa Sur! Kongkretuhin natin ang daang matuwid sa Palawan


Maraming salamat po at magandang araw sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.