Sunday, May 18, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 25

WALANG PERSONALAN

“Walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak”.  Ito ang isa sa pinakamalakas na umalingawngaw na linya mula sa Inaugural Speech ni Pangulong Erap Estrada noong June 30, 1998.  Katulad din ng “walang wang-wang” ni Pangulong Noynoy Aquino noong 2010, tumagos at tumalab sa kalooban ng marami sapagkat tumama sa isang malaking bahagi ng karanasan sa ating tradisyunal na pulitika. 

“Walang kaibigan, walang kumpare, walang kamag-anak”.  Bagamat naiiba nang kaunti ang konteksto ng talumpati ni Pangulong Erap, masasabi pa ring tumutugon ang linyang ito sa isa sa maituturing na sakit ng pulitikang trapo: ang “personalismo”, o ang labis na pamamayani ng indibidwal na pagkatao sa pagkilos ng pamahalaan.  Parang sinabi na rin ni Pangulong Erap na “Trabaho lang, walang personalan”.

Kapag pinag-uusapan nga naman ang pagkilos ng pamahalaan, alam din ng lahat na batas, hindi personalidad ng kung sino, ang dapat na maging batayan.  Ours is a government of laws, not of men.  Hindi mahalaga kung sino ang kaharap kundi ano ang nararapat, ano ang makatarungan ayon sa batas.  Ito rin ang dahilan kung bakit ang pandaigdig na sagisag ng katarungan ay babaeng nakapiring.  Hindi siya maaaring tumingin sa pagkatao ng indibidwal na kaharap.

Alam din ng lahat na walang-personalan dapat ang pagkilos ng pamahalaan; ganunpaman, sa maraming pagkakataon, namamayani pa rin ang personalismo:  naibibigay o naipagkakait ang biyaya o parusa depende sa kung sino ang nakaupo sa puwesto at sa kung sino ang kaharap; lumalabas na parang sa indibidwal na pagkatao ng pulitiko nagmumula at sa indibidwal na pagkatao ng kaharap nakapatungkol ang pagkilos ng pamahalaan.  Sa katunayan, maliban sa paminsan-minsang political decisions, hindi ang indibidwal na pagkatao ng pulitiko ang pinagmumulan o ang kumikilos kundi ang pamahalaan sa kanyang kabuuan bilang institusyon.  Walang matatawag na kaibigan, kumpare, o kamag-anak ang pamahalaan. 

Sakit nga ng tradisyunal na pulitika ang personalismo sapagkat hindi nararapat sa ating sistema ng batas.  At namamayani nga ang personalismo sapagkat, sa maraming pagkakataon—at sa pananaw din ng marami—kailangang maging malapit sa indibidwal na pulitiko—bilang kamag-anak, kumpare, o kaibigan—upang makatamasa ng biyaya mula sa pamahalaan; at sa pagbaligtad ng punto de vista, ang indibidwal na pulitiko ang pinagmumulan ng biyaya at ito ay dapat tanawing personal na utang na loob ng mamamayang nabiyayaan.

Sa karaniwan o pang-araw-araw na pagkilos ng pamahalaan, halos hindi nasasangkot at hindi dapat masangkot ang indibidwal na pagkatao ng pulitiko.  Hindi siya ang pumipili ng kontratistang magsasagawa ng proyekto:  may proseso ng pagpili ayon sa batas, sa pamamagitan ng competitive bidding.  Malamang ay hindi rin siya ang nag-disenyo ng silid-paaralan, lalo na kung ihahalimbawa natin ang isang konggresman na ang kwalipikasyon lamang sa Saligang Batas ay pagiging natural-born citizen, hindi bababa sa dalawampu’t-limang taong gulang, at marunong bumasa at sumulat (Sec. 6, Art. VI). 

