Sunday, July 12, 2009

MORALIDAD

Sa mga panahong ito, at marahil hindi nawawala sa anumang panahon, ika nga’y laging napapanahon, madalas marinig ang katagang “moralidad”. Mayroong nananawagang magkaroon ng “moral third force” sa pulitika, lagi ring may nananawagang magkaroon ng “moral recovery”. Mabuti ring suriin ang kahulugan ng moralidad.


Ang katagang “moralidad”, morality sa Ingles, ay nagmumula sa wikang Latin, sa katagang mosmores), na ang ibig sabihin “mabuting pag-uugali”, good customs. Ito ay katumbas ng katagang “Ethics” (mula sa Griyego, ethos), at ang tinutukoy ay ang pag-aaral tungkol sa pagiging mabuti o masama ng ating mga gawa bilang tao, ang ating mga gawang kinasasangkutan ng pag-iisip at kakayahang pumili. (pangmarami,


Ang pagiging mabuti o masama, ang moralidad ng ating mga gawa, ay mayroong obhetibong batayan—obhetibo (mula sa Latin, ob-, “sa harap”, at –jectum, “itinapon”) dahil ito ay batayang nasa labas natin—at mayroon ding subhetibong batayan—subhetibo (mula sa sub-, at –jectum, “itinapon sa ilalim”) dahil nagmumula sa ating kalooban.


Ang obhetibong batayan ng pagiging mabuti o masama ng ating mga gawa bilang tao ay ang mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral (natural moral law). Ito ay mga kautusang mula sa ating Lumikha, kalakip ng ating tunay na kalikasan bilang tao; dapat sana ay nakikita natin sa pamamagitan ng ating kakayahang unawain ang katotohanan o mangatuwiran ngunit dahil sa ating pagiging sugatan, dahil sa ating kahinaan, madalas ay mahirap nating makita.


Halimbawa ng mga obhetibong kautusang ito ang Huwag Tayong Magnakaw. Ito ay obhetibo—nasa labas natin—sapagkat hindi man natin alam, sang-ayon man tayo o hindi, masama ang magnakaw. Ito ay kautusang nagmumula sa likas na karapatan ng bawat tao, ng ating kapwa, na magkaroon ng sariling ari-arian; makatuwiran sapagkat ang karapatang magkaroon ng sariling ari-arian ay kailangan ng kalayaan. Hindi maaaring maging malaya ang tao kung iaasa niya sa awa o pagiging bukas-palad ng kapwa o ng pamahalaan ang kanyang mga pansariling pangangailangan.


Sa kabilang dako, ang subhetibong batayan ng pagiging mabuti o masama ng ating mga gawa ay ang ating Kunsiyensiya, ang paghusga ng ating pag-iisip tungkol sa kabutihan o kasamaan ng ating gawa. Hindi nga naman tayo maaaring maging kasisi-sisi kung, bagamat masama ang ating gawa, hindi natin alam na iyon nga ay masama. Dahil dito, walang kasalanan ang mga walang-isip at ang mga maysakit sa utak. Ganunpaman, may obligasyon ang bawat tao, sa abot ng makakaya, na hubugin ang kanyang kunsiyensiya dahil, maaari ngang hindi siya kasisi-sisi kung hindi niya alam na masama ang kanyang gawa, ngunit masasaktan o mapipinsala pa rin siya dahil sa obhetibong pagiging mali nito. Hindi nga kasisi-sisi ang isang walang-isip sa pag-inom niya ng lason, ngunit malalason pa rin siya, mamamatay pa rin.


