Saturday, May 30, 2009

MGA KALOOB, BUNGA, AT KARISMA

Bukas, araw ng Linggo at ikalimampung araw makalipas ang Muling Pagkabuhay ni Hesus, ipagdiriwang ng Sambayanan ng Diyos ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes, ang Pagdating ng Banal na Espiritu sa mga alagad.

Sinasabi ng ating pananampalatayang Kristiyano: “Sumasamba tayo sa iisang Diyos sa Santatlo…may tatlong Persona ngunit iisang Diyos” (Athanasian Creed). Kaya rin naman, ang paglago natin sa pagpapakabanal, paglago sa pagkilala sa Diyos, ay paglago rin sa pagkakakilala natin sa bawat Persona ng Banal na Santatlo: Sa Diyos Ama, Diyos Anak, at sa Banal na Espiritu.

Dahil nga ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo ay “espiritu”, sa tawag lamang na ito, hindi Siya maihambing sa anumang materyal na bagay; at dahil ang kaalaman ng tao ay karaniwang dumaraan sa mga pandama ng ating materyal na katawan, higit na mahirap nga para sa atin ang pagkilala sa Banal na Espiritu. Isang paraan ng pagkilala sa Banal na Espiritu ang pagmumuni-muni sa Kanyang mga Kaloob, mga Bunga, at mga Karisma.

Ayon sa turo ng Simbahan, may Pitong Kaloob ang Banal na Espiritu: Una, Katalinuhan, Wisdom sa wikang Ingles; Ikalawa, Pagunawa, Understanding; Ikatlo, Kaalaman o Paghatol, Counsel sa wikang Ingles; Ikaapat, Kapangyarihan o Katatagan, Fortitude; Ikalima, Karunungan, Knowledge; Ikaanim, Kabanalan o Pagkiling sa Diyos, Piety sa wikang Ingles; at Ikapito, Takot sa Panginoon, Fear of the Lord (CCC, No. 1831). Ito ang pagkakasunud-sunod nila ayon sa Aklat ni Propeta Isaias (Is 11:1-3).

Katalinuhan, “Wisdom”, ang nagdadala sa ating maakit sa mga bagay na patungkol sa Diyos, at magkaroon ng “supernatural outlook” na tumitingin sa realidad mula sa pananaw ng Diyos. Pagunawa, “Understanding”, ang nagdadala sa ating matagos ang higit na malalim na mga katotohanan ng ating pananampalataya. Kaalaman o Paghatol, “Counsel”, ang nagdadala sa ating maghusga nang tama sa partikular na gawain. Kapangyarihan o Katatagan, “Fortitude”, ang nagdadala sa ating aktwal na isagawa ang kalooban ng Diyos sa kabila ng anumang kahirapang hinaharap. Karunungan, “Knowledge”, ang nagdadala sa ating makita ang tunay na halaga ng mga nilikha sa harapan ng Diyos. Pagkiling sa Diyos, “Piety”, ang katumbas ng birtud ng relihiyon, ang pagbigay ng nararapat na pagsamba sa Diyos, na nagdadala sa ating Gumalang sa Kadakilaan ng Diyos bilang Ama at sa karangalan ng kapwa tao bilang mga anak ng Diyos. Takot sa Panginoon, “Fear of the Lord”, ang nagdadala sa ating magpakita ng takot, hindi ng isang alipin, servile fear, kundi ng isang anak, filial fear, namumuhi sa kasalanan dahil sa pag-ibig sa Diyos.

Ang Pitong Kaloob ay nagbibigay ng kaganapan sa mga Birtud. Bagamat ang Birtud at Kaloob ay kapwa nagpapadali sa paggawa natin ng mabuti, sa paggana ng mga Birtud, ang kumikilos ay ang tao; samantalang sa paggana ng mga Kaloob, ang kumikilos ay ang Banal na Espiritu. Naihahambing ang mga Birtud sa sagwan, at ang mga Kaloob sa layag ng bangka, na higit na mabilis na magpapatakbo nang halos walang paghihirap, basta lamang may ihip ng hangin.

Kasama ng mga Kaloob, “Ang mga bunga ng Espiritu ay mga kaganapang ginagawa niya sa atin bilang unang mga bunga ng kaluwalhatiang walang hanggan. Inihahayag ng Turo ng Simbahan ang labindalawang bunga” (CCC, No. 1832; cf. Gal 5:22-23 [Vulgate]). Una, “Pag-ibig”, Charity, pag-ibig sa Diyos higit sa lahat at pag-ibig sa kapwa gaya ng sarili dahil sa pag-ibig sa Diyos; ikalawa, “Kagalakan”, Joy, nakaugat sa pagiging anak ng Diyos at nananatili sa kabila ng pagdurusa; ikatlo, “Kapayapaan”, Peace; ikaapat, “Pagtitiis”, Patience; ikalima, “Kabaitan”, Kindness; ikaanim, “Kabutihan”, Goodness; ikapito, “Pagkamapagbigay”, Generosity; ikawalo, “Kaamuan”, Gentleness (“ang marupok na tambo hindi babaliin, ilaw na aandap-andap di niya papatayin” [Is 42:3]); ikasiyam, “Katapatan”, Faithfulness; ikasampu, “Pagkamahinhin”, Modesty; ikalabing-isa, “Pagpigil sa sarili”, Self-Control; at ikalabindalawa, “Kalinisan”, Chastity.

Ang mga Kaloob ay tinatanggap ng lahat sa Binyag, at ang mga Bunga ay makikita rin sa lahat, bagamat sa iba’t ibang antas, ayon sa pakikipagtulungan ng indibidwal; ngunit mayroon pa ring mga natatanging “kaloob”, marahil higit na mabuting tawaging mga Karisma (mula sa Griyego, kharis, “handog”). Ayon kay San Pablo: “Ibat iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito…Sapagka't sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba'y ang salita ng kaalaman…pananampalataya…pagpapagaling…paggawa ng mga himala…kahusayan sa pagpapahayag ng salita ng Diyos… pagkilala sa mga espiritu…iba’t ibang wika… pagpapaliwanag ng mga wika. Ngunit isa lamang Espiritu ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba’t ibang kaloob, ayon sa kanyang maibigan” (1 Cor 12:4-11). Ang mga karisma ay natatangi sapagkat hindi lahat ay binibigyan nito, at masasabing para sa kabutihan ng iba o ng Simbahan at hindi ng indibidwal na tumanggap ng partikular na karisma.

Nawa’y lumago tayo sa pagkilala sa Banal na Espiritu na magpapabanal sa atin; matutunang makitungo sa Kanya, pakinggan Siya at maamong sundin ang kanyang mga bulong. (cf. The Way, No. 57).

O.C.P.A.J.P.M.

No comments:

Post a Comment