Hindi nga indibidwal na pagkatao ng pulitiko ang pinagmumulan o ang kumikilos kundi ang pamahalaan sa kanyang kabuuan bilang institusyon.  Dahil dito, ang kabaligtaran ng personalismo, na dapat na maging kalakaran o pinatutunguhan ng ating kulturang pampulitika, ay matatawag na “institusyonalisasyon”, ibig sabihin, pagpapalakas at pagpapatatag sa pamahalaan bilang institusyon, sa halip na nagiging parang pinalawak lamang na personalidad ng pulitiko.

Hindi malinaw ang etimolohiya ng katagang Ingles na institution; ganunpaman, masasabi natin marahil na may kaugnayan ito sa ens, katagang Latin, na ibig sabihin, “bagay na umiiral,” entity sa wikang Ingles.  Sa madaling salita, ang isang “institusyon” ay kalipunang may sariling katalagahan, may pag-iral na maibubukod o maitatangi sa mga personalidad na bumubuo nito.  Maaari rin sanang tawaging separate personality kung hindi natin kailangang iwasan ang katagang “personalidad” upang hindi magkalituhan; sapagkat sa kontekstong ito, “personalismo” ang sakit na kalaban ng “institusyonalisasyon”.

Hindi naman masama ang “personalan”; sa katunayan, napakahalaga nito sa maraming larangan ng buhay ng tao:  sa ating pakikitungo sa mga kapamilya, pakikipagkaibigan, at higit sa lahat, sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.  Ganunpaman, hindi ito nararapat sa pagkilos ng pamahalaan. 

Hindi kailangan ang maging kaibigan, kumpare, o kamag-anak ng pulitikong namumuno upang matamasa ang nararapat mula sa pamahalaan.  Kung ito ang naging mensahe sa Inaugural Address ni Pangulong Erap noong 1998, tila ang hindi pagkakasakatuparan nito ang isa sa mga naging dahilan ng pagkakapababa sa kanya mula sa pagka-Pangulo noong Edsa Dos sa pagsimula ng taong 2001.

Hanggang dito na lamang po pansamantala; hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.

Saturday, May 3, 2014

MGA TITIK UKOL SA PULITIKA 24

PAG-IBIG SA KATOTOHANAN, PAG-IBIG SA BAYAN

Tuwing Mahal na Araw, Semana Santa sa EspaƱol, Holy Week sa Ingles,  dalawang beses na binabasa sa liturhiya ang Pasyon, o ang pagpapakasakit hanggang kamatayan sa Krus ng ating Panginoong Hesus:  una, sa araw ng Linggo ng mga Palaspas, Palm Sunday (tinatawag din itong Passion Sunday), mula sa ebanghelyo ni Mateo, Marcos o Lucas (naghahalinhan ang tatlong ito sa bawat taon); at, ikalawa, sa araw ng Biyernes Santo, mula naman sa ebanghelyo ni San Juan.  Laging mula sa ebanghelyo ni San Juan tuwing Biyernes Santo.  Sa  ebanghelyo ni San Juan matatagpuan ang pinakakilalang linyang nagmula sa bibig ni Poncio Pilato: “Ano ang katotohanan?” (Jn 18:38), What is truth?; at sa Latin, <Quid est veritas?>.

Hindi binigyan ni Pilato ng pagkakataon si Hesus—ang Karunungan ng Diyos—na sagutin ang tanong.  Si Pilato ay agad na lumabas at humarap sa mga Hudyo; halatang walang totoong pagnanasang marinig ang sagot.  Ganunpaman, masasabi nating katotohanan ang katalagahan ng isang bagay (sa kahulihulihan, kung ano talaga iyon sa mata ng Diyos).  Katotohanan din ang tawag sa pagkakatugma ng ating nalalaman at ng katalagahan ng isang bagay; ganundin ang pagkakatugma ng ating nalalaman o nasasaloob at ng ating sinasabi.

Mahalaga ang pagsabi ng totoo, hindi lamang ang pagiging tapat sa sarili kundi ganundin sa ating pakikipagkapwa, sa buhay-lipunan.  Likas nga namang “katotohanan” ang obheto o pinatutunguhan ng ating mga pag-iisip. 