Madalas, gumagawa ang tao ng labag sa moralidad hindi dahil sa hindi niya alam ang mabuti at masama, ang tama at mali, kundi dahil sa katigasan ng pusong ayaw tanggapin ang katotohanang mayroong mga obhetibong panuntunang dapat tayong sundan. Ito ay isang pagpipilit na tao ang may kalayaan o kapangyarihang magpasya kung ano ang mabuti at masama. Ito rin ang naging tuksong inihain ng ahas at ikinahulog nina Adan at Eba, ang kagustuhang maging “parang Diyos, na Siyang nakakaalam ng mabuti at masama” (Gen 3:5). Ang turo ni Papa Juan Pablo II:


“Nakasulat sa aklat ng Genesis: 'Sinabi ng Diyos sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakanin ang bungang iyon; mamamatay ka kapag kumain ka niyon.”’ (Gen 2:16-17)….Sa ganitong paglalarawan, itinuturo ng ating pananampalataya na ang kapangyarihang magpasya tungkol sa kung ano ang mabuti at masama ay hindi sa tao kundi sa Diyos lamang. Malaya nga ang tao, sapagkat may kakayahan siyang unawain at tanggapin ang mga kautusan ng Diyos. At malawak din ang kalayaang ito ng tao sapagkat maaari niyang kanin ang “alinmang bungangkahoy sa halamanan”. Ngunit ang kalayaang ito ay may hangganan: kailangang tumigil sa “punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama”, sapagkat kailangang tanggapin ng tao ang batas-moral na mula sa Diyos. Sa katunayan, ang kalayaan ng tao ay nagiging ganap lamang sa mismong pagtanggap ng batas-moral na ito. Diyos lamang, Kabutihan mismo, ang ganap na nakakaalam kung ano ang mabuti para sa tao, at dahil sa pag-ibig ay Kanyang ipinaaalam ito sa tao…Ang mga kautusan ng Diyos ay hindi bumabawas kundi nagbibigay ng proteksyon at nagpapalago sa kalayaan ng tao.’ (Veritatis Splendor, No. 35; Tagalog translation ours)


Upang marating ang huli nating dapat kahantungan, pagiging kaisa ng Diyos sa kaligayahang walang-hanggan, kailangang mamuhay tayo ayon sa moralidad, ayon sa tama at mabuting pagkilos bilang tao, kailangan nating magpakatao. Ang mga kautusan ng batas-kalikasang moral ay hindi mga pabigat kundi gabay tungo sa ating tunay na kaligayahan. Huwag tayong magsawa sa pagsisikap na mamuhay ayon dito sa lahat ng pangyayari ng pang-araw-araw na buhay.


O.C.P.A.J.P.M.

Friday, June 26, 2009

SI SAN JOSEMARIA ESCRIVA

Ngayong araw, ika-26 ng Hunyo, anibersaryo ng pagkamatay ni San Josemaria Escriva, ang tagapagtatag ng Opus Dei. Ito ang kanyang kapistahan, araw ng kanyang pagpasok sa kaligayahang walang-hanggan.

Si San Josemaria ay ipinanganak noong taong 1902 sa Barbastro, EspaƱa, at sumakabilang buhay noong ika-26 ng Hunyo, taong 1975, sa Roma, sa edad na 73. Itinanghal siyang Santo ng Simbahan noong ika-6 ng Oktubre, taong 2002.

26 na taong gulang siya, isang pari, nang itinatag niya ang Opus Dei noong ika-2 ng Oktubre, taong 1928, bilang pagtupad niya sa nakitang kalooban ng Diyos na palaganapin ang katotohanang ang lahat ng tao ay tinatawag na magpakabanal, maging kaisa ng Diyos at makibahagi sa Kanyang kaligayahang walang-hanggan. Kakambal nito ang katotohanang para sa nakararaming tao, ang daan patungo sa kabanalan ay nasa mahusay na pagtupad ng mga pangkaraniwang tungkulin ng isang Kristiyano, pagtupad sa mga tungkuling pampamilya, sa gawaing panghanapbuhay, sa pagiging mabuting mamamayan, upang ang lahat ng ng pangyayari at kalalagayan sa buhay ay maging pagkakataon upang lalong makilala, ibigin at paglingkuran ang Diyos.

