KONGRETUHIN ANG DAANG MATUWID SA SUR!
(TALUMPATI SA IKA-TATLUMPU’T ANIM NA ANIBERSARYO NG PAGKAKATATAG NG WESTERN COMMAND, IKA-15 NG MARSO 2012, LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA)
Lieutenant-General Juancho M. Sabban and Madame Irene C. Sabban, the Officers and Men of the Western Command and their Ladies, Distinguished Guests, Friends:
Malugod na pagbati sa inyong lahat sa ika-tatlumpu’t anim na anibersaryo ng pagkakatatag ng Western Command. Karangalan ko pong maanyayahang magsalita sa inyong harapan sa pagkakataong ito. Maraming salamat po. At kalakip ng aking pagpupugay sa matagumpay na pagsasakatuparan ng misyon ng Western Command sa nagdaang tatlumpu’t anim na taon, payagan po ninyo akong magbahagi ng ilang punto ng pagmumuni-muni tungkol sa serbisyo sa estado.
Bilang kinatawan ng distrito sa konggreso, at tulad ng ating mga kawal, ako po ay isa ring lingkod ng bayan; magkaiba lamang po sa partikular na gawain.
Ang trabaho ko po, sa pinakabuod, ay dumalo sa mga sesyon ng konggreso, tatlong araw sa loob ng sanlinggo, at sa mga pagpupulong ng iba’t ibang komite nito, at makisali sa pagtalakay at pagbabalangkas ng mga panukalang-batas. At isa lamang po ako sa mahigit sa dalawandaan at walumpung miyembro ng kamara de representante.
Hindi sinlaki ng akala ng marami ang kapangyarihan ng isang konggresman. Anim lamang ang staff ng bawat konggressman, at ang aming tanggapan ay halos masasabing kuwartito lamang. At bagamat mayroong sinasabing “pork barrel” ang mga konggresman, ito ay masasabing “accommodation” lamang; “pagbibigay”, pinagbibigyan lamang kahit hindi talaga nararapat. Sa katunayan, ang taguring “pork barrel” ay may halong panlalait, para bagang ipinahihiwatig na “matakaw” ang mga kongresman.
Ang pormal na tawag sa regular na pork barrel sa ating kasalukuyang General Appropriations Act ay “Priority Development Assistance Fund”, P.D.A.F. o “pidaf”.
Sa loob ng ilang taong nagdaan, ang PDAF ng bawat konggresman ay nasa 70 Milyong Piso taun-taon. Malaki pa ang taunang budget ng isang munisipyong katulad ng Sofronio Espanola at Jose Rizal ng Palawan. Kung ikakalat sa buong congressional district, ito ay maliit at hindi halos mararamdaman. Ang ating distrito ay sumasaklaw sa Puerto Princesa City at walong munisipyo.
Lalong maliit ang 70 Milyon kung ihahambing sa taunang budget ng Pamahalaang Panlalawigan, na sa loob ng nagdaang ilang taon ay hindi na bumababa sa Isang Bilyong Piso. Sa taong ito, ang budget ng Pamahalaang Panlalawigan ay tila nasa 1.4 Bilyon Pesos.
Bukod pa rito, ang 70 Milyon Pesos na PDAF ng bawat konggresman ay hindi rin dumadaan sa aming mga kamay. Ang karapatan lamang dito ng konggresman ay sumulat sa Department of Budget Management, sa pamamagitan ng Appropirations Committee, upang sabihin kung anong mga proyekto at programa ang nais niyang paglaanan nito, at kung aling ahensiya ng gobyerno ang nais niyang magpatupad sa proyekto o programa niyang iyon. Wala kaming sariling burukrasyang maaaring direktang magsagawa ng proyekto o programa; at wala rin kaming kakayahang tiyakin talaga na maayos ang pagsagawa sa proyekto o programang pinondohan mula sa PDAF.
Sinasabi ko lamang po ito upang bigyang diin ang katotohanang hindi sinlaki ng akala ng marami ang kapangyarihan ng isang konggresman; at kung mayroon mang mga konggresmang makapangyarihan o mayaman ang dating, hindi yon nagmula sa pagiging kongressman lamang kundi, marahil, sa ibang aspeto ng kanilang sariling pagkatao at kalagayan sa buhay.
Hindi ang kongresman ang boss ng District Engineer ng DPWH o ng Division Superintendent ng DepEd; at kung mangyaring nagkaganoon ay mayroong paglabag sa prinsipyo ng “separation of powers” ng ating Saligang Batas; mayroong “maling paggamit”, mayroong “pag-abuso” sa kapangyarihan.
Madalas po kasi, ang pinag-uugatang sanhi ng pag-abuso sa kapangyarihan, ang pinagmumulan ng katiwalian, ay ang maling pananaw sa kung ano ang totoong sinasaklaw ng partikular na katungkulan. Minsan, kulang; ngunit, madalas, lumalabis. Walang katiwalian kung tamang-tama lamang ang ating pag-unawa sa ating tungkulin at sa hangganan ng ating kapangyarihan.
