Sunday, July 12, 2009

MORALIDAD

Sa mga panahong ito, at marahil hindi nawawala sa anumang panahon, ika nga’y laging napapanahon, madalas marinig ang katagang “moralidad”. Mayroong nananawagang magkaroon ng “moral third force” sa pulitika, lagi ring may nananawagang magkaroon ng “moral recovery”. Mabuti ring suriin ang kahulugan ng moralidad.


Ang katagang “moralidad”, morality sa Ingles, ay nagmumula sa wikang Latin, sa katagang mosmores), na ang ibig sabihin “mabuting pag-uugali”, good customs. Ito ay katumbas ng katagang “Ethics” (mula sa Griyego, ethos), at ang tinutukoy ay ang pag-aaral tungkol sa pagiging mabuti o masama ng ating mga gawa bilang tao, ang ating mga gawang kinasasangkutan ng pag-iisip at kakayahang pumili. (pangmarami,


Ang pagiging mabuti o masama, ang moralidad ng ating mga gawa, ay mayroong obhetibong batayan—obhetibo (mula sa Latin, ob-, “sa harap”, at –jectum, “itinapon”) dahil ito ay batayang nasa labas natin—at mayroon ding subhetibong batayan—subhetibo (mula sa sub-, at –jectum, “itinapon sa ilalim”) dahil nagmumula sa ating kalooban.


Ang obhetibong batayan ng pagiging mabuti o masama ng ating mga gawa bilang tao ay ang mga kautusan ng Batas Kalikasang Moral (natural moral law). Ito ay mga kautusang mula sa ating Lumikha, kalakip ng ating tunay na kalikasan bilang tao; dapat sana ay nakikita natin sa pamamagitan ng ating kakayahang unawain ang katotohanan o mangatuwiran ngunit dahil sa ating pagiging sugatan, dahil sa ating kahinaan, madalas ay mahirap nating makita.


Halimbawa ng mga obhetibong kautusang ito ang Huwag Tayong Magnakaw. Ito ay obhetibo—nasa labas natin—sapagkat hindi man natin alam, sang-ayon man tayo o hindi, masama ang magnakaw. Ito ay kautusang nagmumula sa likas na karapatan ng bawat tao, ng ating kapwa, na magkaroon ng sariling ari-arian; makatuwiran sapagkat ang karapatang magkaroon ng sariling ari-arian ay kailangan ng kalayaan. Hindi maaaring maging malaya ang tao kung iaasa niya sa awa o pagiging bukas-palad ng kapwa o ng pamahalaan ang kanyang mga pansariling pangangailangan.


Sa kabilang dako, ang subhetibong batayan ng pagiging mabuti o masama ng ating mga gawa ay ang ating Kunsiyensiya, ang paghusga ng ating pag-iisip tungkol sa kabutihan o kasamaan ng ating gawa. Hindi nga naman tayo maaaring maging kasisi-sisi kung, bagamat masama ang ating gawa, hindi natin alam na iyon nga ay masama. Dahil dito, walang kasalanan ang mga walang-isip at ang mga maysakit sa utak. Ganunpaman, may obligasyon ang bawat tao, sa abot ng makakaya, na hubugin ang kanyang kunsiyensiya dahil, maaari ngang hindi siya kasisi-sisi kung hindi niya alam na masama ang kanyang gawa, ngunit masasaktan o mapipinsala pa rin siya dahil sa obhetibong pagiging mali nito. Hindi nga kasisi-sisi ang isang walang-isip sa pag-inom niya ng lason, ngunit malalason pa rin siya, mamamatay pa rin.


Madalas, gumagawa ang tao ng labag sa moralidad hindi dahil sa hindi niya alam ang mabuti at masama, ang tama at mali, kundi dahil sa katigasan ng pusong ayaw tanggapin ang katotohanang mayroong mga obhetibong panuntunang dapat tayong sundan. Ito ay isang pagpipilit na tao ang may kalayaan o kapangyarihang magpasya kung ano ang mabuti at masama. Ito rin ang naging tuksong inihain ng ahas at ikinahulog nina Adan at Eba, ang kagustuhang maging “parang Diyos, na Siyang nakakaalam ng mabuti at masama” (Gen 3:5). Ang turo ni Papa Juan Pablo II:


“Nakasulat sa aklat ng Genesis: 'Sinabi ng Diyos sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakanin ang bungang iyon; mamamatay ka kapag kumain ka niyon.”’ (Gen 2:16-17)….Sa ganitong paglalarawan, itinuturo ng ating pananampalataya na ang kapangyarihang magpasya tungkol sa kung ano ang mabuti at masama ay hindi sa tao kundi sa Diyos lamang. Malaya nga ang tao, sapagkat may kakayahan siyang unawain at tanggapin ang mga kautusan ng Diyos. At malawak din ang kalayaang ito ng tao sapagkat maaari niyang kanin ang “alinmang bungangkahoy sa halamanan”. Ngunit ang kalayaang ito ay may hangganan: kailangang tumigil sa “punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama”, sapagkat kailangang tanggapin ng tao ang batas-moral na mula sa Diyos. Sa katunayan, ang kalayaan ng tao ay nagiging ganap lamang sa mismong pagtanggap ng batas-moral na ito. Diyos lamang, Kabutihan mismo, ang ganap na nakakaalam kung ano ang mabuti para sa tao, at dahil sa pag-ibig ay Kanyang ipinaaalam ito sa tao…Ang mga kautusan ng Diyos ay hindi bumabawas kundi nagbibigay ng proteksyon at nagpapalago sa kalayaan ng tao.’ (Veritatis Splendor, No. 35; Tagalog translation ours)


Upang marating ang huli nating dapat kahantungan, pagiging kaisa ng Diyos sa kaligayahang walang-hanggan, kailangang mamuhay tayo ayon sa moralidad, ayon sa tama at mabuting pagkilos bilang tao, kailangan nating magpakatao. Ang mga kautusan ng batas-kalikasang moral ay hindi mga pabigat kundi gabay tungo sa ating tunay na kaligayahan. Huwag tayong magsawa sa pagsisikap na mamuhay ayon dito sa lahat ng pangyayari ng pang-araw-araw na buhay.


O.C.P.A.J.P.M.