Ang doktrina o turong ito ay hindi isang bagong imbensyon. May batayan ito sa banal na kasulatan. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga tagapakinig: “Kaya dapat kayong maging ganap, tulad ng inyong Amang nasa langit” (Mt 5:48). Sabi rin ni San Pablo sa kanyang unang liham sa mga taga-Tesalonika, “Ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong kabanalan” (1 Thes 4:3). Karamihan sa mga unang itinanghal na santo ng simbahan ay mula sa hanay ng mga karaniwang tao: mga mangingisda ang mga apostol na sina San Pedro, San Andres, Santiago, at San Juan; kolektor ng buwis si San Mateo. Si San Pablo mismo ay tagagawa ng tolda. Sa mga unang martir sa Roma, may mga ina at ama ng pamilya.

Ganunpaman, sa pagdaan ng mga dantaon, lalo na sa pagbagsak ng Imperyong Romano sa kalagitnaan ng unang milenyo ng Kristiyanismo, at sa pagkawala ng kaayusan at kabihasnang tinataguyod ng Roma; sa pagpasok ng sangkatauhan sa madilim na panahon o dark ages, naging marahas at magulo ang mundo at tila lalong naging mahirap magpakabanal sa gitna ng daigdig. Dahil dito, marahil, lalong namuo ang kaisipang kailangang umalis ang tao mula sa kanyang kinalalagyan sa gitna ng daigdig kung nais niyang magpakabanal. Kailangang pumunta sa ilang o pumasok sa monasteryo, maging ermitanyo o monastiko, maging monghe, at tila ito lamang ang paraan upang magpakabanal.

Napakalaking kabutihan din naman ang naidulot at patuloy na idinudulot ng mga monastiko sa Simbahan at sa buong sangkatauhan. Bukod sa matinding buhay-panalangin, nariyan din ang paglikom at pag-imbak ng karunungang-manang batayan ng pagpapanibago ng kabihasnan, at ang paghain ng turo at halimbawa na ang ang buhay ng tao ay hindi natatapos sa daigdig kundi may inaasahang kaligayahang walang-hanggan. Ganunpaman, hindi man sinasadya, umiral din sa nakararaming tao ang maling akalang ang taong nasa gitna ng daigdig ay walang pag-asang maging banal, maliban laman kung siya ay aalis sa kanyang kinalalagyan sa mundo.

Salamat sa pagpupunyagi ni San Josemaria Escriva, at sa lahat din ng nakatulong sa pagpapalaganap ng doktrina ng “pangkalahatang tawag sa kabanalan” (sa Ingles, the universal call to holiness), ang katotohanang ito ay nabigyan ng karampatang pansin ng Ikalawang Konseho sa Batikano, Vatican 2, na ginanap mula 1962 hanggang 1965, at ngayon ay malinaw at hayagang itinuturo ng Simbahang Katolika.

Lahat nga ng tao ay tinatawag ng Diyos na magpakabanal; at sa nakararami nating Kristiyanong namumuhay sa gitna ng daigdig, ang daan ng pagpapakabanal ay nasa mismong pakikilahok natin sa lahat ng gawaing angkop sa tao, sa mga larangang ginagalawan natin, at sa pagsasaayos natin sa mga gawain at larangang ito ayon sa kalooban ng Diyos.

Lahat nga ng gawaing pantao—gawaing pantahanan, panghanapbuhay, pati ang pakikilahok sa pulitika (hindi kasali rito ang mga gawaing likas na masama dahil nga hindi angkop sa tunay na kalikasan ng tao) ay dapat na maging daan, maaaring maging daan ng pagpapakabanal, ng ating paglago sa pagiging kaisa ng Diyos, kung ang mga gawain at tungkuling ito ay tutupdin nang may pag-ibig sa Diyos. Sa pagpalaganap niya sa katotohanang ito, si San Josemaria Escriva ay tinawag ni Papa Juan Pablo Ikalawa na “santo ng pangkaraniwang buhay”, the saint of the ordinary (Address, 7 October 2002).

Sa pag-alaala sa turo at halimbawa ni San Josemaria Escriva, sana ay lalong tumindi ang ating pagnanasa, at lalong sumigasig ang ating pagsusumikap na magpakabanal, maging ganap, at tupdin ng bawat isa, sa awa rin at tulong ng Diyos, ang kahulihulihang sanhi at layunin, ang kabuluhan, ng ating pag-iral bilang tao, na kilalanin, ibigin at paglingkuran ang Diyos ng ating buong pagkatao, at nang sa gayon ay maging kaisa tayo ng Diyos at makibahagi sa Kanyang kaligayahang walang-hanggan.

