Saturday, January 25, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 17

KABANALAN NG BUHAY-PAMILYA 2

Noong nakaraan, nabanggit natin ang pagkilala ng Saligang Batas sa kabanalan ng pamilya bilang pundamental na sangkap na bumubuo lipunan.  “The state recognizes the sanctitiy of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution” (Sec. 12, Art. II).  Ang ibig sabihin ng sanctity ay “kabanalan”:  pagkakatakda sa Diyos o pagiging kaisa ng Diyos, mula sa katagang sanctus sa wikang Latin, santo sa EspaƱol. 

Malinaw dito na kumikilala pala sa Diyos ang Saligang Batas.  Hindi maaaring sabihing hindi kasali ang Diyos sa usapang pampulitika, kahit magkahiwalay ang Simbahan at ang Estado.  Ngunit mabuting pagtuunan ng pansin ang “kabanalan ng buhay-pamilya” na tinutukoy ng Section 12, Article II. 

Bukod sa pagiging basic cell o materyal na sanhi na direktang bumubuo sa lipunan o sambayanan, pamilya ang kanlungan ng buhay ng tao.  Ibig sabihin, dikit na dikit o napakalapit ng kaugnayan ng buhay-pamilya sa buhay ng tao; at dahil banal ang buhay ng tao, masasabing banal din ang buhay-pamilya.

Sa teolohiya, dagdag na liwanag sa kabanalan ng buhay-pamilya ang pagiging larawan nito ng wagas na pag-ibig—ng Diyos sa Kanyang Sambayanan, sa pag-iibigan ng mag-asawang nasa sentro ng pamilya—at ang pagiging tao ng Diyos sa loob ng pamilya nina Hesus, Maria, at Jose.  Alalaongbaga’y “idinikit” ng Diyos sa Kanyang Sarili ang buhay-pamilya; isa ito sa pinaka-unang mga realidad na pantaong pinabanal ng pagsasakatawang-Tao ng Salita ng Diyos.  Hindi nga katakatakang sa sentro ng pagdiriwang ng Pasko ng Kapanganakan ng Panginoon, ipinagdiriwang din sa liturhiya ng Araw ng Linggo kasunod ng December 25 ang Kapistahan ng Banal na Pamilya.

Kung mananatili naman tayo sa larangan ng katuwirang pantao (huwag na muna sa larangan ng teolohiya), ang kabanalan ng buhay-pamilya ay nakabatay sa kabanalan ng buhay ng tao.  Dahil dito, mabuti ring balikan ang paksang ito:  Paano nga ba masasabing banal ang buhay ng tao?

Lahat ng bagay, masasabi ring may kabanalan, kahit man lamang dahil sa “nagmula” sa Diyos sa kahulihulihang pagsusuri.  Ngunit iba ang kabanalan ng buhay ng tao sa buhay ng hayop o halaman sapagkat ang buhay ng tao ay direktang nagmula sa Diyos, samantalang ang buhay ng hayop at halaman ay nagmula lamang sa Diyos sa pamamagitan ng unang specimen nito na direktang nilikha ng Diyos.  Ang mga kasunod na specimen ay produkto na ng biological na proseso.

Sa bahagi ng tao, bagamat ang pagkakaroon ng buhay ay kinasasangkutan ng biological na proseso—ang pagsasama ng similya at ovum mula sa ama at ina—ang espiritwal na diwa ng tao ay walang maaaring pagmulan kundi ang direktang akto ng paglikha ng kapangyarihan ng Diyos.  Kaya ang “episyenteng sanhi” ng pag-iral ng bawat tao ay ang kapangyarihan ng Diyos, sa pakikipag-tulungan ng mga magulang ng taong iyon.  Ngunit hindi lamang sa simula ng pag-iral ng buhay ng tao kundi pati rin sa huling dapat kahantungan nito:  Ang kaganapan ng tao ay nasa pagiging kaisa ng Diyos sa walang hanggan—ang kaganapan ng Totoo at Mabuti—na Siyang nakatakdang pinatutunguhan ng ating pag-iisip at kalayaang pumili.

