Monday, October 8, 2012

STATEMENT SA PRESS CONFERENCE, 21 September 2012, La Terrasse Restaurant, Puerto Princesa City


Magandang araw po sa inyong lahat.

Ngayong araw po, ika-Dalawampu’t-Isa ng Setyembre, ako po ay nagmamarka ng ika-Limampu’t-Isang Taon ko sa daigdig.  Kaya po payagan nyo sana akong magbahagi rin ng kaunting personal na pagmumuni-muni.

Wala po akong birthday party sapagkat hindi ko naman ugaling magdaos ng birthday party.  Hindi naman sa masama ang magkaroon ng birthday party.  Ang punto ko lang, puwede ring wala.  Kursu-kursunada lang.  Mabuti na lang, may handang pagkain para sa atin ngayon ang Partido Pagbabago ng Palawan.

Ngunit ang araw at anibersaryo ng kapanganakan ay isang natatanging pagkakataong manalangin: itaas o ituon ang ating diwa sa Diyos; magpuri sa ating Banal na Lumikha, magpasalamat sa lahat ng biyaya at pagpapalang natanggap, lalo na sa biyaya ng buhay at pananampalataya; magsisi at humingi ng kapatawaran sa lahat ng marami kong nagawang kasalanan; at humingi rin ng liwanag at lakas sa araw-araw at patuloy na paglalakbay patungo sa huli nating dapat kahantungan: kaligayahang walang-hanggan.  Kaya huwag kang mag-alala, Kuya Sammy Magbanua, nakadalo na po ako sa Banal na Misa kanina, bago lumipad patungo rito.

Sa panalangin nga, nakakakita tayo ng liwanag.  At isa po sa mga liwanag na dumating sa akin ang kahalagahan ng pagiging hindi-nakatali sa mga bagay, pagkaka-kalag ng puso; sa wikang Ingles, “detachment”; at sa larangan ng pulitika, ang hindi pagkakatali ng puso sa ating katungkulan, o sa hinahangad na katungkulan bilang halal na opisyal.

Dati na rin po nating alam ang katotohanang ito; ngunit, sa madalas at nakaraan, sa pamamagitan lamang ng intuwisyon.  Ngayon, bilang isang malinaw at mabibigkas na kaisipan.

Hindi nga pala dapat matali ang puso ninumang pulitiko sa anumang katungkulan.  Unang-una, wala naman talaga tayong kapangyarihang tiyakin ang resulta ng halalan:  napakaraming kadahilanan ang nasasangkot sa halalan.  Ngunit, higit pa riyan, ang pulitikal na katungkulan ay nakatakda sa kabutihang panlahat, hindi para sa sariling kapakanan o kaligayahan ng pulitiko.  Kaya po, matatawag na isang prinsipyo ang sinasabi ko ngayon.  Dapat tayong maging bukasloob sa mga posibilidad.  Maaari tayong kumandidato, maaaring hindi; maaaring sa isang posisyon, maaaring sa ibang posisyon.  Maaari tayong mahalal, maaari ring hindi.  Ang mahalaga, hindi sariling ambisyon lamang ang hinahangad kundi ang maisulong ang kabutihang panlahat.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami, matagal na wala na ako sa pulitika at wala nang balak na kumandidato po kung hindi ako dinala ni Doktor Gerry Ortega kay Manong Pepito Alvarez noong bago dumating ang halalang 2010.  At sa pinaikling kuwento, kumandidato ako noong 2010 bilang supporting actor lamang sa kandidatura ni Manong Pepito Alvarez para Gobernador, sapagkat nakita kong siya ang kailangan natin upang mapakinabangan, mapagalaw nang tama, ang pamahalaang panlalawigan, sa ikatataas ng antas ng kabuhayan ng lahat ng Palaweño.

Nabigo tayo noong 2010 na maipanalong Gobernador si Manong Pepito Alvarez.  Ngunit sa nalalapit na halalang 2013, may pagkakataon tayong muling pagsikapang mahalal na Gobernador ang ating Chairman ng Partidong Pagbabago ng Palawan.  Kaya po ang tanong ko sa sarili ko, ano kaya ang magagawa ko upang lalong lumakas ang posibilidad na matupad ang ating hangarin.

Marami po ang nagkakamali sa pulitika sa pag-aakalang “politics is addition”.  Hindi po totoo yon, lalo na sa ngayon, napakarami ng botong dapat makuha upang manalo sa halalan.  Kung addition lamang, hindi makakamit ang kinakailangang bilang.  Ang totoo, “politics is multiplication”:  bawat isang dagdag, dapat ay may dalang tatlumpu, animnapu, isaandaan.  At tamang-tama naman po, sa inisyatibo ni Mayor Shuaib Astami ng Balabac, nakakita ang ating Partido ng pagkakataong makadagdag nang kasamang hindi lamang daan-daan kundi libu-libo ang mahahatak na sumama rin sa atin; isang taong naghahangad din ng pagbabago; at bagamat dating nasa kampo ng ating mga katunggali, nakita niya ring dito sa ating Partido, mas may asenso ang Palawenyo. 

Dahil dito, pormal na ipinapahayag kong hindi na po ako kakandidato para Konggresman ng Ikalawang Distrito; at buong puso ko pong inaayunan at sinisegundohan ang paanyaya ng Partido Pagbabago ng Palawan kay Board Member Frederick Abueg na sumama na sa atin at siyang humalili sa akin upang maging kandidato nating Konggresman ng Ikalawang Distrito ng Palawan.  Sa aking bahagi naman, handa po akong sumama pa rin kay Manong Pepito Alvarez, kung mamarapatin ng Partido, bilang kandidato para Bise-Gobernador.  Kung hindi naman, kahit tagakanta na lang sa mga rally.

Ang Abueg ay napakabangong apelyido sa pulitika sa Palawan, mula kay Governor Alfredo Abueg, Sr., nagpatuloy sa kanyang anak na si Deputy Speaker Alfredo Amor Abueg, Jr., at ngayon, hanggang sa apo, ang Number One Board Member ng Ikalawang Distrito ng Palawan, magiging kandidato natin para Kongressman.  Sasabihin ko na rin po, lalong masaya ang pagsama sa atin ni Board Member Eric Abueg sapagkat kami po ay magkamag-anak:  ang aming mga ina ay magpinsan; isang pamilya lamang.

Bilang pagtatapos, nais kong bigyan ng diin:  Hindi dapat pag-awayan ang katungkulan sa pulitika, kung ang hinahangad ng bawat isa ay ang kabutihang panlahat.  Alam natin dapat kung makabubuti o hindi ang ating pagkandidato o hindi pagkandidato sa isa o ibang katungkulan.  Hindi naman tayo yayaman sa katungkulan, maliban kung tayo ay sasali sa katiwalian; ngunit hindi na puwede ang dating kalakaran.  Nasimulan na ang ating pagtahak sa “Daang Matuwid” bilang isang bansa; ituloy na natin.  Kaya po panawagan ko sa lahat ng pulitiko, suriing mabuti ang kalooban bago magpasyang kumandidato o hindi kumandidato sa anumang posisyon sa halalang 2013.  Itaas sa panalangin, sapagkat, sa kahulihulihan, “iisa lang ang talagang kailangan”: na tayo ay maging kaisa ng Diyos sa Kanyang kaligayahang walang-hanggan.  At ito ay mangyayari lamang kung ang panahon natin sa daigdig ay naging isang pagsasanay sa pagiging kaisa ng Diyos, pagtupad sa kalooban ng Diyos sa lahat ng mga larangang ating ginagalawan.

Maraming salamat po.

O.C.P.A.J.P.M.