O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, June 13, 2009

ANG BANAL NA KOMUNYON

Bukas, ikalawang Araw ng Linggo pagkatapos ng Pentekostes, ipagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo, Solemnity of the Body and Blood of Christ, Dakilang Kapistahan ng Corpus Christi, upang pagmunimunihan at namnamin ang katotohanang sa Banal na Komunyon, sa Sakramento ng Eukaristiya, ang tinapay na alay ay nagbabago ng sustansya, bagamat hindi ng anyo, upang maging Katawan, Laman, ng ating Panginoong Hesukristo; ang alak na alay, nagbabago ng sustansya, bagamat nananatili ang anyo bilang alak, upang maging Dugo ng Panginoong Hesukristo. Si Hesus mismo, sa Kanyang Katawan, Dugo, Kaluluwa at PagkaDiyos, ang ating tinatanggap sa Banal na Komunyon, kaya nga, ayon kay San Josemaria Escriva, ito “ang sentro at ugat ng buhay ng isang Kristiyano”, the center and root of a Christian’s spiritual life (Christ is Passing By, No. 87); sa mga kataga naman ng Ikalawang Konseho sa Batikano, “the source and summit of Christian life”, ang “bukal at rurok ng buong buhay-Kristiyano”, bukal na pinagmumulan at tugatog na pinatutunguhan ng buhay-Kristiyano, habang tayo ay nasa daigdig (CCC, No. 1334; Lumen Gentium, No. 11).

Sa Lumang Tipan, mayroon nang paunang mga larawan ng Eukaristiya sa tinapay at alak na alay ni Melkizedek (Gen 14:18), sa korderong inihahain sa Hapunan ng Paskuwa (Ex 12, 13), at sa tinapay mula sa langit, manna, na naging pagkain ng mga Israelita habang naglalakbay sa ilang patungo sa lupang pangako (Ex 16). Sa kabilang dako, ang Eukaristiya ay siya namang paunang-tikim ng ating pakikisalo sa Piging ng Kasal ng Kordero ng Diyos sa Kanyang Sambayanan (Rev 19:9).

Sa Huling Hapunan ng Huwebes Santo sa pagtatag Niya ng Banal na Eukaristiya, dinala ng Panginoon ang kanyang mga apostol, sa mahiwagang paraan, sa kanyang pag-alay ng sarili sa Kalbaryo na mangyayari pa lamang kinabukasan, Biyernes Santo. Ganundin, sa isang mahiwagang paraan, sa Banal na Misa, tayo ay dinadala rin sa mismong pag-alay ni Hesus ng kanyang sarili sa Kalbaryo, na naganap humigit kumulang sa 2000 taon nang nakaraan, ayon din sa utos ng Panginoon: “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin” (1 Cor 11:24); sapagkat, ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, sinabi rin ni Hesus: “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay” (Jn 6:53). Maaari ngang sabihing sina Eba't Adan ay napahamak sa pagkain nila ng bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama, fruit of the tree of the knowledge of good and evil; tayo naman ay maliligtas sa pagkain ng bunga ng puno ng Krus.

Pinakita ni Hesus na mayroon Siyang kapangyarihang gawing alak ang tubig sa kasalan sa Cana (Jn 2:1-11); may kapangyarihan din Siyang paramihin ang limang tinapay upang mapakain ang limanlibong kalalakihan (Jn 6:1-14); hindi rin dapat maging kataka-takang may kapangyarihan din Siyang baguhin ang tinapay at alak upang maging Katawan at Dugo Niya. Ito nga marahil ang dahilan kung bakit ang "Pagpapakain sa Limanlibo" ang nagbubukas ng Ikaanim na Kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, bilang pambungad sa pagpapahayag ni Hesus na Siya ang Pagkaing Nagbibigay-buhay.

“Sinabi ni Hesus, ‘Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay’ (v. 35)… ‘Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.’ Dahil dito’y nagtalutalo ang mga Judeo. ‘Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin,’ tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, ‘Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay’…Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin’…Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, ‘Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?’...Mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya.” (vv. 48-66).