Banal ang buhay ng tao sapagkat direktang nagmula sa Diyos, at sa kanyang huling dapat kahantungan, nakatakda patungo sa Diyos.  Ang tao ay para sa Diyos; lahat ng iba pang nilikha sa daigdig ay para sa tao.  At banal din ang buhay-pamilya dahil sa napakalapit na pagkakadikit nito sa buhay ng tao.  At dahil banal o ibinukod para sa Diyos, hindi maaaring paglaruan, hindi maaaring palitan ng depinisyon, at hindi rin maaaring pawalang-halaga.

Sa pilosopiyang panlipunan, kakulangan ng karampatang pagpapahalaga sa buhay-pamilya ang pamamayani ng mga pilosopiya o ideolohiyang nagsasabing ang indibidwal na tao (sa halip na pamilya) ang dapat na unang pinaglilingkuran ng buhay-lipunan.  “Indibidwalismo” ang tawag sa ganoong pananaw, na nagsasabi ring “kalayaan ng indibidwal”—liberty—ang pinakamataas na halaga sa buhay-lipunan.  Sa larangan ng pulitika, ang tawag dito ay “liberalismo”; sa larangan ng ekonomiya, “laissez-faire capitalism”.  Sa kabilang dulo, mali rin ang mga pilosopiyang nagsasabing lipunan mismo (sa halip na indibidwal o pamilya) ang dapat na unang pinaglilingkiuran ng buhay-lipunan.  “Kolektibismo” ang tawag sa ganoong pananaw, na nagsasabi ring “pagkakapantay-pantay”—equality—ang pinakamataas na halaga sa buhay-lipunan.  Sa larangan ng pulitika, ang tawag dito ay “totalitaryanismo”; sa larangan ng ekonomiya, “sosyalismo”. 

Sa katunayan, hindi ang indibidwal at hindi rin ang lipunan mismo ang unang dapat paglingkuran ng buhay-lipunan kundi ang pamilya; hindi rin kalayaan ng indibidwal o pagkakapantay-pantay ng lahat ang pinakamataas na halaga sa buhay-lipunan kundi “katarungan”.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, January 22, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 16

KABANALAN NG BUHAY-PAMILYA

Isa pa sa mga argumento kontra sa RH Law ang paglabag sa prinsipyo ng subsidiarity sa pagtapak nito sa kasarinlan ng pamilya.  Sa aspetong ito, lumalabag ang RH Law hindi lamang sa Batas Kalikasang Moral kundi pati rin sa ating Saligang Batas.

Ang subsidiarity, katagang Ingles, ay mula sa subsidium ng wikang Latin, na ang literal na kahulugan ay “tulong”, assistance, at may kinalaman din sa “proteksyon”.  Sa mga usaping panlipunan, ang ibig sabihin ng prinsipyo ng subsidiarity ay dapat igalang ng malaking yunit ang kasarinlan ng sakop niyang maliit na yunit sa mga bagay na nasa kakayahan ng maliit na yunit na iyon.  Sa ibang salita, hindi dapat panghimasukan ng malaking yunit ang mga pagpapasya at gawang nasa kakayahan ng maliit na yunit.  Halimbawa nito ang pagpapaubaya ng pamahalaang nasyunal sa pamahalaang lokal ng pagtakda ng rota ng daloy ng trapiko sa mga lansangan.

Kung ibabalik natin sa RH Law ang usapan, ang pagpapasya sa nararapat na bilang ng mga anak o sa agwat ng panahon ng panganganak ay nasa kakayahan at kalayaan ng mismong pamilyang nasasangkot (na nakasentro sa mag-asawang lalaki at babae).  Hindi ito dapat pakialaman ng Estado; ngunit ito ang epekto ng RH Law:  may nakatagong mensaheng hindi mabuti ang magkaroon ng maraming anak o kaya ay hindi dapat magparami ng anak.

