Sunday, June 22, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 27

SA PAGITAN NG PULITIKO AT NG BURUKRASYA

Iba-iba ang mga gawain sa pamahalaan.  Magkakaiba ang gawain ng mga pulitiko, ayon sa pulitikal na tungkuling hinahawakan; iba pa rin ang gawain ng mga pulitiko sa gawain ng hanay ng mga propesyonal na permanenteng kawaning masasabing bumubuo ng burukrasya; ngunit sa huli, ang resultang gawa ay pagkilos ng pamahalaan sa kanyang kabuuan bilang institusyon.  Hindi maaaring angkinin ng iisang tao ang papuri, kung naging mabuti ang resulta; at hindi rin maaaring ibunton sa kung sinong indibidwal ang lahat ng sisi, kung hindi mabuti.  Ganunpaman, hindi rin maiaalis na maghanap ang sambayanan ng “personalidad” na pagpapanagutin sa ganoong pagkakataon, sapagkat ang pananagutan—responsibility o liability—ay maaari lamang magmula sa malayang pagpili, at ang pagpili ay isang personal na akto.

Ang ganitong pananagutan ng kawani ng pamahalaan, kasali ang mga pulitiko, ay maaaring pumasok sa isa sa tatlong uri, o sa anumang kumbinasyon ng mga ito, sa ating sistema ng batas:  una, pananagutang kriminal, kapag may paglabag sa batas na nagpapataw ng parusa (madalas may pagkulong); pangalawa, pananagutang sibil, tumutukoy sa pagbalik o pagbayad ng salapi o ari-arian; at, pangatlo, pananagutang administratibo, kapag may paglabag sa moralidad o pagsuway sa utos ng nakatataas na maykapangyarihan (may krimen man o wala), na maaaring patawan ng parusa mula sa simpleng pagsabon (reprimand), pagsuspindi sa loob ng kung anong itakdang panahon, hanggang sa pinakamataas na parusang pagtanggal mula sa tungkulin (dismissal). 

Lahat ng tauhan ng pamahalaan, pulitiko man o permanenteng kawani ng burukrasya, ay maaaring pagpanagutin sa anumang personal na aktong maaaring paksain ng usaping kriminal, sibil o administratibo.  Ganunpaman, sa pagkilos ng pamahalaan bilang institusyon, may mga pagkakataong walang personal na akto ninuman ang maaaring maging batayan ng pananagutang kriminal, sibil o administratibo. 

Halimbawa nito, marahil, ang trahedya ng hostage crisis sa Luneta noong Agosto 23, taong 2010, na kinamatayan ng walong turistang taga-Hong Kong, at ng mismong dating pulis na nang-hostage sa kanila.  Ganundin, sa pananaw ng ilan, ang naantalang pagtugon at mabagal na pagpapanumbalik ng kaayusan sa Tacloban pagkatapos ng super-typhoon Yolanda noong Nobyembre ng 2013.  Isali na rin natin dito ang pagbagsak ng ekonomiya, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at iba pang maaaring mangyaring malamang na hindi maaaring isisi sa personal na akto ng sinumang indibidwal sa pamahalaan.

Sa ganitong mga pagkakataon, at kung maghahanap ng masisisi ang sambayanan, walang ibang maaaring pagpanagutin kundi ang pulitiko o mga pulitikong nanunungkulan, at ito ay sa pamamagitan lamang ng hindi pagboto sa kanila sa kasunod na halalan.  Makatarungan din ito, lalo na kung mangyari sa partidong nasa kapangyarihan, sapagkat sa kahulihulihan, sa sistema ng ating demokrasya, kursunada rin lang ang batayan ng pagboto ng manghahalal.  Sa madaling salita, ang pagboto sa kung sinong kandidato ay isa ring “political decision”, sa bahagi ng indibidwal na mamamayan.