Literal ang pakahulugan ng Panginoon sa Kanyang mga sinabi dito, at literal din itong naunawaan ng mga nakapakinig, kaya marami ang umalis at kaya nga hindi rin naman sila pinigilan ng Panginoon. Ngunit para sa atin, "Yamang sinabi ni Kristong Manunubos natin na ang inihahandog sa anyong tinapay ay tunay na Katawan Niya, laging itinuturo ng Simbahan ang paniniwalang ito…na sa konsagrasyon ng tinapay at alak ginagawa ang pagpapalit ng lahat ng sustansya ng tinapay sa sustansya ng Katawan ni Kristong ating Panginoon, at ang buong sustansya ng alak sa sustansya naman ng Kanyang Dugo. Ang pagbabagong ito ay marapat na tinatawag na ‘transustanyasyon’. (CCC, No. 1376).

Sabi nga ni San Josemaria, kung may dalawang taong nagmamahalan at hindi maiwasang magkakahiwalay, sila ay mag-iiwan ng tanda, recuerdo, sagisag ng pagnanais na manatiling malapit sa isa’t isa. Hanggang doon lamang, sapagkat sila ay tao lamang. Ngunit dahil ang Panginoong Hesukristo ay tunay na Diyos at tunay na tao, ang sagisag na kanyang iniwan ay hindi lamang tanda kundi katuparan at katunayan. Siya mismo, hindi lamang larawan Niya, ang nananatili sa atin. Pupunta Siya sa Ama, ngunit mananatili rin Siya sa atin sa Banal na Eukaristiya (cf. Christ is Passing By, No. 83).

O.C.P.A.J.PM.

Saturday, June 6, 2009

ANG BANAL NA SANTATLO

Bukas, Araw ng Linggo pagkatapos ng Pentekostes, ipagdiriwang ng Sambayanang Katoliko ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo: Solemnity of the Most Holy Trinity, upang hikayatin ang lahat na pagmunimunihan ang pinakasentral na katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano: na ang Iisang Diyos ay may Tatlong Persona. Sinasabi ng ating pananampalatayang Kristiyano: “Sumasamba tayo sa iisang Diyos na Santatlo…may tatlong Persona ngunit iisang Diyos” (Athanasian Creed). Sabi nga ni Hesus sa kanyang mga alagad bago Siya umakyat sa langit, “Humayo nga kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa, at binyagan sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu” (Mt 28:19).

Lampas sa likas na kakayahan ng pag-iisip ng tao ang matuklasan ang katotohanang ito, na ang Diyos nga ay Tatlong Persona sa Iisang Diyos. Alam lamang natin ito dahil sa biyayang umiibayo sa kalikasan, supernatural grace, at sa kaloob na birtud ng pananampalataya: birtud na umiibayo sa kalikasan, supernatural virtue, na nagbibigay sa atin ng kahandaang laging sumang-ayon sa pahayag ng Diyos, dahil ang pahayag ay mula sa Diyos na hindi maaaring manlinlang o malinlang. Misteryo nga ang katotohanan ng Banal na Santatlo sapagkat hindi natin malalaman kung hindi inihayag ng Diyos at tinanggap nang pananampalataya; misteryo pa rin dahil, bagamat inihayag at tinanggap na, hindi pa rin lubos na makayanang unawain ng ating pag-iisip. Ganunpaman, bagamat misteryo, hindi naman maaaring balewalain na lang o tumigil na matapos sabihin ito. Kung ang pagpapakabanal ay paglago sa pag-ibig sa Diyos, kailangang may paglago tayo sa pagkilala sa Diyos. Paano naman natin masasabing iniibig ang isang hindi kilala, baka kung sinong iba na yon. At ano pa nga ba ang pagkilalang ito na hinahanap sa atin kundi pagkilala sa Diyos sa paraang nais Niya. Kaya rin naman inihayag ng Diyos ang Kanyang katalagahan bilang Tatlong Persona sa Iisang Diyos ay dahil nais Niyang kilalanin ito.

