Mga casimanua,
Dague endong malesed nga bogtetenae, si Dennis Socrates, haga paabot y Happy New Year greetings canendong tanan.
Sa pagsalubong natin sa taong 2012, payagan po ninyo akong maghayag ng mga new year’s wishes para sa ating lalawigan:
Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami nating mga kababayang may inaasahan tayong Recall Election patungkol sa gobernador ng ating lalawigan. Ito po ay bunsod ng petisyong inihain ng Citizens’ Recall Volunteers at Kilusang Love Malampaya ni Ginoong Cesar Rodriguez Ventura. Sana po ay mabigyang daan ang kahilingan nilang ito sapagkat ito ay karapatan din naman sa ilalim ng batas, matupad lamang ang mga kondisyong nakasaad sa Local Government Code na, sa aking pagkaalam, talagang tiniyak naman ng mga naghain ng petisyon.
Bukod sa ito ay karapatan nating mga mamamayan sa ilalim ng batas, ang Recall Election ay isang pagkakataon upang palitan ang isang lokal na opisyal, nang hindi na hintayin pang matapos ang tatlong taong termino, sapagkat bawat taong lumilipas ay malaking kawalan kapag ang opisyal na tinutukoy ay korap o walang kakayahang gampanan ang kanyang tungkulin.
Kung tutuusin nga, taun-taon, mahigit isang bilyong piso ang budget ng pamahalaang panlalawigan, at mahigit isanlibong tao ang empleyado nito, na dapat talagang panghinayangan kung pamumunuan ng isang gobernador na trapo, na ang napakababaw na pananaw sa kanyang tungkulin ay umikot lang nang umikot, mag-basketbol at mambola sa mga barangay, mamigay ng mga lapis at notebook sa ilang mag-aaral sa elementarya, gamit ang pera ng pamahalaang panlalawigan. Talagang hindi uunlad ang Palawan kung ganito ang pag-iisip ng ating pamunuan.
Nasubukan na natin ang ating gobernador. Sa siyam na taong pagiging congressman ng ikalawang distrito, walang sinabi man lamang na may laman. Hindi rin masasabing napaangat niya ang buhay ng mga taga-Sur. Inangkin nga niya bilang “kanyang” mga proyekto ang lahat ng ginawang kalsada sa Sur, lahat may karatula niya, lumalabas naman ngayong katatapos-tapos pa lamang ay sira-sira na kaagad (kailangan ipaliwanag ito ng ating gobernador). At kung hindi siya mapalitan sa pamamagitan ng inaasahang Recall Election, siyam na taon na naman tayong walang aasahan mula sa pamahalaang panlalawigan.
Kailangan natin, sa lalong madaling panahon, ang isang gobernador na may malinaw na pangitain, may pangarap para sa Palawan, at may kakayahang isakatuparan iyon.
Ito rin ang dahilan kung bakit ako bumalik sa pulitika noong halalang 2010, bilang suporta sa kandidatura ni Manong Pepito Alvarez para gobernador, sapagkat mayroon siyang mensahe ng pagbabago sa kaunlaran, at alam kong may kakayahan siyang pamunuan at pagalawin nang tama ang pamahalaang panlalawigan.
Hindi tayo pinalad na manalong gobernador si Manong Pepito Alvarez noong 2010, at isang malaking sanhi nito ang propagandang hindi raw siya taga-Palawan. Ngunit sino nga ba ang tunay na taga-Palawan? Ang Mitra ay hindi naman katutubong taga-Palawan. Si Baham hindi naman ipinanganak sa Palawan, hindi lumaki sa Palawan, hindi nag-aral sa Palawan, umangkin lang na siya ay Palaweño para kumandidato.
Aco Cuyunon, aqueng tatay Cuyunon, aqueng nanay Cuyunon, aco yng bata sa Cuyo, ag colay aco sa Cuyo, ag adal sa Puerto, aqueng mga bata tanan ag aradal sa PSU. Ngunit hindi ito ang tamang batayan ng pagpili ng ating mga halal na pinuno. Kung mayroong Tsino, Amerikano, Hapon, Kastila, Ilokano, Cebuano, Ilonggo, Tagalog, o anupamang lahing kandidatong may higit na magandang pangitain para sa Palawan at kakayahang isakatuparan iyon, siya ang dapat mahalal. Sa kabilang dako, gaano man ka-Cuyunon ang isang pulitiko, kung siya ay trapo o korap o walang kakayahang mamuno, hindi siya dapat maupo nang kahit sandali sa katungkulan.
Nagkamali tayo sa nahalal na gobernador noong halalang 2010. Ang Recall Election ay isang natatanging paraan at pagkakataon upang iwasto ang pagkakamaling iyon.
Huling-huli na tayo sa ibang lalawigan at lugar. Sana nga ay maging simula ng pag-angat ng Palawan ang pagpasok ng bagong taon. Samahan po ninyo ako sa aking New Year’s wishes na ito. Kasama rin po kayo sa aking mga panalangin.
Isang pinagpalang Kapaskuhan at Bagong Taon, at all the best po sa inyong lahat!