Saturday, July 5, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 28

CIVIL SOCIETY

Noong ikalawang hati ng dekada ochenta, pagkatapos ng unang Edsa Revolution, at sa buong dekada noventa hanggang sa unang mga taon ng ikatlong milenyo, nauso ang terminolohiyang “civil society”, na tumutukoy sa bahagi ng pribadong sektor na direktang naglilingkod sa kabutihang panlahat (common good), bilang ikatlong sektor sa nauso ring “tripartite partnership projects”, kasama ng pamahalaan (government sector) at ng mga mangangalakal (business sector). 

Noong hindi pa uso ang “civil society” sa usapang panlipunan, public sector at private sector lamang ang madalas na marinig, tumutukoy lamang sa pamahalaan, bilang direktang namamahala sa pagtungo ng sambayanan sa kabutihang panlahat; at sa sektor ng mga mangangalakal, private business, na direktang nakatuon sa paglikha ng kayamanan, tubo o kita, ng pribadong mangangalakal, at sa ganoong paraan nakatutulong sa pag-unlad ng sambayanan.  Ngunit sa pagpipino at paglago ng kamalayang panlipunan, hindi nga naman maaaring hindi makitang may bahagi rin ang private sector na hindi tubo o kita ang pinagtutuunan kundi direktang kabutihang panlahat din; at ang mga ito nga ang nakasanayan nang tawaging “civil society”.

Mula sa civitas, katagang Latin, ibig sabihin, “lungsod” o pamayanan, city sa Ingles, ang una at talagang kahulugan ng “civil society” ay “sambayanang may pamahalaan”—katumbas ng political community, mula naman sa polis, “lungsod” din sa wikang Griyego—upang itangi o ibukod sa “pamumuhay sa iláng”, paninirahan sa gubat, nang walang pamahalaan kundi ng ama ng pamilya o pinuno ng tribo; pagiging nasa labas ng lungsod, nasa labas ng “sibilisasyon”.  Ganunpaman, gamitin natin ang “civil society” sa kasalukuyang kahulugan bilang bahagi ng pribadong sektor na, bagamat pribado at sa labas ng sektor ng pamahalaan, ay direktang nakatuon din sa kabutihang-panlahat; may causa o adhikaing panlipunan, hindi pansariling tubo o kita; cause-oriented, sa Ingles.  At sa ganitong pakahulugan, kapag pinag-uusapan ang civil society, agad na papasok sa kaisipan ang mga non-government organizations o mga NGO.

Malaki ang kontribusyon ng mga NGO sa pag-unlad ng sambayanan; hindi lamang sa pagtaas ng antas ng kamalayan at antas ng usapan, kundi pati rin sa mga kongkretong proyekto o pisikal na epekto.  Isang halimbawa nito ang epekto ng mga NGO sa larangan ng pangangalaga sa kalikasan.

Mahirap nga namang isiping kumita mula sa pangangalaga ng kalikasan.  Hindi ito serbisyong kailangan ng indibidwal na consumer, walang bibili; hindi maaaring iasa sa business sector. 

Sa katunayan, sa higit na maraming pagkakataon, ang kita ay nasa pagbenta at paggamit ng likas-yaman (pangingisda, pagtotroso, pagsasaka, pagmimina), kaya nga, sa tradisyunal na sistema, pamahalaan lamang ang maaaring asahang mangalaga sa kalikasan—laban sa labis o maling paggamit nito.  Sa kabilang dako, hindi rin maitatangging sa maraming pagkakataon, hindi kayang lubos na magampanan ng pamahalaan ang pangangalaga sa kalikasan, lalo na sa mga bansang “mura pa” sa karanasan at kulang pa sa katatagan ng mga institusyon at ng sistema ng batas.  Bukod dito, sa laki ng maaaring tubuin o kitain ng business sector mula sa pag-angkin at pagbenta ng likas-yaman, hindi nga naman malayong makayanang “bilhin” ang pagluluwag ng mga kawani ng pamahalaan sa kanilang pagbabantay.  Dahil dito, hindi kataka-takang magkaroon ng malaking papel ang mga NGO sa pagbantay sa kalikasan.  Masasabi rin ito tungkol sa maraming isyung pang-kabutihang-panlahat:  paggalang sa mga karapatang pantao (human rights), pagsugpo sa krimen at katiwalian sa pamahalaan, atbp.

Sa kabila nito, mapapansin ding tila nawawala sa uso ang civil society at mga NGO.  Bumabalik na naman tayo sa “public and private partnerships” (PPP)—ang tinutukoy ay government sector at business sector na lamang—hindi na “tripartite”, dahil hindi na kasali sa usapan ang mga NGO.  Bunsod din ito, marahil, ng pag-abuso ng marami sa konsepto ng civil society at sa taguri bilang NGO.  Isa sa pinakamalaking halimbawa nito ang mga NGO na pinuntahan ng bilyun-bilyong piso mula sa maraming mambabatas na nasasangkot sa pork barrel scam.  Lumalabas na itinatag lamang ang mga ito upang tumanggap ng pondo mula sa pork barrel ng mga mambabatas—para sa kung anu-anong proyektong hanggang papeles lamang—at upang paghati-hatian lamang ng mga mambabatas at ng mga personalidad na nasa likod ng NGO na iyon.  Dahil anyong pang-kabutihang-panlahat, legal na maaaring paglaanan ng pondo ng pamahalaan; at dahil hindi ahensyang bahagi ng pamahalaan, hindi karaniwang napapailalim sa masusing pagsisiyasat ang pagkilos at paggamit ng pondo.  Bukod dito, sa bahagi ng tunay ng mga NGO, hindi rin nila maiwasang makulayan ng ideolohiya o pansariling interes ng mga indibidwal o grupong nagpapakilos sa kanila, sa pagbigay ng pondo o sa mismong pagpapatakbo ng institusyon.  Sa madaling salita, sa pagkilatis sa karakter ng isang NGO, kailangang kilatisin din ang tunay na layunin ng mga puwersang nagpapakilos dito, kung naayon ba o hindi sa kabutihang panlahat.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.