Ang tao ay nilikhang may pag-iisip, intellect sa wikang Ingles, upang unawain ang katotohanan. Bagamat ito ay espiritwal na kakayahan, sapagkat lumalagpas din naman sa mga materyal na bagay (may kakayahan tayong mag-isip ng mga bagay na hindi materyal, gaya ng walang hanggan), likas din ito sa tao na isang “sumasakatawang diwa”, espiritwal na diwa sa materyal na pangangatawan. Ang katuwang ng kakayahang espiritwal na ito ay ang ating kalayaang pumili, free will sa Ingles, upang makuha naman nating malayang kumiling, umibig, sa mabuti, sa bawat pagkakataon.

Pag-iisip at kalayaan, mga kakayahan ng espiritwal na diwa ng tao. Pag-iisip, likas na nakatakda sa pag-unawa ng katotohanan; kalayaan, sa pagpili, pag-ibig sa mabuti. Masasabi rin, marahil, na ito ay upang, sa buong materyal na sansinukob, magkaroon ng isa man lamang na uri ng nilikha, ang tao, na may kakayahang kilalanin ang Diyos nang may pag-unawa at kakayahan ding malayang kilingan, ibigin, ang Diyos. Wala ring pag-ibig kung hindi malaya ang pagpili. Ngunit dahil naman sa ang Diyos ay lubos na umiibayo sa lahat ng nilikha, at dala pa rin ng depektibong kalikasang mana natin mula kina Adan at Eba, hindi natin kayang kilalanin at ibigin nang sapat ang Diyos kung walang tulong ng grasya mula sa Kanya. Ngunit dahil may grasya, tungkulin nating pakilusin din ang likas na kakayanan upang lumago sa pagkilala at pag-ibig sa Diyos. Walang kabuluhan ang buhay ng tao sa daigidig, hindi natin magiging kaisa ang Diyos sa kaligayahang walang-hanggan, kung walang sapat na pagkilala at pag-ibig sa Diyos sa katapusan ng ating buhay sa mundo.

Sa pagsisikap na maragdagan ang ating pag-unawa sa misteryo ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos, sinasabing ang pagkakatangi ng Tatlong Persona ay nasa pakikipag-ugnayan, relations sa wikang Ingles: Ang Diyos Ama ay Ama sa pakikipag-ugnayan sa Anak, paternity sa wikang Ingles; ang Diyos Anak ay Anak sa pakikipag-ugnayan sa Ama, filiation sa wikang Ingles; at ang Banal na Espiritu sa pakikipag-ugnayan sa Ama at Anak, bilang isang prinsipyong pinagmulan Niya, at ang tawag sa pagmumula na ito ng Banal na Espiritu ay spiration, sa Ingles, parang paghinga mula sa Ama at Anak. Ang Diyos ay pag-ibig (1 Jn 4:8, 16) dahil may pakikipag-ugnayan sa Kanyang panloob na buhay. Sinasabi ring ang Diyos Ama ay Diyos na nakakikilala sa Kanyang Sarili; at ang Diyos Anak ang pagkakilala ng Diyos Ama sa Sarili, ang larawan ng Diyos sa Kanyang Sariling Isip, ang kanyang Salita. Diyos ang Nag-iisip, kaya ang Kanyang Salita o Kaisipang tumutukoy sa Sarili ay hindi maaaring anino lamang kundi Siya Mismo. Kaya nga sinasabi ni San Juan sa pambungad ng kanyang ebanghelyo, “Sa simula ay naroon na ang Salita; at ang Salita ay kasama ng Diyos; at ang Salita ay Diyos” (Jn 1:1) In the beginning was the Word, and the Word was with God, and the Word was God. At dahil din ang Salitang ito ng Diyos ay kaganapan ng Mabuti, ganap na pag-ibig ang namamagitan sa Diyos Ama at Diyos Anak, at ang pag-ibig na ito ang Banal na Espiritu. Ang buhay-kristiyano ay isang paanyaya at paglago sa pakikibahagi sa panloob na pagkikilanlan at pag-iibigan ng Tatlong Persona ng Banal na Santatlo.