Bagamat tila wala namang “puwersa” o garapalang pamimilit sa RH Law sa bagay na ito, ang mismong pakikialam ng Estado sa pamamagitan ng nakatagong mensahe ay hindi nararapat sapagkat ito ay pagpapasyang nakasalalay dapat sa malayang pagpili ng pamilya.

Dito, lumalabag ang RH Law sa prinsipyo ng subsidiarity ng Batas Kalikasang Moral.  Kapag pumayag dito ang sambayanan, o kapag binasura ang prinsipyo ng subsidiarity, mawawalan na rin ng argumento kontra sa hayagang pamimilit ng Estado na siyang kinahantungan ng mga programa ng population control, one-child o two-child policy na may kalakip nang mga parusa sakaling hindi tumalima ang mga pamilya, sa kasaysayan ng mga bansang tulad ng Tsina at Singapore.

Mahalaga sa anumang lipunan ang pagpapalakas, pagpapatatag, sa mga pamilya, kahit dahil man lamang sa ang pamilya ang pinaka-direktang materyal na sanhi ng buhay-lipunan.

Sa klasikal na pilosopiya, ang lahat ng pag-iral ay may apat na pinakahuling sanhi, o pinaka-puno at dulo:  una, ang “porma” o “pormal na sanhi”—formal cause—na siyang nagbibigay ng “akto ng pag-iral” sa bagay na iyon; ikalawa, ang “materyal na sanhi”, ang nagbibigay ng kakayahan o kapasidad sa bagay na iyon upang maging kung ano man; ikatlo, ang “episyenteng sanhi”—efficient cause—na direktang nagbibigay-daan sa pag-iral ng bagay na iyon; at ikaapat, ang “pinakahuling sanhi”—final cause o end, sa wikang Ingles—na siyang huling dapat kahantungan nito.

Ang pormal na sanhi ng buhay-lipunan ay ang pagkakaisa ng pagpili—union of wills—ng mga bumubuo ng sambayanan; ang episyenteng sanhi ay ang “pag-ibig”—solidarity—o ang pinakapayak na antas nito, “katarungan”; at ang huling dapat kahantungan nito ay “kabutihang panlahat”—common good—o ang kabuuan ng mga kalalagayang nagbibigay-daan upang makamit ng mga tao ang kanilang kaganapan.  Ano naman ang materyal na sanhi ng buhay lipunan?

Sa biglang tingin, madaling lumabas na sagot ang “indibidwal” na tao, sapagkat ito ang may kalayaang pumiling makiisa sa buhay lipunan.  Tama rin naman; ngunit, sa higit na malalim na pagsuri, may pamilyang namamagitan sa indibidwal at sa sambayanan.  Habang bata pa ang indibidwal, ang kanyang pakikibahagi sa lipunan ay sa pamamagitan lamang ng pamilya o mga magulang, na siyang bumuboto sa halalan, nakikipag-kontrata sa iba, etsetera.  At kahit nasa wastong gulang, ang pagpili ng indibidwal ay nakukulayan pa rin ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng kanyang pamilya.

Iba ang pamilya sa indibidwal, sapagkat ang pamilya ay samahan; ngunit iba rin ito sa sambayanan, sapagkat likas sa magkakapamilya ang higit na matinding pag-iibigan at hindi ito nakabatay sa anumang katangian ng kapamilya maliban sa pagiging kapamilya.  Dahil dito, bagamat maaaring sabihing mga indibidwal din ang bumubuo sa sambayanan, pamilya ang higit na malapit na materyal na sanhi ng lipunan.  At dahil pamilya ang basic cell na direktang bumubuo ng sambayanan, ito rin ang una at direktang dapat na pinaglilingkuran, pinatatatag at binibigyan ng proteksyon ng Estado—tungkuling kinikilala rin ng ating Saligang Batas: “The state recognizes the sanctitiy of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution” (Sec. 12, Art. II).  Ipagpapatuloy po natin ang paksang ito.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.