Friday, April 6, 2012

EULOGY PARA KAY TIA NATY (31.III.2012)

Magandang umaga po sa inyong lahat.


Ang papel ko po ngayong umaga ay magbigay ng eulogy para kay Tia Naty, kahit medyo anti-climactic—sapagkat kagabi ay nagkaroon na ng parangal at maraming mabuting mga alaala ang naihayag tungkol sa kanya—at magpasalamat sa inyong lahat, sa inyong presensya, sa inyong mga naitulong sa pagdaos ng mga nararapat na maganap mula ng huling tibok ng puso ni Tia Naty bago dumating sa Jordan, hanggang sa pagkakataong ito na ihahatid sa libingan ang kanyang mga labi.


Ang “eulogy”, mula sa dalawang katagang Griyego, eu, “mabuti”, at logos, “salita”, kaya “mabuting salita”; sa karaniwang paggamit, talumpati ng papuri sa isang taong namatay.


Para sa lahat nating mga tao, ang sandali ng ating kamatayan ang nagtatakda ng ating kalalagayan sa walang-hanggan. For each and everyone of us, the moment of death is that one defining moment for all eternity. Sa oras ng kamatayan, nililisan natin ang materyal na sansinukob, kung saan nagbabago-bago ang lahat at dahil dito, may panahon, at pumapasok tayo sa walang hanggan, sa walang panahon sapagkat wala nang pagbabago. Kung sa sandaling iyon ay may pagkiling sa Diyos ang ating kalooban, magiging kaisa tayo ng Diyos sa kaligayahang walang-hanggan; kung hindi naman, kung walang pagkiling sa Diyos sa sandali ng kamatayan (huwag sanang mangyari kaninuman), pagdurusang walang hanggan. Sapagkat ang kabuluhan nga naman ng ating buhay ay kilalanin, ibigin, at paglingkuran ang Diyos at ng maging kaisa Niya sa kaligayahang walang-hanggan: kilalalanin ang Diyos sa pamamagitan ng ating pag-iisip na inilawan ng pananampalataya; ibigin ang Diyos sa pamamagitan ng ating kalayaang tinulungan ng grasya; at paglingkuran, tupdin ang kalooban ng Diyos ng buong lakas, ng buong damdamin, ng ating buong pagkatao, kasama ng lahat ng ating kayamanan at mga iniibig. Diyos ang kaganapan ng katotohanan at kabutihan: Siya ang talagang hinahanap ng puso ng tao; ng ating pag-iisip at kalayaang pumili—ang dalawang kapangyarihan ng espiritwal na diwa ng tao, na hindi nawawala kundi humihiwalay sa pagkasira ng ating materyal na pangangatawan sa sandali ng ating kamatayan. Sabi nga ni San Agustin, “Panginoon, nilikha Mo kami para sa Iyo, at ang aming mga puso ay hindi matatahimik hanggat hindi nahihimlay sa Iyo.” Kung sa oras ng kamatayan ay kaisa tayo ng Diyos, kaligayahan ang ating mararanasan sa walang hanggan; at kung hindi, pagdurusang walang hanggan. Kung ano ang kalalagayan ng ating puso sa oras ng kamatayan, ito ang kalalagayan natin sa walang-hanggan. Ang oras ng kamatayan ang ating pagtawid mula sa panahon palipat sa walang-hanggan.


Sa kabilang dako, bagamat ang ating kamatayan ang kritikal na sandali kung kailan at saan naitatakda ang ating magiging kalalagayan sa walang-hanggan, hindi ito nangangahulugang bale-wala ang ibang sandali ng ating buhay; bagkus, ito rin ang nagbibigay ng kabuluhan sa lahat ng ating panahon sa daigdig, bilang isang paglalakbay—pamemelegrino, pilgrimage—o kaya ay pagsasanay, paglago, pakikibaka, patungo sa pagiging kaisa ng Diyos, patungo sa kabanalan. Nagsisimula tayo sa pagkadispalinghado, sa mga kahinaan at depekto ng ating minanang may-sugat na kalikasan mula kina Adan at Eba: kailangan nating pagsikapang lumago sa ating pagkiling sa Diyos.