Ang pag-iisip ng tao ay likas na nakatakda sa pag-unawa ng totoo; hindi ng kung-anuanong kasinungalingan o kabalbalan.  Kaya nga masasabing kautusan ng Batas Kalikasang Moral ang huwag nating pagsinungalingan ang ating kapwa—nasa Ikawalong Utos din ito ng Dekalogo, Thou shalt not bear false witness against thy neighbor—dahil likas na karapatan ng bawat tao ang hindi mapaglakuan ng kasinungalingan.

Mabuti rin marahil na sabihing ang tungkuling maging totoo, magsabi ng totoo sa kapwa, ay nakabatay sa karapatan niyang malaman ang katotohanan.  Ibig sabihin nito, may mga pagkakataong hindi dapat isiwalat ang katotohanan:  maaaring dahil napakamura pa ng isip ng mga makikinig, kaya nga tinututulan ng marami ang pagsasabatas sa RH Law ng  sex education sa mga batang mag-aaral; maaari ring dahil sa malamang na hindi mabuting kahihinatnan, halimbawa ay ang pagbulgar sa kinaroroonan ng isang personalidad na posibleng tambangan at paslangin ng kanyang mga kalaban. 

Halimbawa rin ng pagkakataong may tungkulin tayong huwag ipahayag o isiwalat ang katotohanan ang maaaring maging pagkasira ng puri ng ibang tao nang walang mabigat na kabutihang idudulot.  Ganundin ang mga pagkakataong napasa-atin ang kaalaman dahil sa pangako at tiwalang itatago nating lihim iyon:  Ito ang kalalagayan ng mga Confessor o Padreng nagpakumpisal, at mga abogado, sa mga kasalanan at lihim ng kanilang penitente o kliyente.  Ganunpaman, sa pangkalahatan, kailangan nating maging tapat sa ating kapwa—magkaroon ng birtud, mabuting ugali o kasanayang magsabi ng totoo, honesty o truthfulness sa Ingles.  Hindi maligaya ang buhay ng isang taong kilalang sinungaling.

Sa kanyang huling liham-ensiklikal bilang Santo Papa, inilabas noong taong 2009 at gumugunita sa Populorum Progressio ni Papa Pablo Ikaanim, pinag-usapan ni Papa Benedicto Ikalabing-anim ang pag-ibig na naaayon sa katotohanan, pag-ibig na isinasagawa sa katotohanan.  “Pag-ibig sa Katotohanan”: Ito ang eksaktong kahulugan ng pamagat ng ensiklikal na Caritas in Veritate, wikang Latin, at ang katumbas sa Ingles ay “Love done in truth”.  Maituturing na social encyclical din ang Caritas in Veritate, nagbibigay ng aral tungkol sa buhay-lipunan.

Sa pambungad ng liham-ensiklikal, sinasabi kaagad, “Charity...needs to be understood, confirmed, and practised in the light of truth; ang pag-ibig ay kailangang maunawaan, mapatatag, at maisagawa sa liwanag ng katotohanan (CV, No. 2).  Kung ang pag-ibig sa bayan—social justice o solidarity—ay paglayon sa kabutihang panlahat, dapat nga namang linawin muna kung ano ang tunay na common good.

Mabuti ring namnamin ang sinabi mismo ng Panginoong Hesus: “Katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Jn 8:32), the truth shall set you free; at sa wikang Latin, Veritas liberavit vos.  At siyempre, sinabi rin ni Hesus:  “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” (Jn 14:6), I am the way, the truth and the life; at sa Latin, Ego sum via, et veritas, et vita

Si Kristo ang kaganapan ng Totoo sapagkat Siya ay totoong Diyos; Tunay na Diyos at tunay na Tao.  Sa persona ni Kristo nakabalot ang lahat ng katotohanang kailangan nating malaman upang makamit ang tunay na kaligayahan, dito sa daigdig at sa buhay na walang-hanggan.

Hanggang dito na lamang po pansamantala, hanggang sa susunod, all the best po sa inyong lahat.


O.C.P.A.J.P.M.