Sa bahagi ng isang pulitiko, laging malakas ang tukso na patulan ang paghangad ng maraming manghahalal na ang kanilang ibinotong konggresman o gobernador ay maging puntahan sa oras ng personal na pangangailangan. Sa kabilang dako, ang pondo ng pamahalaan ay hindi naman talaga nakalaan sa pagtugon sa mga personal na pangangailangan; mahigpit ang mga batas na nagsasabing para lamang sa “public purpose”, sa kabutihang panlahat, ang perang nagmula sa buwis nating mga mamamayan. Kaya nga kung ang pondo ng gobyerno ay gagamitin sa pribado o personal na kapakanan ng kung sino, malamang ay may paglabag sa batas-kriminal o sa ating anti-graft and corrupt practices act. Magsasagawa ng cash advance at dodoktorin na lamang ang liquidation voucher. Magsisinungaling sa mga opisyal na dokumento.
Kung minsan, ang ginagamit ay hindi direktang pondo ng gobyerno, kundi perang nagmula sa kontratista o supplier na nabigyan ng pabor at kumita sa kanilang transaksyon sa gobyerno. Ito po ang kickback, komisyon; sa salitang-kalye, ang tawag ay “tongpats” at kung minsan ay “s.o.p.”—standard operating procedure—ibig sabihin, ito ang “kalakaran”. Katiwalian po ito sapagkat sa ilalim ng ating anti-graft and corrupt practices law, pinarurusahan ang sinumang opisyal ng pamahalaang tumanggap ng anumang regalo mula sa sinumang may transaksyon sa tanggapan ng opisyal na iyon. At ang pagbawal na ito sa batas ay makatuwiran sapagkat, kung papayagang tumanggap ng regalo ang ating mga opisyal, hindi malaon at malamang na ang magiging motibasyon sa pagtupad sa tungkulin ay hindi na dahil iyon ang kanyang tungkulin kundi ang regalo o pabuya na aasahan na niyang matatanggap. Paano naman ang hindi makapagbigay ng regalo?
Noon pong ako ay mahalal na konggresman, narinig ko rin na kalakaran daw na tumanggap ng s.o.p. ang konggresman mula sa mga kontratista ng mga proyekto ng pamahalaang nasyonal sa kanyang distrito. Sabi ng ilang kaibigan ko, kung hindi ko kukunin ang bahagi para sa konggresman, baka mapunta lang sa ibang tao. Sabi ko naman, kung mayroong gagawa ng katiwalian, siya ang pangunahing may problema o pasanin; at kung hindi natin kayang pigilin ang kalakaran sa pangkalahatan, maaari pa rin akong tumanggi pagdating sa aking sarili.
Ako po ay nasa unang termino ng panunungkulan bilang konggresman, maaaring ito rin ang aking huling termino (walang nakatitiyak sa hinaharap), at anupaman po ang isumbat sa marami kong mga depekto, maaasahan pa rin ninyo na ang inyong kinatawan ay hindi tumatanggap ng s.o.p., komisyon, kickback, tongpats, o anupaman ang maaaring itawag dito.
Ang kultura ng katiwalian ay isa sa pinakamalaking sanhi ng karalitaan ng ating bansa. Marahil, hindi malayo sa katotohanan ang sabihing halos kalahati ng budget ng ating pamahalaan ay napupunta sa katiwalian, sa halip na maayos na mga kalsada at pasilidad na pampubliko, tulong sa kabuhayan ng mga maralita, maayos na serbisyo ng mga ospital ng pamahalaan, at iba pa. Hanggang ngayon, sa maraming barangay sa ating lalawigan, ang pinagkukunan ng tubig ng mga mamamayan ay balon pa rin, parang nasa panahon pa rin nina Abraham at Isaac. May namamatay sa sakit na nagmula sa hindi malinis na tubig. At dahil halos walang maintenance ang ating provincial roads, kailangang maglakad ng sampung kilometro palabas ng barangay bago pa makakita ng sasakyang pampasahero; walang sasakyang makapasok dahil sira ang kalsada; hindi madala ang produkto mula sa sakahan papunta sa merkado.
Sa ating Hukbong Sandatahan, ang resulta ng kultura ng katiwalian ay kakulangan sa kagamitan, maaaring mauwi sa kamatayan ng ating mga kawal at pagkatalo sa digmaan.
Ito ang krisis ng ating bansa sa ating panahon. Kailangang matigil na ang kultura ng katiwalian sa ating pamahalaan. Hindi tayo aasenso habang hindi ito nawawala. Salamat na lang at marami na ring kumikilos na maituwid ang mga baluktot na landas sa mga kalakaran ng ating pamahalaan. Nagsisimula ito sa pagmulat ng kaisipan, sa paghubog ng ating kabataan.
Sana nga ay magpatuloy ang pagkilos na ito; kahit na, paminsan-minsan, may dalang kapaitan sa mga iskandalo at palitan ng mga akusasyon sa mga pahayagan at hukuman. Lahat po tayo ay may maitutulong sa pagsasakatuparan, sa paglikha ng “daang matuwid”, kahit dito na lang sa ating kinalalagyan. Kongkretuhin ang Daang Matuwid sa Sur! Kongkretuhin natin ang daang matuwid sa Palawan
Maraming salamat po at magandang araw sa inyong lahat.
O.C.P.A.J.P.M.