Bagamat may Tatlong Persona, iisa pa rin ang Diyos; hindi maaaring humigit sa isa sapagkat, kung may kapantay, hindi na kataas-taasan sa lahat, hindi totoong diyos.

Iisa lang ang Diyos na kumikilos sa labas ng Sariling PagkaDiyos, bagamat sa ating pananalita ay may mga pagkilos na sinasabi nating naa-angkop sa Diyos Ama, mayroong nababagay sa Diyos Anak, at mayroon din sa Banal Espiritu. Sabi nga ni San Pablo: “Ibat iba ang uri ng mga kaloob, ngunit isang Espiritu; at ibat iba ang uri ng paglilingkod, ngunit isang Panginoon; at ibat iba ang uri ng mga gawa, ngunit isang Diyos, na gumagawa ng lahat sa lahat” (1 Cor 12:4). Ang mga Kaloob, gifts, ay angkop sa Banal na Espiritu; ang Paglilingkod, ministries, ay angkop sa Panginoong Hesus, Diyos Anak na naging tao rin; at ang mga Gawa, works, paglikha at pagpapanatili ng lahat sa kaayusan, angkop sa Diyos Ama.

Sana ay lalo nating matutunang makita at ayunan ang pagkilos ng Banal na Santatlo sa ating mga buhay.

O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, May 30, 2009

MGA KALOOB, BUNGA, AT KARISMA

Bukas, araw ng Linggo at ikalimampung araw makalipas ang Muling Pagkabuhay ni Hesus, ipagdiriwang ng Sambayanan ng Diyos ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes, ang Pagdating ng Banal na Espiritu sa mga alagad.

Sinasabi ng ating pananampalatayang Kristiyano: “Sumasamba tayo sa iisang Diyos sa Santatlo…may tatlong Persona ngunit iisang Diyos” (Athanasian Creed). Kaya rin naman, ang paglago natin sa pagpapakabanal, paglago sa pagkilala sa Diyos, ay paglago rin sa pagkakakilala natin sa bawat Persona ng Banal na Santatlo: Sa Diyos Ama, Diyos Anak, at sa Banal na Espiritu.

Dahil nga ang Ikatlong Persona ng Banal na Santatlo ay “espiritu”, sa tawag lamang na ito, hindi Siya maihambing sa anumang materyal na bagay; at dahil ang kaalaman ng tao ay karaniwang dumaraan sa mga pandama ng ating materyal na katawan, higit na mahirap nga para sa atin ang pagkilala sa Banal na Espiritu. Isang paraan ng pagkilala sa Banal na Espiritu ang pagmumuni-muni sa Kanyang mga Kaloob, mga Bunga, at mga Karisma.

Ayon sa turo ng Simbahan, may Pitong Kaloob ang Banal na Espiritu: Una, Katalinuhan, Wisdom sa wikang Ingles; Ikalawa, Pagunawa, Understanding; Ikatlo, Kaalaman o Paghatol, Counsel sa wikang Ingles; Ikaapat, Kapangyarihan o Katatagan, Fortitude; Ikalima, Karunungan, Knowledge; Ikaanim, Kabanalan o Pagkiling sa Diyos, Piety sa wikang Ingles; at Ikapito, Takot sa Panginoon, Fear of the Lord (CCC, No. 1831). Ito ang pagkakasunud-sunod nila ayon sa Aklat ni Propeta Isaias (Is 11:1-3).

Katalinuhan, “Wisdom”, ang nagdadala sa ating maakit sa mga bagay na patungkol sa Diyos, at magkaroon ng “supernatural outlook” na tumitingin sa realidad mula sa pananaw ng Diyos. Pagunawa, “Understanding”, ang nagdadala sa ating matagos ang higit na malalim na mga katotohanan ng ating pananampalataya. Kaalaman o Paghatol, “Counsel”, ang nagdadala sa ating maghusga nang tama sa partikular na gawain. Kapangyarihan o Katatagan, “Fortitude”, ang nagdadala sa ating aktwal na isagawa ang kalooban ng Diyos sa kabila ng anumang kahirapang hinaharap. Karunungan, “Knowledge”, ang nagdadala sa ating makita ang tunay na halaga ng mga nilikha sa harapan ng Diyos. Pagkiling sa Diyos, “Piety”, ang katumbas ng birtud ng relihiyon, ang pagbigay ng nararapat na pagsamba sa Diyos, na nagdadala sa ating Gumalang sa Kadakilaan ng Diyos bilang Ama at sa karangalan ng kapwa tao bilang mga anak ng Diyos. Takot sa Panginoon, “Fear of the Lord”, ang nagdadala sa ating magpakita ng takot, hindi ng isang alipin, servile fear, kundi ng isang anak, filial fear, namumuhi sa kasalanan dahil sa pag-ibig sa Diyos.

Ang Pitong Kaloob ay nagbibigay ng kaganapan sa mga Birtud. Bagamat ang Birtud at Kaloob ay kapwa nagpapadali sa paggawa natin ng mabuti, sa paggana ng mga Birtud, ang kumikilos ay ang tao; samantalang sa paggana ng mga Kaloob, ang kumikilos ay ang Banal na Espiritu. Naihahambing ang mga Birtud sa sagwan, at ang mga Kaloob sa layag ng bangka, na higit na mabilis na magpapatakbo nang halos walang paghihirap, basta lamang may ihip ng hangin.

Kasama ng mga Kaloob, “Ang mga bunga ng Espiritu ay mga kaganapang ginagawa niya sa atin bilang unang mga bunga ng kaluwalhatiang walang hanggan. Inihahayag ng Turo ng Simbahan ang labindalawang bunga” (CCC, No. 1832; cf. Gal 5:22-23 [Vulgate]). Una, “Pag-ibig”, Charity, pag-ibig sa Diyos higit sa lahat at pag-ibig sa kapwa gaya ng sarili dahil sa pag-ibig sa Diyos; ikalawa, “Kagalakan”, Joy, nakaugat sa pagiging anak ng Diyos at nananatili sa kabila ng pagdurusa; ikatlo, “Kapayapaan”, Peace; ikaapat, “Pagtitiis”, Patience; ikalima, “Kabaitan”, Kindness; ikaanim, “Kabutihan”, Goodness; ikapito, “Pagkamapagbigay”, Generosity; ikawalo, “Kaamuan”, Gentleness (“ang marupok na tambo hindi babaliin, ilaw na aandap-andap di niya papatayin” [Is 42:3]); ikasiyam, “Katapatan”, Faithfulness; ikasampu, “Pagkamahinhin”, Modesty; ikalabing-isa, “Pagpigil sa sarili”, Self-Control; at ikalabindalawa, “Kalinisan”, Chastity.

Ang mga Kaloob ay tinatanggap ng lahat sa Binyag, at ang mga Bunga ay makikita rin sa lahat, bagamat sa iba’t ibang antas, ayon sa pakikipagtulungan ng indibidwal; ngunit mayroon pa ring mga natatanging “kaloob”, marahil higit na mabuting tawaging mga Karisma (mula sa Griyego, kharis, “handog”). Ayon kay San Pablo: “Ibat iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito…Sapagka't sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba'y ang salita ng kaalaman…pananampalataya…pagpapagaling…paggawa ng mga himala…kahusayan sa pagpapahayag ng salita ng Diyos… pagkilala sa mga espiritu…iba’t ibang wika… pagpapaliwanag ng mga wika. Ngunit isa lamang Espiritu ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba’t ibang kaloob, ayon sa kanyang maibigan” (1 Cor 12:4-11). Ang mga karisma ay natatangi sapagkat hindi lahat ay binibigyan nito, at masasabing para sa kabutihan ng iba o ng Simbahan at hindi ng indibidwal na tumanggap ng partikular na karisma.

Nawa’y lumago tayo sa pagkilala sa Banal na Espiritu na magpapabanal sa atin; matutunang makitungo sa Kanya, pakinggan Siya at maamong sundin ang kanyang mga bulong. (cf. The Way, No. 57).

O.C.P.A.J.P.M.