Isang pagpapapino sa kaisipang ito ang pagkakaroon ng kadre ng mga propesyonal na kawaning, bagamat may mataas na pinag-aralan at kasanayan sa kani-kanyang gawain, ay hindi rin permanenteng bahagi ng burukrasya kundi nanunungkulan lamang na kasabay ng pulitikong nagtalaga sa kanila, o habang may tiwala ng pulitikong iyon.  Kasama sa hanay na ito ang mga cabinet secretaries, sa pamahalaang nasyonal, at mga co-terminous na puno ng tanggapan sa mga pamahalaang lokal; halimbawa, ang administrator at ang legal officer ng pamahalaang panlalawigan. 

Dahil hinahanapan ng mataas na kahusayan, kailangang kilatisin din at sang-ayunan ng mga pulitikong nasa sangay ng lehislatura ang pagtalaga sa cabinet secretaries ng Punong Ehekutibo.  Ngunit dahil sila ay mistulang pagpapalawak lamang—extension—ng personalidad ng pulitikong nagtalaga sa kanila, hindi sila permanente sa katungkulan. 

Wala mang alam sa pagsasaka ang isang Pangulo, maaari naman siyang umasa sa kanyang itinalagang Kalihim sa Department of Agriculture.  Maaari ngang sisihin ang isang Pangulo kapag bumagsak ang suplay ng pagkain sa bansa, hindi dahil sa kawalan niya ng kaalaman sa agrikultura, kundi sa pagpili ng kanyang Kalihim.

Mahirap maghanap ng mga ekspertong papayag na maglingkod sa pamahalaan sa ganitong mala-pulitikal na mga katungkulan, sa isang maliit na hanay na nasa pagitan ng pulitiko at ng burukrasya; mga dalubhasa sa kani-kanyang propesyon, ngunit walang seguridad sa panunungkulan.  Hindi sila tatagal nang higit sa tatlo, o anim na taong termino, ng pulitikong lokal o nasyunal, na nagtalaga sa kanila.  Ito ay realidad na dapat isaalang-alang sa pag-unawa at pagkilatis sa pagkilos ng pamahalaan.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Wednesday, June 11, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 26

BURUKRASYA AT PROPESYONALISMO

Sa pagpapanibago ng ating kultura sa pulitika, isa marahil sa mga pagwawastong dapat mangyari ang pagkilala sa pagkakaiba-iba ng mga gawain sa pamahalaan.  At bukod sa pagkakaiba ng gawain ng mga pulitiko—iba ang gawain ng mga mambabatas at iba rin ang gawain ng isang punong ehekutibo—may higit na malaki pang pagkakaiba ang gawain ng mga nasa “burukrasya” kung ihahambing sa gawain ng mga pulitiko.  Kung ang hanay ng mga pulitiko ay para sa mga “political decisions”, ang burukrasya ay para naman sa mga “regular” na gawa ng pamahalaan, na madalas ay may pagka-teknikal.

Mainam na pag-usapan ang pagkakaibang ito sapagkat tila may kalituhang namamayani sa maraming pagkakataon.  Kung minsan, inaako ng pulitiko ang dapat na nakasalalay sa burukrasya; at madalas, dahil dito, nai-aasa ng madla sa pulitiko—nagiging “political”—ang mga serbisyong regular na dapat magmula sa burukrasya at hindi sana kailangang dumaan sa pulitiko.  Bakit nga naman kailangang humabol-habol, lumuhod, at magmakaawa sa harapan ng pulitiko kung ang pangangailangan ay dapat na regular na tinutugunan ng DSWD o ng mga ospital ng pamahalaan?  Paano naman ang mamamayang maituturing na “kalaban” sa pulitika o nasa kontra-partido ng pulitikong nanunungkulan?  Ito nga sana ang uri ng mga gawaing nakasalalay sa burukrasya.

Ang bureacracy, katagang Ingles, ay mula sa bureau ng wikang Pranses, ibig sabihin, “mesang sulatan,” desk sa Ingles, at sa katagang kratos ng wikang Griyego, ibig sabihin, “kapangyarihan” o “pamamahala”.  Sa madaling salita, ang “burukrasya” ay ang “pamamahala ng mga mesang sulatan”, larawan ng mga regular o permanenteng kawaning nakaupo sa kani-kanyang desk, na may kasanayan sa kanyang natatanging gawain.  Masasabi rin nating “propesyonal” ang mga ito dahil sa mataas na antas ng kasanayan o edukasyong hinahanap bilang kwalipikasyon, at dahil din sa pagiging regular o permanente ng kanilang pagkakatalaga sa tungkulin.

Isa sa mga nagpalaganap ng pag-uusap tungkol sa burukrasya ang naging tanyag na sociologist na Aleman na si Max Weber (nabuhay noong 1864 hanggang 1920).  Bukod sa pagiging mga permanenteng kawaning may mataas na mga kasanayan (ito ang buod ng konsepto ng pagiging propesyonal), ang pagiging organisado sa loob ng istrukturang may mga baitang ng kapangyarihan (hierarchical) ay isa rin sa mga katangian ng burukrasyang itinuturing ni Weber na tanda ng pag-unlad ng sistema ng pamahalaan, bunsod ng paglawak ng mga nasasakupan at pagsalimuot ng mga lipunan.

Sa kabilang dako, hindi maaaring hindi banggitin ang ilang pinakamahalagang puna laban sa burukrasya o sa labis na paglakas ng burukrasya—bureaucratization—sa pamahalaan.  Una rito ang pagiging hindi-halal ng mga napapabilang dito (at dahil dito, hindi sensitibo sa kalooban ng madla); at ikalawa ang malamang na posibilidad na mauwi sa pagiging mistulang makina, hindi na makataong pagkilos, ng pamahalaan, na maaaring pagmulan ng hindi makatarungang resulta. 

Hindi nga naman maaaring maging halal ang mga kawaning napapabilang sa burukrasya sapagkat kailangang sila ay permanente sa katungkulan kung hahanapan ng mataas na antas ng kasanayan o edukasyon.  Ipinagpapalagay dito na ang isang taong may mataas na pinag-aralan ay naghahanap ng permanenteng pagkakatalaga sa katungkulan, na kung hindi niya makukuha sa loob ng pamahalaan ay malamang na makukuha niya sa labas.  At hindi maaaring hanapan ng mataas na pinag-aralan ang mga halal na opisyal dahil malamang na walang kandidatong papasa.  Kung mataas na pinag-aralan ang hinahanap, dapat permanente ang pagkakatalaga.  Kung “madaling palitan” ang kailangan, hindi maaaring hanapan ng mataas na pinag-aralan.  Nakakatulong lang, ngunit hindi talaga kailangan, kung may teknikal ding kaalaman ang pulitiko.

Sa kabilang dako, hindi rin katanggap-tanggap na ang pagkilos ng pamahalaan, sa kanyang kabuuan, ay maging mistulang pagkilos ng isang makina.  Kailangang maging sensitibo ang pamahalaan sa kalooban ng nakararaming mga mamamayan.  Dahil dito, kailangan ang mga pulitiko.  Ipinagpapalagay na sensitibo ang mga pulitiko sa kalooban ng madla dahil maaari silang palitan sa kasunod na halalan.  Hindi rin nawawala ang maya’t-mayang mga pagpapasyang hindi nakabatay sa teknikal na kaalaman (ni sa legalidad, ni sa moralidad), kundi sa kursunada lamang ng nagpapasya:  ang tinutukoy na “political decisions”.

May wastong pagkakatimbang sa pagtatalaban ng pagkilos ng mga pulitiko at ng hanay ng burukrasya sa pamahalaan; mahirap nga lamang hanapin ang puntong ito.  Sa katunayan, walang katapusan ang pagsasa-tono o fine-tuning na kinakailangan, nakasalalay din sa madla at sa mismong mga pulitiko at kawani ng burukrasya.  Dapat itong magsimula sa pagkilala ng pagkakaiba-iba ng mga gawain kung magiging pasulong, at hindi paurong, ang pagbabago sa ating kulturang pampulitika. 

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.