Oo nga, ang buhay ng tao sa mundo ay isang paglalakbay tungo sa pagiging kaisa ng Diyos, tungo sa kabanalan. Lahat tayo tinatawag na magpakabanal; at hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa na, sa kabila ng ating mga kahinaan at pagkakasala, huwag lamang tumigil sa pakikibakang ito, sa tulong din ng grasya o biyaya ng Diyos, tayo rin ay magtatagumpay na sa huling sandali ng ating buhay sa daigdig, maabutan tayo ng kamatayan na kaisa tayo ng Diyos.


Ang buhay at kamatayan ni Tia Naty ay isang larawan ng pag-unlad patungo sa kabanalan; kahit sa literal na kahulugan, isang pamemelegrino, pilgrimage. Namatay siya habang patungo sa Herusalem; hindi nga naman malayong asahan nating ang kanyang kalooban sa sandaling iyon ay nakatuon sa Diyos, sa pagiging kaisa ng Diyos sa makalangit na Herusalem.


Sa mga naging malapit kay Tia Naty, lalo na sa loob ng dekada mula nang mamatay ang kanyang mahal na Badong, kapansin-pansin ang pag-unlad sa buhay-espiritwal. Araw-araw, nakikisalo sa Banal na Misa; puno ng panalangin ang mga oras mula sa paggising hanggang sa pagtulog. Unti-unting nawala ang dating pagiging “mataray”; hanggang sa huli, tanggap na tanggap ang kawalan ng kapangyarihan, lahat ng bagay pinasasalamatan. Sabi ko sa sarili ko, noong huli ko siyang makausap, ganito na dapat tayo bago mamatay: wala nang pagkaakit sa kayamanan o karangyaan; wala nang yabang, wala nang pagmamalaki sa sariling kakayahan; wala nang mga galit o sama ng loob kaninuman, ang hinahangad ay kung ano ang tama at mabuti; maawain; mapayapa ang loob na nakikita sa pananalita at gawa; matiisin. Sa madaling salita, maaaninag na sa kanyang pagkatao ang mga “punong kabanalan” o beatitudes na inilahad ng Panginoon. At bagamat nagulat pa rin tayo at nalungkot sa kanyang pagpanaw, masaya rin tayo sa matibay na pag-asang nakamit nga ni Tia Naty ang “nag-iisang talagang kailangan”, the one thing necessary, ang tagumpay ng pakikibaka nating lahat sa buhay na ito. Salamat sa Diyos, sapagkat hindi mangyayari ito kung hindi rin dahil sa grasya. At tama si San Josemaria Escriva: ang Diyos ay hindi dapat isipin na parang isang mangangaso, hunter, na nakaabang at papaslangin tayo sa oras na hindi tayo nakahanda; bagkus, ang Diyos ay maihahalintulad sa isang maalagang hardinero, at tayo ang Kanyang mga bulaklak, pinalalago at pipitasin lamang Niya kapag ganap na ang pamumukadkad.


Sa ngalan ni Tia Naty, humihingi rin po ako ng paumanhin at patawad sa anumang pagkukulang namin sa inyo, sa anumang pinsala o sakit ng loob na naidulot sa inyo.


Maraming salamat kay Bishop Arigo at sa lahat ng kapariang nagsipagdiwang ng Banal na Misa para kay Tia Naty. Kay Fr. Eugene Elivera at sa mga kapwa-pelegrino ni Tia Naty, sa inyong pag-alaga. Kay Bryan, sa iyong pag-uwi kay Tia Naty sa Pilipinas. Kay Atty. Junjun at Sir Sammy at mga kasama sa inyong napakagandang parangal kay Tia Naty kagabi. Kina Ate Nenette at Ate Papot sa kanilang pagiging mga punong-abala. Sa lahat ng mga tumulong sa lahat ng aspeto at yugto ng pagburol at paglibing. Sa lahat ng nagsidalo, lalo na po ang nanggaling pa sa malalayong bayan. Sa presensiya ninyong lahat, at sa patuloy ninyong mga panalangin para kay Tia Naty at para sa ating mga kamag-anak at kaibigang pumanaw na rin.


Maraming salamat po.


O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment